Lisanin Mo ang Party!
Sonrisa Oles Hasselbach, California, USA
Ilang taon na ang nakararaan, nagkaroon ako ng pagkakataong katawanin ang estado ng Utah sa pambansang kombensiyon sa Ohio na dinaluhan ng mga swimmer o manlalangoy sa hayskul.
Kabilang doon ang mga party o kasayahan para sa mga atleta. Nang pumunta ako sa party sa unang gabi, akala ko katulad ito ng masasayang party doon sa amin—pag-inom ng root beer at paglalaro. Ngunit pagpasok ko pa lamang sa silid, nalantad na sa akin ang katotohanan.
Kaagad, naunawaan ko ang binabanggit ng mga artikulo sa mga magasin ng Simbahan nang sabihin nitong, “Makikilala ka kapag ikaw lang ang nag-iisang miyembro ng Simbahan.” Kahit paano alam na ng mga kapwa ko atleta na ako ay isang Banal sa mga Huling Araw. Lalong natahimik ang silid, at tila nakatingin sa akin ang lahat nang kumuha ako ng pagkain sa mangkok.
“Oy,” sabi ng isa, “Mormon ka, di ba?”
Nagmamalaki akong ngumiti at sinabi, “Oo, at masaya ako na Mormon ako.”
Nagpatuloy ang party, ngunit dama kong maraming nakatingin sa akin, nakamasid sa bawat kilos ko. Di nagtagal, nagsimulang maging mahalay ang party. Hindi ko tiyak kung hanggang saan ang magiging kahalayan nito, ngunit ayaw kong maging bahagi nito. Kung hindi ako aalis, natatakot akong baka mali ang maibigay kong impresyon sa mga tao tungkol sa aking mga pamantayan. Bukod dito, nagpahiwatig ang Espiritu na umalis na ako. Nang kunin ko ang aking swim bag at papunta na sa pinto, sumigaw ang isa sa mga lalaki, “Oy, natatakot ka ba sa amin?”
Ngumiti lang ako at sinabing, “Magkita-kita na lang tayo bukas.” Pagkatapos ay umalis na ako, masaya ang pakiramdam na nakilala ako habang naninindigan sa mga pamantayan ng Panginoon.
Kinabukasan sa miting ng mga delegado, isa sa mga delegado ang tumayo at mariing sinabi, “May nangyari kagabi na hindi ko na gustong maulit pa. Narito kayo para kumatawan sa inyong estado, kaya gawin ninyo itong mabuti at kumilos nang wasto!”
Pagkatapos sinabi pa niya, “Ilan sa inyo ang umalis at hindi nakibahagi sa nangyari. Salamat sa inyo.”
Sa buong linggong iyon, nakatanggap ako nang dagdag na respeto at mas kinagiliwan kaysa noon. Maraming coach mula sa Estados Unidos ang humikayat sa akin na tumakbo para sa posisyong kumakatawan sa mga atleta para sa mga estado sa kanluran dahil sa maayos kong pagkatawan sa Utah.
Hindi ko nalaman kung ano ang nangyari sa party, ngunit nagpapasalamat ako na nagpahiwatig ang Espiritu sa akin na umalis na ako.