“Lesson 13 Materyal ng Titser: Ang Pagtitipon ng Israel sa mga Huling Araw,” Materyal ng Titser para sa Kursong Mga Turo at Doktrina ng Aklat ni Mormon (2021)
“Lesson 13 Materyal ng Titser” Materyal ng Titser para sa Kursong Mga Turo at Doktrina ng Aklat ni Mormon
Lesson 13 Materyal ng Titser
Ang Pagtitipon ng Israel sa mga Huling Araw
Sa unit na ito, tatalakayin natin ang mga natatanging turo ng Aklat ni Mormon tungkol sa pagkalat at pagtitipon ng Israel. Ikinalat ng Panginoon ang sinaunang Israel dahil tinanggihan nila ang Kanyang tipan, ngunit nangako Siyang titipunin sila sa mga huling araw. Sa lesson na ito, magkakaroon ng pagkakataon ang mga estudyante na ipaliwanag ang mga pagpapala at responsibilidad ng pagiging bahagi ng sambahayan ni Israel. Mahihikayat din silang pag-isipan kung paano nila matutulungan ang isang tao “sa magkabilang panig ng tabing … na makalapit sa paggawa ng mga tipan sa Diyos” (Russell M. Nelson at Wendy W. Nelson, “Pag-asa ng Israel” [pandaigdigang debosyonal para sa mga kabataan, Hunyo 3, 2018], suplemento sa New Era at Liahona, 15, HopeofIsrael.ChurchofJesusChrist.org).
Mga Mungkahi sa Pagtuturo
Itinuro nina Lehi at Nephi ang tungkol sa pagkalat at pagtitipon ng Israel.
Ipakita ang sumusunod na sitwasyon:
Anyayahan ang mga estudyante na talakayin sa isang kapartner kung paano nila sasagutin ang tanong ni Becky. (Kung kinakailangan, maaari ding rebyuhin ng mga estudyante ang bahagi 1 ng materyal sa paghahanda.) Matapos maibigay ng mga estudyante ang kanilang mga sagot, anyayahan ang ilan na ibahagi kung ano ang natutuhan o nadama nila tungkol sa sambahayan ni Israel habang nag-uusap sila.
Maaari mong ipakita ang kalakip na larawan. Anyayahan ang mga estudyante na rebyuhin ang bahagi 2 ng materyal sa paghahanda (lalo na ang 1 Nephi 10:12–14 at 1 Nephi 15:12–15). Pagkatapos ay sabihin sa isang estudyante na ipaliwanag nang pahapyaw kung paano ginamit nina Lehi at Nephi ang punong olibo upang maituro ang tungkol sa pagkalat at pagtitipon ng Israel.
Maaari mong isulat sa pisara ang sumusunod na di-kumpletong pahayag: Ang isang tao ay natitipon sa sambahayan ni Israel kapag kanyang …
Habang ibinabahagi ng mga estudyante ang kanilang mga ideya, isulat ang kanilang mga sagot, na maaaring kabilangan ng sumusunod na katotohanan: Ang isang tao ay natitipon sa sambahayan ni Israel kapag kanyang tinanggap ang kabuuan ng ebanghelyo, nalaman na si Jesucristo ang ating Panginoon at Manunubos, at gumagawa at tumutupad sa mga tipan ng ebanghelyo. Maaari mong gamitin ang ilan sa mga sumusunod na tanong upang matulungan ang mga estudyante na mapalalim ang kanilang pagkaunawa tungkol sa pagtitipon ng Israel:
-
Paano nauugnay ang pagtitipon ng Israel sa mga buhay at sa mga pumanaw na?
-
Sa inyong palagay, bakit sinabi ni Pangulong Nelson na ang pagtitipon ng Israel “ang pinakamahalagang nangyayari sa mundo ngayon” (“Pag-asa ng Israel,” 8)? (Maaari ninyong rebyuhin ang kanyang mga pahayag sa pambungad at sa mga bahagi 1 at 2 ng materyal sa paghahanda.)
-
Sa paanong mga paraan natin pinahahalagahan ang buhay at sakripisyo ni Jesucristo kapag nakikibahagi tayo sa pagtitipon ng Israel?
-
Paano naimpluwensyahan ng pagtitipon ng Israel ang inyong buhay o paano nito napagpala ang buhay ng mga miyembro ng inyong pamilya?
Maaari mong anyayahan ang mga estudyante na pagnilayan kung ano ang maaari nilang madama at kung paano sila maaaring tumugon kung personal na itinanong sa kanila ng propeta ang tanong na ito: “Nais ba ninyong maging malaking bahagi ng pinakamalaking hamon, pinakamagiting na layunin, at pinakadakilang gawain sa mundo ngayon?” (“Pag-asa ng Israel,” 8).
Si Jesucristo ay tumatawag ng mga tagapagsilbi na tutulong sa gawain ng pagtitipon ng Israel.
Rebyuhin nang pahapyaw kung paano ginamit ni Jacob ang talinghaga ni Zenos tungkol sa punong olibo upang maituro ang tungkol sa pagkalat at pagtitipon ng Israel (tingnan sa bahagi 3 ng materyal sa paghahanda). Ipaliwanag na sa kalagitnaan ng talinghaga, nalungkot ang Panginoon ng olibohan dahil ang mga punong olibo (na kumakatawan sa mga tao ng Panginoon) ay hindi namumunga ng mabuting bunga. Anyayahan ang mga estudyante na basahin ang Jacob 5:47, 51 at alamin kung ano ang nadarama ng Panginoon tungkol sa sambahayan ni Israel.
-
Ano ang itinuturo sa atin ng mga talatang ito tungkol sa katangian ni Jesucristo?
-
Paano maaaring makaimpluwensya sa inyong nadarama para sa Panginoon ang kaalamang lubos Siyang nagmamalasakit sa inyo?
Anyayahan ang mga estudyante na rebyuhin ang Jacob 5:61–62, 70–72 at alamin kung ano ang ating papel sa pagtulong sa Panginoon na tipunin ang Israel. (Tulungan ang mga estudyante na matukoy ang sumusunod na alituntunin: Kapag masigasig tayong gumagawa kasama ng Panginoon upang makatulong na matipon ang Israel, bibiyayaan tayo ng kagalakan.)
-
Bakit mahalaga para sa bawat isa sa atin na tumulong sa Panginoon sa pagtitipon ng Israel?
-
Anong mga bagay ang maaari nating gawin upang matipon ang Israel? (Maaaring mag-ukol ang mga estudyante ng ilang minuto sa pagsulat ng mga ideya at pagtalakay kung paano sila nakibahagi sa pagtitipon ng Israel. Maaari din ninyong rebyuhin ang pahayag ni Pangulong Nelson sa bahagi 3 ng materyal sa paghahanda.)
-
Ano ang nadama ninyo nang tulungan ninyo ang isang tao sa magkabilang panig ng tabing na matipon sa sambahayan ni Israel?
Maaari mong tapusin ang lesson sa pamamagitan ng pagbabahagi ng sumusunod na pahayag o pagpapalabas ng video clip (time code 32:51 hanggang 33:15) ng sumusunod na pahayag ni Pangulong Nelson mula sa mensahe na “Pag-asa ng Israel”:
Bawat propeta ay nagsalita tungkol sa panahon natin, kung kailan matitipon ang Israel at ang mundo ay magiging handa sa Ikalawang Pagparito ng Tagapagligtas. Isipin ninyo ito! Sa dinami-dami ng mga taong tumira sa mundo natin, tayo ang mga makikilahok sa huli at malaking pagtitipon na ito. Talagang nakatutuwa ito! (“Pag-asa ng Israel,” 8)
Ipaalala sa mga estudyante na upang makapaghanda para sa lesson na ito, inanyayahan sila na mag-isip ng isang tao—sa magkabilang panig ng tabing—na maaari nilang tulungan na makagawa ng mga hakbang patungo sa pakikipagtipan sa Diyos (tingnan sa mga bahagi 2 at 3 ng materyal sa paghahanda). Bigyan ng oras ang mga estudyante upang magnilay, magsulat ng kanilang mga impresyon, at tapusin ang plano kung ano ang gagawin nila. Kung angkop sa tingin mo, anyayahan ang ilang estudyante na ibahagi kung ano ang nahikayat silang gawin.
Para sa Susunod
Ipaliwanag sa mga estudyante na upang makatulong na tipunin ang Israel, inaanyayahan tayo na maging mga kasangkapan sa mga kamay ng Diyos at ibahagi ang Kanyang ebanghelyo sa lahat ng tao. Sa pagbabasa ng mga estudyante upang makapaghanda para sa susunod na klase, anyayahan sila na isipin kung ano ang maaari nilang gawin upang maging mga mas epektibong kasangkapan sa mga kamay ng Diyos upang maibahagi ang ebanghelyo.