Institute
Lesson 20 Materyal ng Titser: Ang mga Pagpapala ng Kalayaang Panrelihiyon


“Lesson 20 Materyal ng Titser: Ang mga Pagpapala ng Kalayaang Panrelihiyon,” Materyal ng Titser para sa Kursong Mga Turo at Doktrina ng Aklat ni Mormon (2021)

“Lesson 20 Materyal ng Titser,” Materyal ng Titser para sa Kursong Mga Turo at Doktrina ng Aklat ni Mormon

Lesson 20 Materyal ng Titser

Ang mga Pagpapala ng Kalayaang Panrelihiyon

Ang kalayaang panrelihiyon ay isang pangunahing karapatang pantao. Ang Aklat ni Mormon ay naglalaman ng maraming halimbawa kapwa ng mga pagpapala ng kalayaang panrelihiyon at ng mga bunga ng paghihigpit sa kalayaang panrelihiyon. Sa lesson na ito, magkakaroon ng pagkakataon ang mga estudyante na tukuyin ang mga pagpapala ng kalayaang panrelihiyon at suriin kung ano ang maaari nilang gawin upang makatulong na mapangalagaan at maprotektahan ito sa ating panahon.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Si Haring Mosias ay nagtatag ng isang uri ng pamahalaan na pumoprotekta sa kalayaang panrelihiyon.

Paalala: Magkakaiba ang kalagayan ng kalayaang panrelihiyon sa iba’t ibang panig ng mundo. Habang tinatalakay mo ang kalayaang panrelihiyon, maging sensitibo sa mga natatanging kalagayan sa lugar kung saan kayo nakatira. Hikayatin ang mga estudyante na magsalita nang may paggalang sa mga pamahalaan, sa ibang simbahan, at sa lahat ng tradisyong panrelihiyon.

Ipaalala sa mga estudyante na sa paghahanda para sa klase, inanyayahan silang makipag-usap sa isa o higit pang tao na iba ang relihiyon. Hinikayat ang mga estudyante na tanungin ang mga taong ito kung bakit mahalaga sa kanila ang kanilang relihiyon at kung nakaranas na sila ng pang-uusig dahil sa relihiyon. Anyayahan ang ilang estudyante na ibahagi kung ano ang nalaman nila mula sa mga pakikipag-uusap nila o mula sa mga dating karanasan nila kasama ang mga yaong iba ang relihiyon.

Maaari mong itanong ang isa o higit pa sa mga sumusunod:

  • Paano ninyo ipaliliwanag ang ibig sabihin ng kalayaang panrelihiyon? (Kung kinakailangan, anyayahan ang mga estudyante na rebyuhin ang pambungad at bahagi 1 ng materyal sa paghahanda.)

  • Sa inyong palagay, bakit mahalaga para sa lahat ng tao na magkaroon ng karapatang magpahayag at kumilos ayon sa kanilang mga paniniwalang panrelihiyon? (Maaaring makatulong na rebyuhin ang ikalabing-isang saligan ng pananampalataya at ang pahayag ni Joseph Smith sa bahagi 1 ng materyal sa paghahanda.)

  • Paano maaaring maapektuhan ang ating mga buhay kung hindi tayo malayang magpahayag o kumilos ayon sa ating mga pangunahing paniniwala, kabilang na ang ating mga pananaw tungkol sa relihiyon? Ano ang ilang halimbawa ng kalayaang panrelihiyon na pinagbabantaan sa ating panahon?

Ipaalala sa mga estudyante na nagtatag si Haring Mosias ng isang batas upang maprotektahan ang mga tao sa kanyang kaharian na inuusig dahil sa kanilang mga paniniwala. Maaari mong rebyuhin ang Mosias 27:1–4 kasama ang mga estudyante at itanong:

  • Ano ang maaari nating matutuhan tungkol sa kalayaang panrelihiyon mula sa pahayag ni Haring Mosias?

Hinarap ni Korihor si Alma, ni Robert T. Barrett

Maaari mong idispley ang kalakip na larawan, at anyayahan ang mga estudyante na ibuod ang ilan sa mga ideyang itinuro ni Korihor (tingnan sa bahagi 1 ng materyal sa paghahanda). Anyayahan ang mga estudyante na rebyuhin ang Alma 30:7–9, 11 at alamin kung ano ang itinuturo ng mga talatang ito tungkol sa kalayaang panrelihiyon. Isipin kung alin sa mga sumusunod na maaari mong itanong ang makatutulong sa iyong mga estudyante na lalo pang matuto:

  • Ano ang maaari nating matutuhan mula sa mga talatang ito tungkol sa pagpapahalaga ng Ama sa Langit sa kalayaang panrelihiyon? (Maaaring matukoy ng mga estudyante ang alituntuning tulad ng sumusunod: Nais ng Diyos na magkaroon ng pantay-pantay na karapatan at pribilehiyo ang lahat ng Kanyang anak upang sila ay maging malaya na piliing paglingkuran Siya nang hindi pinipilit, at malaya rin na piliing hindi Siya paglingkuran.)

  • Bakit mahalaga sa plano ng Diyos na hindi tayo pinipilit na maniwala o sumunod sa Kanya?

  • Ano ang ibig sabihin sa inyo ng hindi kayo kailanman pipilitin ng Ama sa Langit at ni Jesucristo na maniwala o sumunod sa Kanila? Ano ang itinuturo nito sa inyo tungkol sa Kanilang katangian?

  • Paano nakabubuti sa lahat ng mamamayan ng lipunan ang kalayaang panrelihiyon? Paano ito nakabubuti sa inyo?

Itinaas ni Kapitan Moroni ang bandila ng kalayaan at hinikayat niya ang mga tao na pangalagaan ang kalayaan.

Anyayahan ang ilang estudyante na magbahagi ng mga halimbawa kung paano maaaring pagbantaan ang kalayaang panrelihiyon. (Kung kinakailangan, maaari mong iparebyu sa kanila ang bahagi 2 ng materyal sa paghahanda.)

Anyayahan ang mga estudyante na basahin ang Alma 46:4, 10, at pagkatapos ay ipaliwanag kung paano pinagbantaan ni Amalikeo ang kalayaan ng mga Nephita, kabilang na ang kanilang kalayaang panrelihiyon. Itanong sa mga estudyante kung paano tumugon si Kapitan Moroni sa pagbabantang ito. (Kung kinakailangan, iparebyu sa mga estudyante ang Alma 46:12–13, 19–20.) Maaari mong talakayin ang mga sumusunod na tanong:

  • Anong mga alituntunin ng ebanghelyo tungkol sa kalayaang panrelihiyon ang maaari nating matutuhan mula sa mga pagsisikap ni Kapitan Moroni at ng kanyang mga tao? (Tulungan ang mga estudyante na matukoy ang alituntuning tulad ng sumusunod: Kapag nanawagan tayo sa Diyos at inihanda natin ang ating mga sarili na kumilos, palalakasin Niya tayo sa pagprotekta sa ating mga pamilya, sa ating relihiyon, at sa ating kalayaan.)

  • Ano ang naging epekto ni Kapitan Moroni at ng bandila ng kalayaan sa mga tao? Bakit kailangan natin ang tulong ng Ama sa Langit sa ating mga pagsisikap na ipagtanggol ang kalayaang panrelihiyon?

  • Sa anong paraan natutulad ang pagtatanggol ni Kapitan Moroni sa kalayaang panrelihiyon sa pagtatanggol ni Jesucristo sa ating kalayaang pumili?

Upang matulungan ang mga estudyante na maging magalang kapag ipinagtatanggol ang kalayaang panrelihiyon, maaari mong idispley ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Dallin H. Oaks ng Unang Panguluhan:

Pangulong Dallin H. Oaks

Dapat mahalin natin ang lahat ng tao, maging mabubuting tagapakinig tayo, at magpakita tayo ng pagmamalasakit sa tapat na paniniwala ng iba. Dapat maging matalino tayo sa pagpapaliwanag at pagsusulong ng ating mga pinaniniwalaan at sa paggamit ng ating impluwensya. Dapat nating hangarin ang pang-unawa at suporta ng mga hindi naniniwala. At dapat din nating hikayatin ang opisyal na pagkilos ng mga pamahalaan at angkop na pandaigdigang organisasyon. Ang lahat ng ito ay kailangan upang mapangalagaan ang malaking kabutihan na magagawa ng mga organisasyong panrelihiyon at mga naniniwala para sa kapakanan ng buong sangkatauhan. (“Challenges to Religious Freedom” [mensahe sa Argentina Council for Foreign Relations (CARI), Abr. 23, 2015], newsroom.ChurchofJesusChrist.org)

Upang matulungan ang mga estudyante na praktisin ang pagtatanggol sa kalayaang panrelihiyon, anyayahan sila na makipagtulungan sa isang kapartner at talakayin kung paano sila tutugon sa sumusunod na sitwasyon:

May kaibigan kayong Muslim sa trabaho na nakahanap ng pribadong lugar upang manalangin sa oras ng kanyang pahinga. Sinimulang kutyain ng ilang katrabaho ninyo ang gawing ito. Sa huli ay sinabi ng isa sa kanila, “Dapat sarilinin na lamang niya ang kanyang relihiyon at huwag niyang gawin iyan dito sa trabaho.” Pagkatapos ay bumaling siya sa inyo at nagwikang, “Ano sa palagay ninyo?”

Matapos magkaroon ng oras ang mga estudyante upang talakayin ang kanilang sagot kasama ang kanilang mga kapartner, anyayahan ang ilang estudyante na ibahagi kung paano sila tumugon sa sitwasyong iyon.

Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo at Pag-aaral

Anyayahan ang mga estudyante na magtakda ng mga mithiin. Ipinahayag ni Pangulong M. Russell Ballard ng Korum ng Labindalawang Apostol, “Lubos akong naniniwala na kung hindi tayo magtatakda ng mga mithiin sa ating buhay at matututong maging bihasa sa mga pamamaraan ng pamumuhay upang makamit ang ating mga mithiin, tayo ay tatanda at maaalala natin ang ating buhay at makikita natin na maliit na bahagi lamang pala ng ating malaking potensyal ang ating naabot” (“Do Things That Make a Difference,” Ensign, Hunyo 1983, 69–70). Bigyan ng mga pagkakataon ang mga estudyante na mag-isip at magtakda ng mga partikular na mithiin na makatutulong sa kanila na gumawa ng mabisa at mabuting pagkilos. Maliban kung masyadong personal ang kanilang mga mithiin upang ibahagi, anyayahan ang mga estudyante na ibahagi ang kanilang mga mithiin sa iyo, at isipin kung paano mo kukumustahin sa mga estudyante ang tungkol sa kanilang mga mithiin.

Anyayahan ang mga estudyante na magtakda ng isang partikular na mithiin tungkol sa maaari nilang gawin upang maging mas handa na protektahan ang sagradong karapatan ng kalayaang panrelihiyon. (Maaaring makatulong na idispley at rebyuhin ang pahayag ni Elder Robert D. Hales sa bahagi 2 ng materyal sa paghahanda.) Maaari mong anyayahan ang mga estudyante na magsulat ng isang simpleng plano tungkol sa gagawin nila upang maisakatuparan ang kanilang mithiin. Maaari mong tapusin ang lesson sa pamamagitan ng pagpapatotoo tungkol sa kahalagahan ng kalayaang panrelihiyon.

Para sa Susunod

Sabihin sa mga estudyante na isipin kung bakit ang kapalaluan ay isang madalas na tema sa Aklat ni Mormon. Bigyang-diin na ipinahayag ni Pangulong Ezra Taft Benson, “Ang kapalaluan ay isang kasalanang madaling makita sa iba ngunit bihirang aminin sa ating sarili” (“Beware of Pride,” Ensign, Mayo 1989, 5). Anyayahan ang mga estudyante na palalimin ang kanilang pagkaunawa sa mga turo tungkol sa kapalaluan sa Aklat ni Mormon at kung paano maaaring nakaaapekto ang kapalaluan sa kanilang mga buhay.