“Ang Dignidad ng Ating Tungkulin,” kabanata 25 ng Mga Banal: Ang Kuwento ng Simbahan ni Jesucristo sa mga Huling Araw, Tomo 2, Walang Kamay na Di Pinaging Banal, 1846-1893 (2020)
Kabanata 25: “Ang Dignidad ng Ating Tungkulin”
Kabanata 25
Ang Dignidad ng Ating Tungkulin
Noong Oktubre 30, 1869, limang araw matapos makipagpulong sa mataas na kapulungan, nagpalabas ng pahayag sina Elias Harrison at William Godbe sa Utah Magazine na ipinagkakaila ang mga paratang ng apostasiya laban sa kanila. Inakusahan nila ang mga lider ng Simbahan ng pang-aapi at nagreklamo na ang mga Banal ay hindi malayang mag-isip o kumilos para sa kanilang sarili. Kumbinsido na nagsasalita ang mga espiritu sa kanila sa pamamagitan ng mga Espiritista, kapwa sila naniwalang tinawag sila upang baguhin ang Simbahan. At sila ay determinado na panatilihin ang paglalathala ng kanilang magasin at hikayatin ang mga Banal sa kanilang hangarin.
“Mula sa mga lambak ng ating bundok ay isisilang pa ang isang watawat na napapalamutian ng mas malawak na doktrina, isang higit na dakilang Kristiyanismo, isang mas dalisay na pananampalataya kaysa nakita kailan man sa mundo,” ipinangako ni Elias.1
Bagama’t nagbabala siya sa mga Banal laban sa pagbabasa ng Utah Magazine, walang ginawang pagsisikap si Brigham Young para isara ito.2 Sa kanyang halos apat na dekada sa Simbahan, nakita niya ang mga pagkilos sa pagsalungat na dumarating at lumilipas nang hindi nagtatagal at nagtatagumpay. Habang nilalait siya nina Elias at William, nilisan niya ang Lunsod ng Salt Lake upang libutin ang mga pamayanan sa mga Lambak ng Utah at Sanpete.
Habang naglalakbay siya patimog, nakita ni Brigham ang mga mauunlad na bayan kung saan minsang naroroon ang mga maliliit na muog at kubong yari sa adobe. Ilang mga Banal ang nagpapatakbo ng mga pagawaan at pabrika sa pagyari ng mga kalakal. Bagama’t walang bayan ang lubos na nakatutustos sa sarili, ang ilan ay may mga pinapatakbong tindahan ng kooperatiba.3
Tuwing bumibisita si Brigham sa isang pamayanan, inilalabas ng mga Banal ang lahat ng kanilang makakaya para sa kanya, kung minsan ay nagbibigay sila ng mga magagarbong piging. Malugod niyang tinanggap ang mga pagkaing ito, ngunit mas nais niya ang simpleng pagkain na humihingi ng mas kaunting pagsisikap mula sa mga taong naghahanda nito. Ilang taon na ang nakararaan, habang kumakain kasama ng mga Banal sa kanyang misyon sa England, kumain si Brigham na walang ibang gamit maliban sa isang simpleng tasa at isang lanseta, gamit ang isang hiwa ng tinapay para maging plato. Kinailangan lamang ang limang minuto upang linisin ang pinagkainan, na nagbibigay ng mas maraming oras para makapag-tipon ang mga Banal.
Habang naglalakbay siya sa timog sa kabuuan ng Utah, napansin ni Brigham na maraming kababaihan ang hindi makadalo sa mga miting ng Simbahan dahil abala sila sa paghahanda o paglilinis pagkatapos ng mga magarbong kainan.4 Nalungkot din siya na ang maraming mayamang lalaki at babae sa Simbahan ang nagkaroon ng magarbong pamumuhay, na kung minsan ay kapalit ng kanilang espirituwal na kapakanan. Nais ni Brigham ang lahat ng mga Banal, kabilang siya mismo, na bawasan, o gawing simple ang kanilang pamumuhay.
“Ang tamad na gawi, ang maaksaya at sobrang paggastos ng mga tao, ay katawa-tawa sa ating komunidad,” sabi niya.
Sa Paaralan ng mga Propeta, pinayuhan ni Brigham ang mga kalalakihan na huwag sumunod sa mga estilo ng pananamit ng mundo ngunit sa halip ay magkaroon ng sarili nilang estilo na yari sa mga telang gawa sa teritoryo. Kung minsan naman, hinihikayat niya ang kababaihan na huwag gumawa ng mga damit na napapalamutian ng mga mamahaling bagay mula sa mga estado sa silangan at sa halip ay gamitin ang telang gawa sa teritoryo. Para sa kanya, ang sobrang paggastos ay madalas nagpapasimula ng pakikipagkompitensya sa mga Banal at umaagaw ng panahon mula sa kanilang espirituwal na pag-unlad. Nadama niya na ito ay tanda ng kamunduhan, salungat sa diwa ng pagkakaisa ng Sion.5
Ang alalahaning ito ay nasa isipan pa rin ni Brigham nang dumating ang kanyang pangkat sa Gunnison, isang bayan sa dulong timog ng Lambak ng Sanpete. Doon ay nakipag-usap siya kay Mary Isabella Horne, isang residente ng Lunsod ng Salt Lake na bumibisita sa kanyang anak na lalaki sa bayan. Kilala si Mary Isabella sa pagiging masigasig at matapat na lider ng kababaihang Banal sa mga Huling Araw. Tulad ni Brigham, siya ay miyembro ng Simbahan mula noong dekada ng 1830 at tiniis ang kanyang bahagi ng mga pagsubok alang-alang sa ebanghelyo. Ngayon ay siya ang pangulo ng Relief Society ng Ikalabing-apat na Ward ng Lunsod ng Salt Lake.6
“Sister Horne, gusto kong bigyan ka ng isang misyon, na sisimulan kapag bumalik ka sa iyong tahanan—ang misyon ay ang magturo ng pagtitipid sa mga asawa at anak na babae ng Israel,” sinabi ni Brigham. “Hindi tama na gumugol sila ng napakaraming oras sa paghahanda ng kanilang pagkain at sa hitsura ng kanilang mga katawan, at pabayaan ang kanilang espirituwal na edukasyon.”
Atubili si Mary Isabella na tanggapin ang responsibilidad. Ang pagtuturo ng pagtitipid ay nangangahulugang hihikayatin ang mga kababaihan na gawing simple ang kanilang mga gawain at uri ng pamumuhay. Ngunit ang kababaihan ay kadalasang nakatatagpo ng layunin, kasiyahan, at halaga sa paghahanda ng magagarbong pagkain at paggawa ng magagandang damit para sa kanilang sarili at kanilang mga pamilya. Sa paghamon sa kanila na gawing simple ang kanilang gawain, hihilingin sa kanila ni Mary Isabella na baguhin kung ano ang naiisip nila tungkol sa kanilang mga sarili at sa kanilang mga kontribusyon sa komunidad.7
Gayunman, hinikayat siya ni Brigham na tanggapin ang misyon, naniniwalang magbibigay ito sa mga kababaihan ng mas maraming pagkakataong umunlad sa espirituwal. “Tipunin ang mga kapatid na babae ng Relief Society at hilingin sa kanila ang pagbabago sa pagkain at pag-aasikaso sa tahanan,” sabi niya. “Nais kong magkaroon tayo ng isang lipunan kung saan ang mga kasapi ay papayag na magkaroon ng isang maayos at magaang almusal sa umaga, para sa kanilang sarili at kanilang mga anak, na hindi nagluluto ng apatnapung iba’t ibang uri ng pagkain.”
Bagama’t hindi pa rin sigurado kung paano isasagawa ang gayong misyon, tinanggap ni Mary Isabella ang tungkulin.8
Sa panahong ito, naglakbay si James Crockett patungong Kirtland, Ohio, kasama ang kanyang pinsan na si William Homer. Si James ay hindi isang Banal sa mga Huling Araw, ngunit katatapos lamang ni William sa isang misyon sa Europa at nagplanong bisitahin ang lugar na dating pinagtipunan ng mga Banal bago siya umuwi sa Utah. Ang Kirtland ay wala pang 160 kilometro ang layo mula sa bahay ni James, at nagpasiyang maglakbay nang magkasama ang magpinsan.
Sa Kirtland, nais bisitahin ni William si Martin Harris, isa sa Tatlong Saksi ng Aklat ni Mormon, na kasalukuyang naghirang sa sarili na magtrabaho bilang tagapangalaga ng Kirtland temple. Pinakasalan ng anak na lalaki ni Martin ang kapatid na babae ni William, at umaasa si William na mahikayat ang matandang lalaki na muling makasama ang pamilya nito sa Teritoryo ng Utah.
Gayunman, ang ugnayan ni Martin sa Simbahan ay masalimuot. Matapos ang pagbagsak ng Kirtland Safety Society mahigit tatlumpung taon na ang nakararaan, tinalikuran ni Martin si Joseph Smith at nagpalipat-lipat mula sa isang grupo ng mga dating Banal sa mga Huling Araw patungo sa iba. Noong ang kanyang asawa, si Caroline, ay nandayuhan kasama ang kanilang mga anak sa Utah noong dekada ng 1850, tumanggi siyang sumama sa kanila.
Matapos dumating sa Kirtland, dumalaw sina James at William kay Martin sa maliit na bahay nito. Siya ay isang lalaking maliit at busabos ang pananamit na may humpak at matigas na mukha at pagtingin ng kawalang-kasiyahan sa kanyang mga mata. Ipinakilala ni William ang kanyang sarili bilang isang missionary mula sa Utah at bayaw ng anak na lalaki ni Martin.
“Isa sa mga Brighamite ‘Mormons’ ka ano?” paangal na tanong ni Martin.9
Sinubukan ni William na sabihin kay Martin ang mga balita tungkol sa kanyang pamilya sa Utah, ngunit tila hindi siya naririnig ng matandang lalaki. Sa halip, sabi nito, “Gusto ninyong makita ang templo, hindi ba?”
“Kung maaari po,” sabi ni William.
Kinuha ni Martin ang susi at hinatid sina James at William sa templo. Ang labas ng gusali ay nasa maayos na kalagayan. Ang palitada sa mga panlabas na pader ay buo pa rin, at ang gusali ay may bagong bubong at ilang bagong bintana. Subalit, sa loob, nakita ni James na natutuklap na ang palitada mula sa kisame at mga dingding, at ang ilan sa mga kahoy ay may mantsa at nasisira na.
Naglalakad sa bawat silid, pinatotohanan ni Martin ang mga sagradong kaganapan na nangyari sa loob ng templo. Ngunit napagod siya makalipas ang ilang sandali, at sila ay tumigil upang magpahinga.
“Naniniwala ka pa rin ba na ang Aklat ni Mormon ay totoo at si Joseph Smith ay isang propeta?” tinanong ni William kay Martin.
Ang matandang lalaki ay tila napuno ng sigla. “Nakita ko ang mga lamina. Nakita ko ang anghel. Narinig ko ang tinig ng Diyos,” ipinahayag niya, ang kanyang tinig ay nanginginig nang may katapatan at pananalig. “Kung pagdududahan ko ang tunay na kabanalan ng Aklat ni Mormon o ang banal na pagtawag kay Joseph Smith, marapat lang na pagdudahan ko ang sarili kong buhay.”
Kinuryente ng patotoo ang silid. Bagama’t dumating siya sa Kirtland na hindi isang mananampalataya, natuwa si James sa kanyang narinig. Sa isang iglap, si Martin ay tila nagbago mula sa isang mapait na matandang lalaki at naging isang lalaking may marangal na paniniwala, na binigyang-inspirasyon ng Diyos at pinagkalooban ng kaalaman.
Tinanong ni William kay Martin kung paano niya nagawang dalhin ang isang malakas na patotoo matapos lisanin ang Simbahan.
“Kailanman ay hindi ko iniwan ang Simbahan,” sabi ni Martin. “Ang Simbahan ang nang-iwan sa akin.”
“Nais ba ninyong makitang muli ang inyong pamilya?” tanong ni William. “Lubos na magagalak si Pangulong Young na magbigay ng paraan upang ihatid ka papuntang Utah.”
Umismid si Martin. “Hindi niya gagawin ang anuman na tama.”
“Magpadala ka ng mensahe sa pamamagitan ko,” sabi ni William.
Pinagnilayan ni Martin ang alok. “Dalawin mo si Brigham Young,” sabi niya kay Martin. “Sabihin mo sa kanya na nais kong bumisita sa Utah, sa aking pamilya, sa aking mga anak. Matutuwa ako na tumanggap ng tulong mula sa Simbahan, ngunit hindi ko nais tumanggap ng personal na pabor.”
Sumang-ayon si William na ihatid ang mensahe, at nagpaalam si Martin sa kanyang mga bisita. Sa paglabas ng magpinsan, ipinatong ni James ang kanyang mga kamay sa balikat ni William at tiningnan ito nang mata sa mata.
“Mayroong akong nadaramang nagsasabi sa akin na ang sinabi ng matandang lalaki ay katotohanan,” sabi niya. “Alam kong totoo ang Aklat ni Mormon.”10
Habang bumabalik si William Homer sa Teritoryo ng Utah dala ang mensahe ni Martin, ang mga mambabatas sa Washington, DC ay nagpapanukala ng mga bagong batas upang mapalakas ang 1862 Morrill Anti-Bigamy Act (Batas ni Morrill Laban sa Bigamya). Noong Disyembre 1869, nagmungkahi si Senador Aaron Cragin ng batas na, higit sa lahat, ay ipagkakait sa mga Banal ang kanilang karapatan sa paglilitis sa pamamagitan ng lupong tagahatol sa mga kaso ng poligamya. Kalaunan noong buwang iyon, ipinakilala ni Kinatawan Shelby Cullom ang isa pang panukala na magmumulta, magkukulong, at magkakait ng pagkamamamayan sa mga Banal sa mga Huling Araw na nagsasagawa ng maramihang pag-aasawa.11
Noong Enero 6, 1870, tatlong araw matapos dumating ang isang kopya ng Cullom Bill (Panukalang Batas ni Collum) sa Teritoryo ng Utah, nagpulong sina Sarah Kimball at ang kababaihan ng Relief Society ng Ikalabinlimang Ward ng Lunsod ng Salt Lake sa ikalawang palapag ng kanilang bulwagan ng Relief Society upang magplano ng isang protesta laban sa panukalang batas. Naniwala sila na ang mga batas laban sa poligamya ay lumalabag sa kalayaang panrelihiyon, nilalabag ang kanilang mga konsiyensya, at naghahangad na maliitin ang mga Banal.
“Tayo ay hindi magiging karapat-dapat sa mga pangalang taglay natin at ng dugo sa ating mga ugat,” sabi niya, “kung tayo ay mananatiling tahimik habang ang isang kasumpa-sumpang panukalang batas ay nakahain sa Kamara.”12
Nagbalangkas ang mga kababaihan ng mga resolusyon na ginagamit ang kanilang mabuting impluwensya upang ihinto ang mga panukalang batas. Ipinahayag nila ang kanilang galit laban sa mga taong nagmungkahi ng batas sa Kongreso at nagpasiyang hilingin sa gobernador ng Utah ang karapatang bumoto ng mga kababaihan sa teritoryo. Napagdesisyunan din nila na magpadala ng dalawang kinatawang babae sa Washington, DC, upang manghikayat sa mga pulitiko para sa kapakanan ng mga Banal.
Isang oras matapos magsimula ang pulong, dumating si Eliza Snow sa bulwagan upang magbigay ng kanyang suporta. Naniniwala siya na obligasyon ng mga miyembro ng Relief Society sa kanilang mga sarili at kanilang mga pamilya na ipagtanggol ang Simbahan at ang kanilang paraan ng pamumuhay. Kadalasan, ang mga kritiko ng Simbahan ay gumagamit ng mga popular na pahayagan, mga kartun na pulitikal, mga nobela, at mga talumpati para ilarawan ang mga kababaihan ng Simbahan bilang mga kawawa at inaping mga biktima ng maramihang pag-aasawa. “Dapat nating panindigan ang dignidad ng ating tungkulin at magsalita para sa ating sarili,” sabi niya sa kababaihan.13
Ang panahon ay malamig at maniyebe nang sumunod na linggo, ngunit mahigit tatlong libong kababaihan ang sumuong sa masamang panahon noong ika-13 ng Enero upang magtipon sa lumang tabernakulo na yari sa adobe sa Lunsod ng Salt Lake City sa isang ng “Pulong ng Malaking Galit” upang tutulan ang mga mungkahing batas nina Cragin at Cullom. Si Sarah Kimball ang namuno sa pulong. Maliban sa iilang mamamahayag, walang lalaking naroroon.
Matapos simulan ang pulong, lumapit si Sarah sa pulpito. Bagama’t ang kababaihan sa buong bansa ay madalas magsalita sa publiko ukol sa mga isyu sa pulitika, lalo na ang karapatang bumoto ng kababaihan at ang pagwawakas ng pang-aalipin, maaari pa rin itong maging isang kontrobersyal na bagay na gawin. Subalit determinado si Sarah na bigyan ang mga babaeng Banal sa mga Huling Araw ng pampublikong tinig. “Tayo ba ay sumalangsang sa anumang batas ng Estados Unidos?” tinanong niya sa pulong.
“Hindi!” pabalik na sigaw ng mga babae.
“Kung gayon bakit tayo narito ngayon?” tanong ni Sarah. “Tayo ay itinaboy mula sa bawat lugar, at bakit? Para sa mga paniniwala at pagsasagawa ng mga payo ng Diyos na nakapaloob sa ebanghelyo ng langit.”14
Isang komite ng ilang mga pangulo ng Relief Society—kabilang sina Mary Isabella Horne, Rachel Grant, at Margaret Smoot—ay naghain ng isang pormal na pahayag ng protesta na tutol sa mga mungkahing batas laban sa poligamya. “Sama-sama nating gamitin ang bawat kapangyarihang moral at bawat karapatan na minana natin bilang mga anak na babae ng mga mamamayan ng Amerika,” ipinahayag nila, “upang maiwasan ang pagpasa ng gayong mga panukalang batas, batid na ang mga ito ay kalaunang magpapataw ng mantsa sa ating pamahalaang republikano sa pamamagitan ng paglalagay sa panganib ng kalayaan at mga buhay ng mga pinakatapat at mapayapang mamamayan nito.”15
Ang iba pang kababaihan ay malakas na nagsalita sa pulong. Inilarawan ni Amanda Smith kung paano napatay ang kanyang asawa at anak at nasugatan ang isa pang anak sa pagpaslang sa Hawn’s Mill tatlong dekada na ang nakakaraan. “Tayo ay magsitayo na kaanib ng katotohanan kahit mamatay tayo para rito!” ang sabi niya habang napuno ng palakpakan ang tabernakulo.
Kinondena ni Phebe Woodruff ang Estados Unidos sa pagtanggi ng kalayaang panrelihiyon sa mga Banal. “Kung ang mga pinuno ng ating bansa ay kikilos ngayon nang salungat sa diwa at sa titik ng ating maluwalhating Saligang Batas at pagkakaitan ang ating mga propeta, apostol, at elder ng pagkamamamayan at ikukulong sila sa pagsunod sa batas na ito,” wika niya, “hayaan silang ibigay sa amin itong aming huling kahilingan, na gawin ang mga bilangguan na sapat ang laki upang ipiit ang kanilang mga asawa, dahil pupunta kami kung saan man sila pupunta.”
Huling nagsalita si Eliza Snow. “Hangarin ko na tayo bilang mga ina at kapatid na babae sa Israel ay ipagtanggol ang katotohanan at kabutihan at sang-ayunan ang mga nangangaral ng mga ito,” sabi niya. “Maging mas masigla tayo na pagbutihin ang ating mga isipan at linangin ang katatagang iyon ng moral na pagkatao na hindi nahihigitan sa balat ng lupa.”16
Sa mga sumunod na araw, inilathala ng mga pahayagan sa buong bansa ang mga buong ulat tungkol sa Pulong ng Malaking Galit.17 Hindi nagtagal, ang Deseret News ay nag-ulat ng mga talumpati na ginawa sa iba pang mga pulong ng malaking galit sa mga pamayanan sa buong teritoryo. Dahil inilalarawan ng mga Panukalang Batas nina Cragin at Cullom ang maramihang pag-aasawa bilang isang uri ng pang-aalipin, maraming kababaihan na nagsalita sa mga pulong na ito ang nagbigay-diin sa karapatan nilang pakasalan ang taong napili nila.18
Samantala, sa mga pulong ng lehislatura ng teritoryo, isinaalang-alang nina Joseph F. Smith at iba pang mga miyembro ng Mababang Kapulungan ng Kongreso ng Utah ang usapin ng karapatan sa pagboto ng mga kababaihan sa teritoryo.19 Ang Estados Unidos ay nasa proseso ng pagkakaloob ng karapatang bumoto sa lahat ng lalaking mamamayan, kabilang na ang mga dating inaliping kalalakihan. Ngunit sa buong bansa, tanging ang teritoryo ng Wyoming lamang ang nagtulot sa mga kababaihan na bumoto, sa kabila ng lumalaking pambansang kilusan na nagsusulong na bigyan ng karapatang bumoto ang lahat ng mamamayan na nasa edad na dalawampu’t isa pataas.20
Ilang buwan na ang nakararaan, ilang mga mambabatas sa Estados Unidos ang nagmungkahi na bigyan ng karapatan na bumoto ang mga kababaihan ng Utah, tiyak na ang mga ito ay boboto na ipagbawal ang maramihang pag-aasawa. Gayunman, maraming mga Banal sa teritoryo, mga lalaki at babae, ang sumusuporta sa karapatang bumoto ng kababaihan, dahil nagtitiwala sila na palalakasin nito ang mga kakayahan ng mga Banal na gumawa ng mga batas na pangangalagaan ang kalayaan sa relihiyon sa kanilang sariling komunidad.21
Noong Enero 29, 1870, dumalo si Joseph ng isang pulong sa Paaralan ng mga Propeta ng Lunsod ng Salt Lake kung saan si Orson Pratt, ang kanyang kapwa apostol at isang nangungunang lider sa lehislatura ng teritoryo, ay isinatinig ang pagsuporta nito sa karapatang bumoto ng kababaihan. Buong pagkakaisang bumoto ang lehislatura ng Utah na ipasa ang panukalang batas makalipas ang ilang araw. Pagkatapos ay nagpadala si Joseph ng opisyal na kopya ng panukalang batas sa gumaganap na gobernador, na siyang pumirma nito upang isabatas.22
Habang ang isang bagong batas na nagbibigay ng karapatan sa mga babae na bumoto ay isang dahilan ng pagdiriwang, kakaunti lamang ang nagawa nito upang pagaanin ang mga pagkabahala ng mga Banal tungkol sa mga nirerepasong panukalang batas laban sa poligamya sa Washington, na maaaring ipasa ng Kongreso kahit na itaguyod o hindi ang mga ito ng mga botante sa Utah.23
Dumadagdag sa kanyang pag-aalala ang lumalaking oposisyon sa Simbahan mula sa loob ng teritoryo. Ang mga pinsan ni Joseph na sina Alexander at David ay lumisan ng Utah ilang buwan na ang nakararaan, na ang kanilang misyon ay hindi naging gaanong matagumpay kaysa sa kanilang inaasam.24 Ngunit kamakailan lamang ay inorganisa nina William Godbe at Elias Harrison ang kanilang mga tagasunod sa “Simbahan ng Sion” at idineklara ang kanilang mga sarili bilang mga nagtatag ng “Bagong Kilusan” na babaguhin ang Simbahan at ang priesthood.25 Nagpasimula rin sila ng isang pahayagan, ang Mormon Tribune, at nakiayon sa mga mangangalakal sa lunsod para itatag ang “Partido Liberal” upang labanan ang pulitikal na pangingibabaw ng mga Banal sa teritoryo.26
Sa gitna ng oposisyon na ito, sina Joseph at iba pang mga apostol ay patuloy na sumang-ayon sa pamumuno ni Brigham Young. “Kung ang Diyos ay may anumang paghahayag na ibibigay sa tao,” patotoo ni Wilford Woodruff sa Paaralan ng mga Propeta, “hindi niya ito ibibigay sa akin, ni kay Billy Godbe, ngunit ito ay darating sa pamamagitan ni Pangulong Young. Mangungusap Siya sa pamamagitan ng Kanyang tagapagsalita.”27
Ang ilang kalalakihan ay nagbitiw sa kanilang pagiging miyembro ng paaralan upang sumali sa Bagong Kilusan. Ang iba pa, kabilang na ang isang dating tapat na misyonero na si T. B. H. Stenhouse, ay nagsisimulang mag-alinlangan.28
Noong ika-23 ng Marso, ang Mababang Kapulungan ng Kongreso ng Estados Unidos ay ipinasa ang Panukalang Batas ni Cullom at ipinadala ito sa Senado para sa pagsang-ayon. Tatlong araw ang makalipas, matapos dumating sa Lunsod ng Salt Lake ang nakababahalang balita, ilang kalalakihan sa Paaralan ng mga Propeta ang natakot na nalalapit na ang tunggalian sa Estados Unidos.
Hinikayat sila ni George Q. Cannon na maging maingat. “Ang diwa ng pakikipaglaban ay tila madaling umuusbong kung tinatawag ito ng mga pangyayari,” sabi niya. “Ating panatilihing tahimik ang ating mga dila at huwag ipahamak ang ating sarili sa pamamagitan ng hindi mabuting pakikipag-usap.”
Naniwala si Daniel Wells, isang tagapayo sa Unang Panguluhan, na mainam na tahimik na maghanda para sa isang pakikipagtunggalian. Ngunit malakas siyang nagtaka kung ang mga Banal ay hindi dinala ang pagsalungat na ito sa kanilang mga sarili sa pamamagitan ng kabiguang ipamuhay ang mga alituntunin ng pagtutulungan. “Ilan man lamang ba sa paaralang ito ang sa ngayon ay nakikipagkalakalan at itinataguyod ang ating mga bukas na kaaway sa lunsod na ito, sa halip na itaguyod ang mga lingkod ng Diyos sa kanilang payo?” tanong niya. “Tayo ay magsisi at magpakabuti.”29
Inulit ni Joseph F. Smith ang mga salitang ito sa isang liham sa kanyang kapatid na babae na si Martha Ann. “Ako ay hindi magkakaroon ng problema sa aking isipan kung hindi dahil sa katotohanan na hindi ako naniniwala na namumuhay tayo bilang isang tao nang malapit sa Diyos tulad ng dapat nating ginagawa,” isinulat niya. “Maaaring ang Panginoon ay may sakunang inihanda para sa atin dahil dito.”30
Nang bumalik si Mary Isabella Horne sa Lunsod ng Salt Lake, hinikayat niya sina Eliza Snow at Margaret Smoot na tulungan siya sa kanyang bagong misyon ng pagtitipid. Inanyayahan niya ang halos isang dosenang pangulo ng Relief Society sa kanyang tahanan at hiniling kina Eliza at Margaret na tulungan si Sarah Kimball na sumulat ng mga gabay na alituntunin para sa Ladies’ Cooperative Retrenchment Society [Samahan ng mga Kababaihan na Nagtutulungan sa Pagtitipid]. Tulad ng pagkakaatas, sila ay lilikha ng isang samahan upang matulungan ang kababaihan sa Simbahan na gawing simple ang mga pagkain at kasuotan, na magtutulot sa mas maraming oras upang pagtuunan ang paglago sa espirituwal at intelektuwal.
Naniwala si Mary Isabella na ang pagtitipid ay dapat maglagay sa lahat ng mga kababaihan sa pantay na katayuan sa buong Simbahan. Atubili ang ilang kababaihan na makipagkaibigan sa kanilang mga mas mayayamang kapitbahay, nakadarama ng hiya na hindi sila naghahain ng magagarbong putahe at pagkain. Nais ni Mary Isabella na huwag mag-atubili ang mga babae na makihalubilo at matuto mula sa isa’t isa. Naniniwala siya na anumang mesa na hinainan nang maayos ng mabubuting pagkain ay kagalang-galang, kahit gaano man kapayak at kasimple ang hitsura nito.31
Habang lumalalim ang pagtitipid sa mga kababaihan ng Simbahan, ang labing-apat na taong gulang na anak ni Brigham Young na si Susie Young ay napansin na ang mga asawa ng kanyang ama ay nananamit nang mas simple at naghahanda ng mas payak na pagkain. Ngunit siya at ang kanyang mga kapatid na babae ay mahilig magsuot ng mga damit na napapalamutian ng mga magagarbong laso, butones, bow, at puntas na binili sa tindahan.32
Isang gabi noong Mayo 1870, pagkatapos ng panalangin ng pamilya, nakipag-usap ang kanyang ama sa ilan sa mga anak na babae nito sa Lion House tungkol sa pagsisimula ng retrenchment association o samahan para sa pagtitipid. “Nais kong pasimulan ninyo ang inyong sariling pauso,” sabi ni Brigham. “Iwaksi ang lahat ng bagay na masama at walang kabuluhan, at dagdagan ang lahat ng mabuti at maganda. Hindi upang maging malungkot, ngunit upang mabuhay sa paraang maaari kayong tunay na lumigaya sa buhay na ito at sa buhay na darating.”33
Noong mga sumunod na araw, itinuro ni Eliza sa mga kabataang babae ang mga alituntunin ng pagtitipid at hiniling sa kanila na alisin ang mga hindi kailangang palamuti mula sa kanilang mga damit. Ang resulta ay napakalayo sa maayos. Sa mga bahagi kung saan ang mga laso at tali ay dating naroroon, ay makikita na ngayon ang mga hindi kupas na tela. Kung nilalayon ng pagtitipid na ibahin ang kanilang hitsura mula sa buong mundo, ito ay nagtatagumpay.34
Gayunpaman, nauunawaan nina Susie at kanyang mga kapatid na ang pagtitipid, tulad ng pagtutulungan, ay dapat na magbigay sa mga Banal ng isang bagong paraan ng pamumuhay, inilalayo sila mula sa mga nakagagambalang uso at estilo ng pananamit kaya nagagawa nilang ipamuhay ang mga kautusan nang buo nilang puso.35
Ilang araw matapos makausap ang kanilang ama, ang ilan sa mga kapatid ni Susie ay nag-organisa ng First Young Ladies’ Department of the Ladies’ Cooperative Retrenchment Association [Departamento ng mga Kabataang Babae ng Samahan ng mga Kababaihan na Nagtutulungan sa Pagtitipid]. Malugod na sinasalubong ang mga batang babae na may asawa at mga batang babae na walang asawa, nagpasiya silang manamit nang disente, suportahan at palakasin ang isa’t isa sa mabubuting gawa, at maging mabuting halimbawa sa mundo. Si Ella Empey, isa sa mga may asawang kapatid ni Susie, ay pinili bilang pangulo, at ipinakilala si Susie kinabukasan bilang pangkalahatang taga-ulat para sa samahan.36
“Yayamang ang Simbahan ni Jesucristo ay inihalintulad sa isang bayan na nakatayo sa isang burol upang maging isang gabay na liwanag sa lahat ng bansa,” ipinasiya nila, “tungkulin nating magpakita ng halimbawa sa iba, sa halip na tularan sila.”37