“Lesson 19 Materyal sa Paghahanda para sa Klase: Pamumuhay nang Matwid sa Panahon ng Kasamaan,” Materyal ng Titser para sa Kursong Mga Turo at Doktrina ng Aklat ni Mormon (2021)
“Lesson 19 Materyal sa Paghahanda para sa Klase,” Materyal ng Titser para sa Kursong Mga Turo at Doktrina ng Aklat ni Mormon
Lesson 19 Materyal sa Paghahanda para sa Klase
Pamumuhay nang Matwid sa Panahon ng Kasamaan
Itinuro ni Pangulong Ezra Taft Benson na ang Aklat ni Mormon ay “nagpapatatag sa mga mapagpakumbabang tagasunod ni Cristo laban sa masasamang plano, estratehiya, at doktrina ng diyablo sa ating panahon” (“The Book of Mormon Is the Word of God,” Ensign, Ene. 1988, 3). Sa unit na ito, magkakaroon ka ng pagkakataong malaman kung paano inilalantad ng Aklat ni Mormon ang mga panganib na ito upang mas maprotektahan mo ang iyong sarili. Habang pinag-aaralan mo ang lesson na ito, maghanap ng mga alituntunin na makatutulong sa iyo na mamuhay nang matwid sa panahon ng kasamaan.
Bahagi 1
Paano ako mananatiling tapat sa Panginoon kapag nakararanas ako ng pang-uusig dahil ipinamumuhay ko ang ebanghelyo?
Nang si Helaman, na anak ni Helaman, ay manungkulan sa hukumang-luklukan, nagkaroon ng panahon ng kapayapaan ang mga Nephita, at libu-libong tao ang sumapi sa Simbahan. Bagama’t umunlad ang Simbahan, ang ilang miyembro ay naging palalo at sinimulan nilang usigin ang mga mapagpakumbabang tagasunod ni Jesucristo. (Tingnan sa Helaman 3:20–34.)
Bahagi 2
Paano ako magiging matwid gayong napaliligiran ako ng kasamaan?
Nakaranas ang propetang si Mormon at ang kanyang anak na si Moroni ng panahon kung saan laganap ang kasamaan. Dahil sa kasalanan at kawalang-paniniwala, tumigil ang mga himala at ang Espiritu Santo ay hindi na kasama ng mga tao. Ang kapangyarihan ni Satanas ay nanaig sa lahat ng dako ng lupain. (Tingnan sa Mormon 1:13–19.) Sa isang liham sa kanyang anak na si Moroni, inilarawan ni Mormon ang kalagayan ng mga tao at sinabi niyang sa sobrang sama nila, sila ay “walang kabihasnan” (Moroni 9:11). Ang karahasan, digmaan, at pagkatay ay lumaganap sa lupain habang patuloy na naglalaban ang mga Lamanita at mga Nephita. Sa huli, nanaig ang mga Lamanita, at nasaksihan nina Mormon at Moroni ang ganap na pagkalipol ng mga Nephita (tingnan sa Mormon 2–6; 8:1–3, 7).
Sa pagsasalita tungkol sa kapangyarihan ng pagtutuon sa Tagapagligtas sa mundong puno ng kasalanan, itinuro ni President Joy D. Jones, Primary General President:
Kung ang hatak ng mundo ay mas malakas kaysa sa pananampalataya at tiwala natin sa Tagapagligtas, mananaig ang hatak ng mundo sa tuwina. …
… Bagama’t madalas ay mas madaling walang gawin sa espirituwal kaysa sikaping alalahanin at yakapin ang ating banal na pagkatao, hindi natin kakayaning magpalayaw nang gayon sa mga huling araw na ito. Tayo nawa, … ay “maging matapat kay Cristo; … nawa ay dakilain [tayo] ni Cristo, at nawa ang kanyang pagdurusa at kamatayan, … at ang kanyang awa at mahabang pagtitiis, at ang pag-asa ng kanyang kaluwalhatian at ng buhay na walang hanggan, ay mamalagi sa [ating] isipan magpakailanman” [Moroni 9:25]. Habang inaangat tayo ng Tagapagligtas sa mas mataas na lugar, mas malinaw nating makikita hindi lamang kung sino tayo kundi na tayo ay mas malapit sa Kanya kaysa inakala natin. (“Halagang Hindi Masusukat,” Liahona, Nob. 2017, 15)
Ibinigay ni Elder Neil L. Andersen ng Korum ng Labindalawang Apostol ang sumusunod na patotoo kung paano tutulungan ng Panginoon ang matatapat na harapin ang mundong puno ng kasamaan:
Ang mga sitwasyong nararanasan natin ay nakita na ng Panginoon, at naglaan Siya para sa ating espirituwal na kaligtasan. … Habang tumitindi ang kasamaan sa mundo, may katumbas na kapangyarihan ng paghahayag at mga espirituwal na kaloob na ibinibigay sa mabubuti. Binibigyan tayo ng Panginoon ng karagdagang lakas kapag handa tayong manatiling matwid sa mundong puno ng kasamaan. (“A Classroom of Faith, Hope, and Charity” [gabi kasama ang isang General Authority, Peb. 28, 2014], ChurchofJesusChrist.org)