Institute
Lesson 18 Materyal ng Titser: Pagiging Katulad ng Ama sa Langit at ni Jesucristo


“Lesson 18 Materyal ng Titser: Pagiging Katulad ng Ama sa Langit at ni Jesucristo,” Materyal ng Titser para sa Kursong Mga Turo at Doktrina ng Aklat ni Mormon (2021)

“Lesson 18 Materyal ng Titser,” Materyal ng Titser para sa Kursong Mga Turo at Doktrina ng Aklat ni Mormon

Lesson 18 Materyal ng Titser

Pagiging Katulad ng Ama sa Langit at ni Jesucristo

Sinabi ni Jesucristo sa mga Nephita at Lamanita sa lupaing Masagana na natupad na Niya ang batas ni Moises. Nang ituro Niya ang mas mataas na batas, inanyayahan Niya ang mga tao na maging perpekto o ganap, na katulad Niya at ng Ama sa Langit na ganap. (Tingnan sa 3 Nephi 12:17–48.) Sa lesson na ito, magkakaroon ng pagkakataon ang mga estudyante na ipaliwanag ang mga turo ng Panginoon tungkol sa pagiging perpekto. Pag-aaralan din ng mga estudyante ang iba’t ibang aspeto ng mas mataas na batas at tutukoy sila ng isang bagay na maaari nilang gawin upang mas maipamuhay ang batas na ito at maging higit na katulad ni Jesucristo.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Itinuro ng Tagapagligtas sa mga Nephita at Lamanita kung paano maging perpekto.

Idispley ang mga sumusunod na tanong, at anyayahan ang mga estudyante na pagnilayan ang mga ito:

  • Iniisip ang inyong banal na potensyal, anong mga katangiang tulad ng kay Cristo ang inaasam ninyong pagbutihin sa susunod na taon? sa susunod na 10 taon?

  • Anong mga katangian ang inaasam ninyong pagbutihin sa katapusan ng inyong buhay?

Kung sa palagay mo ay angkop, sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang kanilang mga sagot sa isang kaibigan o anyayahan ang isa o dalawang estudyante na ibahagi ang kanilang mga sagot sa klase.

Ipaliwanag na sa panahon ng Kanyang ministeryo sa mga Nephita at Lamanita, si Jesus ay nagturo ng mahahalagang katotohanan tungkol sa ating banal na potensyal. Anyayahan ang mga estudyante na rebyuhin ang 3 Nephi 12:19–20, 46–48, at alamin kung ano ang nais ng Panginoon na kahinatnan natin.

  • Ayon sa mga talatang ito, ano ang potensyal na nakikita ng Panginoon sa atin?

  • Ano ang itinuturo ng mga talatang ito tungkol sa kung paano tayo maaaring maging perpekto na katulad ni Jesucristo at ng Ama sa Langit? (Maaaring matukoy ng mga estudyante ang alituntuning tulad ng sumusunod: Kapag tayo ay lumapit kay Jesucristo at sumunod sa Kanyang batas at mga kautusan, maaari tayong maging perpekto o ganap, na katulad Niya at ng Ama na ganap.)

Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo at Pag-aaral

Tulungan ang mga estudyante na gumamit ng mga tulong at resources sa pag-aaral ng mga banal na kasulatan. Ang Simbahan ay naglaan ng mga tulong at resources sa pag-aaral upang mas mapahusay ang ating pag-aaral ng mga banal na kasulatan. Ang mga tulong sa pag-aaral tulad ng Gabay sa mga Banal na Kasulatan, Pagsasalin ni Joseph Smith, mga footnote, buod ng kabanata, at mapa ay makatutulong sa mga estudyante na mas maunawaan ang binabasa nila. Sa oras ng klase, maghanap ng mga pagkakataong matulungan ang mga estudyante na gamitin ang mga tulong at resources na ito.

Ipaliwanag na nahihirapan ang ilang tao na maunawaan ang kautusan na maging perpekto. Anyayahan ang mga estudyante na saliksikin ang paksang “ganap” sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan. Maaari mo ring iparebyu sa mga estudyante ang Moroni 10:32–33 at ang pahayag ni Elder Jeffrey R. Holland sa bahagi 1 ng materyal sa paghahanda. Maaari mong itanong ang isa o higit pa sa mga sumusunod:

  • Bakit makatutulong na maunawaan na ang ibig sabihin ng perpekto o ganap ay “husto, buo, at lubos na umunlad”? (Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Ganap,” scriptures.ChurchofJesusChrist.org). Kailan at paano matatamo ang pagiging perpekto?

  • Paano ninyo ibubuod ang itinuro ni Moroni tungkol sa pagiging perpekto? Paanong ang pagkaunawa sa turong ito ay makapagdudulot sa inyo ng pag-asa kapag kayo ay nabibigo o nagkakamali? Kailan ninyo nadama na binibigyan kayo ng Panginoon ng banal na tulong at lakas?

  • Ano ang kahalagahan sa inyo na alam ninyo na ipinagkakaloob sa inyo ni Jesucristo ang Kanyang biyaya at naghanda Siya ng daan upang kayo ay maging katulad Niya at ng Kanyang Ama?

Upang matulungan ang mga estudyante na ipamuhay ang natutuhan nila, maaari mong idispley ang sumusunod na sitwasyon:

Si Joan ay isang tapat na miyembro ng Simbahan. Bagama’t may patotoo siya sa ebanghelyo, nag-aalala siya na hindi siya kailanman magiging perpekto. Kapag pinag-uusapan ang paksa tungkol sa pagiging perpekto, ang naiisip lamang niya ay ang kanyang mga kahinaan at pagkakamali. Naniniwala siya na hindi sapat ang kabutihan niya upang makapanahan sa kahariang selestiyal.

  • Batay sa natutuhan ninyo ngayon, anong mga katotohanan ang maibabahagi ninyo kay Joan upang matulungan siyang magkaroon ng mas malaking pag-asa sa paanyaya ng Panginoon na maging perpekto?

Itinuro ni Jesucristo ang mas mataas na batas ng Kanyang ebanghelyo.

Ipaalala sa mga estudyante na matapos ipaliwanag ng Tagapagligtas na natupad na Niya ang batas ni Moises, itinuro Niya sa mga tao ang mas mataas na batas ng ebanghelyo.

  • Paano ninyo ipaliliwanag ang ibig sabihin ng mas mataas na batas? Ano ang layunin ng mas mataas na pamantayang ito? (Kung kinakailangan, maaaring tingnan ng mga estudyante ang bahagi 2 ng materyal sa paghahanda.)

Anyayahan ang mga estudyante na rebyuhin ang mga scripture passage na pinag-aralan nila bago magklase sa bahagi 2 ng materyal sa paghahanda. (Kung hindi nakapaghanda ang ilang estudyante bago magklase, anyayahan sila na pumili ng isang scripture passage at pag-aralan ito ngayon.) Pagkatapos magkaroon ng sapat na oras ang mga estudyante upang makapagrebyu, pumili ng isa sa mga sumusunod na aktibidad o gumawa ng sarili mong aktibidad na magbibigay sa mga estudyante ng pinakamagandang pagkakataon na ibahagi at talakayin kung ano ang natuklasan nila:

  • Opsiyon 1: Hatiin ang mga estudyante sa maliliit na grupo. Anyayahan ang mga estudyante na maghalinhinan sa pagbabahagi sa kanilang mga grupo ng natutuhan nila mula sa isang scripture passage na pinag-aralan nila. Matapos magtalakayan ang mga estudyante sa kanilang mga grupo, anyayahan sila na ibahagi sa klase kung ano ang natuklasan nila.

  • Opsiyon 2: Idispley ang mga tanong na nasa aktibidad na “Isulat ang Iyong mga Naisip” sa bahagi 2 ng materyal sa paghahanda. Anyayahan ang mga estudyante na pag-isipan kung paano nila sasagutin ang mga tanong batay sa scripture passage na pinag-aralan nila. Anyayahan ang mga estudyante na ibahagi sa kapartner o maliit na grupo kung paano nila sasagutin ang mga tanong.

  • Opsiyon 3: Anyayahan ang mga estudyante na mag-isip ng isang sitwasyon kung saan magagamit nila ang turo mula sa scripture passage na pinili nila. Bigyan ng pagkakataon ang mga estudyante na ilahad ang kanilang mga sitwasyon sa maliliit na grupo o sa klase at ipaliwanag kung paano nila ipamumuhay ang mga turong pinili nila.

Anyayahan ang mga estudyante na pumili ng isang alituntunin o katangiang tulad ng kay Cristo na nais nilang mas maipamuhay o pagbutihin. Hikayatin ang mga estudyante na isulat kung paano nila mas maipamumuhay ang alituntuning ito o pagbubutihin ang katangiang ito. Maaari mong anyayahan ang isa o dalawang estudyante na ibahagi ang kanilang mga patotoo tungkol sa kabutihan at biyaya ni Jesucristo.

Para sa Susunod

Ipaliwanag na ipinahayag ni Pangulong Boyd K. Packer ng Korum ng Labindalawang Apostol na ang mga kabataan sa ating panahon ay “lumalaki sa teritoryo ng kaaway” dahil ang impluwensya ng kaaway ay nasa lahat ng dako (“Paano Magiging Ligtas sa Teritoryo ng Kaaway,” Liahona, Okt. 2012, 34). Habang sinisimulan ng mga estudyante ang unit tungkol sa mga espirituwal na panganib sa ating panahon at pinag-aaralan nila ang materyal sa paghahanda para sa susunod na klase, anyayahan sila na alamin kung paano makatutulong sa kanila ang Aklat ni Mormon na mamuhay nang matwid sa mundong puno ng kasamaan.