“Lesson 8 Materyal ng Titser: Kabilang-buhay,” Materyal ng Titser para sa Kursong Mga Turo at Doktrina ng Aklat ni Mormon (2021)
“Lesson 8 Materyal ng Titser,” Materyal ng Titser para sa Kursong Mga Turo at Doktrina ng Aklat ni Mormon
Lesson 8 Materyal ng Titser
Kabilang-buhay
Sa pagtapos ng mga estudyante sa unit 2, “Ang Dakilang Plano ng Pagtubos,” magkakaroon sila ng pagkakataong ipaliwanag kung paano makapagbibigay sa kanila ng dagdag na kapanatagan at pag-asa sa buhay na ito ang wastong pagkaunawa tungkol sa kabilang-buhay. Matutukoy rin nila ang mga dapat nilang gawin upang mas maihanda ang kanilang sarili sa pagharap sa Diyos.
Mga Mungkahi sa Pagtuturo
Itinuro nina Alma at Amulek ang tungkol sa daigdig ng mga espiritu at Pagkabuhay na Mag-uli.
Simulan ang klase sa pamamagitan ng pagbabahagi ng sumusunod na sitwasyon at pag-anyaya sa mga estudyante na talakayin kung ano ang sasabihin nila o kung paano sila tutugon:
Anyayahan ang mga estudyante na rebyuhin ang Alma 11:43–44 at Alma 40:11–14, at maghanap ng mga katotohanan tungkol sa kabilang-buhay na makapagdadala ng kapanatagan at pag-asa sa ina ni Anna. (Maaaring matukoy ng mga estudyante ang mga alituntuning tulad ng sumusunod: Dahil kay Jesucristo, ang lahat ng tao ay mabubuhay na mag-uli at dadalhin sa harapan ng Diyos upang hatulan. Sa Pagkabuhay na Mag-uli, ang ating mga katawan ay magiging perpekto. Kung tayo ay mabuti, mamamahinga tayo mula sa lahat ng ating alalahanin at kalungkutan sa daigdig ng mga espiritu.)
-
Ano ang tila pinakamahalaga para sa inyo sa mga itinuro nina Alma at Amulek tungkol sa Pagkabuhay na Mag-uli? Paano makatutulong ang pagkakaroon ng patotoo tungkol sa Pagkabuhay na Mag-uli upang maharap ninyo ang mga hamon sa buhay nang may higit na pag-asa at tapang? (Maaaring basahin ang pahayag ni President Susan W. Tanner sa bahagi 2 ng materyal sa paghahanda.)
-
Ano pa ang alam natin tungkol sa daigdig ng mga espiritu mula sa mga banal na kasulatan at makabagong paghahayag? (Maaari mong sabihin sa mga estudyante na rebyuhin ang pahayag ni Pangulong Dallin H. Oaks sa bahagi 1 ng materyal sa paghahanda.)
-
Sa paanong mga paraan naipapakita ng doktrina ng Panginoon tungkol sa daigdig ng mga espiritu at Pagkabuhay na Mag-uli ang Kanyang pagmamahal at awa sa atin?
Anyayahan ang mga estudyante na pag-isipan nang tahimik kung sino ang maaaring kailangang makarinig ng kanilang patotoo tungkol sa kabilang-buhay at kung paano nila maibabahagi ang kanilang patotoo sa mga yaong kailangang makarinig nito. (Bigyan ng oras ang mga estudyante upang mapag-isipan ang kanilang sagot.)
Paalala: Maaaring nakarinig na ang mga estudyante ng iba’t ibang ideya tungkol sa kabilang-buhay. Ipaalala sa kanila na dapat nating gamitin ang mga itinalagang tulong o sources na ibinigay ng Diyos, tulad ng mga banal na kasulatan at mga turo ng mga lider ng Simbahan, sa pagsuri sa mga ideyang ito. Maaaring makatulong sa inyo na ibahagi at talakayin ang sumusunod na paalala ni Pangulong Dallin H. Oaks:
Kung gayon ano pa ang alam natin [bukod sa natutuhan natin mula sa ating mga banal na kasulatan] tungkol sa daigdig ng mga espiritu? Maraming miyembro ng Simbahan ang nagkaroon ng mga pangitain o iba pang inspirasyon upang ipaalam sa kanila kung paano pinakikilos o inoorganisa ang mga bagay-bagay sa daigdig ng mga espiritu, ngunit ang mga personal na karanasang ito ay hindi dapat ituring o ituro bilang opisyal na doktrina ng Simbahan. At, mangyari pa, napakaraming haka-haka ng mga miyembro at iba pa sa mga inilathalang impormasyon tulad ng mga aklat tungkol sa mga karanasang nasa bingit ng kamatayan. (“Saagtiwala sa Panginoon,” Liahona, Nob. 2019, 27–28)
Itinuro nina Alma at Amulek na dapat tayong maghanda sa pagharap sa Diyos.
Ipakita ang mga sumusunod na pahayag:
-
May kilala akong mga tao na lumalabag sa mga kautusan at nagsasabing, “Hindi naman ‘yon malaking bagay, dahil maaari naman akong magsisi kalaunan.”
-
Mapagmahal ang Diyos. Hindi Niya ako hahadlangang pumasok sa kahariang selestiyal dahil lamang ipinagpaliban ko ang pagsisisi sa ilang kasalanan.
-
Kahit ano pang pagsisikap ang gawin ko, palagi akong nabibigo at hindi ako kailanman magiging handa sa pagharap sa Diyos.
Maaari mong hatiin ang mga estudyante sa maliliit na grupo at sabihin sa bawat grupo na pumili ng isa sa mga naunang pahayag na nais nilang talakayin. Anyayahan ang bawat grupo na basahin ang Alma 34:32–34 at gamitin ang mga turo sa scripture passage na ito upang masuri ang pahayag na pinili nila. Maaari mong ibigay ang mga sumusunod na tanong sa bawat grupo upang makatulong na lalo pang mapalalim ang kanilang talakayan:
-
Aling mga bahagi ng pahayag na ito ang totoo, at aling mga bahagi ang maaaring mali o nakalilinlang?
-
Anong mga alituntunin na itinuro sa Alma 34:32–34 ang pinakanauugnay sa pahayag na ito? Paano ninyo ipaliliwanag ang mga alituntuning ito sa isang taong nagsabi ng pahayag na ito? (Maaaring matukoy at maipaliwanag ng mga estudyante ang ilan sa mga sumusunod na alituntunin: Ang buhay na ito ang panahon upang maghanda sa pagharap sa Diyos at gampanan ang ating mga gawain. Naghahanda tayo sa pagharap sa Diyos sa pamamagitan ng pagsisisi at pagpapakabuti ngayon. Kung ipagpapaliban natin ang ating pagsisisi, hindi tayo magiging handa sa pagharap sa Diyos.)
Matapos magkaroon ng oras ang mga estudyante upang matalakay ang mga tanong na ito, anyayahan ang ilang grupo na ibahagi sa klase kung ano ang natutuhan nila.
-
Ano ang iba pang mga bagay na nakahahadlang sa mga tao na maghanda sa pagharap sa Diyos? (Isulat sa pisara ang mga sagot ng mga estudyante.)
Ipaalala sa mga estudyante na nagtanong si Alma ng ilang nakapupukaw na tanong sa mga tao ng Zarahemla. (Narebyu ng mga estudyante ang mga tanong na ito nang pag-aralan nila ang Alma 5:15–17, 19, 27, 33 sa bahagi 3 ng materyal sa paghahanda.) Anyayahan ang mga estudyante na mag-ukol ng ilang minuto upang mapalalim ang kanilang pag-aaral sa pamamagitan ng muling pagbabasa at higit na pagninilay tungkol sa mga tanong at turo ni Alma na matatagpuan sa Alma 5:14–35. Maaari mo silang tulungan na malaman na mas mahalaga kung ano ang pinagninilayan nila kaysa sa kung gaano karami ang mga talatang binabasa nila.
Pagkatapos ng sapat na oras, maaari mong itanong ang isa sa o lahat ng sumusunod na tanong upang mapagnilayan ng mga estudyante:
-
Sa paanong mga paraan kayo tutulungan ng Tagapagligtas habang nagsisikap kayong maghanda sa pagharap sa Diyos?
-
Anong pagbabago o mga pagbabago ang kailangan ninyong gawin ngayon upang maging mas handa sa pagharap sa Diyos?
Maaari mong ibahagi ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Oaks:
Ang Huling Paghuhukom ay hindi lamang pagsusuri ng lahat-lahat ng mabubuti at masasamang gawa—kung ano ang ginawa natin. Ito ay pagtanggap sa huling epekto ng mga ginawa at inisip natin—kung ano ang kinahinatnan natin. (“The Challenge to Become,” Ensign, Nob. 2000, 32)
Maaari mong sabihin sa mga estudyante na isipin kung ano ang nais nilang kahinatnan. Maaari mong ibahagi sa mga estudyante ang iyong patotoo na ang Ama sa Langit at ang Tagapagligtas ay may hangarin at kakayahang tulungan sila na maging uri ng tao na panatag sa Kanilang harapan.
Hikayatin ang mga estudyante na pagnilayan, planuhin, o isulat kung ano ang gagawin nila ngayon upang maipakita ang kanilang tapat na hangaring maging mas handa sa pagharap sa Diyos. (Maaari ding makatulong na rebyuhin ang pahayag ni Pangulong Henry B. Eyring sa bahagi 3 ng materyal sa paghahanda.)
Maaari mong tapusin ang klase sa pamamagitan ng pag-anyaya sa mga estudyante na ibahagi kung ano ang natutuhan nila mula sa kanilang karanasan sa sama-samang pag-aaral ng unit 2, “Ang Dakilang Plano ng Pagtubos.” Maaari mo ring anyayahan ang mga estudyante na magpatotoo kung paano nakaaapekto ang kaalamang ito sa kanilang pagpapahalaga sa Tagapagligtas at sa kanilang mga hangarin na maging higit na katulad Niya.
Para sa Susunod
Patotohanan na ang Panginoon ay naghanda ng paraan upang makabalik ang bawat isa sa atin sa piling ng Diyos. Ang paraang ito upang makabalik tayo sa Kanya ay tinatawag na doktrina ni Cristo, at ang paksang iyon ang pagtutuunan natin sa ating susunod na unit. Sa paghahanda ng mga estudyante para sa susunod na klase, anyayahan sila na pag-isipan kung paano nakatutulong ang pagkakaroon ng pananampalataya kay Jesucristo upang maging handa sila sa pagharap sa Diyos.