“Lesson 24 Materyal ng Titser: Ang Kapangyarihang Magligtas ng Panginoon,” Materyal ng Titser para sa Kursong Mga Turo at Doktrina ng Aklat ni Mormon (2021)
“Lesson 24 Materyal ng Titser,” Materyal ng Titser para sa Kursong Mga Turo at Doktrina ng Aklat ni Mormon
Lesson 24 Materyal ng Titser
Ang Kapangyarihang Magligtas ng Panginoon
Ang mga karanasan ng mga tao ni Limhi at ng mga tao ni Alma ay kapwa nagpapakita ng kapangyarihan ng Panginoon na suportahan at iligtas ang mga yaong bumabaling sa Kanya sa panahon ng kanilang mga pagsubok. Sa lesson na ito, mapalalalim ng mga estudyante ang kanilang pagkaunawa kung paano sila magkakaroon ng walang-hanggang pananaw tungkol sa kapangyarihang magligtas ng Panginoon. Ang mga estudyante ay aanyayahan ding tukuyin kung ano ang maaari nilang gawin upang magamit ang kapangyarihan ng Panginoon habang hinaharap nila ang mga sarili nilang pagsubok.
Mga Mungkahi sa Pagtuturo
Inalipin ng mga Lamanita ang mga tao ni Alma at ang mga tao ni Limhi.
Anyayahan ang mga estudyante na magbahagi ng mga halimbawa ng mga pagsubok na kasalukuyang kinakaharap nila o ng mga taong kakilala nila.
-
Ano ang iba’t ibang dahilan kung bakit nakararanas tayo ng mga pagsubok? (Maaaring makatulong na rebyuhin ang mga halimbawa sa bahagi 1 ng materyal sa paghahanda.)
-
Ano ang mga karaniwang tanong, alalahanin, o damdamin ng mga tao kapag nahaharap sila sa mga pagsubok?
Mga Tao ni Alma
Rebyuhin nang pahapyaw ang mga kalagayan na humantong sa pagkaalipin ng mga tao ni Alma sa mga Lamanita. Maaari mong anyayahan ang mga estudyante na isipin kung ano kaya ang nadama ng mga tao ni Alma, na namumuhay nang matwid, nang bigla silang mawalan ng kalayaan at mapilitang magsilbi sa mga Lamanita.
Anyayahan ang mga estudyante na rebyuhin ang Mosias 23:21–24, at alamin ang mga posibleng dahilan kung bakit tinulutan ng Panginoon na makaranas ng mga pagsubok ang mga tao ni Alma.
-
Ayon sa mga talatang ito, ano ang layunin ng Panginoon sa pagtutulot sa mga tao ni Alma na maranasan ang mga pagsubok na ito?
-
Sa anong mga paraan makatutulong ang pagsisikap na maunawaan ang walang-hanggang pananaw ng Panginoon tungkol sa mga pagsubok upang maiba ang ating pananaw tungkol sa mga sarili nating pagsubok?
Hikayatin ang mga estudyante na maghanap ng mga katotohanan sa buong lesson na ito na makatutulong sa kanila na magkaroon ng walang-hanggang pananaw tungkol sa kanilang mga pagsubok.
Mga Tao ni Limhi
Ipaalala sa mga estudyante na ang mga tao ni Limhi ay inalipin din. Ibuod ang mga kalagayan na humantong sa kanilang pagkaalipin. Anyayahan ang mga estudyante na basahin nang pahapyaw ang Mosias 21:6–12, at alamin kung ano ang pagtatangkang ginawa ng mga tao ni Limhi upang makatakas sa pagkaalipin. Maaari mong itanong ang mga sumusunod:
-
Ano ang nangyari sa mga tao ni Limhi nang tangkain nilang iligtas ang kanilang mga sarili mula sa pagkaalipin?
-
Anong mga problema ang maaari nating maranasan kapag sinisikap nating daigin ang ating mga pagsubok nang hindi humihingi ng tulong sa Panginoon? Ano ang makahahadlang sa atin sa pagbaling sa Panginoon sa panahon ng ating mga pagsubok?
Anyayahan ang mga estudyante na rebyuhin ang Mosias 21:13–16, o ipabuod sa isang estudyante kung ano ang ginawa ng mga tao ni Limhi pagkatapos nilang mapagtanto na hindi nila maililigtas ang kanilang mga sarili mula sa pagkaalipin. Pagkatapos ay anyayahan ang isang estudyante na ibuod kung paano nailigtas kalaunan ang mga tao ni Limhi. Maaari mong itanong ang isa o higit pa sa mga sumusunod upang matulungan ang mga estudyante na magkaroon ng walang-hanggang pananaw tungkol sa mga sarili nilang pagsubok:
-
Ano ang natutuhan ninyo mula sa karanasan ng mga tao ni Limhi tungkol sa kung paano sinusuportahan o inililigtas ng Diyos ang mga yaong bumabaling sa Kanya sa panahon ng kanilang mga pagsubok? (Bukod pa sa mga katotohanang ibinahagi ng mga estudyante, tulungan silang matukoy ang alituntuning tulad ng sumusunod: Kapag nagpakumbaba at nagsumamo tayo sa Diyos, pakikinggan Niya ang ating mga panalangin at ililigtas Niya tayo mula sa ating mga pagsubok sa Kanyang takdang panahon.)
-
Paano tayo magtitiwala sa takdang panahon ng Panginoon sa halip na sa sarili nating panahon habang nahaharap tayo sa mga pagsubok? (Maaaring makatulong na rebyuhin ang pahayag ni Pangulong Dallin H. Oaks sa bahagi 2 ng materyal sa paghahanda.)
-
Anong mga pagpapala ang natanggap ninyo dahil sa pagsunod sa kalooban ng Panginoon at pagtitiwala sa Kanyang takdang panahon para sa inyong buhay?
Maaari mong bigyan ng ilang minuto ang mga estudyante upang pagnilayan ang isang pagsubok na kasalukuyan nilang kinakaharap at pagpasiyahan kung paano nila ito uunawain nang may walang-hanggang pananaw.
Pinalakas ng Panginoon ang mga tao ni Alma at iniligtas Niya sila mula sa pagkaalipin.
Ipaalala sa mga estudyante na ang mga tao ni Alma ay inalipin din ng mga Lamanita. Bigyan ng ilang minuto ang mga estudyante upang rebyuhin ang Mosias 24:10–16, at maghanap ng mga pagkakatulad at pagkakaiba sa pagitan ng mga pagsubok na naranasan ng mga tao ni Alma at ng mga tao ni Limhi.
-
Anong mga pagkakatulad ang nakita ninyo? Paano nagkakaiba ang mga karanasan ng dalawang grupong ito? (Maaaring kabilang sa mga posibleng sagot ang sumusunod: Ang dalawang grupo ng mga tao ay kapwa sinuportahan ng Panginoon at kalaunan ay nailigtas; ang pagkaalipin ng mga tao ni Alma ay isang pagsubok sa kanilang pananampalataya habang sinisikap nilang sundin ang Panginoon, samantalang ang pagkaalipin ng mga tao ni Limhi ay nangyari dahil sa kasalanan; ang mga tao ni Alma ay bumaling kaagad sa Diyos, samantalang ang mga tao ni Limhi ay bumaling sa Kanya matapos munang tangkain na iligtas ang kanilang mga sarili sa pamamagitan ng sarili nilang lakas.)
-
Anong katibayan ng pagmamahal ng Panginoon ang nakita ninyo sa dalawang tala na ito?
-
Anong mga karagdagang aral ang maaari nating matutuhan mula sa karanasan ng mga tao ni Alma tungkol sa kung paano sinusuportahan o inililigtas ng Diyos ang mga yaong bumabaling sa Kanya sa panahon ng kanilang mga pagsubok? (Habang ibinabahagi ng mga estudyante ang mga katotohanang natukoy nila, tulungan silang matukoy ang alituntuning tulad ng sumusunod: Kapag tayo ay nanampalataya at nagtiis sa panahon ng ating mga paghihirap at nagsumamo sa Diyos, palalakasin Niya tayo upang mas mabata natin ang ating mga pasanin. Paalala: Nagturo rin ang Nakababatang Alma ng alituntuning tulad nito sa Alma 36:3, 27.)
Hatiin ang klase sa mga grupo na may dalawa o tatlong estudyante, at anyayahan sila na rebyuhin ang pahayag ni Elder David A. Bednar sa bahagi 3 ng materyal sa paghahanda. Idispley ang mga sumusunod na tanong, at anyayahan ang mga estudyante na talakayin ang mga ito sa kanilang mga grupo:
-
Paano makatutulong na malaman na hindi kaagad inaalis ng Panginoon ang ating mga pagsubok?
-
Ayon kay Elder Bednar, paanong ang pagtupad sa ating mga tipan ay makapagbibigay sa atin ng karagdagang lakas habang nahaharap tayo sa mga pagsubok?
-
Paano nagbigay ang Panginoon ng suporta at lakas sa inyo, o sa isang taong kakilala ninyo, nang kayo ay makaranas ng pagsubok o magkaroon ng mabigat na pasanin? Anong mga pagpapala ang dumating dahil hindi kayo iniligtas kaagad mula sa pagsubok?
Anyayahan ang isa o dalawang estudyante na ibahagi kung ano ang tila pinakamahalaga para sa kanila sa naging talakayan ng kanilang grupo. Bigyan ng ilang minuto ang mga estudyante upang maisulat ang anumang impresyong natanggap nila tungkol sa kung paano nila pag-iibayuhin ang kanilang tiwala sa Panginoon habang nahaharap sila sa mga pagsubok.
Para sa Susunod
Itanong sa mga estudyante kung mayroon silang mga tanong na nais nilang sagutin ng Panginoon. Hikayatin silang pag-aralang mabuti ang Aklat ni Mormon at ang materyal sa paghahanda para sa susunod na klase upang makita kung ano ang maaari nilang matutuhan tungkol sa pagtanggap ng mga sagot mula sa Panginoon.