Isang 10-TaongGulang na Titser
“Gagawin ko kayong kasangkapan sa aking mga kamay tungo sa kaligtasan ng maraming tao” (Alma 17:11).
Paluksu-luksong pumasok si Chance sa bahay ng kanyang tiya mula sa mahabang biyahe. Sabik na sila ng kanyang ina at nakakabatang kapatid na bisitahin ang tiya. “Hi, Tita Barbie!” Ang sigaw ni Chance at niyakap ang kanyang tiya. “May mga krayola at gunting po ba kayo?”
Ngumiti si Tita Barbie at pinaupo si Chance sa mesa sa kusina at inilagay roon ang mga materyal.
Habang naghahanda ng pagkain si Tita Barbie, sumusulyap-sulyap siya sa proyekto ni Chance. “Ano ang idinodrowing mo, Chance?” tanong niya.
“Kinukulayan ko po itong larawang nakuha ko sa Primary,” sabi ni Chance. Maingat niyang nilagyan ng matitingkad na kulay ang puti at itim na mga larawan. “Pagkatapos nating kumain, puwede po ba tayong mag-family home evening?” tanong ni Chance. “May lesson po akong gustong ituro.”
“Aba maganda iyan,” sabi ni Tita Barbie. “Salamat, Chance!”
Pagkatapos kumain, inimbita ni Tita Barbie ang kasambahay niya na sumali sa family home evening. Hindi miyembro ng Simbahan ang kasambahay niya, at interesado itong malaman ang tungkol sa pagtitipon ng pamilya.
Sinimulan ni Chance ang lesson sa tanong na, “Saan po tayo nanggaling?” Pagkatapos ipinakita niya ang kinulayan niyang larawan ng daigdig ng mga espiritu. Nagtanong pa siya nang nagtanong at ipinakita ang mga kinulayang drowing ng plano ng Ama sa Langit. Sa huli, itinanong ni Chance, “Alam po ba ninyo ang tawag sa planong ito?”
Sabi ng kasambahay ni Tita Barbie, “Hindi ko alam. Ano iyan?”
“Ito po ang plano ng kaligtasan,” sabi ni Chance, na nakangiti. “Dahil dito, maaari po nating makasama nang walang hanggan ang ating pamilya.”
Pagkatapos ng lesson, kinausap ni Tita Barbie si Chance sa isang tabi. “Chance, tinulungan mo ang kasama ko na malaman ang tungkol sa plano ng Ama sa Langit. Salamat,” sabi niya.
Hindi kaagad nakapagsalita si Chance. Pagkatapos ay itinanong niya, “Bakit nakakatuwa po ang pakiramdam ko? Masigla at masaya ang pakiramdam ko.”
“Iyan ang Espiritu Santo na nagpapatotoo sa iyo na ang itinuro mo ay totoo,” sabi ni Tita Barbie. “Sigurado akong napasaya mo nang husto ang Ama sa Langit.”
Nangiti nang husto si Chance. Masaya siya dahil naturuan niya ang isang tao tungkol sa plano ng kaligayahan ng Ama sa Langit.