“Lesson 2 Materyal ng Titser: Pagtugon sa mga Propeta ng Panginoon,” Materyal ng Titser para sa Kursong Mga Turo at Doktrina ng Aklat ni Mormon (2021)
“Lesson 2 Materyal ng Titser,” Materyal ng Titser para sa Kursong Mga Turo at Doktrina ng Aklat ni Mormon
Lesson 2 Materyal ng Titser
Pagtugon sa mga Propeta ng Panginoon
Inihahayag at itinuturo ng mga propeta ng Panginoon ang salita ng Diyos. Kapag pinakinggan at sinunod natin ang kanilang mga turo, mararanasan natin ang kapangyarihan ng salita ng Diyos sa ating buhay. Pagkatapos ng lesson na ito, dapat maipaliwanag ng mga estudyante kung paano tayo mapagpapala kapag nagtiwala tayo sa mga propeta ng Panginoon at sa mga mensaheng iniutos sa kanila na ipahayag. Susuriin din ng mga estudyante ang sarili nilang pagsisikap na pakinggan at sundin ang kasalukuyang payo ng mga propeta.
Mga Mungkahi sa Pagtuturo
Isinugo ng Panginoon si Lehi para magpropesiya sa mga tao sa Jerusalem.
Simulan ang klase sa pagsasabi sa mga estudyante na isipin ang isang pagkakataon kung saan negatibo ang naging tugon ng isang tao sa mensahe o ideya na pinagsisikapan nilang ibahagi.
-
Bakit patuloy pa ring nagbabahagi ang mga miyembro, missionary, at propeta ng mga mensaheng alam nila na maaaring hindi tanggapin ng nakararami?
Magdispley ng isang larawan ni Lehi na nangangaral. Anyayahan ang isang estudyante na ilarawan ang tagpo sa simula ng Aklat ni Mormon ayon sa nakatala sa 1 Nephi 1. (Kung sabay mong ituturo ang unang dalawang lesson sa kursong ito, maaaring hindi magkaroon ng pagkakataon ang mga estudyante na pag-aralan ang materyal sa paghahanda para sa lesson na ito. Maaari mong anyayahan ang isang estudyante na basahin nang malakas ang 1 Nephi 1:4.)
-
Ano ang nalaman natin tungkol sa Panginoon at sa Kanyang mga propeta sa simula ng Aklat ni Mormon? (Maaari mong basahin o rebyuhin kasama ng mga estudyante ang pahayag ni Pangulong Henry B. Eyring sa bahagi 1 ng materyal sa paghahanda.)
Ipaliwanag na sa isang pangitain, binigyan ng Panginoon si Lehi ng aklat na babasahin. Nabasa ni Lehi na wawasakin ang Jerusalem. (Tingnan sa 1 Nephi 1:12–13.)
Basahin nang sabay-sabay ang 1 Nephi 1:14, at alamin kung paano tumugon si Lehi sa pangitain.
-
Ano ang natutuhan ni Lehi tungkol sa katangian ng Panginoon? Sa palagay ninyo, paano nakaapekto sa determinasyon ni Lehi na magpropesiya sa mga tao sa Jerusalem ang kaalamang ito na maawain ang Panginoon?
Anyayahan ang mga estudyante na basahin ang 1 Nephi 1:18–19, at alamin kung ano ang matututuhan natin tungkol sa mga propeta mula sa karanasan ni Lehi. Tulungan ang mga estudyante na matukoy ang mga katotohanang tulad ng sumusunod: Ipinahahayag ng mga propeta ang mga salita at kalooban ng Panginoon. Ang mga propeta ay nagtuturo at nagpapatotoo tungkol kay Jesucristo at sa pagtubos na makakamtan sa pamamagitan Niya.
-
Ano ang ilan sa mga kamakailang mensahe mula sa ating mga buhay na propeta at apostol na nagpapahayag ng mga salita at kalooban ng Panginoon?
Anyayahan ang mga estudyante na rebyuhin ang mga pahayag nina Elder D. Todd Christofferson at Elder Ulisses Soares sa bahagi 1 ng materyal sa paghahanda at ibahagi kung ano ang tila pinakamahalaga para sa kanila.
-
Paano nakaaapekto ang mga pahayag na ito sa nadarama ninyo tungkol sa ating mga kasalukuyang propeta? Paano nakaaapekto ang mga ito sa nadarama ninyo tungkol kay Jesucristo?
-
Anong mga kamakailang mensahe ng mga propeta ang nakatulong sa inyo na mas madama ang pagmamahal ng Diyos para sa Kanyang mga anak? (Pinagnilayan ng mga estudyante ang tanong na katulad nito nang pag-aralan nila ang bahagi 1 ng materyal sa paghahanda.)
Nakatanggap si Nephi ng patunay na itinuturo ng mga propeta ang salita ng Diyos.
Anyayahan ang mga estudyante na tukuyin ang ilan sa mga turo ng mga propeta na maaaring mahirap para sa mga tao sa ating panahon na tanggapin. (Paalala: Kung kailangan, ipaalala sa mga estudyante na ang ating layunin ay hindi para pintasan ang mga propeta ng Panginoon kundi para talakayin kung paano tayo tutugon nang may pananampalataya sa mensahe ng mga propeta na maaaring mahirap para sa atin o sa isang taong kakilala natin na maunawaan o tanggapin.)
-
Bakit maaaring mahirap kung minsan na tanggapin kung ano ang ipinahayag ng propeta?
Idispley o itanong ang sumusunod: Ano ang maaari kong gawin kung nahihirapan akong tanggapin ang isang bagay na itinuturo ng propeta? Habang tinatalakay ng mga estudyante ang tanong na ito, huwag mag-atubiling gamitin ang lahat ng o ilan sa sumusunod na materyal para matulungan silang pag-isipan kung paano sila tutugon kung sila o ang isang taong kakilala nila ay may ganitong alalahanin.
Sabihin sa mga estudyante na isipin kung ano ang maaaring nadama ng pamilya ni Lehi nang sabihin sa kanila ni Lehi na nais ng Panginoon na lisanin nila ang kanilang tahanan at maglakbay sila sa ilang.
-
Paano tumugon sina Laman at Lemuel sa paglisan sa kanilang tahanan? Paano tumugon si Nephi? (Anyayahan silang rebyuhin ang 1 Nephi 2:11–13, 16–17. Maaari mong ipaliwanag na maaaring kinailangan ding palambutin ang puso ni Nephi [tingnan sa 1 Nephi 2:16].)
-
Ano ang ilan sa iba’t ibang paraan ng pagtugon ng mga tao sa Aklat ni Mormon sa mga propeta at sa kanilang mga mensahe? (Maaari mong bigyan ng oras ang mga estudyante na rebyuhin kung ano ang natutuhan nila habang pinag-aaralan ang bahagi 3 ng materyal sa paghahanda.) Ano ang mga naging bunga ng kanilang mga pagtugon? Kailan ninyo nakita ang ganito ring mga halimbawa ng iba’t ibang uri ng pagtugon sa ating panahon?
-
Ano ang matututuhan natin sa tugon ni Nephi sa mensahe ng kanyang ama? Ano ang papel ng Panginoon sa pagtulong sa atin na malaman kung totoo ang mga salita ng Kanyang mga propeta? (Maaaring matukoy ng mga estudyante ang alituntuning tulad nito: Kapag nagpakumbaba tayo at bumaling sa Panginoon, makatutulong Siya na palambutin ang ating puso sa katotohanan ng mga salita ng mga propeta.)
Basahin ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Russell M. Nelson:
Maaari ninyong malaman sa inyong sarili kung ano ang totoo at kung ano ang hindi totoo sa pamamagitan ng pagkatutong mahiwatigan ang mga bulong ng Espiritu. …
Mahal kong mga kapatid, nakikiusap ako sa inyo na masigasig na hangarin ang pagpapatunay ng Espiritu na ang sinabi ko sa inyo ay totoo at nagmula sa Panginoon. Sinabi Niya na maaari tayong maghangad ng kaalaman mula sa langit at makaaasa tayong matatanggap natin ito [tingnan sa Doktrina at mga Tipan 42:61]. …
Tanungin ang inyong Ama sa Langit kung kami nga ay mga tunay na apostol at propeta ng Panginoon. (“The Love and Laws of God” [mensaheng ibinigay sa debosyonal sa Brigham Young University, Set. 17, 2019], 4–5, speeches.byu.edu)
-
Ano ang mga naging karanasan ninyo nang malaman ninyo para sa inyong sarili kung totoo ang banal na tungkulin o mensahe ng propeta?
Sa pagtatapos ng inyong talakayan tungkol sa tanong na “Ano ang maaari kong gawin kung nahihirapan akong tanggapin ang isang bagay na itinuturo ng propeta?”, maaari mong bigyan ng oras ang mga estudyante na pagnilayan at isulat kung ano ang nadama o natutuhan nila na maaaring makatulong sa kanila o sa ibang tao na may gayon ding tanong.
Maaari mong anyayahan ang ilang estudyante na ibahagi kung ano ang pagbabagong gagawin nila sa hinaharap kung nahihirapan silang tanggapin ang isang bagay na itinuturo ng propeta.
Para sa Susunod
Maaari mong ipakita ang isang larawan ng pangitain ni Lehi tungkol sa punungkahoy ng buhay at anyayahan ang mga estudyante na pag-isipan kung ano ang maituturo sa atin ng pangitaing ito tungkol sa kapangyarihan ng salita ng Diyos habang pinag-aaralan nila ang materyal sa paghahanda para sa susunod na klase.