Institute
Lesson 7 Materyal sa Paghahanda para sa Klase: Ang Nagpapalakas na Kapangyarihan ni Jesucristo


“Lesson 7 Materyal sa Paghahanda para sa Klase: Ang Nagpapalakas na Kapangyarihan ni Jesucristo,” Materyal ng Titser para sa Kursong Mga Turo at Doktrina ng Aklat ni Mormon (2021)

“Lesson 7 Materyal sa Paghahanda para sa Klase,” Materyal ng Titser para sa Kursong Mga Turo at Doktrina ng Aklat ni Mormon

Lesson 7 Materyal sa Paghahanda para sa Klase

Ang Nagpapalakas na Kapangyarihan ni Jesucristo

His Hand Is Stretched Out Still [Nakaunat Pa Rin ang Kanyang Kamay], ni Elizabeth Thayer

Isipin sandali ang mga pagkakataong nakaranas ka ng pisikal, mental, emosyonal, o espirituwal na problema. Isipin din ang mga paraang nadarama mong mahina o may kakulangan ka. Sinabi ni Pangulong Dallin H. Oaks ng Unang Panguluhan, “Dahil sa Kanyang Pagbabayad-sala, may kapangyarihan ang Tagapagligtas na sumaklolo—tumulong—sa lahat ng pasakit at paghihirap ng tao” (“Pinalakas ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo,” Liahona, Nob. 2015, 62). Habang pinag-aaralan mo ang iba pa tungkol sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo, isipin kung paano ka natulungan at patuloy na tutulungan ng Panginoon na matiis ang mga paghihirap at madaig ang kahinaan sa iyong buhay.

Bahagi 1

Paano ako matutulungan ng Tagapagligtas sa aking mga paghihirap at kahinaan?

Ganito ang sinabi ni President Tad R. Callister, dating Sunday School General President, tungkol sa sakop ng Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas:

President Tad R. Callister

[Ginawang posible ng] Pagbabayad-sala ni Jesucristo … na [tayo ay] bumalik sa piling ng Diyos, maging mas katulad Niya, at magkaroon ng lubos na kagalakan. Ito ay nagawa sa pamamagitan ng pagdaig sa apat na hadlang:

  1. Pisikal na kamatayan

  2. Espirituwal na kamatayan na dulot ni Adan at ng ating mga kasalanan

  3. Ang ating mga paghihirap at sakit

  4. Ang ating mga kahinaan at pagiging hindi perpekto

(“Ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo,” Liahona, Mayo 2019, 85)

Sa lesson 6, “Ang Walang Hanggang Pagbabayad-sala ni Jesucristo,” tinalakay natin ang dalawang unang hadlang. Ngayon, isipin natin kung paano dinaig ng Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas ang pangatlo at pang-apat na hadlang.

Noong mga 83 BC, si Nakababatang Alma ay nagbitiw bilang punong hukom upang maituro niya ang salita ng Diyos sa buong lupain. Sa lunsod ng Gedeon, nagpropesiya si Alma na ang Manunubos ay isisilang sa mundo at mamumuhay kasama ng Kanyang mga tao at na mararanasan Niya ang lahat ng pasakit, paghihirap, at tukso sa mortalidad.

icon, pag-aralan

Mag-aral upang Makapaghanda para sa Klase

Basahin ang Alma 7:11–12 at hanapin ang mga dahilan kung bakit dinala ni Jesucristo sa Kanyang sarili ang mga mortal na karanasang ito.

Si Cristo sa Getsemani, ni Heinrich Hofmann

Tungkol sa partikular na turo na ito sa Aklat ni Mormon, sinabi ni Presiding Bishop Gérald Caussé:

Bishop Gérald Caussé

Bukod pa sa pagpasan sa bigat ng ating mga kasalanan, inako ng Cristo sa Kanyang Sarili ang ating mga pighati, sakit, pagdurusa, at karamdaman, at lahat ng paghihirap na kaakibat ng pagiging mortal ng tao. Walang paghihirap, sakit o kalungkutan na hindi Niya pinagdusahan para sa atin [tingnan sa Alma 7:11–12]. (“Isang Buhay na Saksi ng Buhay na Cristo,” Liahona, Mayo 2020, 39)

Itinuro din ni Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol:

Elder David A. Bednar

Sa sandali ng kahinaan, maaari nating ibulalas, “Walang nakakaalam ng pinagdaraanan ko. Walang nakakaunawa.” Ngunit lubos itong nalalaman at nauunawaan ng Anak ng Diyos, dahil naranasan at pinasan na Niya ang mga pasanin ng bawat isa sa atin. At dahil sa Kanyang walang-katapusan at walang-hanggang sakripisyo (tingnan sa Alma 34:14), ganap ang Kanyang pagdamay at maiuunat Niya sa atin ang Kanyang bisig ng awa. Maaabot, maaantig, matutulungan, mapapagaling, at mapapalakas Niya tayo nang higit kaysa makakaya natin at matutulungan Niya tayong gawin ang hinding-hindi natin makakayang gawing mag-isa. (“Mabata Nila ang Kanilang mga Pasanin nang May Kagaanan,” Liahona, Mayo 2014, 90)

babaeng nag-iisip
icon, isulat

Isulat ang Iyong mga Naisip

Paano nakatutulong sa iyo ang kaalamang lubos na nauunawaan ng Tagapagligtas ang lahat ng iyong paghihirap at kahinaan? Kailan mo nadama na tinulungan, pinanatag, o pinalakas ka Niya habang nakararanas ka ng mga hamon sa iyong buhay?

Bahagi 2

Paano ako matutulungan ng Tagapagligtas sa aking mga kahinaan at pagiging hindi perpekto?

Bilang huling awtor sa Aklat ni Mormon, nagsama si Moroni ng pinaikling tala ng mga lamina ni Eter, na naglalaman ng kuwento tungkol sa mga Jaredita at ng mga isinulat ng kapatid ni Jared. Namangha si Moroni sa kahusayan ng pagsusulat ng kapatid ni Jared at ipinahayag niya ang kanyang pag-aalala tungkol sa kahinaang nakita niya sa sarili niyang pagsusulat at sa pagsusulat ng iba pang mga propeta sa Aklat ni Mormon.

nagsusulat si Moroni sa mga laminang ginto
icon, pag-aralan

Mag-aral upang Makapaghanda para sa Klase

Basahin ang Eter 12:23–27 at isipin kung ano ang nadama ni Moroni tungkol sa kanyang mga kakulangan. Pagnilayan kung paano mapagpapala ng tugon ng Panginoon ang iyong buhay.

Upang maunawaan nang may walang hanggang pananaw ang ating mga kahinaan at pagiging hindi perpekto, itinuro ni Sister Michelle D. Craig, Unang Tagapayo sa Young Women General Presidency:

Sister Michelle D. Craig

Siyempre, lahat tayo ay hindi sapat na makakaabot sa ating banal na potensyal, at may bahid ng katotohanan ang pagkatanto na hindi tayo sapat kapag tayo’y nag-iisa. Ngunit ang mabuting balita ng ebanghelyo ay na sa biyaya ng Diyos, tayo ay sapat na. …

Ang nakakagulat ay totoo na ang ating mga kahinaan ay maaaring maging pagpapala kapag napapakumbaba tayo nito at bumabaling tayo kay Cristo. …

Sa katunayan, ang mga himala ni Jesus ay kadalasang nagsisimula sa pagkilala sa kakulangan, pangangailangan, kabiguan, o kahinaan. (“Hindi Pagiging Kuntento sa Ating Espirituwalidad,” Liahona, Nob. 2018, 54)

icon, pagnilayan

Magnilay-nilay upang Makapaghanda para sa Klase

Kailan mo nakita, sa tulong ng Tagapagligtas, na ang isang kahinaan ay naging pagpapala sa iyong buhay o sa buhay ng isang taong kakilala mo?

Bahagi 3

Paano ko maaanyayahan nang mas lubusan ang biyaya ng Panginoon sa aking buhay?

Sa kanyang mga isinulat, pinatotohanan ni Nephi na naialis ni Moises ang mga anak ni Israel mula sa pagkabihag sa pamamagitan ng kapangyarihan at biyaya ng Diyos. Isinulat ni Nephi, “Yamang buhay ang Panginoong Diyos, wala nang ibang pangalang ibinigay sa ilalim ng langit maliban dito kay Jesucristo … na makaliligtas sa tao” (2 Nephi 25:20). Itinuro ni Nephi sa kanyang mga tao na tanging ang biyaya ni Jesucristo, hindi ang pagsunod lamang sa batas ni Moises, ang makapagliligtas sa kanila. Ang biyaya ay “dakilang tulong o lakas, na ibinibigay sa pamamagitan ng saganang awa at pagmamahal ni Jesucristo” (Bible Dictionary, “Grace”).

Dinalaw ni Cristo ang mga Nephita, ni Minerva K. Teichert
icon, pag-aralan

Mag-aral upang Makapaghanda para sa Klase

Basahin ang 2 Nephi 25:23, 29 at alamin kung ano ang iyong papel sa pag-anyaya sa biyaya ng Panginoon sa iyong buhay.

Ang pariralang “sa kabila ng lahat ng ating magagawa” (2 Nephi 25:23) ay maaaring tila napakahirap. Isipin kung paano makatutulong ang mga sumusunod na pahayag mula sa dalawang miyembro ng Korum ng Labindalawang Apostol upang maunawaan natin ang kahulugan ng pariralang ito.

Portrait of Elder D. Todd Christofferson.  Photographed in March 2020.

At hindi natin kailangang kamtin ang katamtamang lebel ng kakayahan o kabutihan bago tumulong ang Diyos—ang banal na tulong ay mapapasaatin sa bawat oras ng bawat araw, saan man tayo naroon sa landas ng pagsunod. Ngunit alam ko na bukod sa paghahangad ng tulong Niya, kailangan nating magsikap, magsisi, at piliin ang Diyos para palagi Siyang makakilos sa ating buhay nang may katarungan at kalayaang moral. (D. Todd Christofferson, “Malaya Magpakailanman, na Kumilos para sa Kanilang Sarili,” Liahona, Nob. 2014, 19)

Elder Ulisses Soares

Ang Panginoon, sa Kanyang awa, ay tutulong sa bawat isa sa atin na pasanin ang ating mga krus at pagaanin ang ating mga pasanin. … Pakiusap, huwag sumuko matapos ang sunud-sunod na kabiguan at isiping hindi ninyo kayang tumalikod sa kasalanan at daigin ang adiksyon. Hindi kayo dapat tumigil na sumubok at pagkatapos ay magpatuloy sa kahinaan at kasalanan! Laging sikaping gawin ang lahat ng inyong makakaya, ipinapakita sa pamamagitan ng inyong mga gawa ang pagnanais na linisin ang i[n]yong kalooban, tulad ng itinuro ng Tagapagligtas. Minsan ang solusyon sa ilang pagsubok ay darating pagkatapos ng ilang buwan ng patuloy na pagsisikap. Ang pangakong matatagpuan sa Aklat ni Mormon na “naligtas tayo sa pamamagitan ng biyaya, sa kabila ng lahat ng ating magagawa” [2 Nephi 25:23] ay angkop sa mga kalagayang ito. Alalahanin na ang kaloob ng biyaya ng Tagapagligtas “ay hindi nalilimitahan sa panahong ginugol sa ‘kabila’ ng lahat ng ating magagawa. Maaari nating matanggap ang Kanyang biyaya bago, habang, at matapos ang panahon na nagawa na natin ang lahat” [tingnan sa Bruce C. Hafen, The Broken Heart: Applying the Atonement to Life’s Experiences (1989), 155–56]. (Ulisses Soares, “Pasanin ang Ating Krus,” Liahona, Nob. 2019, 113–14)

icon, talakayin

Ibahagi ang Iyong Natutuhan

Maaari mong ibahagi sa isang kaibigan o kapamilya kung ano ang natutuhan mo tungkol sa pariralang “naligtas tayo sa pamamagitan ng biyaya, sa kabila ng lahat ng ating magagawa” (2 Nephi 25:23). Sa iyong palagay, paano mo mas maaanyayahan ang nagpapalakas na kapangyarihan ng Tagapagligtas sa iyong buhay upang makatulong sa ilan sa iyong mga kasalukuyang kahinaan o kakulangan?