Mga Klasikong Ebanghelyo
Pagkakaisa
Ang isa sa pinakamahahalagang tema ng ebanghelyo ni Jesucristo ay pagkakaisa. Itinuturo ng mga banal na kasulatan na ang pagkakapantay-pantay at pagkakaisa ay dapat umiral sa mga miyembro ng Simbahan.
Maaalala ninyo noong gabi ng Huling Hapunan, nang pulungin ng Tagapagligtas ang Kanyang mga Apostol, Siya ay nanalangin na sila ay maging kaisa Niya, tulad Niya na kaisa ng Ama. Nanalangin Siya hindi lamang para sa kanila “kundi sila rin naman na mga [dapat] nagsisisampalataya sa [Kanya] sa pamamagitan ng kanilang salita;
“Upang silang lahat ay maging isa; na gaya mo, Ama, sa akin, at ako’y sa iyo, na sila nama’y suma atin: upang ang sanglibutan ay sumampalataya na ako’y sinugo mo” (Juan 17:20–21).
Sa tuwina ang layunin ay pagkakaisa, at pagkakapantay-pantay sa mga miyembro ng Simbahan ni Cristo. Bilang halimbawa, itutuon ko ang inyong pansin sa tala ni Enoc, kung paanong nakamtan niya at ng kanyang mga tao ang pagkakaisa habang nagdidigmaan ang mga nasa paligid nila.
“At doon sumapit ang isang sumpa sa lahat ng taong lumalaban sa Diyos;
“At magmula sa panahong yaon ay nagkaroon ng mga digmaan at pagdanak ng dugo sa kanila; subalit ang Panginoon ay dumating at nanirahang kasama ng kanyang mga tao, at sila ay namuhay sa kabutihan.
“At ang takot sa Panginoon ay napasalahat ng bayan, napakadakila ng kaluwalhatian ng Panginoon, na napasakanyang mga tao. At pinagpala ng Panginoon ang lupain. …
“At tinawag ng Panginoon ang kanyang mga tao na Sion.” Bakit? “Sapagkat sila ay may isang puso at isang isipan, at namuhay sa kabutihan; at walang maralita sa kanila” (Moises 7:15–18; idinagdag ang pagkakahilig ng mga salita).
Sa panahon ng Kanyang mortal na ministeryo, itinuro ni Jesus sa Kanyang mga disipulo ang gayunding doktrina. Matapos ang Kanyang Pag-akyat sa Langit, “nangapuspos silang lahat ng Espiritu Santo, at kanilang sinalita na may katapangan ang salita ng Dios.
“At ang karamihan ng mga nagsisampalataya ay nangagkakaisa ang puso at kaluluwa: at sinoma’y walang nagsabing kaniyang sarili ang anoman sa mga bagay na kaniyang inaari: kundi lahat nilang pagaari ay sa kalahatan” (Ang Mga Gawa 4:31–32).
Matapos magministeryo ang nabuhay na muling Tagapagligtas sa mga Nephita, sila “ay nagbalik-loob na lahat sa Panginoon, sa ibabaw ng buong lupain, kapwa ang mga Nephita at Lamanita, at hindi nagkaroon ng mga alitan at pagtatalu-talo sa kanila, at bawat tao ay makatarungan ang pakikitungo sa isa’t isa.
“At nagkaroon ng pagkakapantay-pantay sa lahat ng bagay sa kanila; kaya nga walang mayaman at mahirap, alipin at malaya, kundi silang lahat ay ginawang malaya, at magkasalo sa makalangit na handog” (4 Nephi 1:2–3; idinagdag ang pagkakahilig ng mga salita).
Ngayon tayo ang Simbahan ni Cristo, at umaasa ang Panginoon na hahantong tayo sa ganito ring pagkakaisa. Sinabi Niya sa atin: “Maging isa; at kung hindi kayo isa kayo ay hindi sa akin” (D at T 38:27).
Inaakala ng ilang miyembro na lubos na makakaayon ang isang tao sa diwa ng ebanghelyo, matatamasa ang lubos na pakikipagkapatiran sa Simbahan, at kasabay nito ay hindi sumusunod sa mga lider ng Simbahan at sa payo at tagubilin na kanilang ibinibigay. Ang gayong kalagayan ay tunay na hindi ayon sa mga alituntunin ng ebangheyo, dahil ang patnubay na natatanggap ng Simbahang ito ay hindi lamang mula sa nakasulat na salita kundi mula rin sa patuloy na paghahayag, at ibinibigay ng Panginoon ang paghahayag na iyan sa Simbahan sa pamamagitan ng Kanyang piniling propeta. Samakatwid, maliwanag na ang mga nagsasabing tinanggap nila ang ebanghelyo at kasabay nito ay tinutuligsa at hindi sinusunod ang payo ng propeta ay nasa kalagayang hindi mabibigyang-katwiran. Ang gayong diwa ay humahantong sa apostasiya. Hindi na ito bago. Laganap na ito noong kapanahunan ni Jesus at ni Propetang Joseph Smith.
Mabuting maalala ang magandang aral na itinuro ng Tagapagligtas sa mga Nephita tungkol sa paksang ito nang magsimula Siyang magministeryo sa kanila. Sabi Niya:
“Hindi dapat magkaroon ng mga pagtatalu-talo sa inyo, na kagaya noon; ni huwag kayong magkakaroon ng mga pagtatalo sa inyo hinggil sa mga paksa ng aking doktrina, na kagaya noon.
“Sapagkat katotohanan, katotohanang sinasabi ko sa inyo, siya na may diwa ng pagtatalo ay hindi sa akin, kundi sa diyablo, na siyang ama ng pagtatalo, at kanyang inuudyukan ang mga puso ng tao na makipagtalo nang may galit sa isa’t isa” (3 Nephi 11:28–29).
Iisa lang ang paraan para magkaisa tayo, at ang paraang iyan ay hanapin ang Panginoon at ang Kanyang kabutihan (tingnan sa 3 Nephi 13:33). Nagkakaroon ng pagkakaisa kapag sinusunod ang liwanag na mula sa itaas. Hindi ito nagmumula sa mga kalituhan sa lupa. Bagama’t umaasa ang mga tao sa sarili nilang karunungan at lumalakad sa sarili nilang pamamaraan, kung walang patnubay ng Panginoon hindi sila makapamumuhay nang may pagkakaisa. Ni hindi sila magkakaisa sa pagsunod sa mga taong hindi binigyang-inspirasyon.
Ang daan tungo sa pagkakaisa ay ang matutuhan natin ang kalooban ng Panginoon at pagkatapos ay gawin ito. Hangga’t hindi nauunawaan at sinusunod ang mahalagang alituntuning ito, hindi magkakaroon ng pagkakaisa at kapayapaan sa mundo. Ang kapangyarihan ng Simbahan para sa kabutihan ng mundo ay nakasalalay sa kung hanggang saan natin nasusunod na mga miyembro ang alituntuning ito.
Ang pangunahing dahilan ng kaguluhan sa mundo ngayon ay dahil sa hindi inaalam ng mga tao ang kalooban ng Panginoon at hindi ginagawa ito. Sa halip ay hinahangad nilang lutasin ang kanilang mga problema sa sarili nilang karunungan at paraan. Ang Panginoon, sa unang bahagi ng Doktrina at mga Tipan, na Kanyang inihayag bilang paunang salita sa aklat ng Kanyang mga utos, ay itinuro ito at binigyang-diin bilang isa sa mga dahilan ng mga kalamidad na nakita Niyang paparating sa mga naninirahan sa lupa. Pakinggan ang umaalingawngaw na pahayag na ito:
“Sila ay lumihis mula sa aking mga ordenansa, at sumira sa aking walang hanggang tipan;
“Hindi nila hinanap ang Panginoon upang itatag ang kanyang kabutihan, kundi ang bawat tao ay lumalakad sa sarili niyang paraan” (D at T 1:15–16).
Mga kapatid, huwag umasa sa payo ng mga tao ni magtiwala sa bisig ng laman (tingnan sa D at T 1:19), sa halip ay hanapin ang Panginoon upang itatag ang Kanyang kabutihan (tingnan sa D at T 1:16 ).
Tayong mga miyembro ng Simbahang ito ay maaaring magkaisa na siyang magbibigay sa atin ng lakas na higit pa sa tinatamasa natin ngayon kung mas malinaw nating mauunawaan ang mga alituntunin ng ebanghelyo at magkakaisa sa ating mga pakahulugan sa kasalukuyang kalagayan at kalakaran ng mundo. Magagawa natin ito sa mapanalanging pag-aaral ng mga salita ng Panginoon, kabilang ang mga ibinigay sa atin sa pamamagitan ng buhay na propeta.
Ito ang paraan para magkaisa. Kung pag-aaralan natin ang salita ng Panginoon tulad ng nakasaad sa pamantayang mga banal na kasulatan at sa pamamagitan ng mga tagubilin ng buhay na propeta at hindi patitigasin ang ating mga puso, kundi magpapakumbaba ng ating sarili at magkaroon ng tunay na hangarin na maunawaan ang pagsasagawa nito sa ating kakaibang mga kalagayan, at pagkatapos ay hihiling sa Panginoon nang may pananampalataya, naniniwalang makatatanggap tayo (tingnan sa D at T 18:18), palaging masigasig sa pagsunod sa mga utos ng Panginoon, tiyak na ipaaalam sa atin ang landas na tatahakin natin, at mahaharap natin ang mundo bilang solidong grupo.
Talagang kailangan natin ang pagkakaisa at lakas na ito sa panahong ito ng ating buhay. Malaki ang ating pagkakataon, ang pagkakataong pumaitaas, na kamtin ang diwa ng ebanghelyo na hindi pa natin kailanman natamasa. Magagawa natin ito sa pamamagitan ng pagkakaroon natin ng gayong pagkakaisa na hinihingi ng mga batas ng kahariang selestiyal. …
Naniniwala ako na, yamang tayo ay nasa gawain ng Panginoon, magagawa natin ang lahat ng bagay na ipinagagawa Niya sa atin kung tayo ay magkakaisa.