“Lesson 28 Materyal ng Titser: Lumapit Kay Cristo,” Materyal ng Titser para sa Kursong Mga Turo at Doktrina ng Aklat ni Mormon (2021)
“Lesson 28 Materyal ng Titser,” Materyal ng Titser para sa Kursong Mga Turo at Doktrina ng Aklat ni Mormon
Lesson 28 Materyal ng Titser
Lumapit kay Cristo
Bago tapusin ang kanyang tala, inanyayahan ng propetang si Moroni ang mga mambabasa na “lumapit kay Cristo, at maging ganap sa kanya” (Moroni 10:32). Sa lesson na ito, magkakaroon ang mga estudyante ng pagkakataong ipaliwanag kung bakit mahalagang itayo ang kanilang buhay sa saligan ni Jesucristo at isipin kung ano ang magagawa nila upang mas lubos na makalapit sa Kanya. Magkakaroon din sila ng pagkakataong ibahagi kung paanong ang pag-aaral nila ng Aklat ni Mormon sa kursong ito ay nakatulong sa kanila na lumapit kay Jesucristo.
Mga Mungkahi sa Pagtuturo
Itinuro ni Helaman sa kanyang mga anak na itayo ang buhay nila sa saligan ni Jesucristo.
Ipakita at basahin ang sumusunod na pahayag ni Elder Neil L. Andersen. Sabihin sa mga estudyante na isipin kung paano nauugnay ang mga turo ni Elder Andersen sa sarili nilang kalagayan.
Mga kaibigan kong kabataan, hindi magiging payapa ang mundo habang palapit tayo nang palapit sa Ikalawang Pagparito ng Tagapagligtas. Ipinahayag sa mga banal na kasulatan na “lahat ng bagay ay magkakagulo” [Doktrina at mga Tipan 88:91]. …
Ang mas nakapag-aalala kaysa mga ipinropesiyang lindol at digmaan [tingnan sa Dallin H. Oaks, “Paghahanda para sa Ikalawang Pagparito,” Liahona, Mayo 2004, 7–10] ay ang mga espirituwal na buhawi na maaaring bumunot sa inyo mula sa inyong mga espirituwal na pundasyon at ilapag ang inyong kaluluwa sa mga sitwasyong hindi ninyo sukat-akalain, na kung minsan ay halos hindi ninyo namamalayan na naalis na pala kayo sa inyong pundasyon.
Ang pinakamalalakas na buhawing tatangay sa inyo ay ang mga tukso ng kaaway. Noon pa man ay bahagi na ng mundo ang kasalanan, ngunit ngayon lang ito naging mabilis gawin, mahirap iwaksi, at katanggap-tanggap. (“Mga Espirituwal na Buhawi,” Liahona, Mayo 2014, 18)
-
Ano ang ilang espirituwal na buhawi na nakakaharap ng mga young adult ngayon? (Maaari mong ilista sa pisara ang mga sagot ng mga estudyante.)
-
Paano ninyo pinakamainam na mapaghahandaan ang mga espirituwal na buhawi na makakaharap ninyo? (Maaari mong ipaliwanag na gayon din ang itinanong ni Elder Andersen sa kanyang mensahe at saka binanggit ang Helaman 5:12.)
Basahin nang sabay-sabay ang Helaman 5:12, at ipatukoy sa mga estudyante ang isang alituntunin na makatutulong sa kanila na mapaglabanan ang kanilang mga espirituwal na buhawi. (Gamit ang mga sagot ng mga estudyante, maaari mong maisulat sa pisara ang alituntuning tulad ng sumusunod: Kung itatayo natin ang ating saligan kay Jesucristo, hindi magkakaroon si Satanas ng kapangyarihang wasakin tayo.)
-
Paano maaaring maapektuhan ng mga espirituwal na buhawi ang mga taong nagtayo ng kanilang buhay sa mga pinahahalagahan o pilosopiya ng mundo?
-
Bakit si Jesucristo lamang ang nag-iisang tiyak at tunay na saligan kung saan maitatayo natin ang ating buhay? (Maaari mong iparebyu sa mga estudyante ang pahayag ni Sister Sheri L. Dew sa bahagi 1 ng materyal sa paghahanda.)
-
Ano ang maaaring humadlang sa atin sa pagtatayo o pagpapanatili ng ating saligan kay Jesucristo? Paano natin madaraig ang mga hamong ito?
Sabihin sa mga estudyante na magbahagi ng ilang partikular na ginawa nila para maitayo ang kanilang buhay kay Jesucristo. (Maaari mong ilista sa pisara ang kanilang mga sagot.) Matapos ibahagi ng mga estudyante ang kanilang mga karanasan, bigyan sila ng oras na maisulat ang gagawin nila para lubos na maitayo ang kanilang buhay sa Panginoon.
Tinapos ni Moroni ang Aklat ni Mormon sa pag-anyaya sa lahat na lumapit kay Jesucristo.
Maaari kang magbahagi ng ibang karanasan tungkol sa kung paano nagbago ang buhay ng isang tao nang piliin niyang lumapit kay Cristo. Sabihin sa mga estudyante na talakayin ang natutuhan nila mula sa karanasang ito.
Basahin nang sabay-sabay ang Moroni 10:32–33, at sabihin sa mga estudyante na talakayin kung bakit angkop ang paanyayang ito sa huling kabanata ng Aklat ni Mormon. Tulungan ang mga estudyante na matukoy mula sa mga talatang ito ang alituntuning tulad ng sumusunod: Kapag lumapit tayo kay Jesucristo, tayo ay madadalisay at magiging ganap o perpekto sa pamamagitan ng Kanyang biyaya.
-
Paano ninyo ipaliliwanag ang ibig sabihin ng “lumapit kay Cristo” sa isang taong narinig ang paanyayang ito sa unang pagkakataon? (Maaaring makatulong na iparebyu sa mga estudyante ang pahayag ni Elder D. Todd Christofferson sa bahagi 2 ng materyal sa paghahanda.)
-
Ano ang ibig sabihin ng “pagkaitan ang [ating] sarili ng lahat ng kasamaan”? (Moroni 10:32).
-
Bakit kailangan natin ang biyaya ni Jesucristo para maging ganap o perpekto? Ano ang gagawin natin para maanyayahan ang nagbibigay-kakayahang kapangyarihan, o biyaya ng Panginoon sa ating buhay? (Hikayatin ang mga estudyante na rebyuhin ang pahayag ni President Tad R. Callister sa bahagi 2 ng materyal sa paghahanda.)
Hikayatin ang ilang estudyante na ibahagi kung paano sila natulungan ng biyaya ng Panginoon na lumapit kay Jesucristo.
Basahin nang sabay-sabay ang paanyaya ni Moroni sa Eter 12:41, at ipaalala sa mga estudyante na sinabi sa kanila na pagnilayan kung paano nila tinugon ang paanyayang ito. Sabihin sa mga estudyante na buklatin ang bahagi 3 ng materyal sa paghahanda at rebyuhin ang tatlong opsiyon sa ilalim ng pamagat na “Isulat ang Iyong mga Naisip.” Bigyan ng oras ang mga estudyante na rebyuhin ang isinulat nila, o, kung wala silang oras para makapaghanda, hikayatin silang pumili ng isa sa mga opsiyon at maghanda ng ilang ideya na ibabahagi.
Pagkatapos ng sapat na oras, anyayahan ang ilang estudyante na ibahagi ang isinulat nila. (Kung malaki ang iyong klase, maaari mong igrupu-grupo ang mga estudyante para magkaroon ng pagkakataon ang lahat na magbahagi.)
Sa pagtapos mo sa lesson at kursong ito, magpatotoo kung paano ka natulungan ng Aklat ni Mormon na lumapit kay Cristo. Hikayatin ang mga estudyante na patuloy na lumapit kay Cristo sa pamamagitan ng pag-aaral ng Aklat ni Mormon araw-araw.