Institute
Lesson 3 Materyal sa Paghahanda para sa Klase: Ang Panaginip ni Lehi tungkol sa Punungkahoy ng Buhay


“Lesson 3 Materyal sa Paghahanda para sa Klase: Ang Panaginip ni Lehi tungkol sa Punungkahoy ng Buhay,” Materyal ng Titser para sa Kursong Mga Turo at Doktrina ng Aklat ni Mormon (2021)

“Lesson 3 Materyal sa Paghahanda para sa Klase,” Materyal ng Titser para sa Kursong Mga Turo at Doktrina ng Aklat ni Mormon

Lesson 3 Materyal sa Paghahanda para sa Klase

Ang Panaginip ni Lehi tungkol sa Punungkahoy ng Buhay

nakahawak si Lehi sa gabay na bakal

Isipin ang mga tao, organisasyon, internet site, o social media platform na nakaiimpluwensya sa iyong mga iniisip, pinipili, at ginagawa sa bawat araw. Ilan sa mga source na ito ang humihikayat sa iyo na sundin si Jesucristo? Sa iyong pag-aaral, pag-isipan kung paano makatutulong ang salita ng Diyos na madagdagan ang kakayahan mong lumakad sa makipot at makitid na landas patungo sa Panginoon at sa mga pagpapala ng Kanyang Pagbabayad-sala.

Bahagi 1

Paano ko higit na madarama ang pagmamahal ng Diyos sa aking buhay?

Nang “[m]anatili … sa ilang” (1 Nephi 8:2) ang pamilya ni Lehi sa kanilang paglalakbay patungo sa lupang pangako, nakatanggap si Lehi ng isang pangitain mula sa Diyos. Sa kanyang pangitain, pinasunod si Lehi ng isang lalaking nakasuot ng puting bata hanggang sa mapunta siya sa “isang madilim at mapanglaw na ilang” (1 Nephi 8:1–7).

icon, pag-aralan

Mag-aral upang Makapaghanda para sa Klase

Basahin ang 1 Nephi 8:8–12 para sa salaysay ni Lehi tungkol sa nakita niya matapos manalangin sa Panginoon na kaawaan siya.

may hawak si Lehi na bunga mula sa punungkahoy ng buhay

Si Nephi ay nakatanggap kalaunan ng isang pangitain na katulad ng sa kanyang ama. Nang hilingin ni Nephi na maunawaan ang kahulugan ng punungkahoy ng buhay, ipinakita sa kanya ang “ina ng Anak ng Diyos, ayon sa laman … may dalang isang bata sa kanyang mga bisig” (1 Nephi 11:18, 20). Pagkatapos ay nagpakita ang isang anghel upang tulungan si Nephi na mas maunawaan pa ang kahulugan ng punungkahoy.

icon, pag-aralan

Mag-aral upang Makapaghanda para sa Klase

Basahin ang 1 Nephi 11:21–22, at alamin kung ano ang sinabi ni Nephi tungkol sa kahulugan ng punungkahoy.

Itinuro ni Elder Neal A. Maxwell ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Ang pagtanggap sa pagmamahal ng Diyos ay pagtanggap sa Pagbabayad-sala ni Jesus at sa … kagalakang dulot nito” (“Lessons from Laman and Lemuel,” Ensign, Nob. 1999, 8).

Sinabi rin ni Elder Neil L. Andersen ng Korum ng Labindalawang Apostol:

Elder Neil L. Andersen

Ang pagkain sa bunga ng puno ay sumasagisag din sa pagtanggap natin ng mga ordenansa at tipan ng ipinanumbalik na ebanghelyo—pagpapabinyag, pagtanggap ng kaloob na Espiritu Santo, at pagpasok sa bahay ng Panginoon upang mapagkalooban ng kapangyarihan mula sa kaitaasan. Sa pamamagitan ng biyaya ni Jesucristo at sa paggalang sa ating mga tipan, natatanggap natin ang di-masukat na pangako na makapiling ang ating mabuting pamilya sa buong kawalang-hanggan.

Hindi nakapagtataka na inilarawan ng anghel ang bunga na “labis na nakalulugod sa kaluluwa” [1 Nephi 11:23]. (“Bunga,” Liahona, Nob. 2019, 117)

icon, pagnilayan

Magnilay-nilay upang Makapaghanda para sa Klase

Isipin ang mga salitang ginamit ni Lehi (tingnan sa 1 Nephi 8:10–12) upang ilarawan ang punungkahoy ng buhay at ang bunga nito. Ano ang itinuturo sa iyo ng mga salitang ito tungkol sa pagmamahal ng Diyos tulad ng ipinakita sa pamamagitan ng kaloob na Kanyang Anak na si Jesucristo?

Bahagi 2

Ano ang makapaglalayo sa akin kay Jesucristo at sa mga bunga ng Kanyang Pagbabayad-sala?

Hindi lahat ng tao sa panaginip ni Lehi ay tumikim ng bunga o nanatili matapos kumain nito. Nalaman natin mula sa salaysay na ito na bagama’t hindi tinanggap ng ilan ang Tagapagligtas at ang mga pagpapalang nagmumula sa Kanyang Pagbabayad-sala, natikman ng ibang tao ang Kanyang kabutihan at tumalikod sila sa Kanya kalaunan dahil sila ay nagambala, nahiya, o nahikayat na mamuhay sa kasalanan.

icon, pag-aralan

Mag-aral upang Makapaghanda para sa Klase

Pag-aralan nang mabuti ang 1 Nephi 12:16–18, at hanapin ang mga bagay sa panaginip ni Lehi na naging dahilan ng paglayo ng mga tao sa punungkahoy at kung ano ang natuklasan ni Nephi na isinasagisag ng bawat bagay na iyon.

mga taong nakahawak sa gabay na bakal sa abu-abo ng kadiliman

Nakahawak ang mga tao sa gabay na bakal sa abu-abo ng kadiliman.

icon, talakayin

Talakayin upang Makapaghanda para sa Klase

Sa tulong ng isang kapamilya o kaibigan, tukuyin ang ilang kasalukuyang halimbawa ng “bukal ng maruming tubig” (1 Nephi 12:16), “abu-abo ng kadiliman” (talata 17), at panlalait ng mga yaong nasa malaki at maluwang na gusali. Maghandang ibahagi ang iyong mga halimbawa sa klase.

mga taong nanlalait sa malaki at maluwang na gusali

Bahagi 3

Paano ko mapaglalabanan ang tukso at paano ako mananatiling tapat kay Jesucristo?

Sa kanyang pangitain, nakakita si Lehi ng tatlong grupo ng mga tao na nagsisikap na lumakad sa makipot at makitid na landas patungo sa punungkahoy at sa bunga nito. Nakakita rin si Lehi ng gabay na bakal na nasa kahabaan ng landas patungo sa punungkahoy.

kamay na nakahawak sa gabay na bakal

Itinuro ni Nephi na ang gabay na bakal ay sumasagisag sa salita ng Diyos at na ang mga yaong kakapit dito “ay hindi masasawi; ni ang mga tukso o nag-aapoy na sibat ng kaaway ay makapananaig sa kanila” (1 Nephi 15:24). Sinabi ni Pangulong Ezra Taft Benson na ang salita ng Diyos ay matatagpuan “sa mga banal na kasulatan, sa mga salita ng mga buhay na propeta, at sa personal na paghahayag” (“The Power of the Word,” Ensign, Mayo 1986, 80).

icon, pag-aralan

Mag-aral upang Makapaghanda para sa Klase

Habang binabasa mo ang mga sumusunod na scripture passage, hanapin ang pagkakaiba sa pagitan ng mga yaong umaasa sa salita ng Diyos at ng mga yaong hindi umaasa sa salita ng Diyos.

mga taong nakaluhod sa tabi ng punungkahoy ng buhay

Si Sister Ann M. Dibb, dating counselor sa Young Women General Presidency, ay nagbigay ng ganitong panghihikayat sa mga yaong bumitaw sa gabay na bakal:

Sister Ann M. Dibb

Hindi palaging madaling humawak sa gabay na bakal. Maaari tayong makabitaw dahil sa pamimilit ng kaibigan o kahambugan, iniisip na mahahanap natin ang sarili nating daan pabalik—kalaunan. … Sabi ni Nephi, “At marami ang nangawala sa kanyang paningin, nagpagala-gala sa mga di kilalang daan” (1 Nephi 8:32). Sa mga panahon ng paghihirap sa ating buhay, maaari din nating maranasang “magpagala-gala sa di-kilalang daan.” Titiyakin ko sa inyong muli na laging posibleng matagpuan natin ang daan pabalik. Sa pamamagitan ng pagsisisi, na ginawang posible ng nagbabayad-salang sakripisyo ng ating Tagapagligtas na si Jesucristo, maibabalik at maipapangako nating muli na kakapit tayo nang mahigpit sa gabay na bakal at madarama nating muli ang mapagmahal na paggabay ng ating Ama sa Langit. Ang Tagapagligtas ay nag-aanyaya sa ating lahat: magsisi, kumapit, at huwag bumitaw. ( “Kumapit Kayo,” Liahona, Nob. 2009, 81)

icon, pagnilayan

Magnilay-nilay upang Makapaghanda para sa Klase

Pag-isipan kung alin sa mga grupong inilarawan ni Nephi ang pinakamainam na sumasalamin sa iyong kasalukuyang kalagayan. Sa anong mga paraan nakatutulong sa iyo ang salita ng Diyos na mas mapalapit sa Tagapagligtas at sa Kanyang nagbabayad-salang kapangyarihan? May mga pagbabago ka bang gustong gawin para makahawak ka nang mas mahigpit sa gabay na bakal?