Institute
Lesson 10 Materyal ng Titser: Pagsisisi at Kapatawaran


“Lesson 10 Materyal ng Titser: Pagsisisi at Kapatawaran Materyal ng Titser para sa Kursong Mga Turo at Doktrina ng Aklat ni Mormon (2021)

“Lesson 10 Materyal ng Titser,” Materyal ng Titser para sa Kursong Mga Turo at Doktrina ng Aklat ni Mormon

Lesson 10 Materyal ng Titser

Pagsisisi at Kapatawaran

Ang Aklat ni Mormon ay nagbibigay ng mga natatanging kabatiran tungkol sa doktrina ng pagsisisi at kapatawaran. Inilalarawan ng mga karanasan ni Enos, ng mga tao ni Haring Benjamin, at ni Nakababatang Alma na ang Tagapagligtas ang pangunahing pinagmumulan ng ating kapatawaran at kapanatagan ng konsensya. Sa lesson na ito, magkakaroon ng pagkakataon ang mga estudyante na talakayin ang mga tanong tungkol sa proseso ng pagsisisi at matutuhan kung paano mas mahihiwatigan kapag napatawad na sila ng Tagapagligtas. Pag-iisipan din ng mga estudyante kung paano sila patuloy na magsisisi at magiging higit na katulad ni Jesucristo.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Ipinaliwanag ni Alma kung paano niya natanggap ang kapatawaran ng Tagapagligtas.

Idispley ang sumusunod na tatlong tanong sa iba’t panig ng silid-aralan. Ayusin nang pabilog ang ilang upuan malapit sa bawat tanong. Ipaliwanag na ang mga tanong na ito ay katulad ng mga yaong nasa bahagi 1 ng materyal sa paghahanda.

  • Ano ang tunay na ibig sabihin ng magsisi? Ano ang ipapayo ninyo sa isang taong ginawa na ang mga hakbang sa pagsisisi, ngunit wala pa ring nadaramang anumang pagkakaiba?

  • Paano tayo magkakaroon ng lakas na tunay na magbago? Ano ang sasabihin ninyo sa isang taong pinanghihinaan ng loob dahil talagang sinisikap niyang magpakabuti ngunit patuloy niya pa ring nagagawa ang mga pagkakamaling iyon?

  • Paano kung nadarama ng isang tao na wala na siyang pag-asang magbago? Paano ninyo matutulungan ang isang taong nakadarama na hindi na siya dapat magsisi dahil napakabigat ng kanyang mga kasalanan kaya hindi na siya mapatatawad?

Anyayahan ang mga estudyante na isipin na kunwari ay mga missionary sila na naghahandang sagutin ang isa sa mga tanong sa itaas para sa kanilang mga investigator o naghahanda silang tulungan ang isang mahal sa buhay na nahihirapang magsisi. Pagkatapos ay paupuin ang mga estudyante malapit sa mga tanong na nais nilang talakayin. Hikayatin ang mga estudyante na gamitin ang tala ng karanasan ni Alma at ang iba pang mga scripture passage mula sa Aklat ni Mormon na makatutulong na masagot ang kanilang mga tanong.

Magtalaga ng isang discussion leader o lider ng talakayan para sa bawat grupo, at bigyan ang bawat lider ng kopya ng mga instruksyon na matatagpuan sa dulo ng lesson material na ito. Bigyan ng sapat na oras ang mga grupo upang magkaroon ng makabuluhang talakayan.

Pagkatapos bigyan ng oras ang mga estudyante na magtalakayan, maaari mong anyayahan ang isa o higit pang boluntaryo mula sa bawat grupo na magbigay ng maikling buod ng natutuhan at nadama ng kanilang grupo sa kanilang mga talakayan.

Nadama ni Enos, ng mga tao ni Haring Benjamin, at ni Alma ang kagalakan na hatid ng kapatawaran.

Sabihin sa mga estudyante na isipin kung naitanong na ba nila, o ng mga taong kakilala nila, kung paano malalaman kung napatawad na sila ng Tagapagligtas sa kanilang mga kasalanan. Anyayahan ang mga estudyante na saliksikin ang Enos 1:4–8; Mosias 4:1–3; at Alma 36:19–21, at maghanap ng mga paraan kung paano malalaman na napatawad na tayo.

Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo at Pag-aaral

Kilalanin ang kapangyarihan ng pagtuturo na nakasentro kay Cristo. Sinabi ni Chad H Webb, Seminaries and Institutes of Religion administrator, sa mga titser: “Ang kaisa-isang pinakamahalagang paraan na matutulungan nating lumago ang pananampalataya ng lumalaking henerasyon ay ang mas isentro kay Jesucristo ang ating pagtuturo at pagkatuto sa pamamagitan ng pagtulong sa ating mga estudyante na makilala Siya, matuto mula sa Kanya, at sadyang sikaping maging katulad Niya” (“Nangungusap Tayo tungkol kay Cristo, Nagagalak Tayo kay Cristo” [mensaheng ibinigay sa Seminaries and Institutes of Religion annual training broadcast, Hunyo 12, 2018], ChurchofJesusChrist.org). Habang naghahanda kang magturo, tanungin ang iyong sarili: Paano ko matutulungan ang mga estudyante na makilala, mahalin, at sundin nang mas lubusan ang Tagapagligtas sa pamamagitan ng karanasan na ito sa pag-aaral?

  • Aling mga salita o parirala sa mga talatang ito ang tila pinakamahalaga para sa inyo? Sa inyong palagay, bakit ang mga pariralang iyon ang tila pinakamahalaga para sa inyo?

  • Bakit mahalagang maniwala at tanggapin na si Jesucristo ay handa, may kakayahan, at sabik na patawarin ang ating mga kasalanan at alisin ang bumabagabag sa ating konsensya? (Maaari mong anyayahan ang mga estudyante na rebyuhin ang bahagi 3 ng materyal sa paghahanda.)

  • Paano natin malalaman na napatawad na tayo ng Tagapagligtas sa ating mga kasalanan? (Tulungan ang mga estudyante na matukoy ang isang alituntuning tulad ng sumusunod: Kapag tayo ay taos-pusong nagsisi at sumampalataya kay Jesucristo, patatawarin at bibiyayaan Niya tayo ng kagalakan at kapanatagan ng konsensya.)

  • Kailan ninyo naranasan ang kagalakan at kapayapaang hatid ng kapatawaran ng Panginoon, at paano nakaimpluwensya ang karanasang ito sa inyong buhay? (Hikayatin ang mga estudyante na pag-usapan ang nadarama nila tungkol sa kapatawaran at hindi ang mga detalye ng kanilang mga kasalanan.) Ano ang naiisip at nadarama ninyo tungkol sa kakayahan at pagnanais ng Tagapagligtas na patawarin kayo?

Sa inyong talakayan, maaaring makatulong na ibahagi mo ang sumusunod na pahayag ni Elder Neil L. Andersen:

Elder Neil L. Andersen

Para sa mga tunay na nagsisisi, ngunit tila hindi nakadarama ng kapanatagan: patuloy na sundin ang mga kautusan. Nangangako ako sa inyo, mapapanatag kayo sa takdang panahon ng Panginoon. Nangangailangan din ng panahon ang paghilom. (“Magsisi … Upang Mapagaling Ko Kayo,” Liahona, Nob. 2009, 42)

Paalala: Para sa mga estudyanteng maaaring pinanghihinaan ng loob tungkol sa proseso ng pagsisisi dahil ang kanilang mga pagsisikap ay hindi pa nagbubunga ng kapanatagan, palakasin ang kanilang loob at anyayahan sila na patuloy na bumaling sa Panginoon at marahil ay ibahagi sa kanilang bishop ang kanilang mga partikular na alalahanin o problema.

Maglaan ng oras upang masuri ng mga estudyante ang kanilang buhay at matukoy nila ang anumang kailangan nilang pagsisihan. Anyayahan ang mga estudyante na isulat ang anumang impresyon na matatanggap nila.

Ibahagi ang iyong patotoo tungkol sa doktrina ng pagsisisi at kapatawaran. Maaari mo ring anyayahan ang mga estudyante na ibahagi ang kanilang mga patotoo.

Para sa Susunod

Itanong sa mga estudyante kung paano napagpala ng kanilang tipan sa binyag at ng iba pang mga tipan ang kanilang buhay. Anyayahan sila na sa pag-aaral nila ng materyal sa paghahanda para sa susunod na klase ay pag-isipan nila ang tungkol sa kanilang landas ng tipan at kung paanong ang pagtupad sa mga tipan ay nagbibigkis sa kanila sa Tagapagligtas at sa Kanyang kapangyarihan.

Talakayan ng Maliit na Grupo tungkol sa Pagsisisi

Materyal ng Titser para sa Kursong Mga Turo at Doktrina ng Aklat ni Mormon—Lesson 10

Paalala sa discussion leader o lider ng talakayan Mangyaring gamitin ang mga instruksyong ito upang mapangasiwaan ang talakayan kasama ang mga miyembro ng inyong grupo. Hikayatin ang lahat ng miyembro ng inyong grupo na makibahagi. Gayunpaman, huwag mamilit; walang sinuman ang dapat mapilitang magbahagi.

Anyayahan ang mga miyembro ng grupo na mag-ukol ng ilang minuto upang rebyuhin ang bahagi 1 ng materyal sa paghahanda at ang mga kaugnay na scripture passage (tingnan sa Mosias 27:35; Alma 36:12–13, 17–21, 24). Sabihin sa mga estudyante na maghanap ng mga alituntuning angkop sa tanong ng inyong grupo. Anyayahan din ang mga miyembro ng grupo na maghandang magbahagi ng anumang karagdagang scripture passage na maaaring nakita nila sa kanilang paghahanda para sa klaseng ito.

Magkakasamang magpasiya kung alin sa mga sumusunod na tanong ang pinakamahalagang talakayin ng inyong grupo. Upang maunawaan ang mga ideyang ito nang mas malalim, maaaring mas mainam na talakaying mabuti ang isa o dalawang tanong kaysa subukang talakayin ang lahat ng tanong nang pahapyaw.

  • Anong mga alituntunin na maaari nating matutuhan mula sa karanasan ni Alma ang nauugnay sa ating tanong? Sa paanong mga paraan kayo napagpala sa pamamagitan ng pagsunod sa mga alituntuning ito?

  • Ano ang iba pang mga scripture passage o turo mula sa Aklat ni Mormon na makatutulong na masagot ang tanong na ito? Paano nakatulong ang mga katotohanang itinuro sa mga scripture passage na ito upang maranasan ninyo ang kapangyarihan ng pagsisisi?

  • Ano ang papel na ginagampanan ni Jesucristo sa ating pagsisisi? Ano ang nadarama ninyo tungkol sa kahandaan ng Tagapagligtas na patawarin kayo sa inyong mga kasalanan?

  • Paano nauugnay sa ating tanong ang kautusan na mag-alay sa Tagapagligtas ng “isang bagbag na puso at nagsisising espiritu” (3 Nephi 9:20)? (Kung tatalakayin ninyo ang huling naka-bullet na tanong, maaaring makatulong na rebyuhin ang 3 Nephi 9:19–20 at ang pahayag ni Elder Bruce D. Porter mula sa bahagi 2 ng materyal sa paghahanda.)

Talakayan ng Maliit na Grupo tungkol sa Pagsisisi

handout ng titser