Institute
Lesson 22 Materyal ng Titser: Pagprotekta sa Ating mga Sarili laban sa mga Maling Doktrina sa mga Huling Araw


“Lesson 22 Materyal ng Titser: Pagprotekta sa Ating mga Sarili laban sa mga Maling Doktrina sa mga Huling Araw,” Materyal ng Titser para sa Kursong Mga Turo at Doktrina ng Aklat ni Mormon (2021)

“Lesson 22 Materyal ng Titser,” Materyal ng Titser para sa Kursong Mga Turo at Doktrina ng Aklat ni Mormon

Lesson 22 Materyal ng Titser

Pagprotekta sa Ating mga Sarili laban sa mga Maling Doktrina sa mga Huling Araw

Itinuro ni Pangulong Ezra Taft Benson na “inilalantad ng Aklat ni Mormon ang mga kaaway ni Cristo [at] nililito nito ang mga maling doktrina” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Ezra Taft Benson [2014], 154). Sa lesson na ito, tutukuyin ng mga estudyante ang mga taktika na ginagamit ng kaaway upang wasakin ang pananampalataya kay Jesucristo at sa Kanyang ebanghelyo. Tutukuyin din ng mga estudyante kung paano nila matatamo ang tulong ng Tagapagligtas upang mapalakas ang kanilang mga sarili laban sa mga taktikang iyon.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Nagpropesiya si Nephi tungkol sa mga maling turo sa mga huling araw.

Sabihin sa mga estudyante na mag-isip ng isang pagkakataon kung saan sila (o ang isang taong kakilala nila) ay nalantad sa mga ideya o turo na nagpahina o humamon sa kanilang pananampalataya kay Jesucristo at sa Kanyang ipinanumbalik na ebanghelyo. Anyayahan ang isa o dalawang estudyante na ibahagi nang pahapyaw ang kanilang mga karanasan.

  • Sa inyong palagay, paano tayo mapoprotektahan ng Aklat ni Mormon laban sa mga ideya o turo na maaaring magpahina sa ating pananampalataya kay Jesucristo at sa Kanyang ebanghelyo? (Maaari ninyong rebyuhin ang mga pahayag nina Pangulong Benson at Pangulong Russell M. Nelson sa bahagi 1 ng materyal sa paghahanda.)

Isulat sa pisara ang pariralang Mga Maling Turo. Anyayahan ang mga estudyante na rebyuhin ang 2 Nephi 28:7–9, 20–22, 29–30 at maghanap ng mga turo na angkop sa pamagat na ito. Pagkatapos ay isulat ang mga sagot ng mga estudyante sa ilalim ng pamagat sa pisara.

  • Ano ang ilang halimbawa ng mga turong ito na nahiwatigan ninyo sa ating panahon? Sa anong mga paraan tinatangka ng mga turong ito na pahinain ang pananampalataya kay Jesucristo at sa Kanyang ebanghelyo?

  • Ano na ang nagawa ninyo upang maprotektahan ang inyong sarili laban sa mga maling ideya na ito?

Tinangka nina Serem, Nehor, at Korihor na wasakin ang pananampalataya kay Jesucristo.

Bigyang-diin na kasama sa mga yaong nasa Aklat ni Mormon na nagturo ng mga maling doktrina ang tatlong anti-Cristo: sina Serem, Nehor, at Korihor. Tinangka ng bawat isa sa kanila na wasakin ang pananampalataya ng mga yaong naniniwala kay Jesucristo.

Bigyan ng ilang minuto ang mga estudyante upang rebyuhin ang talang pinagtuunan nila sa bahagi 2 ng materyal sa paghahanda. Anyayahan ang mga estudyanteng hindi nag-aral ng isa sa mga talang ito na gawin na iyon sa oras na ito.

Pagkatapos ng sapat na oras, anyayahan ang mga estudyante na bumuo ng maliliit na grupo kasama ang mga yaong nag-aral ng parehong tala. Sabihin sa bawat grupo na pumili ng isang kagrupo na magiging lider ng kanilang grupo. Bigyan ang bawat lider ng grupo ng isang kopya ng kalakip na handout na pinamagatang “Paglalantad ng mga Taktika ni Satanas.”

Paglalantad ng mga Taktika ni Satanas

Materyal ng Titser para sa Kursong Mga Turo at Doktrina ng Aklat ni Mormon—Lesson 22

Paalala sa lider ng talakayan: Pamunuan ang iyong grupo sa pagtalakay ng mga sumusunod na tanong. Anyayahan ang iyong mga kagrupo na gamitin ang mga banal na kasulatan at ang mga pahayag ng mga lider ng Simbahan sa bahagi 2 ng materyal sa paghahanda. Hikayatin ang lahat ng iyong kagrupo na makibahagi. Gayunman, hindi dapat madama ng sinuman na pinipilit siyang magbahagi ng kanyang mga ideya.

  1. Anong mga taktika ang ginamit ng anti-Cristo na ito upang wasakin ang pananampalataya ng mga tao kay Jesucristo at sa Kanyang ebanghelyo?

  2. Ano ang ilang makabagong halimbawa ng mga maling ideyang itinuro o paraang ginamit ng anti-Cristo sa talang ito? Paano ipinalalaganap ni Satanas ang mga ideyang ito sa ating panahon?

Maghandang magbahagi ng isang taktika at ng isang makabagong halimbawa ng taktikang iyon sa buong klase.

Paglalantad ng mga Taktika ni Satanas

handout ng titser

Matapos talakayin ng mga estudyante ang mga tanong sa handout, anyayahan ang bawat lider ng grupo na magsulat sa pisara ng isa o higit pang taktika ni Satanas na natukoy at natalakay ng kanilang grupo. Hikayatin ang bawat lider ng grupo na ibahagi nang pahapyaw ang isang makabagong halimbawa ng isa sa mga taktikang ito. Maaari silang magsulat ng ilang katotohanang tulad ng sumusunod:

  • Gumagamit si Satanas ng panghihibok at ng labis na mapanghikayat na pananalita upang udyukan ang mga tao na huwag manampalataya kay Jesucristo at sumunod sa Kanyang mga propeta (tingnan sa Jacob 7:4). (Maaaring makatulong na ipaliwanag na kadalasan, ang mga yaong tumutuligsa sa ating relihiyon ay gumagamit ng bahagyang katotohanan, nakasisindak na pananalita, di-balanseng argumento, mali o mapanlinlang na pahayag, at katotohanang wala sa tamang konteksto. Kadalasan, ang mga argumentong ito ay ikinagugulat ng mga nakikinig at tila makatwirang pakinggan ngunit pinlano upang lumikha ng pag-aalinlangan. [Tingnan sa Dallin H. Oaks, “Reading Church History” (mensahe sa Church Educational System religious educators, Ago. 16, 1985), 1–27.])

  • Gumagamit si Satanas ng mga kasinungalingan na may halong katotohanan upang linlangin ang mga tao (tingnan sa Alma 1:4; tingnan din sa Jacob 7:7).

  • Gumagamit si Satanas ng mga maling doktrina upang matukso tayo na balewalain ang Diyos at pangatwiranan ang paggawa ng kasalanan (tingnan sa Alma 1:4; 30:17–18).

  • Hangad ni Satanas na pahinain ang pananampalataya ng mga tao kay Jesucristo sa pamamagitan ng panlalait sa kanilang katalinuhan o mga paniniwala (tingnan sa Alma 30:13–16, 27–28).

Paalala: Kung ang mga estudyante ay nagbahagi ng mga makabagong halimbawa na maaaring magdulot ng maling pagkaunawa o pagtatalo, sundin ang Espiritu sa paglilinaw ng anumang maling pahayag at paggabay sa talakayan pabalik sa mga katotohanang itinuro sa lesson na ito.

Pagkatapos magbahagi ng mga lider ng grupo, maaari mong itanong:

  • Ano ang tila pinakamahalaga para sa inyo tungkol sa paraan kung paano tumugon sina Jacob, Gedeon, at Alma sa mga sinabi at ginawa ng mga anti-Cristo?

Maaari mong isulat sa pisara ang sumusunod na di-kumpletong pahayag: Madaraig natin ang mga hamon sa ating pananampalataya kay Jesucristo at sa Kanyang ebanghelyo sa pamamagitan ng …

Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo at Pag-aaral

Pagtukoy at pag-unawa sa mga alituntunin at doktrina. Hayaang matukoy ng mga estudyante ang mga katotohanan mula sa mga banal na kasulatan at sa mga salita ng mga propeta. Anyayahan sila na ipaliwanag kung bakit tila pinakamahalaga para sa kanila ang mga partikular na katotohanan. Sabihin din sa mga estudyante na pag-isipan kung ano ang itinuturo sa kanila ng mga alituntunin at doktrina tungkol sa Panginoong Jesucristo. Ang paggawa nito ay makatutulong sa kanila na maunawaan ang kahalagahan ng mga katotohanan at mahikayat na ipamuhay ang mga ito.

Anyayahan ang mga estudyante na kumpletuhin ang pahayag na ito gamit ang natutuhan nila mula sa mga sinabi at ginawa nina Jacob, Gedeon, at Alma. Maaaring kumpletuhin ng mga estudyante ang pahayag sa ilan sa mga sumusunod na paraan:

  • … pag-alaala sa mga karanasan noon na nagpalakas sa ating pananampalataya sa Kanya (tingnan sa Jacob 7:5).

  • … pag-asa sa patnubay ng Espiritu Santo (tingnan sa Jacob 7:8).

  • … pag-asa sa mga salita ng mga propeta at pagbabahagi ng ating mga patotoo tungkol kay Jesucristo at sa Kanyang ebanghelyo (tingnan sa Jacob 7:9–12; Alma 1:7; 30:39–44).

  • … pagtitiwala sa Diyos at pagpapaubaya ng kahihinatnan nito sa Kanyang mga kamay (tingnan sa Jacob 7:13–14).

Sabihin sa mga estudyante na pag-isipan kung alin sa mga kumpletong pahayag sa pisara ang personal na naranasan nila. Anyayahan ang ilang estudyante na ibahagi kung ano ang nalaman at nadama nila tungkol sa napili nilang pahayag.

Upang mahikayat ang mga estudyante na gumawa ng mabuting pagkilos, maaari mong idispley ang mga sumusunod na tanong at anyayahan ang mga estudyante na pagnilayan ang mga tanong na sa palagay nila ay pinakanauugnay sa kanilang sitwasyon. Maaari mo ring anyayahan ang mga estudyante na isulat ang kanilang mga naisip at nadama.

  • May pina-follow ba akong tao, blog, o website na nagpapahina sa aking pananampalataya kay Jesucristo at sa Kanyang ipinanumbalik na ebanghelyo? Batay sa natutuhan at nadama ko ngayon, ano ang dapat kong gawin upang mas maprotektahan ang aking pananampalataya laban sa mga yaong nagtatangkang pahinain ito?

  • Sino ang kakilala ko na nahihirapang palakasin ang kanyang pananampalataya dahil sa impluwensya ng mga mensahe o tao na sumasalungat kay Jesucristo at sa Kanyang ipinanumbalik na ebanghelyo? Batay sa natutuhan at nadama ko ngayon, ano ang maaari kong sabihin o gawin upang matulungan ang taong ito na mapalakas ang kanyang pananampalataya?

  • Paano mapalalakas ng mas tapat na pag-aaral ng Aklat ni Mormon ang kakayahan kong mapaglabanan ang mga tao o mensahe na nagtatangkang pahinain ang aking pananampalataya? Ano ang maaari kong gawin upang mas mapagbuti ang aking kasalukuyang paraan ng pag-aaral ng Aklat ni Mormon?

  • Ano ang ilang partikular na paraan upang maanyayahan ko ang Tagapagligtas na tulungan akong mapatatag o mapatibay ang aking pananampalataya sa Kanya at sa Kanyang ebanghelyo?

Para sa Susunod

Anyayahan ang mga estudyante na isipin kung ano ang pinakamahirap na pagsubok sa pagsunod na naranasan nila sa kanilang mga buhay. Pagkatapos ay magpakita sa kanila ng isang larawan ng Tagapagligtas sa Getsemani, at anyayahan sila na pag-aralan ang materyal sa paghahanda para sa susunod na lesson nang may mithiing matuto mula kay Jesucristo tungkol sa kung paano magtitiwala at susunod sa mga utos ng Ama sa Langit.