2010
Pagtuturo sa Ating mga Anak mula sa mga Banal na Kasulatan
Agosto 2010


Ating mga Tahanan, Ating mga Pamilya

Pagtuturo sa Ating mga Anak mula sa mga Banal na Kasulatan

Kahanga-hanga ang kakayahan ng mga bata na maunawaan ang mga alituntunin ng ebanghelyo.

Cheryl C. Lant

Kailan lang ay may nakilala akong isang grupo ng mga tao mula sa ibang relihiyon na hangang-hanga sa kahandaan ng mga miyembro ng Simbahan na ibahagi ang ating panahon at mga talento sa pagtulong sa kapwa. Gusto nilang malaman kung paano natin tinuturuan ang ating mga anak na maging ganito.

Ipinaliwanag ko na ang pamilya ang sentro sa plano ng ating Ama sa Langit at pangunahing responsibilidad ng mga magulang na turuan at sanayin ang kanilang mga anak. Ang mga lider at mga guro ay sumusuporta lamang sa mga pagsisikap ng mga magulang.

Ang mithiin sa lahat ng ating pagtuturo, sabi ko sa kanila, ay gawin ang sinabi ni Propetang Joseph Smith na ginawa niya nang tanungin siya kung paano niya pinamumunuan ang Simbahan: “Tinuturuan ko sila ng mga wastong alituntunin, at pinamamahalaan nila ang kanilang sarili.”1

“Ano naman ang mga alituntuning iyon?” tanong ng grupo. “Saan ninyo makikita ang mga ito?”

“Sa mga salita ni Cristo,” ang sagot ko.

Pagpapakabusog sa mga Salita ni Cristo

Hinikayat tayo ni Nephi na “magpakabusog kayo sa mga salita ni Cristo; sapagkat masdan, ang mga salita ni Cristo ang magsasabi sa inyo ng lahat ng bagay na dapat ninyong gawin” (2 Nephi 32:3).

Ang salita ng Diyos ay matatagpuan sa mga banal na kasulatan. Kung gusto nating espirituwal na mapalakas ang ating mga anak, tuturuan natin sila mula sa mga banal na kasulatan at tutulungan silang matutong magpakabusog mismo sa mga sagradong pahinang iyon.

Kahanga-hanga ang kakayahan ng mga bata na maunawaan ang mga alituntunin ng ebanghelyo. Ang mga nagbabasa ng mga banal na kasulatan sa kanilang pagkabata ay karaniwang gumagawa ng pangakong sundin ang mga alituntuning itinuro sa kanila. Kaya nga kailangang may sariling kopya ng mga banal na kasulatan ang mga bata. Kailangan nilang direktang matutuhan mula sa mga banal na kasulatan kung ano ang nais ng kanilang Ama sa Langit na malaman at gawin nila.

Pagtuturo sa mga Bata mula sa mga Banal na Kasulatan

May ilang maiinam na paraan ng pagtuturo sa mga bata mula sa mga banal na kasulatan. Nalaman kong epektibo ang huwarang ito pagkatapos basahin ang isang banal na kasulatan:

  1. Malinaw na tukuyin ang doktrina.

  2. Tulungan ang mga bata na maunawaan ang doktrina.

  3. Tulungan silang ipamuhay ang doktrina.

  4. Hikayatin silang manalangin na pagtibayin ng Espiritu na totoo ang kanilang natututuhan.

Gamitin natin ang Moroni 10:4 bilang halimbawa. Halimbawang nagbibigay ang isang ina ng lesson sa family home evening. Nagsimula siya sa pagpapabuklat sa mga miyembro ng pamilya ng kanilang mga kopya ng Aklat ni Mormon at pagpapabasa sa talata: “At kapag inyong matanggap ang mga bagay na ito, ipinapayo ko sa inyo na itanong ninyo sa Diyos, ang Amang Walang Hanggan, sa pangalan ni Cristo, kung ang mga bagay na ito ay hindi totoo; at kung kayo ay magtatanong nang may matapat na puso, na may tunay na layunin, na may pananampalataya kay Cristo, kanyang ipaaalam ang katotohanan nito sa inyo, sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo.”

Pagkatapos ay isinagawa niya sa pamilya ang apat na hakbang na nakasaad sa itaas.

Tukuyin ang Doktrina. Tanong niya: “Ano ang ipinagagawa sa atin ng Ama sa Langit sa talatang ito? At ano ang ipinangako Niyang pagpapala kung gagawin natin ang ipinagagawa Niya?” Tatalakayin ng pamilya ang mga tanong at malalaman na nais ng Ama sa Langit na basahin natin ang mga banal na kasulatan at pagkatapos ay manalangin nang may pananampalataya, nang may tapat na hangaring malaman ang katotohanan ng binasa natin. Nangangako ang Ama sa Langit na sasagutin ang ating panalangin sa pamamagitan ng pagbibigay sa atin ng katibayan ng katotohanan sa pamamagitan ng Espiritu Santo.

Unawain ang Doktrina. Susunod ay ibabahagi ng ina ang kuwento ni Joseph Smith, na sa pagbabasa ng Biblia nalaman niyang maaari siyang “humingi sa Dios” (Santiago 1:5), ipinagdasal kung aling simbahan ang sasalihan. Nanampalataya siya na sasagutin ang kanyang panalangin. Habang nagdarasal siya, nagpakita sa kanya ang Ama at ang Anak. Ipapaalala ng ina sa pamilya na, siyempre, ang Ama sa Langit at si Jesucristo ay hindi nagpapakita sa lahat ng nagdarasal, ngunit sasagutin ng Ama sa Langit ang taimtim na mga panalangin sa paraang itinuturing Niyang pinakamainam.

Ipamuhay ang Doktrina. Magtatanong ang isang anak, “Ibig sabihin po ba nito sasagutin ng Ama sa Langit ang mga dasal ko?” Sasagot ang ina ng, “Oo. Nakasaad sa Moroni 10:4 na sa pamamagitan ng pag-aaral at panalangin ay malalaman natin ang katotohanan ng lahat ng bagay.” At magpapasiya ang pamilya kung paano susubukan ang pangako ni Moroni.

Humingi ng Katibayan. Ibibigay ng ina ang kanyang patotoo at sasabihin kung paano niya nalaman na totoo ang banal na kasulatang ito. Tatapusin niya ang lesson sa pagtiyak sa pamilya na kapag ginawa nila ang sinabi ni Moroni—pag-aralan ang isang alituntunin ng ebanghelyo na may layuning malaman kung totoo ito—magkakaroon sila ng kalugud-lugod na katiyakan ng katotohanan sa pamamagitan ng pagpapatotoo ng Espiritu.

Ang mga Bata ay Tuturuan ng Panginoon

Habang tinuturuan natin ang ating mga anak na mahalin ang mga banal na kasulatan at matuto mula sa mga ito, ilalagay natin sa kanilang mga puso at kamay ang isang kagila-gilalas na pinagmumulan ng lakas at patnubay habang sila ay nabubuhay. Makikita natin ang katuparan ng pangakong ibinigay sa 3 Nephi 22:13: “At lahat ng iyong mga anak ay tuturuan ng Panginoon; at malaki ang magiging kapayapaan ng iyong mga anak.”

Tala

  1. Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith (2007), 329.

Retrato ni Sister Lant © Busath.com; paglalarawan ni John Luke; mula kaliwa: Dumating si Lehi at ang Kanyang mga Tao sa Lupang Pangako, ni Arnold Friberg, © 1951 IRI; Si Noe at ang Arka na may mga Hayop, ni Clark Kelley Price, sa kagandahang-loob ng Church History Museum; Naghanap si Joseph Smith ng Karunungan mula sa Biblia, ni Dale Kilbourn, © 1975 IRI; Ang Mabuting Samaritano, ni Walter Rane, sa kagandahang-loob ng Church History Museum; At Nagutom ang Aking Kaluluwa—Enos, ni Al R. Young; Nagpakita si Elijah sa Kirtland Temple, ni Daniel Lewis

Mula kaliwa sa itaas: Pinagsabihan ni Nephi ang Kanyang Rebeldeng mga Kapatid, ni Arnold Friberg, © 1951 IRI; Nagbinyag si Alma sa mga Tubig ng Mormon, ni Arnold Friberg, © 1951 IRI; Ang Pagbabalik-loob ni Alma, ni Gary Kapp, © 1996 IRI; Dalawang Libong Kabataang Mandirigma, ni Arnold Friberg, © 1951 IRI; Ibinaon ni Moroni ang mga Lamina, ni Tom Lovell, © IRI; Si Rebecca sa Tabi ng Balon, ni Michael Deas, © 1995 IRI; paglalarawan ni Phyllis Luch, © 1987 IRI