“Lesson 10 Materyal sa Paghahanda para sa Klase: Pagsisisi at Kapatawaran,” Materyal ng Titser para sa Kursong Mga Turo at Doktrina ng Aklat ni Mormon (2021)
“Lesson 10 Materyal sa Paghahanda para sa Klase,” Materyal ng Titser para sa Kursong Mga Turo at Doktrina ng Aklat ni Mormon
Lesson 10 Materyal sa Paghahanda para sa Klase
Pagsisisi at Kapatawaran
Ang pagsisisi ay bahagi ng doktrina ni Jesucristo. Ito ang Kanyang kaloob sa mga yaong nagnanais na magbago at malinis mula sa kasalanan. Naaalala mo ba ang nadama mo nang taos-puso kang humingi ng tawad at magsisi para sa isang bagay na nagawa mo noon? Itinuro ni Elder Richard G. Scott ng Korum ng Labindalawang Apostol, “Tandaan, ang pagsisisi ay hindi parusa. Ito ang landas na puno ng pag-asa tungo sa mas maluwalhating kinabukasan” (“Sariling Lakas sa Pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo,” Liahona, Nob. 2013, 84). Habang nag-aaral ka upang makapaghanda para sa klase, pagnilayan kung paano ka tinutulutan ng kaloob na pagsisisi at kapatawaran ng Tagapagligtas na matuto, umunlad, at maging higit na katulad Niya.
Bahagi 1
Paano ako tunay na makapagsisisi at makatatanggap ng kapatawaran mula sa Panginoon para sa aking mga kasalanan?
Si Nakababatang Alma ay hindi naniwala sa mga turo ng kanyang ama na si Nakatatandang Alma. Kasama ang mga anak ni Haring Mosias, si Nakababatang Alma ay naging masigasig sa pagtatangkang wasakin ang Simbahan ng Tagapagligtas. Habang isinasakatuparan nila ang masamang gawaing ito, isang anghel ng Panginoon ang nagpakita sa kanila at nagbabala kay Alma na itigil ang kanyang ginagawa o siya ay “i[ta]takwil” (Mosias 27:16). Nanggilalas dahil sa karanasang ito, si Alma ay hindi makapagsalita o makagalaw. Dinala ng mga anak ni Mosias si Nakababatang Alma sa kanyang ama at ipinaliwanag nila ang nangyari. (Tingnan sa Mosias 27:8–20.)
Ganito ang sinabi ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol tungkol sa napakahalagang papel na ginagampanan ng Panginoon sa ating pagsisisi:
Si Cristo ang kapangyarihan sa likod ng lahat ng pagsisisi. … Naantig si Alma sa itinuro ng kanyang ama, ngunit ang lalong mahalaga ay naalala niya ang propesiya hinggil sa “pagparito ng isang Jesucristo, isang Anak ng Diyos, na magbabayad-sala para sa mga kasalanan ng sanlibutan.” (Alma 36:17.) Iyan ang pangalan at iyan ang mensahe na dapat marinig ng lahat ng tao. … Anuman ang iba pa nating idinadalangin, anuman ang iba pa nating pangangailangan, lahat ay nakabatay sa pagsamong iyon: “O Jesus, ikaw na Anak ng Diyos, kaawaan ako.” Handa Siyang magbigay ng awa. Buhay Niya ang mismong ibinayad Niya upang maibigay ito. (However Long and Hard the Road [1985], 85)
Bahagi 2
Paano naging bahagi ng taos-pusong pagsisisi ang pag-aalay sa Panginoon ng isang bagbag na puso at nagsisising espiritu?
Sinunod ng mga Nephita ang batas ni Moises hanggang sa panahon bago personal na nagpakita sa kanila si Jesucristo. Bilang bahagi ng batas ni Moises, inutusan ng Tagapagligtas ang Kanyang mga tao na mag-alay ng mga hain na hayop bilang simbolo ng nagbabayad-salang sakripisyo na gagawin Niya.
Ipinaliwanag ni Elder Bruce D. Porter ng Pitumpu ang kahulugan ng pariralang “isang bagbag na puso at nagsisising espiritu” (3 Nephi 9:20):
Kapag tayo ay nagkakasala at nais nating mapatawad, ang ibig sabihin ng bagbag na puso at nagsisising espiritu ay dumanas ng “kalumbayang mula sa Diyos [na] gumagawa ng pagsisisi” (2 Corinto 7:10). Dumarating ito kapag napakasidhi ng pagnanais nating malinis mula sa kasalanan kaya ang puso natin ay nagdadalamhati at nais nating makadama ng kapayapaan sa piling ng ating Ama sa Langit. Yaong may bagbag na puso at nagsisising espiritu ay handang gawin ang anuman at lahat ng ipinagagawa ng Diyos sa kanila nang walang pagtutol o hinanakit. Tumitigil tayo sa paggawa ng mga bagay ayon sa ating pamamaraan at sa halip ay natututo tayong gawin ang mga iyon ayon sa pamamaraan ng Diyos. Sa gayong kundisyon ng pagsuko, magkakaroon ng bisa ang Pagbabayad-sala at magaganap ang tunay na pagsisisi. (“Isang Bagbag na Puso at Nagsisising Espiritu,” Liahona, Nob. 2007, 32)
Bahagi 3
Bakit handa ang Tagapagligtas na patawarin ako sa aking mga kasalanan?
Sa panahon ng paghahari ni Haring Mosias, hinimok ng “marami sa mga bagong salinlahi” (Mosias 26:1) ang mga miyembro ng Simbahan na gumawa ng mabibigat na kasalanan. Dahil hindi nakatitiyak kung paano lulutasin ang sitwasyong ito, si Nakatatandang Alma ay bumaling sa Panginoon para sa patnubay.
Itinuro ni Elder Dale G. Renlund ng Korum ng Labindalawang Apostol:
Nakapagpapatawad si Jesucristo dahil binayaran Niya ang halaga ng ating mga kasalanan [tingnan sa Isaias 53:5].
Pinipili ng ating Manunubos na magpatawad dahil sa Kanyang hindi mapapantayang habag, awa, at pagmamahal.
Nais ng ating Tagapagligtas na magpatawad dahil ito ay isa sa Kanyang mga banal na katangian.
At, bilang Mabuting Pastol, ikinagagalak Niya kapag pinili nating magsisi [tingnan sa Lucas 15:4–7; Doktrina at mga Tipan 18:10–13]. (“Pagsisisi: Isang Pagpiling Puno ng Kagalakan,” Liahona, Nob. 2016, 123; idinagdag ang italics)
Tiniyak din ni Elder Neil L. Andersen ng Korum ng Labindalawang Apostol:
Namangha ako sa yakap ng mga bisig ng awa at pagmamahal ng Tagapagligtas para sa taong nagsisisi, gaano man kasakim ang tinalikurang pagkakasala. Pinatototohanan ko na kaya at sabik ang Tagapagligtas na patawarin ang ating mga kasalanan. (“Magsisi … Upang Mapagaling Ko Kayo,” Liahona, Nob. 2009, 40)