Institute
Lesson 5 Materyal ng Titser: Ang Pagkahulog nina Adan at Eva at ang Kaloob na Kalayaang Pumili


“Lesson 5 Materyal ng Titser: Ang Pagkahulog nina Adan at Eva at ang Kaloob na Kalayaang Pumili,” Materyal ng Titser para sa Kursong Mga Turo at Doktrina ng Aklat ni Mormon (2021)

“Lesson 5 Materyal ng Titser,” Materyal ng Titser para sa Kursong Mga Turo at Doktrina ng Aklat ni Mormon

Lesson 5 Materyal ng Titser

Ang Pagkahulog nina Adan at Eva at ang Kaloob na Kalayaang Pumili

Itinuro ng propetang si Lehi na dahil sa Pagkahulog nina Adan at Eva, naisagawa ang mga walang hanggang layunin ng Diyos para sa Kanyang mga anak (tingnan sa 2 Nephi 2:15–25). Sa lesson na ito, magkakaroon ng pagkakataon ang mga estudyante na ipaliwanag kung paano naging mahalaga ang Pagkahulog nina Adan at Eva, ang kalayaang pumili, at ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo sa plano ng pagtubos ng Ama sa Langit. Pag-iisipan din ng mga estudyante kung paano nila magagamit nang mas mabuti ang kanilang kalayaang pumili upang maging higit na katulad ng Ama sa Langit at ni Jesucristo.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Itinuro ni Lehi sa kanyang anak na si Jacob ang tungkol sa mga epekto ng Pagkahulog.

Ipaliwanag na magsisimula ang klase sa isang bagong unit tungkol sa plano ng pagtubos ng Ama sa Langit. Maaaring makatulong na ipaliwanag na sa maraming pangalang ibinigay sa plano ng Ama sa Langit, ang isa sa pinakamadalas gamiting pangalan sa Aklat ni Mormon ay “ang dakilang plano ng pagtubos” (halimbawa, tingnan sa Jacob 6:8; Alma 12:30, 32–33; 34:31).

Ipakita ang sumusunod na pahayag, at anyayahan ang mga estudyante na suriin ito batay sa mga turo ng Aklat ni Mormon: Ang Pagkahulog nina Adan at Eva ay isang nakapanlulumong pagkakamali o aksidente na salungat sa plano ng Diyos.

Matapos ibahagi ng mga estudyante ang kanilang mga ideya, ipakita ang sumusunod na katotohanan: Ang Pagkahulog nina Adan at Eva ay mahalagang bahagi ng plano ng Ama sa Langit para sa Kanyang mga anak.

Upang lalo pang lumalim ang pagkaunawa ng mga estudyante sa katotohanang ito, isulat sa pisara ang mga sumusunod na di-kumpletong pahayag (maglagay ng malaking espasyo sa pagitan ng mga pangungusap):

Kung hindi kinain nina Eva at Adan ang bunga, …

Dahil kinain nila ang bunga, …

Anyayahan ang mga estudyante na rebyuhin ang 2 Nephi 2:19–25 at tukuyin ang mga bunga o epekto ng Pagkahulog na magagamit nila upang kumpletuhin ang bawat pahayag. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nalaman nila. Isulat ang kanilang mga sagot sa pisara sa ilalim ng bawat parirala.

Ipakita at basahin ang sumusunod na pahayag ni Elder Orson F. Whitney ng Korum ng Labindalawang Apostol:

Elder Orson F. Whitney

Ang Pagkahulog ni Adan ay isang hakbang pababa, ngunit ito ay isa ring hakbang pasulong—isang hakbang sa walang hanggang pag-unlad ng tao. (Sa Conference Report, Abr. 1908, 90)

  • Paanong ang Pagkahulog ay “isang hakbang pababa” at “isa ring hakbang pasulong” sa ating espirituwal na pag-unlad? (Bilang bahagi ng inyong talakayan, maaari mong anyayahan ang mga estudyante na rebyuhin ang mga pahayag nina Elder Bruce C. Hafen at Elder Jeffrey R. Holland sa bahagi 1 ng materyal sa paghahanda at ibahagi kung ano ang tila pinakamahalaga para sa kanila.)

  • Paano nakatutulong ang pagkaunawa tungkol sa Pagkahulog upang makita ninyo na maging ang mga hamon o pagsubok sa mortalidad ay bahagi ng plano ng Ama sa Langit?

  • Paanong ang mga kalagayang dulot ng Pagkahulog ay nagbibigay sa atin ng pagkakataon na umunlad sa espirituwal at magkaroon ng kagalakan? (Tingnan sa 2 Nephi 2:25.)

Bilang bahagi ng inyong talakayan, maaari mong ipakita ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Russell M. Nelson at anyayahan ang isang estudyante na basahin ito nang malakas:

Pangulong Russell M. Nelson

Malinaw na dumanas si Lehi ng oposisyon, kaligaligan, sama ng loob, pasakit, kabiguan, at kalungkutan. Gayunman buong tapang at walang pag-aatubili niyang ipinahayag ang isang alituntuning inihayag ng Panginoon: “Ang tao ay gayon, upang sila ay magkaroon ng kagalakan” [2 Nephi 2:25]. Isipin ninyo iyan! Sa lahat ng salitang magagamit niya para ilarawan ang likas na layunin ng ating buhay dito sa lupa, pinili niya ang salitang kagalakan!

Maraming beses sa ating buhay ay hindi nangyayari ang mga bagay-bagay ayon sa plano natin. Bawat isa sa atin ay malamang na nakaranas nang mabalisa, magdalamhati, at masiphayo na halos hindi natin makayanan. Subalit narito tayo para magkaroon ng kagalakan?

Oo! Ang sagot ay isang matunog na oo!” (“Kagalakan at Espirituwal na Kaligtasan,” Liahona, Nob. 2016, 82)

Anyayahan ang mga estudyante na tahimik na tumukoy ng isang hamon na kinakaharap nila. Ipakita ang sumusunod na tanong, at sabihin sa mga estudyante na pagnilayan ang kanilang sagot sa tanong na ito at isulat ang kanilang mga naiisip. (Kung angkop, anyayahan ang isa o dalawang estudyante na ibahagi ang isinulat nila. Ipaalala sa mga estudyante na hindi sila dapat magbahagi ng mga karanasang masyadong personal o pribado.)

  • Paano makatutulong ang pagkaunawa sa mga layunin ng Pagkahulog upang makita ko ang karanasang ito bilang pagkakataon para sa espirituwal na pag-unlad at kagalakan?

Itinuro ni Lehi na tayo ay malayang makapipili ng kalayaan at buhay na walang hanggan sa pamamagitan ni Jesucristo.

Ipakita ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Russell M. Nelson: “[Ang Pagkahulog] ay nagtulot sa mga tao na gumamit ng dalawa pang magkaugnay na kaloob mula sa Diyos, na halos kasinghalaga ng buhay—ang kalayaang pumili at pananagutan” (“Constancy amid Change,” Ensign, Nob. 1993, 34).

  • Ano ang ilan sa mga kalagayang tinukoy ni Lehi na dahilan kung bakit naging posibleng magkaroon ng kalayaang pumili at pananagutan? (Kung kinakailangan, anyayahan ang mga estudyante na rebyuhin ang bahagi 2 ng materyal sa paghahanda. Maaari mong sabihin sa mga estudyante na ipaliwanag nang pahapyaw kung bakit kailangan ang bawat isa sa mga kalagayang ito upang magkaroon ng kalayaang pumili.)

Basahin nang sabay-sabay ang 2 Nephi 2:26–29, at maghanap ng iba pang mga paraan kung paano nakaaapekto sa ating kalayaang pumili ang Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas at ang Kanyang pagtubos sa atin mula sa mga epekto ng Pagkahulog. Maaaring kabilang sa mga alituntuning matutukoy ng mga estudyante mula sa scripture passage na ito ang sumusunod: Ang nakatutubos na sakripisyo ng Tagapagligtas ay nagbibigay sa atin ng kalayaang piliin ang buhay na walang hanggan. Ang plano ng Ama sa Langit ay nagbibigay sa atin ng mga kinakailangang kalagayan upang piliin ang kalayaan at buhay na walang hanggan sa pamamagitan ni Jesucristo o piliin ang pagkabihag at kamatayan sa pamamagitan ng diyablo.

Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo at Pag-aaral

Hikayatin ang mga estudyante na gumawa ng mabuting pagkilos. Itinuro ni Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol, “Ang tunay na pananampalataya ay nakatuon sa Panginoong Jesucristo at laging nauuwi sa mabuting pagkilos” (“Humingi nang May Pananampalataya,” Liahona, Mayo 2008, 95). Habang nagtuturo ka, bigyan ng mga makabuluhang pagkakataon ang mga estudyante upang pagnilayan kung paano sila kikilos nang may pananampalataya at kung paano nila isasabuhay ang natututuhan nila. Kapag palagi mong hinihikayat ang mga estudyante na pagnilayan at isabuhay ang natututuhan nila, matutulungan mo sila na madagdagan ang kanilang kakayahan na gumawa ng mabuting pagkilos.

Isipin kung alin sa mga sumusunod na tanong ang lubos na makatutulong sa iyong mga estudyante na maunawaan ang kalayaang pumili at magpasiya para sa kanilang sarili kung anong mabubuting pagkilos ang dapat nilang gawin sa kanilang buhay. (Maaari kang pumili ng isa sa mga sumusunod na set ng mga tanong at maaari mong hikayatin ang mga estudyante na isulat ang kanilang mga naisip at impresyon.)

  • Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ng tayo ay naging “malaya magpakailanman … [na kumilos] para sa [ating] sarili at hindi pinakikilos, maliban sa kaparusahan ng batas sa dakila at huling araw”? (2 Nephi 2:26). Ano ang isang bagay na nahikayat kayong gawin upang makagawa kayo ng mabuting pagkilos ngayon?

  • Ano ang ilang halimbawa ng maliliit na pagpili na ginagawa ninyo sa bawat araw na maaaring magkaroon ng pangmatagalang epekto? Anong uri ng mga pang-araw-araw na pagpili ang tutulong sa inyo na mas mapalapit kay Jesucristo at sa buhay na walang hanggan? Ano ang ilang pagpiling ginagawa ninyo sa kasalukuyan na maaaring nakahahadlang o nakababawas sa inyong espirituwal na pag-unlad o mga pagkakataon?

  • Paano kayo tinulutan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo na matuto mula sa inyong mga pagkakamali? (Rebyuhin ang pahayag ni Elder Bruce C. Hafen sa bahagi 3 ng materyal sa paghahanda kung kinakailangan.) Ano ang isang bagay na matututuhan ninyo mula sa isang kasalanan o pagkakamali na nagawa ninyo?

Pagkatapos ng sapat na oras, anyayahan ang sinumang estudyante na nais magbahagi ng kanilang mga naisip o patotoo. Ipaliwanag sa mga estudyante na hindi sila dapat magbahagi ng anumang bagay na masyadong personal o magkuwento tungkol sa mga partikular na kasalanang nagawa nila. Hikayatin ang mga estudyante na kumilos ayon sa isinulat at pinagnilayan nila ngayon. Patotohanan ang mga alituntunin sa lesson at ang hangarin ng Panginoon na tulungan ang mga estudyante na mapag-isipang mabuti ang mga pagpiling ginagawa nila sa buhay.

Para sa Susunod

Ipaliwanag na tatalakayin natin ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo sa susunod na klase. Hikayatin ang mga estudyante na pag-aralang mabuti ang materyal sa paghahanda at pagnilayan kung bakit inilarawan ng Aklat ni Mormon ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo bilang walang katapusan at walang hanggan (tingnan sa 2 Nephi 9:7; Alma 34:10).