Institute
Lesson 9 Materyal ng Titser: Pananampalataya kay Jesucristo


“Lesson 9 Materyal ng Titser: Pananampalataya kay Jesucristo,” Materyal ng Titser para sa Kursong Mga Turo at Doktrina ng Aklat ni Mormon (2021)

“Lesson 9 Materyal ng Titser” Materyal ng Titser para sa Kursong Mga Turo at Doktrina ng Aklat ni Mormon

Lesson 9 Materyal ng Titser

Pananampalataya kay Jesucristo

Ang doktrina ni Cristo ay nagbibigay-kakayahan sa atin na magbago, maging katulad ng ating Tagapagligtas, at matanggap ang lahat ng pagpapalang naging posible dahil sa Kanyang Pagbabayad-sala. Sa lesson na ito, tatalakayin ng mga estudyante ang unang alituntunin ng doktrina ng Panginoon: ang pananampalataya kay Jesucristo. Magkakaroon sila ng pagkakataong tukuyin ang mga pagpapala ng pananampalataya at ipaliwanag kung paano magkaroon ng pananampalataya kay Jesucristo. Aalamin din ng mga estudyante kung ano ang magagawa nila upang mapalakas ang kanilang pananampalataya sa Panginoon.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Itinuro ni Alma sa mga Zoramita kung paano palakasin ang kanilang pananampalataya.

Maaari mong simulan ang lesson sa pamamagitan ng pagpapakita ng pambungad na talata sa materyal sa paghahanda at pagpapabasa nito nang malakas sa isang estudyante. Maaari mong patotohanan na ang pananampalataya, pagsisisi, binyag, kaloob na Espiritu Santo, at pagtitiis hanggang wakas ay makapagbubukas ng pinto upang tunay na mabago tayo ni Jesucristo tungo sa pagiging mas banal at mas masayang mga tao. Sa talakayang ito ng klase, anyayahan ang mga estudyante na isipin kung paano nila mapalalakas ang kanilang pananampalataya kay Jesucristo at sa Kanyang kapangyarihan na baguhin, pagalingin, at tulungan sila.

Anyayahan ang isang handang estudyante na ibahagi kung paano niya ipaliliwanag kung ano ang pananampalataya at kung bakit napakahalaga ng pananampalataya kay Jesucristo.

Ipakita at basahin nang sabay-sabay ang sumusunod na sitwasyon:

Ang inyong kaibigan sa kolehiyo na si Victoria ay lumaki sa isang pamilyang Kristiyano. Kailanman ay hindi niya pinagdudahan ang pagiging Diyos ni Jesucristo hanggang sa isa sa kanyang mga propesor ang nagpahayag ng pagdududa sa katotohanan ng Kanyang mga himala, Pagbabayad-sala, at Pagkabuhay na Mag-uli. Nabahala si Victoria sa narinig niya. Dahil alam niya na kayo ay relihiyoso at naniniwala kay Jesucristo, tinanong niya kayo kung paano ninyo nalaman na si Jesus ay tunay na Anak ng Diyos at Tagapagligtas ng sanlibutan. Itinanong din niya kung paano siya magkakaroon ng mas malakas na pananampalataya sa Kanya.

  • Paano ninyo sasagutin ang mga tanong ni Victoria?

Habang sumasagot ang mga estudyante, maaari mong gamitin ang mga sumusunod na scripture passage at tanong upang makatulong na mapalalim ang talakayan, batay sa mga pangangailangan ng iyong mga estudyante.

Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo at Pag-aaral

Magmasid, makinig, at makahiwatig. Walang dalawang estudyante o klase na magkaparehong-magkapareho. Habang nagmamasid at nakikinig ka sa iyong mga estudyante, sikaping mahiwatigan ang kanilang mga tunay na espirituwal na interes at pangangailangan. Magtanong ng mga bagay na napapanahon at mahalaga at hahantong sa mabuting pagkilos. Ang mga tanong sa buong lesson na ito ay maaaring makahikayat, gumabay, at magbigay-inspirasyon sa iyo habang pinangungunahan mo ang mga talakayan sa klase. Maaaring ang ilan sa iyong pinakamalalalim na tanong ay yaong mga pumapasok sa iyong isipan habang nagtuturo ka. Ngunit tandaan din na hindi mo kinakailangang itanong ang lahat ng iyon. Ang mga estudyante ay maaari ding magtanong ng malalalim na tanong na nagpapakita ng malalim na pagkaunawa sa mga katotohanan ng ebanghelyo.

Kung kinakailangan, ipaalala sa mga estudyante na itinuro ni Alma sa isang grupo ng mga maralitang Zoramita kung paanong ang pagkilos nang may pananampalataya sa salita ng Diyos ay makatutulong na mapalakas ang ating pananampalataya. Maaari mong anyayahan ang mga estudyante na rebyuhin ang Alma 32:21, 27–30, 41–43, at maghanap ng mga alituntuning makatutulong kay Victoria. Habang nagbabahagi ang mga estudyante ng mga alituntuning itinuro ni Alma, maaari mong itanong ang ilan sa mga sumusunod:

  • Paano ninyo ipaliliwanag ang pakahulugan ni Alma sa pananampalataya sa paraang mauunawaan maging ng isang bata? (Tingnan sa Alma 32:21.)

  • Ayon sa Alma 32:27–30, paano humahantong sa paglakas ng pananampalataya ang paggamit ng pananampalataya? (Maaaring matukoy ng mga estudyante ang isang alituntuning tulad ng sumusunod: Kapag nananampalataya tayo at sinusubukan natin ang salita ng Diyos, makatatanggap tayo ng espirituwal na pagpapatibay at mapalalakas ang ating pananampalataya. Maaari mong isulat sa pisara ang alituntuning ito o ang isang katulad na alituntunin gamit ang mga salita ng mga estudyante.) Kailan ninyo nagamit ang alituntuning ito at nadama na napalakas ang inyong pananampalataya? Anong payo ang maibibigay ninyo sa isang taong pinanghihinaan ng loob dahil kumikilos na siya nang may pananampalataya ngunit pakiramdam niya ay hindi pa niya nararanasan ang mga bunga ng pananampalataya? (Maaaring makatulong na rebyuhin ang pahayag ni Pangulong Dieter F. Uchtdorf sa bahagi 1 ng materyal sa paghahanda.)

  • Ayon sa Alma 32:28, paano natin malalaman kung mabuti ang salita sa pamamagitan ng pagsubok sa ating pananampalataya? (Maaaring matukoy ng mga estudyante ang mga pariralang tulad ng “magsisimulang lumaki,” “palakihin ang aking kaluluwa,” “liwanagin ang aking pang-unawa,” at “masarap para sa akin.”) Kung naranasan na ninyo ang alinman sa mga bungang ito, paano ninyo ipaliliwanag ang inyong karanasan sa iba?

  • Ano ang itinuro ni Elder Jeffrey R. Holland tungkol kay Jesucristo at sa Kanyang kaugnayan sa binhi, sa bunga, at sa punungkahoy? (Tingnan sa bahagi 2 ng materyal sa paghahanda.) Paano nakaimpluwensya sa inyong patotoo at pagbabalik-loob ang pagkilos nang may pananampalataya at pagtanim kay Jesucristo at ng Kanyang ebanghelyo sa inyong puso? Ano ang maaari ninyong gawin upang maalagaan ang punungkahoy nang may mas malaking pagkalinga nang sa gayo’y lalong lumalim ang ugat nito sa inyong puso?

  • Ano ang nalaman ninyo tungkol sa Tagapagligtas na nagpalakas ng inyong kumpiyansa at tiwala sa Kanya?

Nagturo si Mormon tungkol sa kapangyarihan at mga pagpapala ng pananampalataya kay Jesucristo.

Anyayahan ang mga estudyante na rebyuhin ang Moroni 7:25–26, 33 at magpatotoo na kapag nanampalataya tayo kay Jesucristo, magkakaroon tayo ng kapangyarihang gawin kung ano ang kapaki-pakinabang kay Cristo. (Maaari mong ipaliwanag na sa kontekstong ito, ang salitang kapaki-pakinabang ay naglalarawan ng isang bagay na magpapala sa atin na nakaayon sa kalooban ng Diyos.) Ipaalala sa mga estudyante na inanyayahan sila sa materyal sa paghahanda na tumukoy ng mga tao sa Aklat ni Mormon na nakatanggap ng mga pagpapala o nakaranas ng mga himala nang manampalataya sila kay Jesucristo (tingnan sa bahagi 3). Anyayahan ang mga estudyante na ibahagi ang kanilang mga halimbawa bilang isang buong klase o sa maliliit na grupo. Ang mga sumusunod na tanong ay maaaring makatulong upang mapalalim ang kanilang talakayan:

  • Paano ginamit ng mga taong ito ang kanilang pananampalataya kay Jesucristo?

  • Ano ang ilan sa mga pagpapala o himalang natanggap nila sa pamamagitan ng pananampalataya kay Jesucristo?

  • Anong mga pagpapala o himala ang natanggap ninyo sa pamamagitan ng pananampalataya kay Jesucristo? (Maaari ninyong rebyuhin ang pahayag ni Elder Richard G. Scott sa bahagi 3 ng materyal sa paghahanda.)

Bigyan ng oras ang mga estudyante upang pagnilayan ang sarili nilang pananampalataya kay Jesucristo at pag-isipan kung ano ang dapat nilang gawin upang mapalakas at maipakita ang kanilang pananampalataya sa Kanya.

Para sa Susunod

Ipaliwanag na ang ating pananampalataya kay Jesucristo ay likas na humahantong sa pagsisisi, ang pangalawang mahalagang alituntunin ng doktrina ni Cristo (tingnan sa Helaman 14:13). Anyayahan ang mga estudyante na pag-aralan ang materyal sa paghahanda at pagnilayan kung bakit ang pagsisisi ay dapat ituring bilang banal na kaloob na dapat tanggapin at hindi bilang isang mabigat na pasanin na dapat iwasan.