Institute
Lesson 25 Materyal ng Titser: Panalangin at Personal na Paghahayag


“Lesson 25 Materyal ng Titser: Panalangin at Personal na Paghahayag,” Materyal ng Titser para sa Kursong Mga Turo at Doktrina ng Aklat ni Mormon (2021)

“Lesson 25 Materyal ng Titser,” Materyal ng Titser para sa Kursong Mga Turo at Doktrina ng Aklat ni Mormon

Lesson 25 Materyal ng Titser

Panalangin at Personal na Paghahayag

Iniutos ng Panginoong Jesucristo, “Kinakailangan na lagi kayong manalangin sa Ama sa aking pangalan” (3 Nephi 18:19). Ipinakita sa Aklat ni Mormon ang mahahalagang alituntunin tungkol sa panalangin at personal na paghahayag. Ang lesson na ito ay makatutulong sa mga estudyante na masuri ang kataimtiman ng kanilang mga panalangin at matukoy ang magagawa nila para maging mas taos-puso ang kanilang mga panalangin. Magkakaroon din ng pagkakataon ang mga estudyante na isipin ang magagawa nila para mapalakas ang kanilang kakayahan na tumanggap ng personal na paghahayag.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Itinuro ni Amulek sa mga Zoramita ang kahalagahan ng panalangin.

Paalala: Habang tinatalakay mo ang mga paraan para maging mas taimtim ang personal na panalangin sa lesson na ito, ipaalala sa mga estudyante na kapuri-puri ang anumang pagsisikap na manalangin. Maaari mong ipaliwanag na ang sumusunod na self-assessment o pagsusuri sa sarili ay naglalayong magbigay ng kakayahan sa mga estudyante na mas mapalapit sa Diyos sa pamamagitan ng panalangin, hindi upang pahinain ang kanilang loob sa pagsisikap nilang manalangin. Ang self-assessment ay tutulong sa mga estudyante na maghanda sa pagtalakay sa itinuro ni Amulek tungkol sa panalangin sa Alma 34:17–28.

Ipakita ang mga sumusunod na pahayag, at sabihin sa mga estudyante na suriin ang kanilang sarili gamit ang scale na 1 hanggang 5 (1=lubos na hindi sumasang-ayon, at 5=lubos na sumasang-ayon).

  1. Araw-araw akong nagdarasal nang personal. 

  2. Ang mga panalangin ko ay makabuluhan at taos-puso. 

  3. Nagdarasal ako para sa pisikal at espirituwal na mga pangangailangan ko. 

  4. Nagdarasal ako para tulungan akong mapaglabanan ang mga tukso ng diyablo. 

  5. Nagdarasal ako para sa ibang tao. 

  6. Palagi kong sinisikap na manalangin sa aking puso. 

Hikayatin ang mga estudyante na pag-isipan ang kanilang mga sagot habang tinatalakay ninyo ang mga turo ni Amulek tungkol sa panalangin.

  1. Idispley ang sumusunod na larawan ng isang lalaking nagdarasal sa Ramiumptum:

    Zoramita na nagdarasal sa Ramiumptum

Sabihin sa mga estudyante na maikling ilarawan ang paraan ng pagdarasal ng mga Zoramita at ibahagi ang mga naisip nila tungkol sa paraang ito.

Ipaalala sa mga estudyante na itinuro kalaunan ni Amulek ang mahahalagang alituntunin tungkol sa panalangin sa mapagpakumbabang grupo ng mga Zoramita. Sabihin sa mga estudyante na rebyuhin ang Alma 34:17–28 at tukuyin ang mga katotohanang maaaring ihalintulad sa ating kasalukuyang kalagayan.

Bilang bahagi ng talakayang ito, maaari mo ring sabihin sa mga estudyante na ibahagi kung paano nila maaaring isinulat sa wika ngayon ang ilan sa mga talatang ito na nauugnay sa kanilang mga sitwasyon (tingnan sa aktibidad na “Isulat ang Iyong mga Naisip” sa bahagi 1 ng materyal sa paghahanda).

Maaaring maibahagi ng mga estudyante ang mga katotohanang tulad ng sumusunod: Nais ng ating Ama sa Langit na manalangin tayo sa Kanya sa lahat ng panahon at sa lahat ng lugar. Dapat tayong manalangin para sa mga alalahanin natin sa temporal at espirituwal. Kailangang taos-puso at taimtim ang panalangin. Dapat tayong manalangin nang mag-isa. Dapat tayong manalangin para sa ibang tao. Hindi lamang tayo dapat manalangin para sa iba kundi sikapin ding paglingkuran sila.

Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo at Pag-aaral

Alamin kung kailan mo dapat dahan-dahanin ang pagtuturo para matutuhan ang isang bagay nang mas detalyado at mas maunawaan ito. Hindi maaaring madaliin ang isang bagay para matutuhan at maunawaan. Kapag pinakinggan mo ang mga sagot ng mga estudyante at sinunod ang patnubay ng Espiritu Santo, mahihiwatigan mo kung kailan dapat hindi madaliin ang isang paksa at tulutan ang mga estudyante na mas lubos na masuri ang kanilang sariling ideya, damdamin, mga tanong, o alalahanin. Isipin ang mga sumusunod na halimbawa:

  • Kung sinabi ng isang estudyante na malaki ang kaibhang nagawa ng panalangin sa kanyang buhay, maaari mong itanong, “Maaari ka bang magbigay ng halimbawa ng ibig mong sabihin?”

  • Kung nagpahayag ang estudyante ng pag-aalala na nararamdaman niyang hindi siya malapit sa Ama sa Langit, maaari mong sabihin, “Napakahalaga nito. Pag-usapan muna natin ito bilang klase at magbahagi tayo ng ginawa natin na nakatulong sa atin para mapalapit tayo sa Ama sa Langit.”

  • Kung may sinabi ang estudyante na nagpapahiwatig na nabalisa siya dahil sa tinalakay sa klase, maaari mong sabihin, “Hindi ako sigurado kung ano ang ibig mong sabihin. Maaari bang magbahagi ka pa ng iniisip at saloobin mo?”

(Tingnan sa Pagtuturo at Pag-aaral ng Ebanghelyo: Isang Hanbuk para sa mga Titser at Lider sa Seminaries and Institutes of Religion [2012], 64.)

Habang ibinabahagi ng mga estudyante ang mga alituntunin at mga talata ng Alma 34 na isinulat nila nang panibago, isipin kung alin sa mga sumusunod ang maitatanong mo na lubos na makatutulong sa iyong mga estudyante na gumawa ng mabisa at mabuting pagkilos.

  • Bakit mahalagang isali ang Ama sa Langit sa lahat ng aspeto ng ating buhay? Anong kaibhan ang nakita ninyo sa inyong buhay nang manalangin kayo nang taimtim at madalas?

  • Anong mga balakid ang maaaring nakahahadlang sa pagdarasal ninyo nang taimtim? Paano ninyo maaalis ang mga balakid na ito?

  • Kailan ninyo “isinamo” o “ibinuhos” ang inyong puso sa Diyos, at ano ang naging epekto nito? Paano natin kusang “[ha]hayaan na ang [ating] mga puso ay mapuspos, patuloy na lumalapit sa panalangin sa kanya”? (Alma 34:27).

  • Bakit malakas na pwersa ang panalangin sa pagdaig sa kapangyarihan ng diyablo? (Makatutulong na basahin ang 2 Nephi 32:8 at 3 Nephi 18:15, 18.) Paano nakatulong sa inyo ang panalangin na mapaglabanan ang tukso?

  • Anong mga pagpapala ang dumating sa inyong buhay nang manalangin kayo para sa ibang tao at maglingkod sa kanila? Kailan ninyo nadama ang mga panalangin ng iba para sa inyo? Sino ang kilala ninyo na maaaring mangailangan ng inyong pananampalataya, mga panalangin, at paglilingkod?

Ibahagi ang sumusunod na pahayag ni Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol:

Elder David A. Bednar

Inaasahan ko na alam nating lahat na mahalaga ang panalangin sa ating espirituwal na pag-unlad at proteksyon. Ngunit ang ating nalalaman ay hindi laging nakikita sa ating ginagawa. At kahit nauunawaan natin ang kahalagahan ng panalangin, mapapabuti nating lahat ang katatagan at pagkaepektibo ng mga [personal na] panalangin natin at [panalangin ng] pamilya. (“Humingi nang May Pananampalataya,” Liahona, Mayo 2008, 94)

Sabihin sa mga estudyante na pagnilayan ang kanilang mga sagot sa self-assessment sa simula ng lesson. Hikayatin silang suriin ang sarili nilang pagsisikap at isulat kung ano ang magagawa nila para lalong mapataimtim ang kanilang pakikipag-ugnayan sa Diyos.

Si Nephi ay humingi at tumanggap ng personal na paghahayag.

Ipakita ang sumusunod na pahayag ni President Julie B. Beck, dating Relief Society General President, at ni Pangulong Russell M. Nelson, at sabihin sa mga estudyante na ipaliwanag kung bakit sa palagay nila ay mahalaga ang mga mensaheng ito tungkol sa paghahayag lalo na sa mga young adult ngayon.

President Julie B. Beck

Ang kakayahang maging karapat-dapat sa, tumanggap ng, at kumilos [ayon] sa personal na paghahayag ang kaisa-isang pinakamahalagang kasanayang matatamo sa buhay na ito. (“At sa mga Lingkod na … Babae Naman ay Ibubuhos Ko sa mga Araw na Yaon ang Aking Espiritu,” Liahona, Mayo 2010, 11)

Pangulong Russell M. Nelson

Higit na mahalaga ngayon na malaman ninyo kung paano nangungusap sa inyo ang Espiritu. …

Muli akong nakikiusap sa inyo na gawin ang anumang dapat gawin upang madagdagan ang inyong espirituwal na kakayahang tumanggap ng personal na paghahayag. (“Pakinggan Siya,” Liahona, Mayo 2020, 90)

Isulat sa pisara ang sumusunod na mga hindi kumpletong pahayag at mga scripture passage:

Sabihin sa mga estudyante na magtulungan bilang magkakapartner o maliliit na grupo at pag-aralan ang mga scripture passage tungkol kay Nephi o kina Laman at Lemuel at pagkatapos ay kumpletuhin ang isa sa mga pahayag sa pisara. Maaaring kabilang sa mga sagot ng mga estudyante ang sumusunod:

Napalakas ni Nephi ang kanyang kakayahang tumanggap ng paghahayag sa pamamagitan ng pagnanais na malaman ang katotohanan, pagtitiwala sa alam na niya tungkol sa Diyos, pananampalataya kay Jesucristo, pagsisisi, at masigasig na paghingi ng mga sagot mula sa Diyos.

Napahina nina Laman at Lemuel ang kanilang kakayahang tumanggap ng paghahayag sa pamamagitan ng pagpapatigas sa kanilang puso, hindi paniniwala na sasagutin sila ng Panginoon, at pakikipagtalo sa isa’t isa, at hindi pagtatanong sa Diyos.

  • Paano nakaimpluwensya sa buhay nina Nephi, Laman, at Lemuel ang kanilang kakayahang tumanggap ng paghahayag? Paano maaaring makaimpluwensya sa buhay ninyo ang pagpapalakas sa inyong kakayahang tumanggap ng paghahayag? (Maaari mong iparebyu sa mga estudyante ang Alma 12:9–10.)

Bigyan ng oras ang mga estudyante na pagnilayan at isulat ang kanilang mga naisip tungkol sa mga sumusunod na tanong. Habang nagninilay sila, maaari mong ipakita ang pahayag ni Pangulong Nelson mula sa bahagi 2 ng materyal sa paghahanda.

  • Ano ang natutuhan mo sa lesson na ito mula sa mga halimbawa nina Nephi, Laman, at Lemuel tungkol sa pagtanggap ng paghahayag? Anong mga bagay ang dapat mong itigil na gawin o simulang gawin para mapalakas mo ang iyong kakayahang tumanggap ng paghahayag?

Tapusin ang lesson sa paghikayat sa isa o dalawang estudyante na magbahagi kung paano napagpala ang kanilang buhay ng pagtanggap ng paghahayag.

Para sa Susunod

Sabihin sa mga estudyante na isipin ang kasalukuyang pagsubok na nararanasan nila o ng isang taong kilala nila. Sa paghahanda nila para sa susunod na klase, hikayatin sila na tukuyin ang mga katotohanan na makatutulong sa atin na harapin ang ating mga pagsubok nang may pananampalataya, tapang, at pag-asa.