“Lesson 16 Materyal sa Paghahanda para sa Klase: Si Jesucristo ay Nagministeryo sa Bawat Tao,” Materyal ng Titser para sa Kursong Mga Turo at Doktrina ng Aklat ni Mormon (2021)
“Lesson 16 Materyal sa Paghahanda para sa Klase,” Materyal ng Titser para sa Kursong Mga Turo at Doktrina ng Aklat ni Mormon
Lesson 16 Materyal sa Paghahanda para sa Klase
Si Jesucristo ay Nagministeryo sa Bawat Tao
Ang ministeryo ng nabuhay na mag-uling Cristo sa mga tao sa lupaing Masagana ay nagbibigay sa atin ng makapangyarihang patotoo tungkol sa kabanalan ni Jesucristo at ng dakilang halimbawa kung paano mag-minister sa iba. Habang pinag-aaralan mo ang materyal na ito, pagnilayan kung ano ang maaari mong gawin upang mapalakas ang iyong patotoo na si Jesucristo ang iyong Tagapagligtas. Habang pinagninilayan mo kung paano Siya nagministeryo, mapanalanging pag-isipan kung sino ang maaaring kailangang makadama ng pagmamahal ng Tagapagligtas sa pamamagitan mo.
Bahagi 1
Paano ko mapalalakas ang aking patotoo na si Jesucristo ang aking Tagapagligtas?
Kasunod ng malaking pagkawasak at tatlong araw ng kadiliman na palatandaan sa mga tao na pumanaw na ang Tagapagligtas, mga 2,500 kalalakihan, kababaihan, at bata ang nagtipon sa paligid ng templo sa lupaing Masagana. Nakarinig sila ng isang tinig, na noong una ay hindi nila naunawaan. Nang pakinggan nilang mabuti, naunawaan nila na iyon ay tinig ng Ama sa Langit na ipinapakilala ang Kanyang Anak na si Jesucristo. (Tingnan sa 3 Nephi 11:1–10.) Pagkatapos ay bumaba ang Tagapagligtas mula sa langit at nagwikang: “Masdan, ako si Jesucristo, na siyang pinatotohanan ng mga propeta na paparito sa daigdig” (3 Nephi 11:10).
Tungkol sa sandaling ito, sinabi ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol:
Ang pagpapakita at pahayag na iyon ang pinakamahalagang bahagi, ang pinakadakilang sandali, sa buong kasaysayan ng Aklat ni Mormon. Iyon ang pagpapakita at pahayag na nagbigay ng kabatiran at inspirasyon sa lahat ng propetang Nephita sa nakalipas na anim na raang taon. …
Lahat ay nangusap tungkol sa kanya, nagsiawit tungkol sa kanya, umasam sa kanya, at nanalangin para sa kanyang pagpapakita—at tunay ngang siya ay nagpakita. Ang araw na pinakahihintay! Ang Diyos na pinagliliwanag na parang umaga ang bawat gabing madilim ay dumating na. (Christ and the New Covenant: The Messianic Message of the Book of Mormon [1997], 250–51)
Itinuro ni Elder Walter F. González ng Pitumpu ang sumusunod tungkol sa karanasan ng mga tao nang makita nila ang nabuhay na mag-uling Cristo:
“Lumapit sa akin, nang inyong madama at makita” [3 Nephi 18:25]. Ito ang utos na ibinigay ng Tagapagligtas sa mga taong nabuhay noon sa sinaunang Amerika. Nadama nila sa kanilang mga kamay at nakita ng kanilang mga mata na si Jesus ang Cristo. Ang kautusang ito na natanggap nila na mahalaga sa kanila noon ay mahalaga rin sa atin ngayon. Sa paglapit natin kay Cristo madarama at makikita at “[malalaman] natin nang may katiyakan” [3 Nephi 11:15]—hindi sa ating mga kamay at mata kundi sa ating puso’t isipan—na si Jesus ang Cristo.
Isang paraan para makalapit kay Cristo ay ang hangaring matutuhan ang mahahalagang katotohanan gamit ang ating puso. Sa paggawa natin nito, ang mga inspirasyong mula sa Diyos ay magbibigay sa atin ng kaalaman na hindi natin makukuha sa anupamang paraan. (“Matuto Gamit ang Ating Puso,” Liahona, Nob. 2012, 81)
Bahagi 2
Ano ang maaari kong matutuhan tungkol sa ministering mula sa halimbawa ng Tagapagligtas?
Pagkatapos bigyan ng pagkakataon ng Tagapagligtas ang bawat indibiduwal na mahipo ang mga sugat sa Kanyang mga kamay at paa, Siya ay tumawag ng labindalawang disipulo at nagturo sa mga tao ng maraming mahahalagang katotohanan (tingnan sa 3 Nephi 11–16). Habang naghahanda nang umalis si Jesus, sinabi Niya, “Nahihiwatigan ko … na hindi ninyo nauunawaan ang lahat ng [aking salita],” at inanyayahan Niya ang mga tao na magsiuwi sa kanilang mga tahanan, pagnilayan ang itinuro Niya sa kanila, at ihanda ang kanilang mga sarili para sa Kanyang pagbabalik sa susunod na araw (3 Nephi 17:1–3).
Matapos pagalingin ng Tagapagligtas ang maraming tao, iniutos Niya na ang lahat ng “kanilang maliliit na anak ay ilapit” sa Kanya (3 Nephi 17:11) at na lumuhod ang lahat ng iba pang naroon. Pagkatapos ay nanalangin Siya para sa kanila ng gayong “kadakila at mga kagila-gilalas” na bagay (talata 16–17) kaya napuspos ng kagalakan ang mga tao. (Tingnan sa 3 Nephi 17:10–19.)
Itinuro ni President Jean B. Bingham, Relief Society General President, ang tungkol sa kahalagahan ng pagtulad sa halimbawa ng Tagapagligtas habang nagmi-minister tayo:
Sa huli, ang tunay na ministering ay maisasakatuparan nang paisa-isa nang pag-ibig ang motibo. Ang kahalagahan at kabuluhan ng tapat na ministering ay na talagang binabago nito ang maraming buhay! Kung bukas ang ating mga puso at handa itong magmahal at magsama, maghikayat at mag-aliw, ang bisa ng ating ministering ay hindi mapaglalabanan. Kung pagmamahal ang ating motibo, may mga himalang mangyayari. …
Ang Tagapagligtas ang ating halimbawa sa lahat ng bagay—hindi lang sa kung ano ang dapat nating gawin kundi pati na rin sa kung bakit dapat nating gawin ito [tingnan sa Efeso 5:2]. (“Paglilingkod na Tulad ng Ginagawa ng Tagapagligtas,” Liahona, Mayo 2018, 106)