Institute
Lesson 12 Materyal sa Paghahanda para sa Klase: Tayo ay Kinakailangang Espirituwal na Isilang na Muli


“Lesson 12 Materyal sa Paghahanda para sa Klase: Tayo ay Kinakailangang Espirituwal na Isilang na Muli,” Materyal ng Titser para sa Kursong Mga Turo at Doktrina ng Aklat ni Mormon (2021)

“Lesson 12 Materyal sa Paghahanda para sa Klase,” Materyal ng Titser para sa Kursong Mga Turo at Doktrina ng Aklat ni Mormon

Lesson 12 Materyal sa Paghahanda para sa Klase

Tayo ay Kinakailangang Espirituwal na Isilang na Muli

taong naglalakad sa kaparangan

Sinabi ni Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol, “Ang Aklat ni Mormon ang ating hanbuk ng mga tagubilin habang tinatahak natin ang landas mula sa masama tungo sa pagiging mabuti at sa mas mabuti pa at habang sinisikap nating baguhin ang ating puso” (“Ang Pagbabayad-sala at ang Paglalakbay sa Mortalidad,” Liahona, Abr. 2012, 12). Sa Aklat ni Mormon, ang pagbabagong ito ay inilarawan bilang espirituwal na pagsilang na muli, pagbabago ng puso, at pagbabalik-loob. Habang pinag-aaralan mo ang materyal na ito upang makapaghanda para sa klase, isipin kung paano ka matutulungan ng pagsasabuhay ng doktrina ni Cristo na mapalalim ang iyong pagbabalik-loob at maging higit na katulad ni Jesucristo.

Bahagi 1

Paano mapalalalim ng pagsasabuhay ng doktrina ni Cristo ang aking pagbabalik-loob?

Ang sumusunod na buod ay naglalarawan ng mangyayari kapag tunay tayong nagbalik-loob:

Ang pagbabalik-loob ay kinapapalooban ng pagbabago sa pag-uugali, ngunit hindi lang sa pag-uugali; ito ay pagbabago sa mismong pagkatao natin. Ito ay isang napakahalagang pagbabago kaya tinukoy ito ng Panginoon at ng Kanyang mga propeta bilang pagsilang na muli, pagbabago ng puso, at binyag ng apoy. (“Conversion,” Gospel Topics, topics.ChurchofJesusChrist.org)

Halimbawa, matapos sabihan ng isang anghel si Nakababatang Alma na magsisi, nakaranas siya ng matinding pagdurusa dahil sa kanyang mga kasalanan. Habang nagdurusa si Alma, humingi siya ng tulong sa Panginoon, napatawad ang kanyang mga kasalanan, at nakaranas siya ng espirituwal na pagsilang na muli (tingnan sa Mosias 27:11–23).

nananalangin si Nakababatang Alma
icon, pag-aralan

Mag-aral upang Makapaghanda para sa Klase

Basahin ang Mosias 27:25–26, at alamin kung ano ang itinuro ng Panginoon kay Alma na dahilan kung bakit kinakailangang ang espirituwal na pasilang na muli.

Ang espirituwal na pagsilang na muli, o pagbabalik-loob, ay hindi nangyayari nang walang ginagawa. “Ang pagbabalik-loob ay bunga ng matutuwid na pagsisikap na sundin ang Tagapagligtas. Kasama sa mga pagsisikap na ito ang pananampalataya kay Jesucristo, pagsisisi sa kasalanan, pagpapabinyag, pagtanggap ng kaloob na Espiritu Santo, at pagtitiis hanggang wakas nang may pananampalataya [na isabuhay ang doktrina ni Cristo]” (“Conversion,” Gospel Topics, topics.ChurchofJesusChrist.org).

Ipinakita sa karanasan ng mga tao ni Haring Benjamin kung paano humantong ang pagsasabuhay ng doktrina ni Cristo sa espirituwal na pagsilang na muli at pagbabalik-loob sa Panginoon.

nagbibigay ng sermon si Haring Benjamin

Sa kanyang huling sermon, itinuro ni Haring Benjamin na tayong lahat ay “hindi kapaki-pakinabang na mga tagapaglingkod” at “may walang hanggang pagkakautang” sa Diyos (Mosias 2:21–25, 34). Pagkatapos ay nagpatotoo siya na matutubos lamang tayo sa pamamagitan ni Jesucristo. Naantig sa kanyang mensahe, ang mga tao ni Haring Benjamin ay napalugmok sa lupa nang may pagpipitagan at pagkatakot (tingnan sa Mosias 3:17–4:2).

icon, pag-aralan

Mag-aral upang Makapaghanda para sa Klase

Basahin ang Mosias 4:2–3, at alamin kung paano isinabuhay ng mga tao ni Haring Benjamin ang doktrina ni Cristo at kung anong mga pagpapala ang natanggap nila.

Nalaman natin sa Mosias 4 na matapos mapatawad ang kanyang mga tao sa kanilang mga kasalanan, tinuruan sila ni Haring Benjamin na maniwala sa Diyos at mamuhay nang may pananampalataya upang kanilang “laging ma[pa]natili ang kapatawaran ng [kanilang] mga kasalanan” (talata 12). Nang matapos niya ang kanyang sermon, ninais malaman ni Haring Benjamin kung naniwala ang mga tao sa itinuro niya (tingnan sa Mosias 5:1).

icon, pag-aralan

Mag-aral upang Makapaghanda para sa Klase

Basahin ang Mosias 5:2–7, at alamin kung ano ang ginawa ng Panginoon para sa mga tao ni Haring Benjamin nang isabuhay nila ang doktrina ni Cristo.

Ganito ang sinabi ni Elder D. Todd Christofferson ng Korum ng Labindalawang Apostol tungkol sa espirituwal na pagsilang na muli:

Portrait of Elder D. Todd Christofferson.  Photographed in March 2020.

Maaaring itanong ninyo, Bakit hindi nangyayari sa akin nang mabilis ang malaking pagbabagong ito? Dapat ninyong tandaan na ang mga [pambihirang] halimbawa ng mga tao ni Haring Benjamin, ni Alma, at [ng] iba pa sa mga banal na kasulatan ay sadyang ganoon—pambihira at hindi pangkaraniwan [tingnan sa Ezra Taft Benson, “A Mighty Change of Heart,” Ensign, Okt. 1989, 2–5]. Para sa karamihan sa atin, mas dahan-dahan ang mga pagbabago at matagal bago dumating. Ang pagsilang [na] muli, [hindi] tulad ng ating pisikal na pagsilang, ay isang proseso sa halip na pangyayari. At ang pakikibahagi sa prosesong iyon ang [pangunahing] layunin ng mortalidad.

… Mamuhay tayo nang marapat upang makibahagi sa sacrament bawat linggo at patuloy na lumapit sa Banal na Espiritu upang matanggal ang anumang natitirang karumihan sa atin. [Pinatototohanan ko na] habang patuloy kayo sa landas ng espirituwal na pagsilang na muli, tatanggalin ng nagbabayad-salang biyaya ni Jesucristo ang inyong mga kasalanan at ang mga mantsa ng kasalanang iyon sa inyo, hindi na magiging kaakit-akit ang mga tukso, at sa pamamagitan ni Cristo kayo ay magiging banal, tulad Niya at ng Ama na banal. (“Isinilang na Muli,” Liahona, Mayo 2008, 78)

Itinuro ni President Bonnie L. Oscarson, dating General President ng Young Women:

President Bonnie L. Oscarson

Kailangan nating hangaring lahat na baguhin ang ating puso at likas na pagkatao upang hindi na natin hangaring tularan ang mga gawi ng sanlibutan kundi sa halip ay bigyang-kasiyahan ang Diyos. Ang tunay na pagbabalik-loob ay isang prosesong nagaganap sa paglipas ng panahon at kinapapalooban ng kahandaang manampalataya. … Kailangan dito ang patuloy na pagsisikap araw-araw. (“Naniniwala ba Ako?Liahona, Mayo 2016, 88–89)

Writing on a piece of paper with a pen or pencil.
3:40

Bahagi 2

Paano ko maipakikita sa Panginoon na talagang nais kong magkaroon ng pagbabago ng puso?

Isipin kung ano ang maaari nating matutuhan mula sa halimbawa ng mga Anti-Nephi-Lehi tungkol sa pagkukusa nating magsikap na matamo at mapanatili ang malaking pagbabago ng puso. Ang mga dating Lamanita na ito ay “mababangis at matitigas at malulupit na tao; mga taong nagagalak sa pagpaslang ng mga Nephita, at nilolooban at dinadambong sila” (Alma 17:14). Gayunman, tinanggap ng mga Anti-Nephi-Lehi ang ebanghelyo ni Jesucristo nang turuan sila ni Ammon at ng mga kapatid nito, at kasindami ng “mga nagbalik-loob sa Panginoon, kailanman ay hindi nagsitalikod” (Alma 23:6).

icon, pag-aralan

Mag-aral upang Makapaghanda para sa Klase

Basahin ang Alma 24:9–11, 15, 19 at alamin kung ano ang ginawa ng mga Anti-Nephi-Lehi upang mapatatag ang kanilang pagbabalik-loob sa Panginoon.

Ang Nagpapadalisay na Landas ng Pagsunod, Pagsasakripisyo, at Paglalaan, ni Dan Burr

Tungkol sa malaking pagbabago ng puso na naranasan ng mga taong ito, ipinayo ni Elder Bednar:

Elder David A. Bednar

Ang pagsasantabi ng taglay na “mga sandata ng paghihimagsik” gaya ng kasakiman, kapalaluan, at pagsuway ay nangangailangan ng higit pa sa pananalig at kaalaman. Ang katapatan, pagpapakumbaba, pagsisisi, at pagsunod ay kailangan bago maisuko ang ating mga sandata ng paghihimagsik. Tayo ba ay mayroon pa ring mga sandata ng paghihimagsik na humahadlang sa ating pagbabalik-loob sa Panginoon? Kung mayroon, kailangan nating magsisi ngayon din. (“Nagbalik-loob sa Panginoon,” Liahona, Nob. 2012, 108)

icon, pagnilayan

Magnilay-nilay upang Makapaghanda para sa Klase

Anong “mga sandata ng paghihimagsik” ang humahadlang sa iyo na maranasan ang pagbabago ng puso?