“Lesson 19 Materyal ng Titser: Pamumuhay nang Matwid sa Panahon ng Kasamaan,” Materyal ng Titser para sa Kursong Mga Turo at Doktrina ng Aklat ni Mormon (2021)
“Lesson 19 Materyal ng Titser,” Materyal ng Titser para sa Kursong Mga Turo at Doktrina ng Aklat ni Mormon
Lesson 19 Materyal ng Titser
Pamumuhay nang Matwid sa Panahon ng Kasamaan
Ipinahayag ni Pangulong Russell M. Nelson, “Ang Aklat ni Mormon ay kapwa nililinaw ang mga turo ng Guro at inilalantad ang mga taktika ng kaaway” (“Ang Aklat ni Mormon: Ano Kaya ang Buhay Ninyo Kung Wala Ito?” Liahona, Nob. 2017, 62; tingnan din sa 2 Nephi 26–33). Ang Unit 6 ay tutulong sa mga estudyante na mas makilala ang mga taktika ng kaaway at matukoy kung ano ang maaari nilang gawin upang mapatatag ang kanilang mga sarili laban sa kanyang masasamang plano. Sa lesson na ito, matutukoy ng mga estudyante kung ano ang maaari nilang gawin upang manatiling matatag kapag nahaharap sila sa pang-uusig at kung ano ang maaari nilang gawin upang mamuhay nang matwid sa mundong puno ng kasamaan.
Mga Mungkahi sa Pagtuturo
Ang mabubuting tagasunod ni Jesucristo ay pinalalakas sa gitna ng pang-uusig.
Upang masimulan ang klase, maaari mong ibahagi ang sumusunod na sitwasyon o ang iba pang nauugnay na sitwasyon na maiisip mo.
-
Bakit kaya talagang nagpahirap kay Akari ang pang-uusig ng mga kapwa niya miyembro ng Simbahan?
-
Kung lumapit sa inyo si Akari upang humingi ng tulong, ano ang sasabihin o gagawin ninyo?
Ipaalala sa mga estudyante na sa Helaman 3:24–34 mababasa natin na libu-libong tao ang sumapi sa Simbahan at talagang umunlad ang mga tao. Gayunman, kalaunan, ang kapalaluan ay unti-unting pumasok sa mga puso ng ilang miyembro ng Simbahan, na nagsimulang mang-usig sa mga yaong nanatiling mapagpakumbaba at tapat.
Anyayahan ang mga estudyante na rebyuhin ang Helaman 3:33–35 at alamin kung ano ang nakatulong sa mga mapagpakumbabang miyembro ng Simbahan na manatiling matatag sa harap ng pang-uusig. Isipin kung alin sa mga sumusunod ang maaari mong itanong upang lalo pang matuto ang iyong mga estudyante:
-
Anong mga turo sa mga talatang ito ang makatutulong kay Akari o sa isang tao na nasa gayon ding sitwasyon? (Maaari mong ilista ang ilan sa mga katotohanang nakita ng mga estudyante, tulad ng sumusunod: Kapag tayo ay nag-aayuno at nananalangin, at ipinapasakop natin ang ating mga puso sa Diyos, titindi ang ating pagpapakumbaba at lalakas ang ating pananampalataya kay Jesucristo, at pababanalin ang ating mga puso—anupaman ang nakasasakit na ginagawa ng iba.)
-
Sa anong mga paraan nakaaapekto sa inyong pananampalataya kay Jesucristo ang pag-aayuno, pananalangin, at pagpapasakop ng inyong puso sa Diyos? (tingnan sa Helaman 3:35). Paano nakatulong sa inyo ang mabubuting pagkilos na ito nang maharap kayo sa nakasasakit na ginagawa ng iba?
Maaari mong idispley ang mga sumusunod na tanong at bigyan ng personal na oras ang mga estudyante upang mapag-isipan ang isa o higit pa sa mga ito at makagawa ng plano kung paano sila tutugon sa anumang pahiwatig na matatanggap nila:
-
Kumusta na ang ginagawa ninyong malugod na pagtanggap at pakikipagkaibigan sa iba sa Simbahan ni Jesucristo?
-
Kumusta na ang ginagawa ninyong pagpapasakop ng inyong puso sa Diyos?
-
Paano ninyo mapalalakas ang inyong pananampalataya kay Jesucristo, kahit na anupaman ang nakasasakit na ginagawa ng iba?
Ibahagi ang iyong patotoo o anyayahan ang isang estudyante na magpatotoo tungkol sa kapangyarihang dumarating kapag kumikilos tayo nang may pananampalataya at ipinapasakop natin ang ating mga puso sa Diyos.
Nang tumindi ang kasamaan ng mga Nephita, sina Mormon at Moroni ay nanatiling tapat sa Panginoon.
Anyayahan ang mga estudyante na magbahagi ng mga halimbawa ng mga balita, kalakaran sa kultura, at paksang pinag-uusapan sa social media na maaaring nagpapahirap na ipamuhay ang ebanghelyo sa ating panahon.
-
Anong mga kalagayan ang nagpahirap na ipamuhay ang ebanghelyo noong panahon ni Mormon at ng kanyang anak na si Moroni? (Kung kinakailangan, anyayahan ang mga estudyante na rebyuhin ang bahagi 2 ng materyal sa paghahanda o basahin nang pahapyaw ang mga buod ng kabanata para sa Mormon 1–6 at Moroni 9.)
-
Sa inyong palagay, ano kaya ang pakiramdam ng mabuhay noong panahon nina Mormon at Moroni?
Anyayahan ang mga estudyante na rebyuhin ang Mormon 1:1–2, 15 at Moroni 9:25–26, at maghanap ng mga posibleng dahilan kung bakit nagawa nina Mormon at Moroni na manatiling tapat sa Panginoon habang namumuhay sila sa isang napakasamang lipunan.
-
Anong alituntunin ang maaari nating matutuhan mula sa mga talatang ito tungkol sa kung paano manatiling tapat sa Panginoon sa panahon ng kasamaan? (Tulungan ang mga estudyante na matukoy ang alituntuning tulad ng sumusunod: Madaraig natin ang kasamaan ng mundong ito kapag naranasan natin ang kabutihan ni Jesucristo at nanatili tayong tapat sa Kanya.)
-
Sa inyong palagay, ano kaya ang ibig sabihin ng maranasan ang kabutihan ni Jesucristo?
-
Paano makatutulong ang pagtutuon kay Jesucristo at pagdanas ng Kanyang kabutihan upang manatili tayong matwid kapag napaliligiran tayo ng kasamaan? (Maaari mong anyayahan ang mga estudyante na rebyuhin ang mga pahayag nina President Joy D. Jones at Elder Neil L. Andersen sa bahagi 2 ng materyal sa paghahanda.)
-
Paano nakatulong sa inyo ang inyong patotoo tungkol sa kabutihan ni Jesucristo at ang inyong pananampalataya sa Kanya na gumawa ng mabubuting pagpili habang nahaharap kayo sa kasamaan?
Ipaalala sa mga estudyante na sa bahagi 2 ng materyal sa paghahanda, inanyayahan silang tumukoy ng isang tao o grupo ng mga tao sa Aklat ni Mormon o ng isang kakilala nila na naharap sa kasamaan ngunit nanatiling tapat. (Kung kinakailangan, bigyan ng oras ang mga estudyante upang rebyuhin ang isinulat nila.) Depende sa laki ng iyong klase, pumili ng isang pamamaraan na magbibigay ng pagkakataon sa bawat estudyante na maibahagi ang kanyang halimbawa.
Idispley ang sumusunod na tanong:
-
Batay sa natutuhan at nadama ninyo ngayon, ano ang gagawin ninyo upang mapag-ibayo ang kakayahan ninyong manatiling matatag sa inyong katapatan sa Panginoon habang hinaharap ninyo ang kasamaan ng mundo? (Hikayatin ang mga estudyante na isulat ang anumang pahiwatig na matatanggap nila mula sa Espiritu Santo at kumilos ayon dito.)
Para sa Susunod
Ibahagi ang pahayag na ito ni Propetang Joseph Smith: “Pagmamahal sa kalayaan ang nagbibigay-inspirasyon sa aking kaluluwa—kalayaan ng tao at relihiyon sa buong sansinukob” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith [2007], 404). Habang pinag-aaralan ng mga estudyante ang materyal sa paghahanda para sa susunod na klase, anyayahan sila na pag-isipan kung ano ang kahulugan sa kanila ng kalayaang panrelihiyon at dumating na handang talakayin kung ano ang maaari nilang gawin upang makatulong na maitaguyod o mapangalagaan ang kalayaang iyon.