Institute
Lesson 15 Materyal ng Titser: Paghahanda para sa Pagdating ni Jesucristo


“Lesson 15 Materyal ng Titser: Paghahanda para sa Pagdating ni Jesucristo,” Materyal ng Titser para sa Kursong Mga Turo at Doktrina ng Aklat ni Mormon (2021)

“Lesson 15 Materyal ng Titser,” Materyal ng Titser para sa Kursong Mga Turo at Doktrina ng Aklat ni Mormon

Lesson 15 Materyal ng Titser

Paghahanda para sa Pagdating ni Jesucristo

Sa unit na ito, pag-aaralan ng mga estudyante ang mahahalagang kaganapan at turo na may kaugnayan sa ministeryo ni Jesucristo sa mga Nephita at Lamanita. Habang naghahanda kang talakayin ang materyal sa unit na ito, maghanap ng mga paraan upang matulungan ang mga estudyante na mapalalim ang kanilang patotoo tungkol sa Kanyang banal na misyon.

Sa lesson na ito, magkakaroon ng pagkakataon ang mga estudyante na pag-aralan kung paanong ang Aklat ni Mormon ay naglalaan ng huwaran sa paghahanda para sa Ikalawang Pagparito ng Tagapagligtas. Pag-iisipan nila kung ano ang maaari nilang gawin upang madaig ang takot at makatugon sa mga mensaheng maaaring magdulot ng pag-aalinlangan nang sa gayon ay maging mas handa sila para sa Kanyang pagbabalik.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Si Samuel, ang Lamanita, ay nagpropesiya tungkol sa mga palatandaan na makikita bago ang pagsilang ni Jesucristo.

Ang Ikalawang Pagparito, ni Harry Anderson

Idispley ang kalakip na larawan ng Ikalawang Pagparito ni Jesucristo, at itanong:

  • Anong mga ipinropesiyang palatandaan o kalagayan na nauugnay sa mga huling araw at sa Ikalawang Pagparito ang maaaring makapagpadama ng pag-aalala sa mga tao? (Kung nahihirapan ang mga estudyante na matukoy ang mga palatandaan ng panahon, maaari mo silang anyayahan na rebyuhin nang pahapyaw ang “Palatandaan ng Panahon, Mga” sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan [tingnan sa scriptures.ChurchofJesusChrist.org].)

  • Ano ang maaari nating matutuhan mula sa katotohanan na naghahayag ang Panginoon ng mga palatandaan bago Siya pumarito sa Kanyang mga tao?

  • Paano tayo matutulungan ng Aklat ni Mormon na hindi gaanong mabalisa, maging mas handa, at maging mas masaya tungkol sa pagbabalik ng Panginoon sa mundo? (Maaari ninyong rebyuhin ang pahayag ni Pangulong Benson sa pambungad ng materyal sa paghahanda.)

Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo at Pag-aaral

Bigyan ng mga pagkakataon ang mga estudyante na mapalakas ang isa’t isa. Nagtitipun-tipon tayo bilang mga disipulo ni Jesucristo hindi lamang upang matuto para sa ating mga sarili kundi upang matulungan at mapalakas ang isa’t isa (tingnan sa Moroni 6:4–5). Sa oras ng klase, maghanap ng mga paraan upang mabigyan ng mga pagkakataon ang mga estudyante na makipag-usap sa kanilang mga kaklase. Maaaring ang isang magandang pagkakataon para sa mga pag-uusap na ito ay kapag inaanyayahan ang mga estudyante na makipag-usap sa kapartner o bumuo ng maliit na grupo para sa talakayan. Sa mga talakayan sa klase, iwasang mangibabaw sa pag-uusap. Halimbawa, bago ka tumugon sa tanong o alalahanin ng isang estudyante, maaari mong anyayahan ang kanyang mga kaklase na maunang tumugon. Sa halip na ibahagi ang mga paborito mong personal na karanasan, hikayatin ang mga estudyante na ibahagi ang kanilang mga karanasan. Huwag lamang maghanap ng mga pagkakataong magbahagi ng iyong patotoo, kundi bigyan din ng mga pagkakataon ang mga estudyante na magbahagi ng kanilang mga patotoo.

Idispley ang sumusunod na tanong: Ayon sa Helaman 14:9–13, bakit humayo si Samuel upang mangaral at magpropesiya sa mga Nephita?

Maaari mong anyayahan ang mga estudyante na makipagtulungan sa kapartner upang pag-aralan ang nakatalagang scripture passage at pag-usapan kung paano nila sasagutin ang tanong. Anyayahan ang ilang estudyante na ibahagi kung ano ang natutuhan nila. Batay sa mga ibinahagi ng mga estudyante, isipin kung alin sa mga sumusunod ang maaari mong itanong upang matulungan ang mga estudyante na makapaghandang ipamuhay ang kanilang mga natututuhan:

  • Paanong ang kaalaman at paniniwala sa mga palatandaan at kababalaghan ng pagdating ni Cristo ay makapagpapabago ng ating mga buhay? (Bigyan ng oras ang mga estudyante upang mapag-usapan ang tanong na ito, at pagkatapos ay anyayahan sila na ibahagi ang kanilang mga ideya sa klase. Tulungan ang mga estudyante na matukoy ang alituntuning tulad ng sumusunod: Ang kaalaman at kakayahang makahiwatig sa mga palatandaan ng pagdating ni Cristo ay makatutulong sa atin na maniwala sa Kanya at magsisi sa ating mga kasalanan.)

  • Bakit ang mga palatandaan at kababalaghang kaakibat ng Ikalawang Pagparito ng Panginoon ay dapat magpaibayo ng ating pag-asa at hindi ng ating mga takot? Sa anong mga paraan naipakikita ng mga palatandaan at kababalaghang kaakibat ng Ikalawang Pagparito ang pagmamahal at pagmamalasakit ng Diyos sa Kanyang mga anak?

  • Anong turo o palatandaan na ipinropesiya ng mga propeta tungkol sa Ikalawang Pagparito ang nagbigay-inspirasyon sa inyo na mas maghanda para sa pagbabalik ng Panginoon? (Upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan kung paano ipinakikita ang pagmamahal ng Diyos sa ating panahon, maaari mo silang anyayahan na ibahagi o hanapin ang mga itinuro kamakailan ng mga buhay na propeta at apostol tungkol sa paghahanda para sa pagbabalik ng Panginoon.)

Idispley ang sumusunod na pahayag ni Elder D. Todd Christofferson:

Elder D. Todd Christofferson

Ang una, at napakahalaga para sa pagbabalik ng Panginoon, ay ang pagkakaroon ng mga tao sa mundo na handang tumanggap sa Kanya sa Kanyang pagdating. (“Paghahanda para sa Pagbabalik ng Panginoon,” Liahona, Mayo 2019, 82)

Bigyan ng ilang minuto ang mga estudyante upang pagnilayan at isulat ang kanilang mga naisip tungkol sa sumusunod na tanong:

  • Ano ang kailangan ninyong simulang gawin o itigil na gawin upang maging mas handa kayong tanggapin si Jesucristo sa Kanyang pagdating?

Ang pananampalataya ng mga naniniwala ay sinubok habang matatag silang naghihintay na matupad ang mga ipinropesiyang palatandaan.

Maaari mong hatiin ang klase sa maliliit na grupo para sa talakayan. Anyayahan ang bawat grupo na rebyuhin ang Helaman 16:13–22 at 3 Nephi 1:4–15, 22 nang magkakasama, at alamin kung paano lumikha si Satanas ng pag-aalinlangan sa pagsilang ng Tagapagligtas at kung paano tumugon ang matatapat. Pagkatapos ng sapat na oras, anyayahan ang isang estudyante mula sa bawat grupo na ibahagi kung ano ang nalaman niya. Habang ibinabahagi ng mga estudyante ang kanilang mga ideya, maaari mong itanong ang ilan sa o lahat ng sumusunod na tanong upang makatulong na mapalalim ang inyong talakayan sa klase:

  • Paano ginagamit sa ating panahon ang ganito ring mga taktika sa pagpapalaganap ng pag-aalinlangan?

  • Ano ang ginawa ng ilang Nephita at Lamanita upang manatiling tapat nang maharap sila sa pag-aalinlangan at pagsalungat ng mga hindi naniniwala? (Maaari kang magdispley ng alituntuning tulad ng sumusunod: Ang pag-asa sa Panginoon at pag-aabang nang may katatagan para sa Kanyang pagdating ay makatutulong sa atin na tumugon nang may pananampalataya sa kawalang-paniniwala at pag-aalinlangan.)

  • Ano ang maaari nating gawin upang matiyak na mananatili tayong matibay at matatag habang inaabangan natin ang Ikalawang Pagparito ni Jesucristo? (Maaari ninyong rebyuhin ang mga pahayag nina President Bonnie L. Oscarson at Elder D. Todd Christofferson sa bahagi 2 ng materyal sa paghahanda.)

  • Paano nakatutulong sa inyo ang pagtitiwala sa Panginoon kapag nahaharap kayo sa mga nagdududa at mensahe na maaaring magdulot ng pag-aalinlangan? Paano natin matutulungan ang isa’t isa na manatiling matatag habang naghahanda tayo para sa pagbabalik ng Panginoon?

Anyayahan ang mga estudyante na tahimik na pagnilayan kung ano ang natutuhan at nadama nila tungkol kay Jesucristo at sa Ikalawang Pagparito habang sila ay naghahanda at nakikibahagi sa klaseng ito. Pagkatapos ay bigyan ng oras ang mga estudyante upang maibahagi ang kanilang mga patotoo tungkol sa Panginoon at ang pag-asang mayroon sila dahil alam nila na babalik Siya.

Para sa Susunod

Ipaliwanag na sa susunod na klase, magkakaroon ng pagkakataon ang mga estudyante na isipin kung ano kaya ang pakiramdam kapag kaharap at kausap nila ang Tagapagligtas. Habang pinag-aaralan ng mga estudyante ang materyal sa paghahanda para sa klase, anyayahan sila na hanapin kung ano ang maaari nilang matutuhan tungkol sa likas na katangian at pag-uugali ni Jesucristo mula sa Kanyang ministeryo sa mga yaong nasa lupain ng Amerika.