Institute
Lesson 21 Materyal sa Paghahanda para sa Klase: Pagdaig sa Kapalaluan


“Lesson 21 Materyal sa Paghahanda para sa Klase: Pagdaig sa Kapalaluan,” Materyal ng Titser para sa Kursong Mga Turo at Doktrina ng Aklat ni Mormon (2021)

“Lesson 21 Materyal sa Paghahanda para sa Klase,” Materyal ng Titser para sa Kursong Mga Turo at Doktrina ng Aklat ni Mormon

Lesson 21 Materyal sa Paghahanda para sa Klase

Pagdaig sa Kapalaluan

dalagitang nag-iisip nang malalim

Ang isang espirituwal na panganib na binigyang-diin sa Aklat ni Mormon ay ang kasalanan ng kapalaluan. Mula sa talaang iyon nalaman natin kung paanong ang kapalaluan ay sumira sa pagkakaisa ng pamilya ni Lehi, lumikha ng pagkakahati-hati sa Simbahan ng Panginoon, naging sanhi ng napakaraming digmaan, at sa huli ay humantong sa pagkawasak ng sibilisasyon ng mga Nephita. Nagbabala si Pangulong Ezra Taft Benson na “ang kapalaluan ay kasalanan ng buong sansinukob, ang napakasamang ugali” (“Beware of Pride,” Ensign, Mayo 1989, 6). Habang nag-aaral ka upang makapaghanda para sa klase, maghanap ng mga turo na makatutulong sa iyo na matukoy ang mga palatandaan ng kapalaluan sa sarili mong buhay. Isipin din kung paano makatutulong sa iyo ang mga turo at halimbawa ni Jesucristo upang madaig ang kapalaluan.

Bahagi 1

Paano ko mas mahihiwatigan ang mga nakapipinsalang epekto na maaaring idinudulot ng kapalaluan sa aking buhay?

Pagkatapos ng pagpanaw ni Nephi, nabalisa si Jacob dahil sa tumitinding kasamaan ng mga Nephita. Inutusan ng Panginoon si Jacob na magsalita tungkol sa mga kasalanan ng mga tao (tingnan sa Jacob 1:152:4, 11). Bilang pagsunod, nagsalita si Jacob sa mga tao sa templo tungkol sa kanilang mga kasalanan, kabilang na ang tungkol sa kung paano sila inilalayo sa Panginoon ng kanilang mga kayamanan.

si Jacob na nagtuturo sa mga Nephita
icon, pag-aralan

Mag-aral upang Makapaghanda para sa Klase

Basahin ang Jacob 2:12–16 o panoorin ang video ng Aklat ni Mormon na “Nagturo si Jacob tungkol sa Kapalaluan (Jacob 2:3–21)” (5:56), na matatagpuan sa ChurchofJesusChrist.org. Habang ginagawa mo ito, alamin kung paano nakaimpluwensya ang kapalaluan sa pagtingin ng mga Nephitang ito sa isa’t isa.

5:57

Nagturo si Jacob tungkol sa kapalaluan | Jacob 2:3–19

Jacob 2:3–19 | Itinuro ng propeta sa Aklat ni Mormon na si Jacob sa mga tao na iwasan ang kapalaluan at pakitunguhan ang isa’t isa nang pantay. Itinuro rin niya sa kanila na hanapin muna ang kaharian ng Diyos.

Sa pagtatapos ng Aklat ni Mormon, nasaksihan nina Mormon at Moroni kung paano humantong sa lubusang pagkalipol ng mga Nephita ang pagkabigong magsisi sa kanilang kapalaluan (tingnan sa Moroni 8:27). Matapos masaksihan ang kanilang pagkalipol, nakita ni Moroni sa isang pangitain kung paanong ang kapalaluan ay magiging problema rin ng mga tao sa ating panahon.

icon, pag-aralan

Mag-aral upang Makapaghanda para sa Klase

Basahin ang Mormon 8:35–37, at isipin kung paano humahantong ang kapalaluan sa iba pang mga kasalanan.

batang namamalimos

Noong 1989, si Pangulong Benson ay nagbigay ng isang makapangyarihang mensahe tungkol sa kapalaluan. Habang binabasa mo ang sipi na ito mula sa kanyang mensahe, maaari mong markahan ang mahahalagang salita at parirala na naglalarawan sa pangunahing kahulugan ng kapalaluan.

Pangulong Ezra Taft Benson

Iniisip ng karamihan sa atin na ang kapalaluan ay pagkamakasarili, pagmamagaling, pagyayabang, pagmamataas, o pagmamalaki. Lahat ng ito ay mga sangkap ng kasalanan, ngunit ang sentro, o buod, ay wala pa rito.

Ang pinakatanda ng kapalaluan ay pagkapoot—pagkapoot sa Diyos at sa ating kapwa. Ang kahulugan ng pagkapoot ay “pagkamuhi, pagiging masungit, o pagsalungat.” Ito ang kapangyarihang hangad ni Satanas para mapagharian tayo.

Ang kapalaluan ay talagang likas na pakikipagkumpitensya. Sinasalungat natin ang kalooban ng Diyos. …

Hindi matatanggap ng palalo ang awtoridad ng Diyos na papatnubay sa kanilang buhay. (Tingnan sa Hel. 12:6.) …

Nagiging kaaway ng palalo ang lahat ng tao sa pamamagitan ng paggigiit ng kanilang talino, opinyon, trabaho, yaman, talento, o iba pang panukat ng mundo laban sa ibang tao. Sa mga salita ni C. S. Lewis: “Ang kapalaluan ay hindi nasisiyahan sa pagkakamit ng isang bagay kundi sa pagkakaroon ng mas marami nito kaysa sa iba. … Pagkukumpara ang dahilan kaya ka nagmamalaki: ang kasiyahan ng pagiging angat mo kaysa sa iba. Kapag wala nang pakikipagkumpitensya, wala nang kapalaluan.” (Mere Christianity, New York: Macmillian, 1952, pp. 109–10.) …

Ang takot sa paghatol ng tao ay nakikita mismo sa pakikipagkumpitensya para sa papuri ng mga tao. …

… Itinuturing ng karamihan sa atin ang kapalaluan na pagkakasala ng mga taong angat sa buhay, tulad ng mayayaman at nakapag-aral, na humahamak sa atin. (Tingnan sa 2 Ne. 9:42.) Gayunman, may isang mas karaniwang problema sa atin—at iyon ay ang kapalaluan mula sa ibaba na nakatingin sa itaas. Nakikita ito sa napakaraming paraan, tulad ng paghahanap ng mali, pagtsitsismis, paninirang-puri, pagbubulung-bulong, pamumuhay nang higit pa sa ating kinikita, inggit, pag-iimbot, hindi pasasalamat at pagbibigay ng papuri na maaaring magpasigla sa iba, at hindi pagpapatawad at pagseselos. (“Beware of Pride,” 4, 5)

dalagitang nakatingin sa kapwa dalagita
icon, isulat

Isulat ang Iyong mga Naisip

Ipinahayag ni Pangulong Benson, “Ang kapalaluan ay isang kasalanang madaling makita sa iba ngunit bihirang aminin sa ating sarili” (“Beware of Pride,” 5). Pumili ng mga tanong sa ibaba na pinakanauugnay sa iyong buhay, at isulat ang mga sagot mo sa iyong journal o notebook.

  • Mayroon ba akong nadarama na pagkapoot (galit, hinanakit, o pagsalungat) sa aking puso tungo sa Diyos o sa ibang tao? Kung mayroon, paano nakaaapekto ang mga damdaming ito sa aking puso at mga ugnayan?

  • Kailan ko karaniwang ikinukumpara ang aking sarili sa iba? Kapag ikinukumpara ko ang aking sarili sa iba, ano ang nadarama ko?

Bahagi 2

Paano ko madaraig ang kasalanan ng kapalaluan?

Matapos magbabala si Jacob sa kanyang mga tao tungkol sa kasalanan ng kapalaluan, tinuruan niya sila ng mahahalagang katotohanan kung paano ito dadaigin.

icon, pag-aralan

Mag-aral upang Makapaghanda para sa Klase

Habang binabasa mo ang Jacob 2:17–21, maghanap ng payo na makatutulong sa iyo na madaig ang kapalaluan.

taong nagbibigay ng pagkain sa isang palaboy

Sa Aklat ni Mormon, maraming beses naging palalo ang mga Nephita. Halimbawa, matapos manalo sa mahabang digmaan laban sa mga tulisan ni Gadianton, ang mga Nephita ay umunlad at kalaunan ay naging palalo, hinahati ang kanilang mga sarili alinsunod sa kanilang kayamanan at karunungan. Sinimulang usigin ng ilan ang mga yaong mas mababa ang katayuan sa buhay kaysa sa kanila. (Tingnan sa 3 Nephi 6:4–12.)

icon, pag-aralan

Mag-aral upang Makapaghanda para sa Klase

Habang binabasa mo ang 3 Nephi 6:12–14, pansinin ang mga pagkakaiba sa pagitan ng mga taong palalo at ng mga taong hindi palalo. Anong mga katangian ang nagpaiba sa dalawang grupo ng mga tao mula sa isa’t isa?

Itinuro ni Pangulong Benson ang sumusunod tungkol sa kung paano dadaigin ang kapalaluan:

Pangulong Ezra Taft Benson

Ang lunas sa kapalaluan ay pagpapakumbaba—kaamuan, pagkamasunurin. (Tingnan sa Alma 7:23.) …

Piliin nating magpakumbaba.

Mapipili nating magpakumbaba sa pamamagitan ng pagdaig sa pagkapoot sa ating mga kapatid, pagpapahalaga sa kanila na tulad sa ating sarili, at pag-aangat sa kanila nang [kasintaas natin] o mas mataas pa sa atin. [Tingnan sa Doktrina at mga Tipan 38:24.]

Mapipili nating magpakumbaba sa pamamagitan ng pagtanggap ng payo at disiplina. [Tingnan sa Jacob 4:10.]

Mapipili nating magpakumbaba sa pamamagitan ng pagpapatawad sa mga nakasakit sa atin. [Tingnan sa 3 Nephi 13:11, 14; Doktrina at mga Tipan 64:10.]

Mapipili nating magpakumbaba sa pamamagitan ng taos-pusong paglilingkod. (Tingnan sa Mosias 2:16–17.)

Mapipili nating magpakumbaba sa pamamagitan ng pagmimisyon at pangangaral ng salita na magpapakumbaba sa iba. [Tingnan sa Alma 4:19.]

Mapipili nating magpakumbaba sa pamamagitan ng pagpunta sa templo nang mas madalas.

Mapipili nating magpakumbaba sa pamamagitan ng pagtatapat ng ating mga kasalanan at pagtalikod sa mga ito at pagsilang sa Diyos. [Tingnan sa Doktrina at mga Tipan 58:43.]

Mapipili nating magpakumbaba sa pamamagitan ng pagmamahal sa Diyos, pagpapailalim ng ating kalooban sa Kanya, at pag-una sa Kanya sa ating buhay. [Tingnan sa 3 Nephi 11:11.] (“Beware of Pride,” 6–7)

icon, pagnilayan

Magnilay-nilay upang Makapaghanda para sa Klase

Pagnilayan ang buhay ng Tagapagligtas. Ano ang maaari mong matutuhan tungkol sa pagpapakumbaba mula sa Kanya? Maghandang ibahagi ang iyong halimbawa sa klase.