Institute
Lesson 4 Materyal ng Titser: Saliksikin ang mga Banal na Kasulatan


“Lesson 4 Materyal ng Titser: Saliksikin ang mga Banal na Kasulatan,” Materyal ng Titser para sa Kursong Mga Turo at Doktrina ng Aklat ni Mormon (2021)

“Lesson 4 Materyal ng Titser,” Materyal ng Titser para sa Kursong Mga Turo at Doktrina ng Aklat ni Mormon

Lesson 4 Materyal ng Titser

Saliksikin ang mga Banal na Kasulatan

Sinabi ng propetang si Mormon, “Siya na may mga banal na kasulatan, saliksikin niya ang mga ito” (3 Nephi 10:14). Ang lesson na ito ay magbibigay sa mga estudyante ng pagkakataong matukoy ang ilang pagpapalang maaaring dumating sa mga yaong masigasig na sinasaliksik ang mga banal na kasulatan. Tutukuyin din ng mga estudyante kung ano ang maaari nilang gawin para maging mas makabuluhang bahagi ng kanilang buhay ang pag-aaral ng banal na kasulatan.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Nalaman ni Lehi at ng kanyang pamilya na napakahalaga ng mga banal na kasulatan.

Maaari mong ibahagi ang sumusunod na sitwasyon:

Si Tasha ay isang abalang young adult. Siya ay nag-aaral, may part-time job, naglilingkod sa Simbahan, aktibo sa social media, at nag-uukol ng oras kasama ang kanyang mga kaibigan tuwing Sabado’t Linggo. Gusto niyang personal na pag-aralan ang mga banal na kasulatan, ngunit hirap siyang makahanap ng oras at lakas.

  • Ano ang maipapayo ninyo kay Tasha?

Anyayahan ang mga estudyante na ikuwento kung ano ang pinagdaanan ng mga anak ni Lehi para makuha ang mga laminang tanso. Pagkatapos ay basahin nang sabay-sabay ang 1 Nephi 5:20–21.

Isulat sa pisara ang sumusunod na hindi kumpletong pahayag, at sa susunod na talakayan, hikayatin ang mga estudyante na magsulat ng iba’t ibang dahilan na maidudugtong dito para makumpleto ito: Napakahalaga ng mga banal na kasulatan dahil …

  • Paano kaya kukumpletuhin nina Lehi at Nephi ang pahayag sa pisara?

  • Mula sa sarili ninyong karanasan sa mga banal na kasulatan, paano ninyo kukumpletuhin ang pahayag na ito?

Idispley ang mga sumusunod na scripture passage, at ipaliwanag na ipinahayag ng mga propeta sa buong Aklat ni Mormon ang kahalagahan ng banal na kasulatan: 1 Nephi 15:23–24; Jacob 2:8; Jacob 4:4; Alma 31:5; Alma 37:8–10; Helaman 3:29–30.

Hatiin ang klase sa maliliit na grupo. Sabihin sa bawat grupo na paghatian ang mga scripture passage para may isa o dalawang scripture passage na babasahin ang bawat miyembro ng grupo. Anyayahan ang mga estudyante na basahin nang tahimik ang mga naka-assign na scripture passage sa kanila at tukuyin ang mga karagdagang dahilan kung bakit napakahalaga ng mga banal na kasulatan.

Hikayatin ang mga miyembro ng grupo na ibahagi kung ano ang natutuhan nila at kung ano ang idaragdag nila sa listahan ng mga dahilan para makumpleto ang pahayag sa pisara. Bilang bahagi ng kanilang talakayan, maaaring magbahagi ang mga estudyante ng kanilang karanasan kung kailan nakatulong sa kanila ang mga banal na kasulatan tulad ng inilarawan sa mga scripture passage na tinatalakay nila.

Pagkatapos ng aktibidad ng grupo, maaari mong itanong sa klase ang mga sumusunod:

  • Sa lahat ng dahilan kung bakit napakahalaga ng mga banal na kasulatan, alin sa palagay ninyo ang pinakamahalaga?

  • Ano ang nalaman at nadama ninyo tungkol kay Jesucristo habang binabasa ninyo ang mga banal na kasulatan—lalo na ang Aklat ni Mormon? Anong mga partikular na scripture passage ang lalo pang naglapit sa inyo sa Kanya?

Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo at Pag-aaral

Bigyan ng pagkakataon ang mga estudyante na magsulat ng mga impresyon. Kapag nakakagawian ng mga estudyante na isulat ang mga impresyong natatanggap nila mula sa Espiritu Santo, lalo pa silang nagiging handang tumanggap ng mga espirituwal na pahiwatig. Anyayahan ang mga estudyante na isulat ang mga impresyong iyon sa isang kasangkapan na maaari nilang rebyuhin at kung saan maaari din silang gumawa ng mga plano at magtakda ng mga mithiin. Maaari mo silang hikayatin na gamitin ang Gospel Living app para magawa ito. Hikayatin ang mga estudyante na kumilos ayon sa mga impresyong natanggap nila.

Idispley ang mga sumusunod na tanong, at bigyan ng oras ang mga estudyante na pagnilayan o isulat ang mga impresyong natanggap nila sa oras ng klase.

  • Batay sa natutuhan ninyo tungkol sa mga pagpapala ng pag-aaral ng banal na kasulatan, anong mga partikular na pagpapala ang gusto ninyong matanggap nang mas masagana?

  • Pag-isipan kung gaano kadalas at kung gaano kaepektibo ang inyong pag-aaral ng mga banal na kasulatan. Ano, kung mayroon man, ang humahadlang sa inyo na epektibong mapag-aralan ang mga banal na kasulatan? Ano ang pagbabagong maaari ninyong gawin para mapaganda ang inyong karanasan sa pag-aaral ng mga banal na kasulatan?

Inihalintulad ni Alma ang mga salita ni Cristo sa Liahona.

Idispley ang kalakip na larawan, at ipalarawan sa mga estudyante kung anong mga paghihirap ang naranasan ng pamilya ni Lehi habang naglalakbay sa ilang. Sa anong mga paraan natutulad ang ating buhay sa paglalakbay sa ilang?

naglalakbay si Lehi at ang kanyang pamilya sa ilang

Idispley ang kalakip na larawan ng Liahona, at anyayahan ang mga estudyante na ipaliwanag kung paano ito gumagana. (Kung kailangan, sabihin sa mga estudyante na tingnan ang bahagi 3 ng materyal sa paghahanda.)

ang Liahona
  • Anong mga espirituwal na aral ang maaaring natutuhan ng pamilya ni Lehi sa paggamit ng Liahona?

Idispley ang kalakip na larawan ng isang lalaki na nagbabasa ng mga banal na kasulatan sa smartphone, at anyayahan ang mga estudyante na basahin o rebyuhin ang Alma 37:43–46.

lalaki na nagbabasa ng mga banal na kasulatan sa smartphone
  • Saan natin mababasa ang mga salita ni Cristo? Paano maaaring magsilbing personal na Liahona ninyo ang mga salita ni Cristo?

Idispley ang sumusunod na alituntunin: Kapag pinakikinggan at sinusunod natin ang mga salita ni Cristo, gagabayan tayo nito sa mga hamon ng buhay na ito patungo sa walang hanggang kagalakan.

Upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan kung paano tayo madalas na ginagabayan ng mga salita ni Cristo, idispley ang sumusunod na sitwasyon at anyayahan ang isang estudyante na basahin ito nang malakas:

Nasabi kay Luis na ang mga banal na kasulatan ay naglalaman ng mga sagot sa bawat tanong. Nadismaya si Luis dahil hindi niya makita sa mga banal na kasulatan ang partikular na sagot sa isang mahalagang personal na tanong. Habang mas lalo pa siyang nagsasaliksik, mas lalo pa siyang nadidismaya.

  • Ano ang maipapayo ninyo kay Luis?

Idispley at basahin nang malakas ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Dallin H. Oaks ng Unang Panguluhan.

Pangulong Dallin H. Oaks

Sinasabi natin na ang mga banal na kasulatan ay naglalaman ng mga sagot sa bawat tanong dahil inaakay tayo ng mga banal na kasulatan sa bawat sagot. …

… Bagama’t [maaaring] hindi naglalaman ang mga banal na kasulatan ng mga salita para sagutin ang ating partikular na personal na tanong, ang mapanalanging pag-aaral ng mga banal na kasulatan ay tutulong sa atin na matanggap ang mga sagot na iyon. Ito ay sa kadahilanang ang pag-aaral ng banal na kasulatan ay nakatutulong sa atin na mas maimpluwensyahan ng inspirasyon ng Espiritu Santo. …

… Tutulungan tayo ng mga banal na kasulatan na masagot ang lahat ng ating personal na tanong dahil sa pagbabasa ng mga ito ay naaanyayahan natin ang Espiritu Santo at nagagawa nating karapat-dapat ang ating sarili para sa inspirasyon nito, na siyang gagabay sa atin sa lahat ng katotohanan. (“Studying the Scriptures” [debosyonal sa Brigham Young University–Hawaii, Mar. 14, 1986], 18–21, Church History Library, Salt Lake City)

  • Anong katotohanan ang itinuro sa atin ni Pangulong Oaks tungkol sa kung paano tayo ginagabayan ng Panginoon sa pamamagitan ng Kanyang salita? (Maaaring matukoy ng mga estudyante ang katotohanang tulad ng sumusunod: Ang pag-aaral ng mga banal na kasulatan ay nag-aanyaya ng personal na paghahayag.)

  • Kailan nagbigay-daan ang mga banal na kasulatan o ang mga salita ng mga makabagong propeta para sa personal na paghahayag sa inyong buhay?

Magpatotoo tungkol sa kahalagahan ng regular na personal na pag-aaral ng mga banal na kasulatan at hikayatin ang mga estudyante na kumilos ayon sa mga pahiwatig ng Espiritu Santo na natanggap nila sa kanilang pag-aaral at sa klase.

Para sa Susunod

Ipaliwanag na sa susunod na klase ay magsisimula kayo sa bagong unit na tinatawag na “Ang Dakilang Plano ng Pagtubos.” Sa pag-aaral ng mga estudyante ng materyal sa paghahanda para sa lesson 5, anyayahan sila na pag-isipan ang mga bagay na alam na nila tungkol sa Pagkahulog nina Adan at Eva at ang mga pagpiling ipinagkaloob nito para sa bawat isa sa atin.