Institute
Lesson 22 Materyal sa Paghahanda para sa Klase: Pagprotekta sa Ating mga Sarili laban sa mga Maling Doktrina sa mga Huling Araw


“Lesson 22 Materyal sa Paghahanda para sa Klase: Pagprotekta sa Ating mga Sarili laban sa mga Maling Doktrina sa mga Huling Araw,” Materyal ng Titser para sa Kursong Mga Turo at Doktrina ng Aklat ni Mormon (2021)

“Lesson 22 Materyal sa Paghahanda para sa Klase,” Materyal ng Titser para sa Kursong Mga Turo at Doktrina ng Aklat ni Mormon

Lesson 22 Materyal sa Paghahanda para sa Klase

Pagprotekta sa Ating mga Sarili laban sa mga Maling Doktrina sa mga Huling Araw

binatilyong may hawak na mga banal na kasulatan

Ipinahayag ni Elder Quentin L. Cook ng Korum ng Labindalawang Apostol, “Nabubuhay tayo sa mahihirap na panahon. Lalo pang dumarami ang mga ‘tumatawag sa masama na mabuti, at sa mabuti na masama’ [2 Nephi 15:20; tingnan din sa Isaias 5:20]” (“Maayos at Organisadong Tulad sa Bristol: Maging Karapat-dapat sa Templo—Madali Man o Mahirap ang Panahon,” Liahona, Nob. 2015, 40). May taglay na dakilang kaalaman tungkol sa hinaharap at pagmamahal, ibinigay ng Panginoon ang Aklat ni Mormon, na tumutulong na ilantad ang mga maling turo at ideyang laganap sa ating panahon. Habang pinag-aaralan mo ang materyal na ito, isipin kung anong mga alituntunin mula sa Aklat ni Mormon ang makatutulong sa iyo na mahiwatigan ang panlilinlang at manindigan para sa katotohanan.

Bahagi 1

Paano ako mapoprotektahan ng Aklat ni Mormon laban sa mga maling turo sa mundo ngayon?

Itinuro nina Pangulong Ezra Taft Benson at Pangulong Russell M. Nelson ang sumusunod tungkol sa kapangyarihan ng Aklat ni Mormon na protektahan tayo laban sa mga maling turo:

Pangulong Ezra Taft Benson

Inilalantad ng Aklat ni Mormon ang mga kaaway ni Cristo. Nililito nito ang mga maling doktrina. … Pinatitibay nito ang mapagpakumbabang mga disipulo ni Cristo laban sa masasamang balak, mga estratehiya, at mga doktrina ng diyablo sa ating panahon. (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Ezra Taft Benson [2014], 154)

Pangulong Russell M. Nelson

Ang Aklat ni Mormon ay kapwa nililinaw ang mga turo ng Guro at inilalantad ang mga taktika ng kaaway [tingnan sa 2 Nephi 26–33]. Ang Aklat ni Mormon ay nagtuturo ng totoong doktrina para ituwid ang mga maling tradisyon ng mga relihiyon. (“Ang Aklat ni Mormon: Ano Kaya ang Buhay Ninyo Kung Wala Ito?Liahona, Nob. 2017, 62)

Nagtala si Nephi ng kamangha-manghang propesiya hinggil sa paglabas ng Aklat ni Mormon, na isang mahalagang bahagi ng Pagpapanumbalik ng ebanghelyo ni Jesucristo (tingnan sa 2 Nephi 27:6–23). Pagkatapos ay nagpropesiya si Nephi tungkol sa mga huwad na guro, mga hangal na doktrina, at mga taktika ng diyablo na magliligaw sa mga tao (tingnan sa 2 Nephi 28).

icon, pag-aralan

Mag-aral upang Makapaghanda para sa Klase

Basahin ang 2 Nephi 28:7–9, 20–22, 29–30, at maaari mong markahan ang mga maling turo na sinabi ni Nephi na makakaharap natin sa mga huling araw.

icon, pagnilayan

Magnilay-nilay upang Makapaghanda para sa Klase

Ang araw-araw na pag-aaral ng Aklat ni Mormon ay nag-aanyaya ng Espiritu Santo sa ating mga buhay. Ang Espiritu Santo ang pinakamalaking tulong upang mahiwatigan ang katotohanan sa kamalian. Kailan ka nakakita ng mga halimbawa ng mga maling turo na ibinabala ni Nephi na makakaharap natin sa mga huling araw? Paano mo nahiwatigan ang mga ito? Ano na ang nagawa mo upang maprotektahan ang iyong sarili laban sa mga maling turo na ito?

Bahagi 2

Paano ko maihahanda ang aking sarili laban sa mga yaong nagtatangkang wasakin ang aking pananampalataya kay Jesucristo?

Ang Aklat ni Mormon ay nagbababala laban sa mga anti-Cristo. Ang isang anti-Cristo ay “sinuman o anumang bagay na nanghuhuwad sa totoong ebanghelyo ng plano ng kaligtasan at hayagan o lihim na sumasalungat kay Cristo” (Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Anti-Cristo,” scriptures.ChurchofJesusChrist.org). Tungkol sa mga anti-Cristo, sinabi ni Pangulong Nelson:

Pangulong Russell M. Nelson

Naaalala ba ninyo si Korihor, ang anti-Cristo? Sa pagkakalat ng mga maling bagay tungkol sa Tagapagligtas, nagpalipat-lipat ng lugar si Korihor hanggang sa iharap siya sa isang mataas na saserdote na nagtanong sa kanya: “Bakit lumilibot ka sa pagliligaw ng mga landas ng Panginoon? Bakit nagtuturo ka sa mga taong ito na hindi magkakaroon ng isang Cristo, upang gambalain ang mga pagsasaya nila?” [Alma 30:22].

Anumang salungat kay Cristo o sa Kanyang doktrina ay pipigil sa ating kagalakan. Kabilang diyan ang mga pilosopiya ng mga tao, na napakarami online at sa blogosphere, na ginagawa ang ginawa mismo ni Korihor noon. (“Kagalakan at Espirituwal na Kaligtasan,” Liahona, Nob. 2016, 83)

icon, isulat

Isulat ang Iyong mga Naisip

Upang makapaghanda para sa klase, pag-aralan ang isa sa mga sumusunod na tala: (1) Serem at Jacob, (2) Nehor at Gedeon, o (3) Korihor at Alma. (Paalala: Ang mga kaukulang reperensya sa banal na kasulatan para sa mga scripture passage na ito ay ibibigay sa mga kasunod na bahagi.) Ang bawat tala ay naglalaman ng kuwento tungkol sa isang anti-Cristo na sumalungat sa Panginoon at sa Kanyang Simbahan pati na rin sa isang taong tumugon nang may pananampalataya kay Jesucristo. Habang nag-aaral ka, isulat sa iyong journal ang mga sagot mo sa mga sumusunod na tanong. Dumating sa klase na handang ibahagi ang natutuhan mo.

Mga Tanong sa Pag-aaral

  1. Anong mga taktika ang ginamit ng anti-Cristo na ito upang wasakin ang pananampalataya ng mga tao kay Jesucristo at sa Kanyang ebanghelyo?

  2. Ano ang ilang makabagong halimbawa ng mga maling ideyang itinuro o paraang ginamit ng anti-Cristo sa talang ito? Paano ipinalalaganap ni Satanas ang mga ideyang ito sa ating panahon?

  3. Ano ang ilang alituntunin o gawing natutuhan mo mula sa halimbawa ng katapatan ng taong nanindigan laban sa mga maling mensahe? (Maglista ng kahit tatlo man lamang.) Paano maaaring magamit ng isang tao ngayon ang mga alituntunin at gawing ito sa pagtugon sa mga maling doktrina at paratang?

Gamitin ang mga sanggunian o resources sa ibaba habang pinag-aaralan mo ang talang pinili mo.

Serem at Jacob

si Serem na nakikipagtalo kay Jacob

Basahin ang Jacob 7:1–14 o panoorin ang video ng Aklat ni Mormon na “Itinatwa ni Serem si Cristo (Jacob 7)” hanggang sa time code na 4:20, at sagutin ang mga naunang tanong sa pag-aaral.

7:33

Itinatwa ni Serem si Cristo | Jacob 7

Jacob 7 Nangaral si Serem laban sa doktrina ni Cristo at humingi siya ng palatandaan. Pinarusahan siya sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Diyos at namatay siya matapos ipagtapat ang kanyang mga kasalanan sa mga tao. 

Ang espirituwal na pundasyon ni Jacob ang pinagmulan ng kanyang lakas sa pagdaig sa mga sinabi ni Serem (tingnan sa Jacob 7:5). Basahin ang sumusunod na pahayag ni Elder Ronald A. Rasband ng Korum ng Labindalawang Apostol, at pag-isipan kung paano mo matutularan ang halimbawa ni Jacob.

Elder Ronald A. Rasband

Kapag pinapayuhan ko ang mga taong [nanghihina ang pananampalataya], inaalam ko ang mga desisyong ginawa nila sa nakalipas na mga taon na naging dahilan para malimutan nila ang mga sagradong karanasan, manghina sila, at magduda. Hinikayat ko sila, gaya ng paghikayat ko sa inyo ngayon, na gunitain, lalo na sa panahon ng krisis, kung kailan ninyo nadama ang Espiritu at malakas ang inyong patotoo; alalahanin ang mga espirituwal na pundasyong naitatag ninyo. Ipinapangako ko na kung gagawin ninyo ito, at iiwasan ang mga bagay na hindi nagpapatatag at nagpapalakas ng inyong patotoo o kumukutya sa inyong mga paniniwala, maaalala ninyo ang mahahalagang panahon na lumakas ang inyong patotoo sa pamamagitan ng mapagpakumbabang panalangin at pag-aayuno. Tinitiyak ko sa inyo na muli ninyong madarama ang kaligtasan at kasiglahan na dulot ng ebanghelyo ni Jesucristo. (“Baka Iyong Malimutan,” Liahona, Nob. 2016, 113–114)

Magsulat sa iyong journal ng kahit isa man lamang na espirituwal na karanasan na maaari mong alalahanin kapag hinahamon ang iyong pananampalataya kay Jesucristo o sa Kanyang ebanghelyo.

Nehor at Gedeon

Nehor, ni James H. Fullmer

Pag-aralan ang Alma 1:2–16, at sagutin ang mga naunang tanong sa pag-aaral. Maaaring makatulong na pansinin na itinuro ni Nephi na “ang huwad na pagkasaserdote ay upang mangaral ang mga [lalaki o babae] at itayo ang kanilang sarili bilang tanglaw ng sanlibutan, upang makakuha sila ng yaman at papuri ng sanlibutan; subalit hindi nila hinahangad ang kapakanan ng Sion” (2 Nephi 26:29).

Sa iyong palagay, bakit naging popular ang mga maling turo ni Nehor sa ilang tao? Basahin ang sumusunod na paglalarawan sa mga taktika ng kaaway mula kay Pangulong Dallin H. Oaks ng Unang Panguluhan, at pag-isipan kung paano ito naaangkop sa mga turo ni Nehor na nakatala sa Alma 1:4.

Pangulong Dallin H. Oaks

Si Satanas ang pinakatusong manlilinlang, ang ama ng kasinungalingan (tingnan sa Juan 8:44). Ito ay hindi lamang dahil nagsasabi ng mga kasinungalingan si Satanas. Ang kanyang mga pinakaepektibong kasinungalingan ay mga bahagyang katotohahan o kasinungalingang may kasamang katotohanan. (“Reading Church History” [mensahe sa Church Educational System religious educators, Ago. 16, 1985], 9)

Magsulat sa iyong journal ng sagot sa sumusunod na tanong: Paano ako magkakaroon ng higit na tapang na piliin ang tama kaysa sa popular ngunit mali?

Korihor at Alma

Ang Lahat ng Bagay ay Nagpapatunay na May Diyos (Alma at Korihor), ni Walter Rane

Basahin ang Alma 30:12–18, 23, 27–28, 32–33, 39–46, at sagutin ang mga naunang tanong sa pag-aaral.

Ibinigay ni Pangulong M. Russell Ballard ng Korum ng Labindalawang Apostol ang sumusunod na payo sa mga miyembro ng Simbahan:

Pangulong M. Russell Ballard

Mag-ingat tayo sa mga bulaang propeta at bulaang guro, kapwa kalalakihan at kababaihan na humirang sa kanilang sarili bilang mga tagapagpahayag ng mga doktrina ng Simbahan at naghahangad na ipalaganap ang kanilang bulaang ebanghelyo at akitin ang mga tagasunod sa pamamagitan ng pag-eendorso ng mga simposiyum, aklat, at [pahayagan] na ang mga nilalaman ay humahamon sa mga pangunahing doktrina ng Simbahan. Mag-ingat sa mga nagsasalita at naglalathala nang laban sa mga tunay na propeta ng Diyos at aktibong nangangaral sa iba nang walang pagmamalasakit sa walang hanggang kapakanan ng kanilang mga inaakit. (“Mag-ingat Kayo sa mga Bulaang Propeta at Bulaang Guro,” Liahona, Ene. 2000, 74–75)

Sa pagpapatotoo tungkol sa katotohanan, si Alma ay nagbigay kay Korihor ng ilang katibayan na may Diyos. Isulat sa iyong journal ang mga nakita mong katibayan na “nagpapatunay na may Diyos” (Alma 30:44). Sa anong mga paraan maaaring mapalakas ng mga katibayang ito ang iyong pananampalataya at patotoo tungkol sa Diyos?