Institute
Lesson 3 Materyal ng Titser: Ang Panaginip ni Lehi tungkol sa Punungkahoy ng Buhay


“Lesson 3 Materyal ng Titser: Ang Panaginip ni Lehi tungkol sa Punungkahoy ng Buhay,” Materyal ng Titser para sa Kursong Mga Turo at Doktrina ng Aklat ni Mormon (2021)

“Lesson 3 Materyal ng Titser,” Materyal ng Titser para sa Kursong Mga Turo at Doktrina ng Aklat ni Mormon

Lesson 3 Materyal ng Titser

Ang Panaginip ni Lehi tungkol sa Punungkahoy ng Buhay

Ang panaginip ni Lehi tungkol sa punungkahoy ng buhay ay tumutulong sa atin na malaman kung paano mararanasan ang pagmamahal ng Diyos at matatamasa ang mga pagpapala ng Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas. Sa lesson na ito, matutukoy ng mga estudyante kung ano ang makatutulong o makahahadlang sa kanilang mga pagsisikap na lumapit kay Cristo. Magkakaroon sila ng pagkakataong malaman kung ano ang maaari nilang gawin para mabigyan ng mas mataas na prayoridad ang salita ng Diyos sa kanilang buhay.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo at Pag-aaral

Sikaping magtuon sa mga mag-aaral. Sinabi ni Pangulong Dallin H. Oaks, “Ang guro ng ebanghelyo, tulad ng Guro na ating pinaglilingkuran, ay lubos na magtutuon ng pansin sa mga tinuturuan” (“Gospel Teaching,” Ensign, Nob. 1999, 79). Habang pinagsisikapan mong magtuon sa mga mag-aaral, itanong sa iyong sarili ang mga sumusunod: Ano ang maaari kong gawin para mas maunawaan pa ang background, mga karanasan, mga hamon, at mga pangangailangan ng aking mga estudyante? Paano ko sila matutulungan na mapalawak pa ang alam na nila? Paano ko sila matutulungan na maging mga aktibong mag-aaral at makapag-ambag sa ikatututo ng iba? Ano ang magagawa ko para maanyayahan sila na mas lumapit sa Tagapagligtas?

Si Lehi ay nagkaroon ng pangitain tungkol sa punungkahoy ng buhay.

Larawan
Panaginip ni Lehi, ni Greg K. Olsen

Ipakita ang kalakip na larawan ng pangitain ni Lehi tungkol sa punungkahoy ng buhay, at sabihin sa mga estudyante na ibahagi nang pahapyaw kung ano ang alam nila tungkol sa pangitain. Maaari mong hilingin sa isang estudyante na ibuod nang maikli ang salaysay tungkol sa panaginip ni Lehi.

Anyayahan ang mga estudyante na rebyuhin ang 1 Nephi 8:10–12 at 1 Nephi 11:21–22, na binanggit sa materyal sa paghahanda, at alamin kung paano inilarawan nina Lehi at Nephi ang punungkahoy at ang bunga nito.

Batay sa pagkaunawa ng mga estudyante sa panaginip ni Lehi, maaari mong itanong ang ilan sa mga sumusunod:

  • Ano ang isinasagisag ng punungkahoy at ng bunga nito? (Tingnan sa bahagi 1 ng materyal sa paghahanda.)

  • Ano ang itinuturo sa atin ng paglalarawan ni Lehi sa punungkahoy at sa bunga nito tungkol sa pagmamahal ng Diyos at sa Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas?

  • Ano ang itinuturo sa atin ng mga talatang ito tungkol sa pagtatamo ng kagalakan? (Maaaring matukoy ng mga estudyante ang katotohanang tulad ng sumusunod: Ang paglapit kay Cristo at pagtanggap sa mga pagpapala ng Kanyang Pagbabayad-sala ay naghahatid sa atin ng kagalakan.)

  • Sa anong mga paraan “higit na kanais-nais sa lahat” ang mga pagpapala ng Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas? (1 Nephi 8:12; 11:22).

Idispley ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Russell M. Nelson.

Larawan
Pangulong Russell M. Nelson

Mahal kong mga kapatid, ang kagalakang nadarama natin ay halos walang kinalaman sa mga sitwasyon natin sa buhay kundi sa pinagtutuunan natin sa buhay.

Kapag nakatuon [tayo] … kay Jesucristo at sa Kanyang ebanghelyo, makadarama tayo ng kagalakan anuman ang nangyayari—o hindi nangyayari—sa ating buhay. Ang kagalakan ay nagmumula sa at dahil sa Kanya. … Si Jesucristo ang kagalakan! ( “Kagalakan at Espirituwal na Kaligtasan,” Liahona, Nob. 2016, 82)

  • Ano ang magagawa ninyo para mas maituon ang inyong buhay kay Jesucristo upang makaranas kayo ng mas malaking kagalakan? (Bigyan ng oras ang mga estudyante na pagnilayan at isulat ang kanilang mga impresyon.)

Nalaman nina Lehi at Nephi na ang salita ng Diyos ay gumagabay patungo sa Tagapagligtas at sa Kanyang Pagbabayad-sala.

Hatiin ang klase sa maliliit na grupo, at bigyan ang bawat estudyante ng sumusunod na handout.

Mga Hadlang sa Pagtanggap ng Bunga ng Punungkahoy ng Buhay

Materyal ng Titser para sa Kursong Mga Turo at Doktrina ng Aklat ni Mormon—Lesson 3

Basahin ang talatang ito bilang isang grupo: Sa pangitain ni Lehi tungkol sa punungkahoy ng buhay, ang maruming ilog, “abu-abo ng kadiliman” (1 Nephi 12:17), at “malaki at maluwang na gusali” (1 Nephi 8:26) ay lalo pang nagpahirap sa mga tao na makarating o manatili sa punungkahoy at kumain ng bunga nito. Sa materyal sa paghahanda para sa klase, maaaring natukoy ninyo ang ilang makabagong halimbawa ng mga panganib o hadlang na ito na naglalayo sa mga tao sa Tagapagligtas. Kasama ang inyong mga kagrupo, talakayin kung paano nahaharap ang mga young adult ngayon sa mga sumusunod na sitwasyon:

Karumihan o kasalanan (ilog ng karumihan: 1 Nephi 8:13; 12:16; 15:27)

Mga panlilinlang at mga tukso (“abu-abo ng kadiliman”: 1 Nephi 8:23; 12:17)

Kapalaluan at panlalait ng sanlibutan (ang “malaki at maluwang na gusali”: 1 Nephi 8:25–28; 12:18)

Talakayin: Sa anong mga paraan nahahadlangan ng mga halimbawang tinalakay ninyo ang isang young adult na lumapit kay Jesucristo at matamasa ng mga pagpapala ng Kanyang Pagbabayad-sala? Paano ninyo sinubukang madaig ang mga hadlang na ito sa sarili ninyong buhay?

Mga Hadlang sa Pagtanggap ng Bunga ng Punungkahoy ng Buhay

Larawan
handout ng titser

Pagkatapos ng sapat na oras, anyayahan ang ilang estudyante na ibahagi sa klase kung ano ang mga tinalakay nila sa kanilang grupo.

Anyayahan ang mga estudyante na rebyuhin kung ano ang natutuhan nila tungkol sa apat na grupo ng mga tao na nakita ni Lehi sa kanyang pangitain (tingnan sa bahagi 3 ng materyal sa paghahanda). Isulat sa pisara ang mga sumusunod na heading: Grupo 1 (1 Nephi 8:21–23), Grupo 2 (1 Nephi 8:24–28), Grupo 3 (1 Nephi 8:30, 33), Grupo 4 (1 Nephi 8:31–32).

  • Ano ang naging papel ng gabay na bakal, o salita ng Diyos, sa bawat grupo? (Isulat ang mga sagot ng mga estudyante sa ilalim ng angkop na heading.)

  • Ano ang kahalagahan ng pariralang “hindi [nila] sila pinansin” sa 1 Nephi 8:33? Ano kaya ang kahalintulad nito sa ating panahon?

  • Ano pang pag-asa ang natitira para sa mga yaong bumitaw sa gabay na bakal at nangawala sa landas? (Maaari mong sabihin sa mga estudyante na rebyuhin ang pahayag ni Sister Ann M. Dibb sa materyal sa paghahanda.)

Ipaliwanag na nang manalangin si Nephi para maunawaan ang panaginip ng kanyang ama, ipinakita sa kanya ang isang pangitain at nalaman niya ang kahulugan ng panaginip. Pagkatapos ay itinuro niya sa kanyang mga kapatid kung ano ang isinasagisag ng gabay na bakal. Anyayahan ang isang estudyante na basahin nang malakas ang 1 Nephi 15:23–24. Pagkatapos ay itanong:

  • Ano ang natutuhan ninyo mula sa paliwanag at paanyaya ni Nephi sa kanyang mga kapatid? (Bukod sa iba pang mga katotohanan, maaaring matukoy ng mga estudyante ang alituntuning tulad ng sumusunod: Ang paghawak nang mahigpit sa salita ng Diyos ay nagbibigay-kakayahan sa atin na mapaglabanan ang mga pagtatangka ni Satanas na ilayo tayo kay Jesucristo.)

  • Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ng “patuloy na [humawak] nang mahigpit” sa salita ng Diyos? (1 Nephi 8:30).

Idispley ang sumusunod na pahayag ni Elder Kevin W. Pearson ng Pitumpu.

Larawan
Elder Kevin W. Pearson

Maliban kung tayo ay “patuloy na humahawak nang mahigpit” [1 Nephi 8:30] sa salita ng Diyos at ipinamumuhay ito, tayo ay magiging bulag sa espirituwal sa halip na magkaroon ng espirituwal na kaisipan. Saliksikin ang Aklat ni Mormon at ang mga salita ng mga buhay na propeta araw-araw, araw-araw, araw-araw! Ito ang susi sa espirituwal na kaligtasan at pag-iwas sa panlilinlang. Kung wala ito, tayo ay espirituwal na naliligaw. ( “Manatili sa Punungkahoy,” Liahona, Mayo 2015, 115)

Sabihin sa mga estudyante na ibahagi kung paano nakatulong sa kanila ang paghawak nang mahigpit sa salita ng Diyos para espirituwal na makaligtas o makaiwas sa panlilinlang. Anyayahan sila na ibahagi rin kung paano nakatulong sa kanila ang salita ng Diyos para mas mapalapit kay Jesucristo at sa Kanyang nagbabayad-salang kapangyarihan.

Upang matulungan ang mga estudyante na kumilos ayon sa natututuhan at nadarama nila, maaari mong idispley ang mga sumusunod na tanong at anyayahan ang mga estudyante na pag-isipan at isulat ang kanilang mga sagot.

  • Ano ang maaari kong gawin para mas makahawak nang mahigpit sa salita ng Diyos?

  • Sino ang maaaring mapagpala ng pakikinig sa aking patotoo tungkol sa kahalagahan ng paghawak nang mahigpit sa salita ng Diyos?

Maaari mong anyayahan ang ilang estudyante na ibahagi kung ano ang isinulat nila.

Para sa Susunod

Bilang bahagi ng talakayan tungkol sa gabay na bakal, maaari mong anyayahan ang mga estudyante na isipin kung gaano sila kasigasig nitong mga nakaraang araw sa kanilang pag-aaral ng banal na kasulatan. Habang pinag-aaralan nila ang materyal sa paghahanda para sa susunod na klase, hikayatin silang pag-isipan kung paanong ang pagbibigay ng prayoridad sa personal na pag-aaral ng banal na kasulatan ay mas maglalapit sa kanila sa Tagapagligtas.

Print