Institute
Lesson 11 Materyal ng Titser: Pagpapatuloy sa Paglakad sa Landas ng Tipan


“Lesson 11 Materyal ng Titser: Pagpapatuloy sa Paglakad sa Landas ng Tipan,” Materyal ng Titser para sa Kursong Mga Turo at Doktrina ng Aklat ni Mormon (2021)

“Lesson 11 Materyal ng Titser” Materyal ng Titser para sa Kursong Mga Turo at Doktrina ng Aklat ni Mormon

Lesson 11 Materyal ng Titser

Pagpapatuloy sa Paglakad sa Landas ng Tipan

Ang pananampalataya kay Jesucristo at pagsisisi sa ating mga kasalanan ang mga unang hakbang sa landas ng tipan patungo sa buhay na walang hanggan. Sa pamamagitan ng ordenansa ng binyag, nakikipagtipan tayo sa ating Ama sa Langit at kay Jesucristo. Sa lesson na ito, magagawa ng mga estudyante na magbahagi ng mga halimbawa kung paano nila tinutupad ang kanilang tipan sa binyag sa pang-araw-araw na buhay, magpatotoo tungkol sa nagpapabanal na impluwensya ng Espiritu Santo, at matukoy kung ano ang maaari nilang gawin upang makapagtiis hanggang wakas nang may higit na pag-asa at kagalakan.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo at Pag-aaral

Maghikayat ng pagtatanong. Sinabi ni Pangulong Henry B. Eyring ng Unang Panguluhan: “Ang pagtatanong at pagsagot sa mga tanong ang susi sa lahat ng pag-aaral at pagtuturo” (“The Lord Will Multiply the Harvest” [mensahe sa satellite broadcast para sa mga nagtuturo ng relihiyon sa Church Educational System, Peb. 6, 1998, 5–6]). Karaniwang iniaangkop natin ang alituntuning ito sa mga titser na nagtatanong at sa mga estudyante na sumasagot sa mga ito. Bagama’t ang mga epektibong tanong mula sa mga titser ay nakatutulong na matuto ang mga estudyante, ang mga tanong mula sa mga estudyante ay maaari ding magkaroon ng malaking papel sa karanasan sa pag-aaral. Sikaping maipadama sa loob ng klase na ang mga tanong ng mga estudyante ay hinihikayat, iginagalang, at pinag-iisipang mabuti bago sagutin. Hindi kaagad sinasagot ng isang matalinong titser ang lahat ng tanong ng mga estudyante. Maaari niyang anyayahan ang iba pang mga estudyante na sagutin ito, ituro sila sa inspiradong sanggunian o source, o anyayahan silang mag-ukol ng oras na pag-aralan pa ito matapos ang klase at pagkatapos ay ipaulat sa kanila kung ano ang natutuhan nila.

Itinuro nina Alma at Nephi ang kahalagahan ng ating tipan sa binyag at ng kaloob na Espiritu Santo.

Ipakita ang sumusunod na pahayag ni Elder Benjamin M. Z. Tai ng Pitumpu:

Larawan
Elder Benjamin M. Z. Tai

Ang plano ng pagkilos ng Diyos para sa atin—ang doktrina ni Cristo—ay itinuturo nang napakalinaw sa Aklat ni Mormon. Kabilang dito ang … paggawa at pagtupad [ng] mga tipan sa Diyos sa mga ordenansang tulad ng binyag. Pananatilihin tayo nito sa landas ng tipan patungo sa Kanya. (“Sang Bisa ng Aklat ni Mormon sa Pagbabalik-loob,” Liahona, Mayo 2020, 46)

  • Sa paanong mga paraan nakaapekto ang inyong binyag sa kakayahan ninyong maging higit na katulad ng Ama sa Langit at ni Jesucristo?

Ipakita ang di-kumpletong pahayag na ito: Kapag nabinyagan tayo, nakikipagtipan tayo na …

Anyayahan ang mga estudyante na rebyuhin ang Mosias 18:8–10, at alamin ang ilan sa mga bagay na nakikipagtipan tayo na gawin at ang kahihinatnan natin kapag nabinyagan tayo. (Maaaring kabilang sa mga sagot ng mga estudyante ang sumusunod: Kapag nabinyagan tayo, nakikipagtipan tayo na pasanin ang pasanin ng isa’t isa; makidalamhati sa mga yaong nagdadalamhati; aliwin yaong mga nangangailangan ng aliw; tumayo bilang mga saksi ng Diyos; maglingkod sa Kanya; sundin ang Kanyang mga kautusan.)

Ipaalala sa mga estudyante na inanyayahan sila na mag-isip ng mga halimbawang nakita nila sa mga tao na tumutupad ng kanilang tipan sa binyag. Bigyan ng ilang minuto ang mga estudyante upang alalahanin ang kanilang mga halimbawa at pagkatapos ay ibahagi ang kanilang mga ideya sa isang kapartner o sa maliliit na grupo. Matapos nilang ibahagi ang kanilang mga halimbawa sa isa’t isa, maaari mong itanong sa mga estudyante ang mga sumusunod:

  • Ano ang ilang halimbawa ng pagtupad ni Jesucristo sa Kanyang tipan sa binyag na aliwin, palakasin, at damayan ang iba?

  • Ano ang natutuhan ninyo sa inyong buhay tungkol sa pakikidalamhati sa mga yaong nagdadalamhati o pag-aliw sa mga yaong nangangailangan ng aliw? (Maaari ninyong rebyuhin ang pahayag ni Elder Dale G. Renlund sa bahagi 1 ng materyal sa paghahanda.) Ano ang kaibhang nagagawa ng pagsisikap ninyong tingnan ang iba ayon sa pagtingin sa kanila ng Ama sa Langit?

Ipaliwanag na kapag tinutupad natin ang ating tipan sa binyag, ipinapangako ng Panginoon na mapapasaatin ang patnubay ng Espiritu Santo. Anyayahan ang mga estudyante na rebyuhin ang 2 Nephi 31:13, 17 at alamin kung paano tayo mapagpapala kapag tinanggap natin ang kaloob na Espiritu Santo.

  • Paano ninyo ipaliliwanag ang binyag ng apoy at pagsasalita sa wika ng mga anghel sa isang taong naghahanda para sa binyag? (Maaari ninyong rebyuhin ang mga pahayag nina Pangulong Boyd K. Packer at Elder David A. Bednar sa bahagi 2 ng materyal sa paghahanda.) Sa paanong mga paraan ninyo naranasan ang mga pagpapalang ito?

Maaari mong bigyan ng oras ang mga estudyante upang pagnilayan ang mga sumusunod na tanong:

  • Ano ang ginagawa ko upang maanyayahan ang mga pagpapala ng Espiritu Santo sa aking buhay? Ano ang dapat kong patuloy na gawin, simulang gawin, o ihintong gawin upang matamasa ko nang mas lubusan ang nagpapabanal na kapangyarihan ng Espiritu Santo?

Itinuro ni Nephi ang kahalagahan ng pagtitiis hanggang wakas.

Maaari mong gamitin ang sumusunod na kuwento na ibinahagi ni Elder Robert D. Hales ng Korum ng Labindalawang Apostol o ang sarili mong kuwento na naglalarawan ng kahalagahan ng pagtitiis sa mahihirap na kalagayan:

Larawan
Elder Robert D. Hales

Noong 1968, isang marathon runner na nagngangalang John Stephen Akhwari ang kumatawan sa Tanzania sa isang pandaigdigang paligsahan. “Mahigit isang oras matapos makatawid [ang nanalo] sa finish line, nakarating si John Stephen Akhwari … sa istadyum, ang huling tao na nakatapos sa karera. [Bagama’t pagod, namumulikat ang binti, uhaw, at balisa,] isang tinig mula sa kaibuturan ng kanyang puso ang nagsabing magpatuloy siya, kaya nagpatuloy siya. … Nang tanungin kung bakit tinapos pa niya ang isang karera na hindi niya kailanman maipapanalo, sumagot si Akhwari, “Hindi ako ipinadala ng aking bansa na 5,000 milya ang layo upang simulan ang karera; ipinadala ako ng aking bansa upang tapusin ang karera.” (“Behold, We Count Them Happy Which Endure,” Ensign, Mayo 1998, 76)

  • Ano ang ilang dahilan kung bakit maaaring piliin ni John Stephen Akhwari na hindi tapusin ang karera?

  • Paano maikukumpara ang karanasan ni John sa mga hamong maaari nating kaharapin kapag nagsisikap tayo na tuparin ang ating mga tipan?

  • Ano ang ilang dahilan kung bakit maaaring piliin ng isang tao na hindi manatiling tapat sa kanyang mga tipan?

Upang mapasigla ang talakayan, maaari mong anyayahan ang mga estudyante na bumuo ng maliliit na grupo at basahin ang 2 Nephi 31:15–16, 19–21, at alamin kung ano ang ibig sabihin ng magtiis hanggang wakas. (Maaari mo rin silang anyayahan na basahin ang ilan sa mga scripture passage na nakalista sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan sa ilalim ng paksang “Makapagtiis.”)

Matapos ang sapat na oras, anyayahan ang mga estudyante na ibahagi ang natutuhan nila. (Maaaring matukoy ng mga estudyante ang mga katotohanang tulad ng sumusunod: Kapag tayo ay nagpatuloy sa paglakad nang may katatagan kay Cristo sa makipot at makitid na landas at nagtiis hanggang wakas, tayo ay pagkakalooban ng Ama sa Langit ng buhay na walang hanggan.) Isipin kung alin sa mga sumusunod na tanong ang higit na makatutulong sa iyong mga estudyante na maunawaan nang mas malalim ang alituntuning ito:

  • Ano ang ibig sabihin sa inyo ng magpatuloy sa paglakad nang may katatagan kay Cristo? nang may ganap na kaliwanagan ng pag-asa?

  • Ano ang ilang halimbawa mula sa buhay ng Tagapagligtas, mula sa isang tao sa Aklat ni Mormon, o mula sa isang taong kakilala ninyo na makatutulong sa atin na mas maunawaan ang ibig sabihin ng magtiis hanggang wakas? (Maaaring nakapagsulat ang mga estudyante ng mga sagot sa tanong na ito nang pag-aralan nila ang bahagi 3 ng materyal sa paghahanda.)

  • Sa paanong mga paraan kayo magpapatuloy sa paglakad nang may katatagan kay Cristo? Ano ang isang bagay na magagawa ninyo upang makapagtiis hanggang wakas nang may higit na pag-asa at kagalakan?

Maaari mong tapusin ang lesson sa pamamagitan ng pagbabahagi ng iyong patotoo o pag-anyaya sa isang estudyante na ibahagi ang kanyang patotoo tungkol sa mga katotohanang natukoy sa lesson na ito.

Para sa Susunod

Itanong sa mga estudyante kung ano ang sasabihin nila sa isang taong nagtanong sa kanila kung sila ay isinilang na muli. Anyayahan ang mga estudyante na basahin ang materyal sa paghahanda para sa susunod na klase at pagnilayan kung ano ang ibig sabihin ng espirituwal na isilang na muli at tunay na magbalik-loob sa ebanghelyo ni Jesucristo.

Print