Institute
Lesson 21 Materyal ng Titser: Pagdaig sa Kapalaluan


“Lesson 21 Materyal ng Titser: Pagdaig sa Kapalaluan,” Materyal ng Titser para sa Kursong Mga Turo at Doktrina ng Aklat ni Mormon (2021)

“Lesson 21 Materyal ng Titser,” Materyal ng Titser para sa Kursong Mga Turo at Doktrina ng Aklat ni Mormon

Lesson 21 Materyal ng Titser

Pagdaig sa Kapalaluan

Ang kasalanan ng kapalaluan ay isang pangunahing tema sa Aklat ni Mormon. Ang mga panahon ng kabutihan at kasaganaan ay kadalasang sinusundan ng mga panahon ng kapalaluan at kasamaan. Ang lesson na ito ay tutulong sa mga estudyante na matukoy ang mga palatandaan ng kapalaluan sa kanilang mga buhay. Pag-iisipan din ng mga estudyante kung ano ang maaari nilang gawin upang madaig ang kapalaluan at maging higit na katulad ng Tagapagligtas.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Sina Jacob at Moroni ay nagturo tungkol sa kasalanan ng kapalaluan.

Upang masimulan ang klase, maaari mong idispley ang sumusunod na pahayag ni Elder J. Devn Cornish ng Pitumpu: “Itigil na natin ang pagkumpara sa ating sarili sa iba” (“Sapat na ba ang Kabutihan Ko? Magiging Karapat-dapat ba Ako?Liahona, Nob. 2016, 33). Itanong sa mga estudyante kung bakit magandang payo ito.

Ibahagi ang sumusunod na sitwasyon, at itanong sa mga estudyante kung ito ay nadama na nila o ng isang taong kakilala nila.

Ayaw dumalo ni Jill sa mga miting ng Relief Society. Kapag inililibot niya ang kanyang paningin sa loob ng silid, ang tanging nakikita niya ay mga babaeng tila mas maganda, espirituwal, at maraming talento kaysa sa kanya. Naiinis siya sa kanila dahil taglay nila ang mga katangiang ito at madalas siyang umaalis sa Relief Society nang galit at naiinggit.

Idispley ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Dieter F. Uchtdorf, na nagsalita tungkol sa kapalaluan noong naglilingkod siya bilang miyembro ng Unang Panguluhan: “Sa kaibuturan nito, kapalaluan ang kasalanang paghahambing,” (“Kapalaluan at ang Priesthood,” Liahona, Nob. 2010, 56). Isulat sa pisara ang sumusunod na katotohanan: Kapalaluan ang kasalanang paghahambing.

  • Sa anong mga paraan maaaring humantong sa kapalaluan ang paghahambing o pagkukumpara ng ating mga sarili sa iba?

Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo at Pag-aaral

Iangkop ang iyong pagtuturo upang matugunan ang mga pangangailangan ng mga estudyante. Bagama’t ang kurikulum ay naglalaan ng mahahalagang katotohanan, resources, at makatutulong na patnubay, hindi nito matutugunan ang lahat ng pangangailangan ng iyong mga estudyante. Habang nagtuturo ka, pakinggan nang mabuti ang mga komento, tanong, at alalahanin ng mga estudyante upang matulungan ka ng Espiritu Santo na malaman kung ano ang pagtutuunan at uunahin sa talakayan.

Ipaalala sa mga estudyante na nalaman nila mula sa bahagi 1 ng materyal sa paghahanda na nagbabala si Jacob sa kanyang mga tao tungkol sa kanilang kapalaluan, nakita ni Moroni ang kapalaluan sa mga huling araw, at nagsalita si Pangulong Ezra Taft Benson tungkol sa kapalaluan sa ipinanumbalik na Simbahan ng Panginoon. Anyayahan ang bawat estudyante na pumili ng isa sa mga propetang ito at rebyuhin ang mensahe nito tungkol sa kapalaluan, at alamin kung paanong ang “kapalaluan ang kasalanang paghahambing” (“Kapalaluan at ang Priesthood,” 56).

Matapos magkaroon ng oras ang mga estudyante upang saliksikin ang mga scripture passage na ito, anyayahan sila na ibahagi kung ano ang natutuhan nila. Habang ibinabahagi ng mga estudyante ang mga natutuhan nila, isipin kung alin sa mga sumusunod na tanong ang pagtutuunan at uunahin:

  • Sa inyong palagay, ano ang ibig sabihin ng “iniangat sa kapalaluan ng inyong mga puso”? (Jacob 2:13). Paano ninyo malalaman kapag kayo ay iniaangat sa kapalaluan ng sarili ninyong puso?

  • Ano pang mga karagdagang kasalanan ang maaari nating magawa sa ating mga buhay kapag hinahamak natin ang iba nang may pagmamataas o tinitingala natin ang iba nang may pagkapoot? Sa inyong karanasan, paano nakaaapekto sa mga ugnayan sa kaibigan, kapamilya, kabahay, katrabaho, at Ama sa Langit ang mga ganitong uri ng paghahambing o pagkukumpara?

  • Sa anong mga paraan maaaring maghikayat ng pagkukumpara ang social media na maaaring humantong sa kasalanan ng kapalaluan? Ano na ang nagawa ninyo upang mapaglabanan ang tukso na ikumpara ang inyong sarili sa iba?

Paalala: Kung nag-aalala ang mga estudyante tungkol sa mga hamong idinudulot ng social media, maaari mong ibahagi at talakayin ang sumusunod na pahayag ni Elder Gary E. Stevenson ng Korum ng Labindalawang Apostol:

Elder Gary E. Stevenson

Marami (kung hindi man karamihan) sa mga retratong naka-post sa social media ay may tendensiyang ipakita ang pinakamainam sa buhay—kadalasang sa di-makatotohanang paraan. …

Ang pagkukumpara ng sarili nating tila karaniwang buhay sa buhay ng iba na maayos na [in-edit] at perpekto ayon sa nakalarawan sa social media ay maaaring nakasisira ng loob, nakaiinggit, at nakapanghihina. …

Tulad ng paalala sa atin ni Sister Bonnie L. Oscarson kaninang umaga, ang tagumpay sa buhay ay hindi nagmumula sa kung gaano karaming like ang nakuha natin o [kung] ilan ang kaibigan o follower natin sa social media. Gayunman, talagang may kinalaman ito sa makabuluhang pagkonekta sa iba at pagdaragdag ng liwanag sa kanilang buhay. (“Espirituwal na Eklipse,” Liahona, Nob. 2017, 46)

Sabihin sa mga estudyante na balikan ang mga tanong sa dulo ng bahagi 1 ng materyal sa paghahanda. Anyayahan sila na rebyuhin ang mga sagot na isinulat nila sa kanilang personal na pag-aaral at magdagdag ng iba pang naisip o nadama nila simula nang isulat nila ang kanilang mga sagot.

Nadaig ng mga Nephita ang kapalaluan sa pamamagitan ng pagpapakumbaba.

Sabihin sa isang estudyante na ipaliwanag ang layunin ng lunas. (Kung kinakailangan, ipaliwanag na ang lunas ay gamot na ginagamit upang labanan ang isang partikular na lason.) Idispley ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Benson: “Ang lunas sa kapalaluan ay pagpapakumbaba—kaamuan, pagkamasunurin. (Tingnan sa Alma 7:23.)” (“Beware of Pride,” Ensign, Mayo 1989, 6). Isulat sa pisara ang sumusunod na katotohanan: Ang lunas sa kapalaluan ay pagpapakumbaba.

  • Sa anong mga paraan natutulad ang kapalaluan sa isang lason?

  • Sa inyong palagay, bakit inilarawan ni Pangulong Benson ang pagpapakumbaba bilang lunas sa kapalaluan?

Ipaalala sa mga estudyante na sa Jacob 2:17–21, sinabi ni Jacob sa kanyang mga tao kung paano mapaglalabanan ang tuksong maging palalo habang dumarami ang kanilang kayamanan. Ipaalala rin sa mga estudyante na natutuhan nila mula sa kanilang paghahanda para sa klase na inilarawan sa 3 Nephi 6:12–14 ang mga mapagpakumbabang tao na hindi natuksong maging palalo. Anyayahan ang mga estudyante na rebyuhin ang isa sa mga scripture passage na ito, at alamin kung ano ang maaari nating gawin upang madaig ang kapalaluan.

  • Ayon sa mga talatang ito, ano ang maaari nating gawin upang madaig ang kapalaluan? (Maaari mong isulat sa pisara ang mga sagot ng mga estudyante. Maaaring kabilang sa ilang posibleng sagot ang mga sumusunod: maging bukas-palad sa kung ano ang mayroon tayo, hanapin muna ang kaharian ng Diyos, magtamo ng pag-asa kay Cristo, pangalagaan ang mga maralita, ituring na mahalaga ang lahat ng tao, huwag makipagtalo sa iba, maging mapagpakumbaba at nagsisisi sa harapan ng Diyos, at sundin ang mga kautusan.)

  • Paano nagpapakita ng pagpapakumbaba ang mga pag-uugali at pagkilos na ito?

  • Ano ang natutuhan ninyo tungkol sa pagpapakumbaba mula sa buhay ng Tagapagligtas? Paano natin matutularan ang Kanyang halimbawa ng pagpapakumbaba sa ating mga buhay?

Bigyan ng ilang minuto ang mga estudyante upang rebyuhin ang pahayag ni Pangulong Benson sa bahagi 2 ng materyal sa paghahanda. Hikayatin sila na tumukoy ng isang partikular na paraan kung paano sila magiging mas mapagpakumbaba sa kanilang mga buhay at magpasiya kung paano nila ito gagawin.

Maaari kang magpatotoo na sa tulong ng Panginoon ay patuloy nating matutukoy at madaraig ang kapalaluan at magiging higit na katulad tayo ng Tagapagligtas.

Para sa Susunod

Itanong sa mga estudyante kung nakabasa o nakarinig na sila ng mga bagay na lumikha ng pag-aalinlangan o sumalungat sa mga turo ni Jesucristo at ng Kanyang mga buhay na propeta. Habang pinag-aaralan ng mga estudyante ang materyal sa paghahanda para sa susunod na klase, anyayahan sila na maghanap ng mga turo na makatutulong sa kanila na ipagtanggol ang kanilang mga sarili laban sa mga yaong nagtatangkang wasakin ang kanilang pananampalataya.