Institute
Lesson 27: Materyal ng Titser: Pananampalataya, Pag-asa, at Pag-ibig sa Kapwa-tao


“Lesson 27 Materyal ng Titser: Pananampalataya, Pag-asa, at Pag-ibig sa Kapwa-tao,” Materyal ng Titser para sa Kursong Mga Turo at Doktrina ng Aklat ni Mormon (2021)

“Lesson 27 Materyal ng Titser,” Materyal ng Titser para sa Kursong Mga Turo at Doktrina ng Aklat ni Mormon

Lesson 27 Materyal ng Titser

Pananampalataya, Pag-asa, at Pag-ibig sa Kapwa-tao

Itinuro ni Pangulong Dieter F. Uchtdorf, na noon ay nasa Unang Panguluhan, “Ang pananampalataya, pag-asa, at pag-ibig sa kapwa ay magpupuno sa isa’t isa, habang lumalago ang isa, lumalago rin ang iba” (“Ang Walang Hanggang Bisa ng Pag-asa,” Liahona, Nob. 2008, 23). Sa lesson na ito, maipapaliwanag ng mga estudyante kung paano magkaroon ng pananampalataya at pag-asa sa Tagapagligtas na si Jesucristo at sa Kanyang ebanghelyo at kung paano ito palakasin. Matutukoy din nila ang magagawa nila para mas lubos na magkaroon ng pag-ibig sa kapwa-tao na katulad ng kay Cristo.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo at Pag-aaral

Gumamit ng iba’t ibang angkop na pamamaraan. Para mapaganda ang karanasan ng mga estudyante sa pag-aaral, gumamit ng iba’t ibang pamamaraan sa pagtuturo, tulad ng mga tanong, talakayan sa klase, mga kuwento, mga writing exercise, mga halimbawa na totoong nangyari sa buhay, angkop na katatawanan, mga bagay, larawan, quotation, pangkatang gawain, paglalahad ng titser, at board o audiovisual presentation. Laging tandaan na ang mga pamamaraan sa pagtuturo ay paraan lamang para lalo pang matuto at hindi ito ang mismong layunin. (Tingnan sa Pagtuturo at Pag-aaral ng Ebanghelyo: Isang Hanbuk para sa mga Titser at Lider sa Seminaries and Institutes of Religion [2012], 66.)

Itinuro ni Mormon ang kaugnayan ng pananampalataya at pag-asa.

Ipakita ang kalakip na larawan ng isang lubid na may iba’t ibang kulay at ng magkakapatong na blocks. Ipaliwanag na ang iba’t ibang kulay sa mga bagay na ito ay kumakatawan sa pananampalataya, pag-asa, at pag-ibig sa kapwa-tao.

Larawan
lubid at laruang blocks
  • Sa paanong paraan maaaring mas natutulad ang pananampalataya, pag-asa, at pag-big sa kapwa-tao sa nakaikit na mga hibla ng isang lubid kaysa sa mga blocks na magkakapatong?

Ipakita ang sumusunod na pahayag ni Elder Chi Hong (Sam) Wong ng Pitumpu:

Larawan
Elder Chi Hong (Sam) Wong

Ang pananampalataya, pag-asa, at pag-ibig sa kapwa … [ay] mga hiblang nakaikit sa isa’t isa. Hindi tayo natatapos magpatatag ng pananampalataya, at pagkatapos ay nagkakaroon ng pag-asa, o matapos tayong magkaroon ng pag-asa, sa huli ay nagkakaroon tayo ng pag-ibig sa kapwa. Nagtutulungan ang mga ito. At habang nagkakaikit ang mga ito, nagtutulungang lahat ito sa paghubog ng ating pagkatao at patotoo. (“Pananampalataya, Pag-asa, at Pag-ibig sa Kapwa: Magkakahalong Katangian,” Liahona, Dis. 2016, 19)

Sabihin sa mga estudyante na rebyuhin ang Moroni 7:33, 38, 40–43, na inaalam kung ano ang itinuturo ng mga talatang ito sa atin tungkol sa kaugnayan ng pananampalataya at pag-asa.

  • Ano ang matututuhan natin sa mga talatang ito tungkol sa kaugnayan ng pananampalataya at pag-asa? (Maaaring masabi ng mga estudyante ang ilang katotohanan, kabilang ang sumusunod: Kapag nagkaroon tayo ng pananampalataya kay Jesucristo, nagtatamo tayo ng pag-asa na sa pamamagitan ng Kanyang Pagbabayad-sala at Pagkabuhay na Mag-uli, babangon tayo sa buhay na walang hanggan.)

  • Bakit lubos na nauugnay ang pag-asa sa pananampalataya at tiwala sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo at sa Kanyang Pagkabuhay na Mag-uli?

Iparebyu sa mga estudyante ang pahayag ni Pangulong M. Russell Ballard sa bahagi 1 ng materyal sa paghahanda.

  • May naiisip ba kayong mga halimbawa na maaaring nakita ninyo sa buhay ng mga tao na naglalarawan sa mga katotohanang itinuro ni Pangulong Ballard?

Isiping ibahagi ang sumusunod na sipi mula sa isang liham na ipinadala kay Pangulong Russell M. Nelson ng isang kaibigang nahihirapan sa isang personal na problema:

“Ang kasalanan at kabiguan ko ay halos nagpadama sa akin na imposible na akong makapagsisi. Nawawalan na ako ng pananampalataya. Una ang mga kasalanan; sinundan ng mga pag-aalinlangan. …

“Ang kawalan ko ng katiyakan, katatagan, direksyon, kakayahang magpasiya, kumpiyansa ay nagdulot ng pagdurusa at depresyon. Nalalagay sa peligro ang aking pamilya, ang aking kinabukasan, at ang aking pananampalataya. Nawawalan na ako ng pag-asa.” (“A More Excellent Hope,” Ensign, Peb. 1997, 60)

Sabihin sa mga estudyante na rebyuhin ang Eter 12:4, 32 at ang pahayag ni Pangulong Uchtdorf sa bahagi 2 ng materyal sa paghahanda, at talakayin kung ano ang maaaring gawin ng nagsulat ng liham na ito para muli siyang magkaroon ng pag-asa.

  • Ano ang pinakanakatulong sa inyo para magawang aktibong bahagi ng inyong pang-araw-araw na buhay ang pag-asa?

  • Batay sa inyong naisip at nadama sa lesson na ito, anong mga pagbabago ang nahikayat kayong gawin upang mapalakas ang inyong kakayahang makadama ng pag-asa? (Maaari mong bigyan ng oras ang mga estudyante na isulat ang kanilang mga naisip at nadama.)

Itinuro ni Mormon ang kahalagahan ng pagnanais na magkaroon ng kaloob na pag-ibig sa kapwa-tao.

Itanong sa mga estudyante ang sumusunod:

  • Mula sa inyong pag-aaral at karanasan, paano ninyo ipaliliwanag ang kahulugan ng pag-ibig sa kapwa-tao?

Ipabasa sa isang estudyante ang Moroni 7:43–44, 48, at itanong:

  • Sa inyong palagay, paano nauugnay ang pananampalataya at pag-asa kay Jesucristo sa kaloob na pag-ibig sa kapwa-tao?

  • Ano ang ipinayo ni Mormon na gawin natin kung talagang nais natin ang kaloob na pag-ibig sa kapwa-tao? (Tulungan ang mga estudyante na matukoy ang alituntuning tulad ng sumusunod: Kung tayo ay mananalangin nang buong lakas ng puso at susunod kay Jesucristo, tayo ay mapupuspos ng pag-ibig sa kapwa-tao.)

Bigyan ang mga estudyante ng ilang minuto na pagnilayan ang mga pagkakataon na nagdasal sila na tulungan silang magkaroon ng pag-ibig sa kapwa-tao at ano ang nangyari bunga nito.

Sabihin sa mga estudyante na gamawa ng maliliit na grupo, at bigyan ang bawat grupo ng sumusunod na handout.

Mga Halimbawa ng Pag-ibig sa Kapwa-tao sa Pang-araw-araw na Buhay

Materyal ng Titser para sa Kursong Mga Turo at Doktrina ng Aklat ni Mormon—Lesson 27

Bilang isang grupo, palalimin pa ang nauunawaan ninyo tungkol sa pag-ibig sa kapwa-tao sa pamamagitan ng pagkumpleto ng isa o dalawa sa mga sumusunod na aktibidad:

  1. Rebyuhin ang Moroni 7:45–47, at tukuyin ang mga salita o parirala na naglalarawan sa pag-ibig sa kapwa-tao. Pagkatapos ay magsalitan sa pagkumpleto ng sumusunod na tanong: “Sa anong paraan maipapakita ang pag-ibig sa kapwa-tao kapag …” (Halimbawa, “Sa anong paraan maipapakita ang pag-ibig sa kapwa-tao kapag hindi ka sumasang-ayon sa iba? kapag sinaktan ka ng isang tao?”) Gamit ang mga turo sa Moroni 7:45–47, sagutin ang mga tanong na ginawa ninyo.

  2. Rebyuhin ang pahayag ni President Jean B. Bingham sa bahagi 3 ng materyal sa paghahanda, at magbahagi ng mga halimbawa kung paano naging “perpektong halimbawa ng pag-ibig sa kapwa-tao” si Jesucristo (“Dadalhin Ko ang Liwanag ng Ebanghelyo sa Aking Tahanan,” Liahona, Nob. 2016, 6). Habang tinatalakay ninyo ang iba’t ibang halimbawa, tanungin ang isa’t isa ng mga bagay na makatutulong sa inyo na maipamuhay ang natutuhan ninyo mula sa halimbawa ng Tagapagligtas.

  3. Rebyuhin ang pahayag ni Pangulong Thomas S. Monson sa bahagi 3 ng materyal sa paghahanda, at magbahagi ng mga halimbawa ng pag-ibig sa kapwa-tao na nasaksihan ninyo sa buhay ng mga taong kilala ninyo. Talakayin kung ano ang itinuturo ng mga halimbawang ito tungkol sa pag-ibig sa kapwa-tao at kung paano tayo matutulungan ng mga halimbawang ito na maging higit na katulad ni Cristo sa ating pang-araw-araw na buhay.

Mga Halimbawa ng Pag-ibig sa Kapwa-tao sa Pang-araw-araw na Buhay

Larawan
handout ng titser

Pagkatapos ng sapat na oras, anyayahan ang ilang estudyante na magbahagi ng natutuhan nila sa kanilang mga grupo.

Ipakita ang mga sumusunod na tanong, at papiliin ang mga estudyante ng isa na sa palagay nila ay pinakanauugnay sa kanilang kasalukuyang kalagayan. Hikayatin ang mga estudyante na isulat ang anumang nadama o impresyong natanggap nila.

  • Sino ang kailangang makaramdam ng pagmamahal ng Tagapagligtas sa pamamagitan ko? Ano ang magagawa ko upang matulungan ang taong ito na madama ang Kanyang pagmamahal?

  • Paano ako napagpala ng mga salita o ginawa, na katulad ng kay Cristo, ng ibang tao?

  • Kailan ako napalapit kay Jesucristo at sa Ama sa Langit nang magpakita ako ng pagmamahal na katulad ng kay Cristo?

  • Ano ang kasalukuyang ginagawa ko (o hindi ko ginagawa) na humahadlang sa akin na hangarin (o matanggap) ang kaloob na pag-ibig sa kapwa-tao?

Hikayatin ang mga estudyante na magtakda ng mithiin kung paano nila sisikaping magkaroon ng mga katangiang katulad ng kay Cristo na pananampalataya, pag-asa, at pag-ibig sa kapwa-tao upang maging higit na katulad sila ni Jesucristo.

Para sa Susunod

Sabihin sa mga estudyante na dumating na handa sa susunod na klase para talakayin kung paano inaakay ng Aklat ni Mormon ang mga tao patungo kay Jesucristo. Hikayatin ang mga estudyante na isipin ang mga karanasan nila sa Aklat ni Mormon sa kursong ito na nagpatibay ng kanilang patotoo at pakikipag-ugnayan sa Ama sa Langit at kay Jesucristo.

Print