“Lesson 14 Materyal ng Titser: Pagiging mga Kasangkapan sa mga Kamay ng Diyos,” Materyal ng Titser para sa Kursong Mga Turo at Doktrina ng Aklat ni Mormon (2021)
“Lesson 14 Materyal ng Titser” Materyal ng Titser para sa Kursong Mga Turo at Doktrina ng Aklat ni Mormon
Lesson 14 Materyal ng Titser
Pagiging mga Kasangkapan sa mga Kamay ng Diyos
Matapos na ang mga anak ni Mosias ay magsisi at magbalik-loob sa ebanghelyo ni Jesucristo, sila ay naging makakapangyarihang missionary at tumulong sa maraming Lamanita na lumapit sa Kanya. Ang lesson na ito ay magbibigay sa mga estudyante ng pagkakataong ibahagi kung paanong ang pagpapatatag ng sarili nilang pagbabalik-loob ay nagpapatindi sa kanilang hangaring ibahagi ang ebanghelyo sa iba. Pag-iisipan ng mga estudyante kung ano ang maaari nilang gawin upang maging mga mas epektibong kasangkapan sa mga kamay ng Diyos habang tinitipon nila ang Israel bilang paghahanda para sa Ikalawang Pagparito ng Panginoon.
Mga Mungkahi sa Pagtuturo
Si Alma at ang mga anak ni Mosias ay nagbalik-loob at humayo upang mangaral sa mga Lamanita.
Ipakita ang mga sumusunod na pahayag. Sabihin sa mga estudyante na i-rate nang tahimik ang kanilang sarili batay sa bawat pahayag gamit ang mga numerong 1 hanggang 5 (1 = talagang hindi sang-ayon at 5 = talagang sang-ayon).
-
Hangarin kong ibahagi ang ebanghelyo sa iba.
-
Nananalangin ako para sa mga pagkakataong ibahagi ang ebanghelyo.
-
Ang pagbabahagi ng ebanghelyo ay karaniwan at likas na bahagi ng aking buhay.
-
Sinisikap kong maging epektibong kasangkapan sa mga kamay ng Diyos sa pamamagitan ng pagbabahagi ng Kanyang ebanghelyo.
Matapos magawa ng mga estudyante ang pagsusuri na ito sa sarili, ipakita ang sumusunod na tanong: Ano ang magagawa ko upang maging mas epektibong kasangkapan sa pagbabahagi ng ebanghelyo ni Jesucristo? Anyayahan ang mga estudyante na pakinggan at isulat ang anumang pahiwatig na makatutulong sa kanila na masagot ang tanong na ito.
Ipaalala sa mga estudyante na ang mga anak ni Mosias ay naging mga kasangkapan sa mga kamay ng Diyos nang sila ay mag-ayuno at manalangin para sa Kanyang Espiritu at mangaral ng Kanyang ebanghelyo (tingnan sa Alma 17:3, 9, 11; 26:3, 15). Anyayahan ang mga estudyante na basahin ang Mosias 27:35–36 at Mosias 28:1–3, at alamin kung paano nagbago ang mga puso ng mga anak ni Mosias matapos silang magbalik-loob.
-
Ano ang napansin ninyo tungkol sa mga hangarin ng mga anak ni Mosias? Ano ang matututuhan natin mula sa kung paano nakaimpluwensya ang kanilang pagbabalik-loob sa kanilang hangarin na maging mga kasangkapan sa mga kamay ng Diyos? (Maaari mong anyayahan ang mga estudyante na rebyuhin ang pahayag ni Pangulong Dallin H. Oaks sa bahagi 1 ng materyal sa paghahanda. Gamit ang mga sagot ng mga estudyante, magsulat sa pisara ng alituntuning tulad ng sumusunod: Kapag lumalalim ang ating pagbabalik-loob, tumitindi ang ating hangarin at kahandaang maging kasangkapan sa mga kamay ng Diyos at ibahagi ang ebanghelyo.)
-
Sa inyong palagay, bakit ang pagpapalalim ng ating pagbabalik-loob ay nagpapatindi sa ating hangaring ibahagi ang ebanghelyo? Paano makatutulong sa atin ang pagkaunawa sa alituntuning ito na maghanda para sa misyon o maging mas mahusay sa pagbabahagi ng ebanghelyo sa ating pang-araw-araw na buhay?
-
Ano ang ilang halimbawa mula sa mga banal na kasulatan o kasaysayan ng Simbahan na naglalarawan sa alituntuning ito? Anong mga karanasan ang nakatulong sa inyo na malamang totoo ang alituntuning ito? (Maaari mong anyayahan ang mga estudyante na ibahagi sa isang kapartner ang kanilang mga halimbawa at personal na karanasan.)
Bigyan ng ilang minuto ang mga estudyante upang rebyuhin ang pagsusuri sa sarili na ginawa nila at pagnilayan ang tanong na binanggit sa simula ng klase. Maaari mo silang anyayahan na isulat ang mga naisip at nadama nila sa oras ng klase.
Ang mga anak ni Mosias ay naging mga kasangkapan sa mga kamay ng Panginoon.
Anyayahan ang mga estudyante na magbahagi ng anumang hamon na naranasan nila nang sikapin nilang ibahagi ang ebanghelyo. (Maaari mong ilista sa pisara ang kanilang mga sagot at talakayin kung paano makahahadlang sa atin ang mga hamong ito sa pagbabahagi ng ebanghelyo.)
Isulat sa pisara ang sumusunod na di-kumpletong pahayag: Maaari tayong maging mga mas epektibong kasangkapan sa mga kamay ng Diyos kapag tayo ay …
Rebyuhin nang pahapyaw ang mga hamong naranasan ng mga anak ni Mosias nang magsimula silang mangaral ng ebanghelyo sa mga Lamanita (tingnan sa bahagi 2 ng materyal sa paghahanda). Anyayahan ang mga estudyante na rebyuhin ang Alma 17:2–3, 9–11, at alamin kung ano ang ginawa ng mga anak ni Mosias upang madaig ang kanilang mga hamon at maging mga epektibong kasangkapan sa mga kamay ng Diyos.
-
Gamit ang natutuhan natin mula sa mga anak ni Mosias, paano natin kukumpletuhin ang pahayag sa pisara upang makabuo ng isang alituntunin? (Gamit ang mga salita ng mga estudyante, kumpletuhin ang pahayag upang makabuo ng isang alituntuning tulad ng sumusunod: Maaari tayong maging mga mas epektibong kasangkapan sa mga kamay ng Diyos kapag tayo ay nananalangin, nag-aayuno, at nagsasaliksik ng mga banal na kasulatan.)
Anyayahan ang mga estudyante na pansinin sa Alma 17:2–3 kung anong mga espirituwal na pagpapala ang dumating sa mga missionary na ito nang sila ay manalangin, mag-ayuno, at magsaliksik ng mga banal na kasulatan. (Tulungan ang mga estudyante na matukoy ang isa pang alituntuning tulad ng sumusunod: Kapag tayo ay nananalangin, nag-aayuno, at nagsasaliksik ng mga banal na kasulatan, maaari nating matanggap ang diwa ng paghahayag.)
-
Paano nakatulong kay Ammon ang diwa ng paghahayag upang maging isang epektibong kasangkapan sa mga kamay ng Diyos? (Maaari mong anyayahan ang isang estudyante na ikuwento nang pahapyaw ang karanasan ni Ammon kay Haring Lamoni at pagkatapos ay basahin ang Alma 18:33–35.)
-
Bakit mahalagang mapasaatin ang diwa ng paghahayag habang sinisikap nating maging mga kasangkapan sa mga kamay ng Diyos?
-
Paano nakatulong sa inyo ang diwa ng paghahayag upang maging mas epektibong kasangkapan sa mga kamay ng Diyos?
Maaari mong anyayahan ang isang estudyante na basahin ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Russell M. Nelson:
Sapagka’t kapag hinangad nating pakinggan—tunay na pakinggan—[si Jesucristo], gagabayan tayong malaman ang gagawin sa anumang kalagayan. …
Muli akong nakikiusap sa inyo na gawin ang anumang dapat gawin upang madagdagan ang inyong espirituwal na kakayahang tumanggap ng personal na paghahayag. (“Pakinggan Siya,” Liahona, Mayo 2020, 89, 90)
Anyayahan ang mga estudyante na rebyuhin ang pahayag ni Elder Dieter F. Uchtdorf sa bahagi 3 ng materyal sa paghahanda at pagnilayan ang mga sumusunod na tanong:
-
Sino ang maaari kong anyayahan na lumapit sa Tagapagligtas?
-
Ano ang maaari kong gawin upang maging kasangkapan sa mga kamay ng Panginoon upang matulungan ang mga indibiduwal na iyon na mapalapit kay Cristo?
Maaari mong bigyan ng oras ang mga estudyante upang isulat ang mga naisip at nadama nila. Maaari mo ring anyayahan ang sinumang estudyante na nais magbahagi na ibahagi kung ano ang plano niyang gawin.
Ipaliwanag na dahil sa kanilang paghahanda, natanggap din ng mga anak ni Mosias ang diwa ng propesiya at nakapagturo sila nang may kapangyarihan at awtoridad. (Makatutulong na ipaliwanag na ang pariralang “diwa ng propesiya” ay maaaring tumukoy sa “patotoo ni Jesus” [Apocalipsis 19:10].) Tiyakin sa mga estudyante na maaari din tayong makatanggap ng gayong mga pagpapala kapag naghanda tayong maging mga kasangkapan sa mga kamay ng Diyos.
Maaari mong ibahagi ang iyong patotoo na sa tulong ng Panginoon, ang bawat isa sa atin ay maaaring maging mga kasangkapan sa Kanyang mga kamay at makatulong sa pagtitipon ng Israel.
Para sa Susunod
Sabihin sa mga estudyante na pag-isipan kung gaano sila kahanda para sa Ikalawang Pagparito ni Cristo. Ipaliwanag na ang susunod na unit ay tungkol sa pagdalaw ng Tagapagligtas sa mga Nephita sa lupain ng Amerika. Sa paghahanda ng mga estudyante para sa susunod na klase, hikayatin silang alamin kung ano ang maituturo sa kanila ng mga pangyayari bago ang pagpapakita ng Tagapagligtas sa mga Nephita tungkol sa paghahanda para sa Kanyang pagbabalik sa mga huling araw.