Institute
Pambungad sa Materyal ng Titser para sa Kursong Mga Turo at Doktrina ng Aklat ni Mormon (Religion 275)


“Pambungad sa Materyal ng Titser para sa Kursong Mga Turo at Doktrina ng Aklat ni Mormon (Religion 275),” Materyal ng Titser para sa Kursong Mga Turo at Doktrina ng Aklat ni Mormon (2021)

“Pambungad,” Materyal ng Titser para sa Kursong Mga Turo at Doktrina ng Aklat ni Mormon

Pambungad sa Materyal ng Titser para sa Kursong Mga Turo at Doktrina ng Aklat ni Mormon (Religion 275)

Malugod na Pagbati mula sa Kursong Mga Turo at Doktrina ng Aklat ni Mormon! Salamat sa pagtanggap mo sa pagkakataong tulungan ang mga estudyante ng institute na lumapit kay Cristo sa pamamagitan ng pag-aaral ng Aklat ni Mormon. Ang kurikulum na ito ay naglalayong tulungan ka na maging titser na nakatuon kay Cristo at sa mga estudyante.

Ano ang mga layunin ng kursong ito?

Ang Layunin ng Seminaries and Institutes of Religion ay nagsasaad na:

Ang ating layunin ay tulungan ang mga kabataan at young adult na maunawaan ang mga turo at Pagbabayad-sala ni Jesucristo at umasa rito, maging karapat-dapat sa mga pagpapala ng templo, at ihanda ang kanilang sarili, kanilang pamilya, at iba pa para sa buhay na walang hanggan sa piling ng kanilang Ama sa Langit. (Pagtuturo at Pag-aaral ng Ebanghelyo: Isang Hanbuk para sa mga Titser at Lider sa Seminaries and Institutes of Religion [2012], 1)

Ang kursong ito ay naglalayong tulungan ka at ang iyong mga estudyante na maisakatuparan ang Layunin ng Seminaries and Institutes sa pamamagitan ng:

  • Paglikha ng mga karanasan sa pag-aaral na makatutulong sa mga titser at estudyante madama ang pagmamahal ng Ama sa Langit at mapatatag ang kanilang ugnayan sa Kanya.

  • Paglalaan ng mga pagkakataon na mapalakas ang pananampalataya kay Jesucristo at sa Kanyang Pagbabayad-sala.

  • Pagtulong sa mga estudyante na matukoy at maipaliwanag ang natatanging mga turo at doktrina ng Aklat ni Mormon, maisip kung paano nauugnay ang mga turo nito sa kanilang personal na pag-unlad, at matukoy kung paano maipamumuhay ang mga natututuhan nila.

  • Pagpapaibayo ng pagmamahal at paggalang sa klase kung saan inaanyayahan ang mga estudyante na magtanong, magpahayag ng mga alalahanin, at magpatotoo.

Paano binalangkas ang mga materyal na ito?

Ang kursong ito ay hinati sa 8 unit, na may 28 lesson. Ang bawat unit ay tumatalakay ng isang mahalagang tema ng doktrina ng Aklat ni Mormon. Ang mga lesson na nakapaloob sa bawat unit ay ayon sa paksa at nauugnay sa tema ng doktrina.

Ang bawat lesson ay binanghay para sa isang 50-minutong class period. Para sa mga klase na nagkikita nang isang beses sa isang lingggo sa loob ng 90 minuto, maaaring pagsamahin ng titser ang dalawang lesson, yamang ang mga lesson sa bawat unit ay konektado sa tema ng unit.

Ang bawat lesson ay binubuo ng materyal sa paghahanda para sa klase at materyal ng titser. Ang materyal na ito ay naglalayong makapag-anyaya ng mabuting paghahanda, hikayatin ang mga estudyante na palalimin pa ang pag-aaral, at makagawa ng mga bagay na makatutulong sa kanila na maging higit na katulad ng Ama sa Langit.

Upang malaman kung paano pinakamainam na magagamit ang kurikulum na ito para mapagpala ang buhay ng iyong mga estudyante, kakailanganin mong pag-aralan ang materyal sa paghahanda para sa klase at ang materyal ng titser habang naghahanda ka para sa talakayan sa klase.

Habang pinag-aaralan mo ang kurikulum, manalangin na tulungan ka ng Panginoon na maunawaan ang mga pangangailangan ng iyong mga estudyante. Itinuro ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol:

Elder Jeffrey R. Holland

Manatiling bukas—lalo na sa Espiritu. Maging maluwag sa paggamit ng inyong lesson plan. Kung kailangan ninyong iksian ang isang lesson para makapagpatotoo at makahikayat ng talakayan sa isang napapanahong isyu, mangyaring gawin ito kapag ipinahiwatig ng Espiritu na angkop ito. …

… Tandaan na ang estudyante ay hindi isang lalagyan na pupunuin; ang estudyante ay isang apoy na pagniningasin. (“Mga Anghel at Panggigilalas” [mensaheng ibinigay sa Church Educational System training broadcast, Hunyo 12, 2019], broadcasts.ChurchofJesusChrist.org)

Materyal sa Paghahanda para sa Klase

Ang materyal sa paghahanda para sa klase ay naglalaman ng mga banal na kasulatan mula sa Aklat ni Mormon, konteksto para sa mga banal na kasulatang iyon, mga pahayag ng mga lider ng Simbahan, larawan, video, at ng bahaging “Gusto Mo Bang Matuto Pa?” na nagbibigay ng karagdagang resources na may kaugnayan sa paksa ng lesson.

Naglalaman din ang materyal sa paghahanda para sa klase ng mga tanong at aktibidad na naghihikayat sa mga estudyante na palalimin ang kanilang natututuhan at maghandang makibahagi sa klase. Halimbawa, sa materyal sa paghahanda para sa klase para sa lesson 4, “Saliksikin ang mga Banal na Kasulatan,” ang mga estudyante ay inaanyayahan na pag-aralan kung paano maihahalintulad o maikukumpara ang mga banal na kasulatan sa Liahona. Pagkatapos ay inaanyahan sila na gawin ang sumusunod na aktibidad:

graphic ng talakayan

Itinuro ni Elder Kim B. Clark ng Pitumpu kung ano ang dapat gawin ng isang estudyante (at titser) para matuto nang malalim:

Elder Kim B. Clark

Kung talagang gusto ninyong matuto nang malalim, kung ang inyong puso’t isipan ay handang matuto, at kung kikilos kayo ayon sa hangaring iyan, pagpapalain kayo ng Panginoon. Kapag ginawa ninyo ang inyong bahagi—manalangin nang may pananampalataya, maghanda, mag-aral, aktibong makibahagi, at gawin ang lahat—tuturuan kayo ng Espiritu Santo, daragdagan ang inyong kakayahang kumilos ayon sa natutuhan ninyo, at tutulungan kayong maging katulad ng nais ng Panginoon na kahinatnan ninyo. (“Pagkatuto para sa Buong Kaluluwa,” Liahona, Ago. 2017, 27)

Materyal ng Titser

Sa pambungad ng materyal ng titser para sa bawat lesson, makikita mo ang isang deskripsyon tungkol sa mga resulta na dapat matamo ng estudyante. Ang pambungad na ito ay sinusundan ng mga iminungkahing ideya sa pagtuturo na naglalahad ng balangkas ng lesson, nilalaman, mga tulong sa talakayan, at mga ideya sa pagpapamuhay.

Habang pinag-aaralan mo ang materyal ng titser, pagtuunan kung paano magagamit ang paghahanda ng mga estudyante. Ang patuloy na paggamit ng paghahanda ng mga estudyante ay tutulong sa kanila na madama ang kahalagahan ng paghahanda para sa bawat klase. Ang sumusunod na tagubilin mula sa lesson 4 ay isang halimbawa kung paano ginagamit ng materyal ng titser ang paghahanda ng mga estudyante:

graphic sa pagtuturo
icon, pagnilayan

Magnilay-nilay upang Makapaghanda para sa Klase

Tulad ng gagawin mo at ng iyong mga estudyante bago magklase, magnilay sandali habang naghahanda kang ituro ang kursong ito. Una, tingnan ang isa o dalawang lesson para maging pamilyar ka kung paano nilayong gamitin nang magkasama ang materyal sa paghahanda at ang materyal ng titser habang naghahanda kang magturo. Pagkatapos ay isipin ang mga sumusunod na tanong: Ano ang ilang paraan para mahikayat mo ang mga estudyante na maghanda upang magkaroon sila ng mas makabuluhang karanasan sa klase? Ano ang maaari mong gawin para maisali ang mga estudyanteng hindi nakapag-aral ng materyal sa paghahanda?

Paalala: Kapag naghanda ang mga estudyante para sa talakayan ng klase, matutuklasan mo na mas madali kayong nagkakaroon ng malalim at makabuluhang talakayan ng mga paksa sa klase. Ito ay makapaglalaan ng mas maraming oras sa klase para mapag-aralan ninyo ng mga estudyante mo ang gagawing plano para sa makabuluhan at matwid na pagkilos at maisagawa ito.

Paano ako epektibong maghahanda na magturo?

Tutulungan ka ng Ama sa Langit habang naghahanda ka na magturo sa Kanyang mga anak. Ang iyong mga pagsisikap na masigasig na ipamuhay ang ebanghelyo ay tutulong sa iyo na maging karapat-dapat sa patnubay ng Espiritu sa iyong paghahanda na magturo.

Maaaring makatulong na itanong sa iyong sarili ang mga sumusunod bilang bahagi ng iyong paghahanda na magturo:

  • Nanalangin ba ako para matanggap ang patnubay ng Espiritu Santo at maunawaan ang mga pangangailangan ng aking estudyante? Paano ko malalaman kung ano ang pinakanauugnay sa kanila?

  • Ginamit ko ba nang husto ang materyal sa paghahanda at ang materyal ng titser? Mayroon pa bang anumang bagay na kailangan kong iangkop para matugunan ang mga pangangailangan ng aking mga estudyante?

  • Paano ko matutulungan ang mga estudyante na mapalakas ang kanilang pananampalataya sa Ama sa Langit at kay Jesucristo habang pinag-aaralan namin ang lesson na ito? Paano ko matutulungan ang mga estudyante na maghangad na matuto sa pamamagitan ng Espiritu Santo?

  • Paano ko matutulungan ang bawat isa sa aking mga estudyante na makibahagi nang lubos sa lesson? Paano ko matitiyak na mayroon silang sapat na panahon na kailangan nila para personal na makapagplano na maipamuhay ang natututuhan nila?

  • Paano ko maipadarama sa mga estudyante na sila ay pinahahalagahan, tinatanggap, at ligtas na makapagbabahagi at matututo sa isa’t isa sa klase? (Tingnan sa Doktrina at mga Tipan 88:78, 122.)

Paano ko iaakma ang mga lesson para sa mga estudyanteng may kapansanan?

Habang naghahanda kang magturo, isipin ang mga estudyanteng may mga partikular na pangangailangan. I-adjust ang mga aktibidad at inaasahan upang madama ng mga estudyanteng ito na kabilang sila at matulungan silang magtagumpay. Para sa karagdagang impormasyon, sumangguni sa resources na nasa Disabilities page sa disabilities.ChurchofJesusChrist.org.

Ano ang inaasahan sa mga estudyante para makatanggap ng credit?

Upang makatanggap ng credit na kailangan para makapagtapos sa institute, dapat magawa ng mga estudyante ang sumusunod:

  1. Pag-aralan ang materyal sa paghahanda nang hindi bababa sa 75 porsiyento ng mga lesson.

  2. Daluhan ang 75 porsiyento ng mga klaseng idinaos.

  3. Kumpletuhin ang isa sa tatlong karanasan sa pagkatuto: magsulat sa study journal, magsulat ng sanaysay bilang mga sagot sa tatlong tanong, o magplano at magsagawa ng sariling proyekto tungkol sa natutuhan (nang may pahintulot ng titser) na may kaugnayan sa nilalaman ng kurso. Tingnan ang iba pang mga detalye sa “Pagbutihin ang Learning Experience sa Institute,” na makukuha sa institute.ChurchofJesusChrist.org.

Kung isinulat ng mga estudyante ang mga sagot sa lahat ng tanong at aktibidad sa materyal sa paghahanda, matutugunan na rin nito ang kinakailangang karanasan sa pagkatuto. Hindi kailangang isumite ng mga estudyante ang kanilang mga sagot sa iyo. Sa pagtatapos ng semestre, kailangan lang nilang ipakita sa iyo ang natapos nila.

icon, isulat

Isulat ang Iyong mga Naisip

Isipin ang uri ng karanasan na inaasam mong matamo ng iyong mga estudyante sa kursong ito. Ilista ang ilan sa iyong mga naisip tungkol sa kung paano mo sila planong tulungan na magkaroon ng makabuluhang karanasan sa pagkatuto.