Institute
Lesson 15 Materyal sa Paghahanda para sa Klase: Paghahanda para sa Pagdating ni Jesucristo


“Lesson 15 Materyal sa Paghahanda para sa Klase: Paghahanda para sa Pagdating ni Jesucristo,” Materyal ng Titser para sa Kursong Mga Turo at Doktrina ng Aklat ni Mormon (2021)

“Lesson 15 Materyal sa Paghahanda para sa Klase,” Materyal ng Titser para sa Kursong Mga Turo at Doktrina ng Aklat ni Mormon

Lesson 15 Materyal sa Paghahanda para sa Klase

Paghahanda para sa Pagdating ni Jesucristo

Nagtuturo si Jesus sa Kanlurang Bahagi ng Mundo (Dumalaw si Jesus sa Lupain ng Amerika), ni John Scott

Ang unit na ito ay magtutuon sa pagpapakita at ministeryo ni Jesucristo sa “mga tao ni Nephi” (3 Nephi 11:1). Ang grupong ito ay binubuo ng mabubuting Nephita at Lamanita na nagbalik-loob sa Panginoon (tingnan sa 3 Nephi 10:18–19). Habang pinagninilayan mo ang naranasan nila kasama ang Tagapagligtas, sikaping palalimin ang sarili mong patotoo tungkol sa Kanyang pag-uugali, mga katangian, at banal na misyon.

Ang pinakahihintay na aspeto ng banal na misyon ng Panginoon ay ang Kanyang Ikalawang Pagparito. Itinuro ni Pangulong Ezra Taft Benson na “sa Aklat ni Mormon nakikita natin ang huwaran sa paghahanda para sa Ikalawang Pagparito” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Ezra Taft Benson [2014], 164). Sa lesson na ito, magkakaroon ka ng pagkakataong pag-isipan kung paano makatutulong sa iyong paghahanda para sa Kanyang Ikalawang Pagparito ang pag-aaral ng mga propesiya at kaganapang nangyari bago ang pagpapakita ng Tagapagligtas sa mga taong ito.

Bahagi 1

Gaano ako kahanda para sa Ikalawang Pagparito ni Jesucristo?

Maraming henerasyon nang ipinropesiya ng mga propeta sa Aklat ni Mormon ang pagdating ni Jesucristo sa mundo. Anim na taon bago isinilang si Cristo malapit sa Jerusalem, si Samuel, ang Lamanita, ay isinugo ng Panginoon upang ihanda ang masasamang Nephita para sa pagdating ni Cristo. Nagpropesiya si Samuel tungkol sa ilang palatandaan at kababalaghang kaakibat ng pagsilang at kamatayan ni Jesucristo. (Tingnan sa Helaman 13–15.)

Nagpopropesiya si Samuel, ni Walter Rane
icon, pag-aralan

Mag-aral upang Makapaghanda para sa Klase

Basahin ang Helaman 14:6–13, at isipin kung paanong ang mensahe ni Samuel ay nilayon upang ihanda ang mga Nephita para sa pagdating ng Panginoon.

Itinuro ni Elder Robert D. Hales ng Korum ng Labindalawang Apostol na matutulungan tayo ng mga propeta na maghanda para sa pagdating ng Panginoon:

Elder Robert D. Hales

Bago ang sagradong gabing iyon sa Betlehem, ang mga pangyayari sa kasaysayan at mga salita ng mga propeta ng lahat ng dispensasyon ang naghanda ng daan para sa unang pagdating ng Panginoon at ng Kanyang Pagbabayad-sala. … May mga mata ba tayong nakakakita na ang mga pangyayari at propesiya sa ating panahon ay naghahanda sa atin para sa Ikalawang Pagparito ng Tagapagligtas? (“Mga Paghahanda para sa Panunumbalik at ang Ikalawang Pagparito: ‘Ang aking Kamay ang Gagabay sa Iyo,’Liahona, Nob. 2005, 92)

Ang Ikalawang Pagparito, ni Harry Anderson
icon, pag-aralan

Mag-aral upang Makapaghanda para sa Klase

Maglaan ng ilang minuto upang pag-aralan ang “Palatandaan ng Panahon, Mga” sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan (tingnan sa scriptures.ChurchofJesusChrist.org), at alamin kung ano ang mga palatandaan ng Ikalawang Pagparito ng Panginoon na inihayag ng mga propeta sa mga banal na kasulatan. Mapapansin mo na ang ilan sa mga propesiyang ito ay maaaring magdulot ng pag-aalala o takot sa mga tao. Gayunman, ang mga palatandaang ito na ipinropesiya ng mga propeta ay nagpapakita rin ng pagmamahal ng Diyos sa Kanyang mga anak.

icon, pagnilayan

Magnilay-nilay upang Makapaghanda para sa Klase

Anong turo o palatandaan na ipinropesiya ng mga propeta tungkol sa Ikalawang Pagparito ang nagbigay-inspirasyon sa iyo na mas maghanda para sa pagbabalik ng Panginoon? Anong mga pagbabago ang kailangan mong gawin upang maging mas handa para sa pagbabalik ng Tagapagligtas?

Bahagi 2

Ano ang maaari kong gawin upang manatiling tapat kapag nakaririnig ako ng mga mensaheng nagdudulot ng pag-aalinlangan sa kabanalan ni Jesucristo at sa katotohanan ng Kanyang Ikalawang Pagparito?

Ang ilang Nephita ay naniwala sa mga salita ni Samuel. Hindi tinanggap ng iba ang mensahe ni Samuel at tinangka nilang patayin siya gamit ang mga bato at palaso. Dahil hindi nila siya matamaan, marami pa ang naniwala sa kanyang mensahe at nagtungo kay Nephi upang magpabinyag. Kalaunan, nang magsimula nang matupad ang mga palatandaan at kababalaghang kaakibat ng pagsilang ni Cristo, nakadama ng kagalakan ang mga naniniwala at pinatigas ng mga hindi naniniwala ang kanilang mga puso. (Tingnan sa Helaman 16:1–15.)

Si Samuel, ang Lamanita, sa Ibabaw ng Pader (Si Samuel, ang Lamanita, ay Nagpopropesiya), ni Arnold Friberg
icon, pag-aralan

Mag-aral upang Makapaghanda para sa Klase

Basahin ang Helaman 16:13–23 at maaari mong markahan ang mga salita o parirala na naglalarawan kung paano lumikha ng pag-aalinlangan ang mga hindi naniniwala sa mga palatandaan ng pagsilang ni Cristo.

Sa pagsasalita tungkol sa mga tinig na lumilikha ng pag-aalinlangan, sinabi ni President Bonnie L. Oscarson, dating Young Women General President:

President Bonnie L. Oscarson

Kailangan lamang na patuloy tayong magpakabusog [sa bunga ng punungkahoy ng buhay] at huwag makinig sa mga tao na pinagtatawanan ang ating mga paniniwala o natutuwang pagdudahin tayo o hanapan ng mali ang mga pinuno at doktrina ng Simbahan. Ito ay isang pagpiling ginagawa natin araw-araw—na piliing manampalataya kaysa magduda. (“Naniniwala ba Ako?Liahona, Mayo 2016, 89)

icon, pagnilayan

Magnilay-nilay upang Makapaghanda para sa Klase

Anong mga mensahe ang narinig mo na nilayon upang lumikha ng pag-aalinlangan tungkol kay Jesucristo, sa Kanyang mga piniling lider, o sa Kanyang ipinanumbalik na Simbahan?

icon, pag-aralan

Mag-aral upang Makapaghanda para sa Klase

Habang iniisip mo ang tungkol sa mga narinig mong mensahe na lumilikha ng pag-aalinlangan, basahin ang 3 Nephi 1:4–15, 22 at alamin kung paano nanatiling matatag ang ilan sa mga naniniwala kahit kinukutya ng mga taong hindi naniniwala ang kanilang pananampalataya.

Itinuro ni Elder D. Todd Christofferson ng Korum ng Labindalawang Apostol ang sumusunod tungkol sa pananatiling matatag sa ating pananampalataya kay Cristo:

Elder D. Todd Christofferson

Upang manatiling matibay at matatag sa pananampalataya kay Cristo kailangang tumimo sa puso at kaluluwa ng isang tao ang ebanghelyo ni Jesucristo, ibig sabihin ang ebanghelyo ay hindi lamang nagiging isa sa maraming impluwensya sa buhay ng isang tao kundi ang pinakamahalagang priyoridad ng kanyang buhay at pagkatao. …

Laging alalahanin ang pangako na darating ang mabubuting bagay, ngayon at sa hinaharap, para sa mga taong matibay at matatag sa pananampalataya kay Cristo. (“Matibay at Matatag sa Pananampalataya kay Cristo,” Liahona, Nob. 2018, 31, 33)

icon, pagnilayan

Magnilay-nilay upang Makapaghanda para sa Klase

Ano ang maaari mong gawin upang manatili kang matatag sa iyong pananampalataya kay Cristo habang naghahanda ka para sa Kanyang pagbabalik?