Pagtanggap sa Imbitasyon
Isa sa mga hindi malilimutang aktibidad na sinalihan ko noong bata pa ako ay ang isang malaking sayawan. Natitiyak ko na hindi ako magtatangka kailanman na kusang sumali sa gayong aktibidad. Gayunman, dahil sa panghihikayat ng ilan, tinanggap ko ang imbitasyong sumali, kahit na sa una ay hindi naman ako tuwang-tuwa sa ideya.
Nagpraktis kaming mabuti, at mahabang proseso ang pag-aaral ng mga sayaw. Nagpapasalamat ako sa mga dedikadong tagapagturo, sa matiyagang kapareha ko sa sayaw, at sa aking inay, na tumahi sa kasuotan ko at humikayat sa akin na gawin ko ang lahat ng makakaya ko.
Ang sayawan ay idinaos sa isang football stadium. Hindi pa ako nakasali sa gayon kalaking pagdiriwang. Napasaya ng bawat grupo ang mga manonood nang itanghal namin ang itinurong mga sayaw suot ang makukulay na kasuotan. At talagang napuno ang football field ng mga mananayaw nang sama-sama kaming lahat na nagtanghal ng panghuling bilang. Naging napakagandang palabas din naman ito.
Nasiyahan ako sa sayawang iyon nang higit kaysa inakala ko. Dahil doon ay nagkaroon ako ng ibang pananaw tungkol sa Simbahan. Nakita ko ang napakaraming kabataan na nasisiyahan. Nagkaroon ako ng mga bagong kaibigan, ng mga bagong kaalaman o kasanayan, at maliit na bahagi ang ginampanan ko sa isang malaking pagtatanghal na nagbigay-kasiyahan sa libu-libong katao.
Dahil tinanggap ko ang imbitasyong sumayaw sa pagdiriwang na iyon—at ang iba pang mga imbitasyong dumating sa akin sa Simbahan—nabiyayaan ang buhay ko, at nagkaroon ako ng pagkakataong tulungan ang iba. Napakapalad ko na magkaroon ng maraming magagandang karanasan bilang miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw.