Institute
Lesson 6 Materyal ng Titser: Ang Walang Hanggang Pagbabayad-sala ni Jesucristo


“Lesson 6 Materyal ng Titser: Ang Walang Hanggang Pagbabayad-sala ni Jesucristo,” Materyal ng Titser para sa Kursong Mga Turo at Doktrina ng Aklat ni Mormon (2021)

“Lesson 6 Materyal ng Titser,” Materyal ng Titser para sa Kursong Mga Turo at Doktrina ng Aklat ni Mormon

Lesson 6 Materyal ng Titser

Ang Walang Hanggang Pagbabayad-sala ni Jesucristo

Ang Aklat ni Mormon ay isang makapangyarihang saksi ni Jesucristo at ng pagtubos na dumating sa pamamagitan Niya. Ang lesson na ito ay tutulong sa mga estudyante na ipaliwanag kung paano tayo tinubos mula sa Pagkahulog sa pamamagitan ni Jesucristo at ng Kanyang Pagbabayad-sala. Matutukoy rin ng mga estudyante kung paano sila mas makaaasa sa Tagapagligtas upang matulungan sila na madaig ang sarili nilang mga pagkahilig bilang likas na lalaki o babae.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo at Pag-aaral

Ipabatid ang mga inaasahang resulta ng pag-aaral ng estudyante. Ang mga inaasahang resulta ng pag-aaral ay mga pahayag na naglalarawan sa kaalaman at mga kasanayan na dapat matamo ng mga estudyante sa oras ng karanasan sa pag-aaral. Maaari mong ibahagi sa mga estudyante ang mga inaasahang resulta na nakasaad sa pambungad ng bawat lesson. Ang mga nakasaad na resultang ito ay makatutulong sa mga titser at estudyante na suriin nang magkakasama ang tagumpay ng kanilang pag-aaral at talakayan.

Ang mga propeta sa Aklat ni Mormon ay nagpatotoo na kinakailangan ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo.

Ipakita ang sumusunod na di-kumpletong tanong: Ano ang magiging buhay ko kung wala …?

Upang matulungan ang mga estudyante na makaisip ng mga paraan kung paano nila kukumpletuhin ang tanong, magpakita ng ilang iba’t ibang larawan o salita. Anyayahan ang mga estudyante na talakayin nang pahapyaw sa isang kapartner kung paano nila sasagutin ang tanong para sa bawat bagay o ideya. Maaari mong gamitin ang mga kalakip na larawan o ang ilang larawan na pinili mo. Tiyakin na ang huling larawan ay kumakatawan sa nagbabayad-salang sakripisyo ni Jesucristo upang matalakay ng mga estudyante kung ano ang magiging buhay nila kung wala si Jesucristo at ang Kanyang Pagbabayad-sala.

kabataang babae na may hawak na telepono
mga kabataang babae na tumatawa
mga magulang at sanggol na tumatawa
Si Cristo sa Getsemani, ni Harry Anderson

Isulat sa pisara ang sumusunod na di-kumpletong pahayag: Kung wala ang Tagapagligtas at ang Kanyang Pagbabayad-sala …

Ipaalala sa mga estudyante na sina Jacob at Amulek ay nagbigay ng mahahalagang sermon tungkol sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo. Sabihin sa mga estudyante na rebyuhin ang 2 Nephi 9:6–10 at Alma 34:9, at maghanap ng mga pariralang magagamit nila upang kumpletuhin ang pahayag sa pisara.

  • Ano ang ilang parirala mula sa mga scripture passage na ito na magagamit natin upang kumpletuhin ang pahayag sa pisara? (Habang nagbabahagi ang mga estudyante ng iba’t ibang sagot upang kumpletuhin ang pahayag, isulat ang kanilang mga sagot sa ilalim ng di-kumpletong pahayag sa pisara. Maaaring matukoy ng mga estudyante ang katotohanang tulad nito: Kung wala ang Tagapagligtas at ang Kanyang Pagbabayad-sala, tiyak na hindi maiiwasang tayo ay masawi. Ang sumusunod ay kabilang sa iba pang mga katotohanan na maaari nilang matukoy: Kung wala ang Tagapagligtas at ang Kanyang Pagbabayad-sala, tayo ay itatakwil mula sa harapan ng Panginoon, hindi na babangon pang muli, mapapasailalim sa diyablo, magiging tulad ng diyablo, mananatili sa kalungkutan, at mapapasailalim sa kakila-kilabot na halimaw ng kamatayan at impiyerno. Anyayahan ang mga estudyante na ipaliwanag kung ano sa palagay nila ang ibig sabihin ng mga pariralang ito.)

  • Ano ang “kakila-kilabot na halimaw” na inilarawan ni Jacob sa 2 Nephi 9:10? Bakit kakila-kilabot ito? (Kung kinakailangan, tulungan ang mga estudyante na maunawaan kung bakit ang permanenteng pisikal at espirituwal na kamatayan ay makahahadlang sa atin na maging katulad ng Ama sa Langit. Tandaan na nagkaroon ng espirituwal na kamatayan dahil sa Pagkahulog at sa sarili nating pagsuway. [Tingnan sa “Kamatayan, Espirituwal” at “Kamatayan, Pisikal,” Mga Paksa ng Ebanghelyo, topics.ChurchofJesusChrist.org.])

  • Paano nakatutulong na alam natin ang mga epekto ng Pagkahulog upang maunawaan natin kung bakit kailangan natin si Jesucristo?

Basahin nang sabay-sabay ang 2 Nephi 9:11–12, 19–22, at anyayahan ang mga estudyante na maghanap ng mga paraan kung paano tayo tinutubos ni Jesucristo mula sa “kakila-kilabot na halimaw na ito” (talata 10) ng kamatayan at impiyerno.

  • Paano naghahanda si Jesucristo ng daan upang tayo ay makawala mula sa “kakila-kilabot na halimaw na ito” ng kamatayan at impiyerno?

  • Ano ang nadarama ninyo tungkol sa Tagapagligtas, batid na Siya ay kapwa handa at may kakayahan na iligtas kayo mula sa kamatayan at impiyerno?

Ipaalala sa mga estudyante na kapwa inilarawan nina Jacob at Amulek na kailangang magawa ang isang “walang hanggang” pagbabayad-sala o sakripisyo (tingnan sa 2 Nephi 9:7; Alma 34:10). Anyayahan ang mga estudyante na rebyuhin ang mga pahayag nina Pangulong Russell M. Nelson at Pangulong Tad R. Callister sa bahagi 1 ng materyal sa paghahanda, at alamin kung paanong walang hanggan ang Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas.

  • Sa inyong palagay, bakit mahalagang maunawaan na walang hanggan ang Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas?

  • Paano nakaaapekto ang kaalamang walang hanggan ang Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas sa paraan ng pag-unawa at pagtugon ninyo sa sarili ninyong mga paghihirap at problema?

  • Ano ang magagawa ninyo upang maipakita sa Panginoon na naniniwala kayo na matutulungan at maililigtas kayo ng Kanyang walang hanggang Pagbabayad-sala? (Bigyan ng oras ang mga estudyante upang maisulat ang kanilang mga naisip.)

Itinuro ni Haring Benjamin sa kanyang mga tao na magagawa nilang hubarin ang likas na lalaki o babae sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo.

Ipakita ang sumusunod na pahayag: “Ang likas na tao ay kaaway ng Diyos, at naging gayon mula pa sa pagkahulog ni Adan” (Mosias 3:19). Ipaalala sa mga estudyante na itinuro ni Haring Benjamin ang katotohanang ito.

Basahin ang Mosias 3:19 bilang isang buong klase, at anyayahan ang mga estudyante na alamin kung ano ang itinuro ni Haring Benjamin sa kanyang mga tao tungkol sa pagdaig sa likas na tao.

  • Anong alituntunin ang matututuhan natin mula sa mga turo ni Haring Benjamin na makatutulong sa atin na madaig ang likas na lalaki o babae sa atin? (Maaaring matukoy ng mga estudyante ang katotohanang tulad ng sumusunod: Kapag binigyang-daan natin ang panghihikayat ng Banal na Espiritu, tutulungan tayo ni Jesucristo na hubarin ang likas na lalaki o babae at maging banal sa pamamagitan ng Kanyang Pagbabayad-sala.)

Upang matulungan ang mga estudyante na mapalalim ang kanilang pagkaunawa sa alituntuning ito, maaari mong itanong ang isa o higit pa sa mga sumusunod na tanong ayon sa mga pangangailangan ng mga estudyante:

  • Ano ang ibig sabihin sa inyo ng “bigyang-daan ang panghihikayat ng Banal na Espiritu”? Paano kayo natulungan ng Espiritu Santo na madaig ang mga pagkahilig ng likas na lalaki o babae?

  • Bakit ang paghuhubad ng likas na lalaki o babae ay mangyayari lamang kapag umasa tayo kay Jesucristo at sa Kanyang Pagbabayad-sala?

  • Paano nakatulong ang pag-asa sa Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas sa inyong mga pagsisikap na maging banal—isang taong pinabanal at katulad ni Cristo?

  • Paano makapagbibigay sa atin ng pag-asa at lakas ang mga turo sa Mosias 3:19 kapag nadarama natin na hindi natin makontrol o madaig ang mga hangarin at silakbo ng damdamin ng likas na lalaki o babae?

Maaari mong anyayahan ang mga estudyante na pag-isipan ang isang aspeto ng kanilang buhay kung saan nahihirapan silang kontrolin ang mga hangarin, pagnanasa, o silakbo ng damdamin ng likas na lalaki o babae. Ipakita ang mga sumusunod na tanong, at anyayahan ang mga estudyante na pagnilayan at isulat ang kanilang mga naisip at impresyon:

  • Ano ang nakahahadlang sa akin na bigyang-daan ang Banal na Espiritu?

  • Alin sa mga katangiang tulad ng kay Cristo na inilarawan sa Mosias 3:19 ang kailangan kong mas pagbutihin pa?

  • Ano ang mga gagawin ko upang makatanggap ako ng mas malaking tulong mula sa Tagapagligtas habang nagsisikap akong taglayin ang katangiang ito na tulad ng kay Cristo?

Tapusin ang lesson sa pamamagitan ng pagbabahagi ng iyong patotoo na tinubos tayo ni Jesucristo mula sa Pagkahulog at matutubos Niya tayo mula sa sarili nating mga kasalanan at mababago Niya tayo upang maging higit na katulad Niya at ng ating Ama sa Langit.

Para sa Susunod

Anyayahan ang mga estudyante na pag-isipan ang isang pisikal, mental, emosyonal, o espirituwal na problemang maaaring nararanasan nila. Hikayatin sila na pag-isipan kung paano sila matutulungan ni Jesucristo sa kanilang problema habang pinag-aaralan nila ang materyal sa paghahanda para sa susunod na klase.