“Lesson 26 Materyal ng Titser: Pagkatapos ng Pagsubok sa Inyong Pananampalataya,” Materyal ng Titser para sa Kursong Mga Turo at Doktrina ng Aklat ni Mormon (2021)
“Lesson 26 Materyal ng Titser,” Materyal ng Titser para sa Kursong Mga Turo at Doktrina ng Aklat ni Mormon
Lesson 26 Materyal ng Titser
Pagkatapos ng Pagsubok sa Inyong Pananampalataya
Nakatala sa Aklat ni Mormon ang maraming halimbawa ng mga taong kumilos nang may pananampalataya kay Jesucristo sa mga panahon ng pagsubok at tumanggap ng patunay na nagpatibay sa kanilang pananampalataya. Ang lesson na ito ay magbibigay sa mga estudyante ng pagkakataon na ipaliwanag kung bakit kinakailangan munang manampalataya kay Jesucristo bago makatanggap ng espirituwal na patunay at malaman kung paano sila kikilos nang may malaking pananampalataya sa Kanya kapag nahaharap sila sa mga pagsubok. Pag-iisipan din ng mga estudyante ang gagawin nila nang may pananampalataya para magkaroon ng patotoo sa Aklat ni Mormon at mapalalim ito.
Mga Mungkahi sa Pagtuturo
Itinuro ni Moroni ang kahalagahan ng pagkilos nang may pananampalataya.
Ipakita ang sumusunod na kuwento ni Elder D. Todd Christofferson (maaari mong banggitin na nabasa ng mga estudyante ang tungkol sa karanasang ito sa bahagi 1 ng materyal sa paghahanda):
Ilang panahon bago ako tinawag bilang General Authority, nagkaroon ako ng problema sa kabuhayan na tumagal nang ilang taon. May mga pagkakataon na naging banta ang hamong ito sa kapakanan ko at ng aking pamilya, at akala ko noon ay mauubos ang kabuhayan namin. Ipinagdasal kong magkaroon ng himala para makaraos kami. Bagaman maraming beses kong ipinagdasal iyon nang taos-puso at buong katapatan, ang sagot sa huli ay “Hindi.” (“Umasa sa Diyos sa Bawat Araw,” Liahona, Peb. 2015, 3–4)
-
Sa paanong paraan masusubok ng ganitong karanasan ang pananampalataya ng isang tao kay Jesucristo?
-
Ano ang ilan pang mga halimbawa ng totoong pangyayari sa buhay kung paano masusubok ang pananampalataya ng mga tao?
Iparebyu sa mga estudyante ang mga turo ni Moroni hinggil sa pananampalataya sa Eter 12:3–7, 12, 18, at pagkatapos ay itanong ang mga sumusunod:
-
Ano ang matututuhan natin mula kina Eter at Moroni tungkol sa pagpapakita ng pananampalataya? (Bukod sa iba pang mga katotohanan, maaaring matukoy ng mga estudyante ang tulad ng sumusunod: Wala tayong matatanggap na patunay hangga’t hindi natatapos ang pagsubok sa ating pananampalataya.)
-
Sa inyong palagay, bakit tayo inaasahang kumilos nang may pananampalataya bago tumanggap ng espirituwal na patunay mula sa Diyos?
-
Sa paanong paraan tayo pinagpapala kapag nanatili tayong tapat kay Jesucristo sa mga panahong sinusubok tayo? (Maaari mong rebyuhin ang pahayag ni Elder Christofferson sa bahagi 1 ng materyal sa paghahanda.)
Sabihin sa mga estudyante na mag-isip ng mga halimbawa ng mga tao sa Aklat ni Mormon na kumilos nang may pananampalataya kay Jesucristo nang maharap sila sa mga pagsubok o oposisyon. Kung kailangan, bigyan sila ng ilang minuto na pag-aralan ang mga tala tungkol sa mga taong naisip nila. (Ang mga estudyanteng nakakumpleto ng aktibidad sa pag-aaral sa bahagi 2 ng materyal sa paghahanda ay maaaring rebyuhin ang napag-aralan nila.)
Pagkatapos ng sapat na oras, hatiin ang klase sa maliliit na grupo para talakayin ang mga sumusunod na tanong (ipaalala sa mga estudyante na nasagot nila ang katulad na mga tanong sa bahagi 2 ng materyal sa paghahanda):
-
Paano nanampalataya ang indibiduwal o mga tao kay Jesucristo? Anong mga pagpapala at banal na kapangyarihan ang ibinigay ng Panginoon matapos nilang manampalataya sa Kanya? (Maaaring makatulong na ipaliwanag na ang ilang pagpapala ay maaaring hindi dumating sa buhay na ito.)
-
Anong mga alituntunin o gawi ang matututuhan ninyo mula sa talang ito? Paano ninyo maipamumuhay ang mga ito?
Maaari mo ring sabihin sa mga estudyante na pagnilayan ang mga alituntuning tinalakay nila at isulat ang sarili nilang mga naisip at impresyon tungkol sa mga ito.
Inaanyayahan ni Moroni ang mga mambabasa na maghangad ng patunay sa Aklat ni Mormon.
Ipakita ang sumusunod na sitwasyon:
-
Paano ninyo tutugunin ang mga alalahanin ng kaibigan ninyo tungkol sa Aklat ni Mormon?
-
Paano ninyo ipamumuhay ang mga turo sa Eter 12:6 sa sitwasyong ito?
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Moroni 10:3–5. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam kung paano tayo magkakaroon ng patotoo sa Aklat ni Mormon.
-
Ano ang dapat nating gawin kung gusto nating magkaroon ng patotoo sa Aklat ni Mormon? (Maaaring matukoy ng mga estudyante ang sumusunod o ang katulad na alituntunin: Upang magkaroon ng patotoo sa Aklat ni Mormon, dapat nating alalahanin at isipin ang awa ng Panginoon kapag binabasa natin ang aklat at pagkatapos ay itanong sa Diyos kung ito ay totoo nang may matapat na puso, tunay na layunin, at pananampalataya kay Jesucristo.)
-
Paanong ang pagtanggap sa paanyaya ni Moroni ay nagpapakita ng natutuhan natin tungkol sa pagkilos nang may pananampalataya? (Maaaring makatulong sa mga estudyante na rebyuhin ang pahayag ni Elder Gene R. Cook sa bahagi 3 ng materyal sa paghahanda.)
Ipaalala sa mga estudyante na sa bahagi 3 ng materyal sa paghahanda, sinabi sa kanila na pagnilayan at isulat ang kanilang karanasan sa pagtatamo ng espirituwal na patunay na totoo ang Aklat ni Mormon. Anyayahan ang ilang estudyante na ibahagi ang naranasan at natutuhan nila sa paghahangad at pagtanggap ng espirituwal na patunay sa Aklat ni Mormon.
Ibahagi ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Henry B. Eyring ng Unang Panguluhan tungkol sa pangako ni Moroni:
Umaasa akong napatunayan na ninyong lahat sa inyong sarili ang pangakong iyan o na gagawin ninyo ito kaagad. Ang sagot ay maaaring hindi dumating nang minsanan at sa napakalakas na espirituwal na karanasan. Sa akin tahimik muna itong dumating. Ngunit lumalakas ito sa tuwing babasahin at ipagdarasal ko ang Aklat ni Mormon.
Hindi ako umaasa sa mga nangyari na. Upang maging tiyak ang aking buhay na patotoo hinggil sa Aklat ni Mormon, madalas kong [tanggapin] ang pangako ni Moroni. Hindi ko iniisip na ang biyaya ng patotoo ay patuloy na lang na nasa akin. (“Isang Buhay na Patotoo,” Liahona, Mayo 2011, 127)
-
Ano ang ginagawa ninyo, o ano ang magagawa ninyo, para mapalakas ang inyong patotoo sa Aklat ni Mormon?
Para sa Susunod
Sabihin sa mga estudyante na isipin kung ano kaya ang magiging buhay nila kung wala silang pananampalataya, pag-asa, o pag-ibig sa kapwa-tao. Sa kanilang paghahanda para sa susunod na klase, sabihin sa kanila na pag-isipan kung ano ang maaari nilang gawin upang lubos nilang mataglay sa kanilang buhay ang mga katangiang ito na katulad ng kay Cristo.