“Lesson 7 Materyal ng Titser: Ang Nagpapalakas na Kapangyarihan ni Jesucristo,” Materyal ng Titser para sa Kursong Mga Turo at Doktrina ng Aklat ni Mormon (2021)
“Lesson 7 Materyal ng Titser,” Materyal ng Titser para sa Kursong Mga Turo at Doktrina ng Aklat ni Mormon
Lesson 7 Materyal ng Titser
Ang Nagpapalakas na Kapangyarihan ni Jesucristo
Pinalalawak ng Aklat ni Mormon ang ating pag-unawa tungkol sa sakop ng Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas. Nalaman natin mula rito na hindi lamang tayo binibigyan ni Jesucristo ng pagkakataong maging malinis mula sa kasalanan, kundi pinapanatag at tinutulungan Niya rin tayo sa ating mga kakulangan at kahinaan. Sa lesson na ito, magkakaroon ng pagkakataon ang mga estudyante na ipaliwanag at patotohanan ang doktrinang ito. Bibigyan din ng pagkakataon ang mga estudyante na tukuyin kung ano ang magagawa nila upang mas maanyayahan ang biyaya ng Panginoon sa kanilang buhay.
Mga Mungkahi sa Pagtuturo
Itinuro ni Nakababatang Alma sa mga tao sa Gedeon na tutulungan ng Panginoon ang Kanyang mga tao.
Maaari kang magpakita ng mga larawang tulad ng sumusunod at magtanong, “Anong mga paghihirap, pasakit, o pagdurusa ang maaari nating maranasan na hindi bunga ng mga maling pagpili?” (Isulat sa pisara ang mga sagot ng mga estudyante.)
Bigyan ng isang minuto ang mga estudyante upang pagnilayan (at marahil isulat) ang ilan sa mga hamong nagdulot ng pasakit o pagdurusa sa kanila o sa mga mahal nila sa buhay.
Ipaalala sa mga estudyante na noong naglingkod si Nakababatang Alma sa matatapat na tao sa Gedeon, itinuro niya sa kanila kung paano rin tayo matutulungan ng pagdurusa ng Tagapagligtas sa ating mga pasakit at paghihirap na hindi bunga ng kasalanan. Anyayahan ang mga estudyante na rebyuhin ang Alma 7:11–12 at tukuyin ang mga pariralang tila pinakamahalaga para sa kanila. Anyayahan sila na ipaliwanag kung ano ang kahulugan ng natukoy nila at kung bakit ito mahalaga para sa kanila.
Upang makatulong na mapalalim ang pagkaunawa ng mga estudyante na alam ng Tagapagligtas kung paano tutulungan ang Kanyang mga tao, maaari mong ibahagi ang sumusunod na pahayag ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol:
[Ang salitang tulong] ay madalas gamitin sa mga banal na kasulatan upang ilarawan ang pagmamalasakit at pangangalaga sa atin ni Cristo. Ito ay maaari ding mangahulugang “saklolo.” Napakagandang paraan upang mailarawan ang mabilis na pagkilos ng Tagapagligtas para sa ating kapakanan. Bagama’t inaanyayahan niya tayong lumapit at sumunod sa kanya, siya ay palaging sumasaklolo sa atin. (“Come unto Me” [Church Educational System fireside para sa mga young adult, Mar. 2, 1997], 9, speeches.byu.edu)
Matapos talakayin ang mga turo mula sa Alma 7:11–12, tulungan ang mga estudyante na matukoy ang isang alituntuning tulad ng sumusunod: Dinala ng Tagapagligtas sa Kanyang sarili ang ating mga pasakit, karamdaman, at tukso upang matulungan Niya tayo habang hinaharap natin ang mga hamon sa buhay.
-
Bakit mahalagang maunawaan ang aspetong ito ng doktrina ng Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas?
-
Ano ang itinuturo sa inyo ng katotohanang ito tungkol sa katangian at pag-uugali ni Jesucristo?
-
Paano makatutulong sa inyo o sa mga mahal ninyo sa buhay ang pananampalataya sa katotohanang ito sa panahong nahaharap kayo sa mga personal na pagsubok?
Bilang isang buong klase o sa maliliit na grupo, basahin ang pahayag ni Elder Bednar mula sa bahagi 1 ng materyal sa paghahanda, at talakayin ang sumusunod na tanong mula sa materyal sa paghahanda:
-
Kailan ninyo nadama na tinulungan, pinanatag, o pinalakas kayo ng Tagapagligtas habang nakararanas kayo ng mga hamon sa inyong buhay?
Itinuro ng Panginoon kay Moroni ang tungkol sa kapangyarihan ng Kanyang biyaya.
Ipakita ang kalakip na larawan, at anyayahan ang isang estudyante na ipaliwanag kung ano ang nadama ni Moroni tungkol sa kakayahan niyang magsulat ng banal na kasulatan. (Kung kinakailangan, rebyuhin ang Eter 12:23–25 kasama ng mga estudyante.)
Maaari mong anyayahan ang mga estudyante na isulat o pagnilayan sandali ang ilan sa kanilang mga kakulangan at kahinaan.
Basahin nang sabay-sabay ang Eter 12:27, at anyayahan ang mga estudyante na maghanap ng mga alituntunin na makatutulong sa atin na daigin ang ating mga kahinaan ayon sa paraan ng Panginoon. Maaaring matukoy ng mga estudyante ang mga katotohanang tulad ng sumusunod: Kapag lumapit tayo sa Panginoon, tutulungan Niya tayong makita ang ating mga kahinaan. Kapag nakita natin ang ating mga kahinaan, makatutulong ito sa atin na maging mapagpakumbaba. Kapag tayo ay nagpakumbaba at nanampalataya sa Tagapagligtas, ang ating mga kahinaan ay magiging mga kalakasan sa tulong ng Kanyang biyaya. Ipakita ang mga katotohanang natukoy ng mga estudyante upang magamit nila ito sa kasunod na aktibidad.
Anyayahan ang mga estudyante na ipaliwanag, bilang isang buong klase o sa maliliit na grupo, kung ano ang kahulugan ng mga alituntuning ito sa kanila.
Upang matulungan ang mga estudyante na mapag-isipan at madama nang mas malalim ang mga alituntuning ito, maaari mong ipakita ang ilan sa mga sumusunod na tanong at papiliin ang mga estudyante kung alin sa mga ito ang tatalakayin ninyo nang magkakasama. Maaaring kulang ang oras upang matalakay ang lahat ng ito.
-
Sa paanong mga paraan maaaring maging pagpapala sa isang tao ang isang kahinaan? (Kung nais ninyo, sumangguni sa pahayag ni Sister Michelle D. Craig sa bahagi 2 ng materyal sa paghahanda.)
-
Paano ninyo ipaliliwanag ang biyaya ng Panginoon sa isang taong nakadarama na hindi niya kayang iwaksi ang isang kasalanan o gawi?
-
Ano ang natutuhan ninyo tungkol sa Tagapagligtas sa pamamagitan ng pagpapakumbaba ng inyong sarili at pagtitiwala sa Kanyang biyaya sa inyong buhay?
-
Ano ang magagawa natin upang maanyayahan nang mas lubusan ang biyaya ng Panginoon sa ating buhay? (Maaari ninyong rebyuhin ang 2 Nephi 25:23, 29 at ang mga pahayag ng mga lider ng Simbahan sa bahagi 3 ng materyal sa paghahanda.)
Magpatotoo (o anyayahan ang isang estudyante na magpatotoo) tungkol sa Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas, lalo na sa Kanyang kapangyarihan na tulungan tayong madaig ang paghihirap, kalungkutan, kahinaan, at kakulangan.
Bigyan ng oras ang mga estudyante upang pagnilayan o isulat ang mga personal na impresyong nadama nila sa lesson ngayong araw. Maaari mo silang anyayahan na pag-isipan ang mga sumusunod na tanong: Ano sa palagay ninyo ang nais ipagawa sa inyo ng Panginoon upang lalo ninyong matanggap ang Kanyang biyaya? Ano ang maaari ninyong gawin upang madaig ang kahinaang kinakaharap ninyo sa kasalukuyan nang may mas matinding pagpapakumbaba at pananampalataya kay Cristo?
Para sa Susunod
Sabihin sa mga estudyante na isipin kung anong mga tanong ang mayroon sila tungkol sa daigdig ng mga espiritu, Pagkabuhay na Mag-uli, o Huling Paghuhukom. Sa paghahanda nila para sa susunod na klase, anyayahan sila na pag-isipan kung ano ang mga ginagawa nila upang makapaghanda para sa kabilang-buhay.