“Lesson 25 Materyal sa Paghahanda para sa Klase: Panalangin at Personal na Paghahayag,” Materyal ng Titser para sa Kursong Mga Turo at Doktrina ng Aklat ni Mormon (2021)
“Lesson 25 Materyal sa Paghahanda para sa Klase,” Materyal ng Titser para sa Kursong Mga Turo at Doktrina ng Aklat ni Mormon
Lesson 25 Materyal sa Paghahanda para sa Klase
Panalangin at Personal na Paghahayag
Ipinangako ni Jesucristo, “Ang bawat humihingi ay tumatanggap, at siya na naghahanap ay makasusumpong; at sa kanya na kumakatok, siya ay pagbubuksan” (3 Nephi 14:8). Sinabi ni Pangulong Russell M. Nelson tungkol sa pangakong ito: “Ang walang pagbabagong alok na ito na magbigay ng personal na paghahayag ay ipinaaabot sa lahat ng Kanyang mga anak. Parang mahirap itong paniwalaan. Pero totoo ito!” (“Magsihingi, Magsihanap, Magsituktok,” Liahona, Nob. 2009, 81). Sa pag-aaral mo ng materyal na ito, isipin ang bisa ng iyong mga panalangin at kung ano ang magagawa mo para mapalakas ang iyong kakayahang tumanggap ng personal na paghahayag.
Bahagi 1
Ano ang maaari kong gawin para maging mas makabuluhang bahagi ng aking buhay ang panalangin?
Nang pamunuan nina Alma at Amulek ang isang grupo ng mga missionary para tulungan ang mga Zoramita na makabalik sa paniniwala sa Simbahan at sa ebanghelyo, nagulat sila nang makita nila kung paano sumamba at manalangin ang mga Zoramita sa kanilang mga sinagoga. Habang nakatayo sa ibabaw ng isang entablado na tinatawag nilang Ramiumptum, naghahalinhinan ang mga tao sa pagbigkas ng isang nakasulat na panalangin, na ipinapahayag na hindi magkakaroon ng Cristo at na pinili sila ng Diyos na maligtas. Matapos sumamba, ang mga Zoramita ay nagsisiuwi sa kanilang mga tahanan, “hindi na muling nangungusap pa hinggil sa kanilang Diyos” hanggang sa bumalik sila sa susunod na linggo. (Tingnan sa Alma 31:12–24.) Kalaunan, nagawang maituro nina Alma at Amulek ang ebanghelyo, pati ang tunay na kahulugan at layunin ng panalangin, sa isang grupo ng mga mapagpakumbabang Zoramita (tingnan sa Alma 32–34).
Bahagi 2
Ano ang magagawa ko para makatanggap ng personal na paghahayag?
Sa mga unang bahagi ng Aklat ni Mormon, isinulat ni Nephi ang pagnanais niyang maunawaan at makita mismo ang panaginip ng kanyang ama tungkol sa punungkahoy ng buhay at ang iba pang mga turo nito (tingnan sa 1 Nephi 10:17).
Habang pinagninilayan ni Nephi ang mga itinuro ni Lehi, siya ay “napasa-Espiritu … ng Panginoon,” at tumanggap mismo ng pangitain (1 Nephi 11:1). Sa pangitaing ito, tumanggap si Nephi ng karagdagang kaalaman tungkol sa panaginip ng kanyang ama hinggil sa punungkahoy ng buhay, mortal na ministeryo ng Tagapagligtas, ang hinaharap ng kanyang mga inapo, at ang Pagpapanumbalik ng ebanghelyo sa mga huling araw (tingnan sa 1 Nephi 11–14).
Matapos maranasan ang paghahayag na ito, si Nephi ay bumalik sa tolda ng kanyang Ama at nakita ang kanyang mga kapatid na “nagtatalu-talo … sa isa’t isa hinggil sa mga bagay na sinabi [ni Lehi] sa kanila” (1 Nephi 15:2).
Kalaunan sa Aklat ni Mormon, mababasa natin ang tungkol sa isang abugado na nagngangalang Zisrom na nagtangkang pabulaanan ang mga turo nina Alma at Amulek. Matapos mahuli ni Amulek si Zisrom sa kanyang mga kasinungalingan, si Zisrom ay naging mapagpakumbaba at nagsimulang magtanong nang taos-puso kay Alma tungkol sa ebanghelyo. Itinuro ni Alma kay Zisrom na ang mga hiwaga ng Diyos, o paghahayag, ay maibibigay lamang sa mga taong mapagpakumbaba at tapat. (Tingnan sa Alma 11:21–13:31.)
Sa pagtalakay sa magagawa natin upang mapalakas ang ating kakayahang tumanggap ng paghahayag, itinuro ni Pangulong Nelson:
Humanap ng tahimik na lugar na palagi ninyong mapupuntahan. Magpakumbaba sa harapan ng Diyos. Ibuhos ang inyong puso sa inyong Ama sa Langit. Humiling sa Kanya ng kasagutan at kapanatagan.
Ipanalangin sa pangalan ni Jesucristo ang inyong mga alalahanin, ang inyong mga takot, mga kahinaan—oo, ang pinakainaasam ng inyong puso. At makinig! Isulat ang mga naiisip ninyo. Itala ang inyong nadama at isagawa ang mga bagay na ipinahiwatig sa inyong gawin. Habang inuulit ninyo ang prosesong ito araw-araw, buwan-buwan, taun-taon, kayo ay “uunlad sa alituntunin ng paghahayag” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith [2007], 153). …
Walang makapagbubukas ng kalangitan nang higit sa magagawa ng pinagsama-samang kadalisayan, lubos na pagsunod, masigasig na paghahanap, araw-araw na pagpapakabusog sa mga salita ni Cristo sa Aklat ni Mormon [tingnan sa 2 Nephi 32:3], at pag-uukol palagi ng oras para sa templo at gawain sa family history. …
… Nakikiusap ako sa inyo na dagdagan ang inyong espirituwal na kakayahan na tumanggap ng paghahayag. (“Paghahayag para sa Simbahan, Paghahayag para sa Ating Buhay,” Liahona, Mayo 2018, 95, 96)