Hanggang sa Muli Nating Pagkikita
Ibuhol ang Lubid at Kumapit
Lumaki ako sa maliit na bayan sa Canada. Noong ako ay 13 taong gulang na, nawalan ng trabaho ang tatay ko at nalipat ang aking pamilya sa Edmonton para mabuhay. Ilang buwan matapos kaming makalipat sa lungsod, nagkaroon ng matinding pag-aaway ang nanay at tatay ko, na humantong sa pagkaka-ospital ng nanay ko sa loob ng anim na buwan. Makalipas ang ilang panahon, pinayagan niyang bumalik sa aming bahay ang tatay ko. Nanlumo ako dahil dito, at bumaling ako sa alak at droga para takasan ang galit na nasa puso ko.
Tamang-tama sa panahong ito, natagpuan ako ng mga misyonero. Nang makilala ko ang mga pamilya sa ward, humanga ako sa respeto ng mga mag-asawa sa isa’t isa at sa pagmamahal na ipinakita ng mga magulang sa kanilang mga anak. Sa edad na 16 nabinyagan ako.
Sa unang taon ng pagiging miyembro ko, natuklasan kong nahihirapan akong makibagay sa bago kong buhay. Iniwan ko ang mga dating kaibigan ko at uri ng pamumuhay na naging kanlungan ko sa pagtakas ko sa karahasan sa aking tahanan. Sa kasamaang-palad, tila hindi maibigay ng ward ko ang kapanatagang dulot ng mga bagong pakikipagkaibigan para mapunan ang kahungkagan sa buhay ko. Hindi ko damang tanggap ako at handa nang bumalik sa dati kong buhay nang hamunin ako ng isang misyonero na manatiling tapat sa aking mga tipan sa binyag. Atubili akong nangakong muli, ngunit dama kong tila nakahawak ako sa lubid na humuhulagpos sa aking mga daliri.
Di nagtagal tinawag akong maging president sa klase ng Laurel. Dama ko ang labis kong kakulangan; may ilang mga Laurel sa ward na higit na karapat-dapat. Nang ibalita ang bagong tungkulin ko, ipinakita ng isa sa mga babae sa ward na hindi siya natutuwa. “Bakit ikaw ang tinawag nila?” sabi niya. “Hindi ka naman gaanong nagsisimba. Ano ang alam mo?”
Tama siya; wala akong alam. Natiyak kong dahil sa aking tungkulin maraming Laurel ang magiging hindi aktibo—kabilang na ako. Parang napakahirap tiisin ang buong sitwasyon. Kung mayroon mang nasa dulo ng lubid, ako iyon.
Nang makausap ko ang aking class adviser na si Marlene Evans, sinabi ko sa kanya na may isang taong nakagawa ng malaking pagkakamali. Gayunpaman, tiniyak niya sa akin na may dahilan kung bakit ako tinawag. Walang kapaguran niya akong tinulungan, at regular akong nagpunta sa kanyang bahay para matutuhan ang aking mga responsibilidad. Dahil sa kanyang paghikayat, sa wakas ay nakapag-conduct ako ng miting nang hindi nanginginig ang aking mga tuhod.
Minsan binigyan ako ni Sister Evans ng isang kard na nagsasabing, “Kapag nasa dulo ka na ng iyong lubid, ibuhol ang lubid at kumapit.” Sinabi niya na ang lubid ay kumakatawan sa buhay, at kapag hindi kumilos nang tama, hinahayaan nating humulagpos ang buhay sa ating mga daliri. Ang buhol ay kumakatawan sa pasiyang humawak nang mahigpit sa ebanghelyo at sa katiyakang dulot nito.
Naalala ko ang aral na iyan nang sumunod na mga buwan. Nag-aaral ako sa hayskul nang full-time bukod pa sa pagkuha ng mga correspondence course. Nagtatrabaho ako sa gabi at tuwing Sabado. Ako ang nagbayad sa sarili kong matrikula, mga bayarin, aklat, damit, at renta at pagkain. Maraming beses na dama kong nasa dulo na ako ng aking lubid. Napakagaling ko ba, at nagagawa ang lahat ng ito nang mag-isa? Hindi, ngunit ibinuhol ko ang lubid at kumapit.
Ngayon, tapos na ako sa kolehiyo at nagtatrabaho bilang social worker. Ikinasal ako sa templo at may apat na anak. Nakapasok na sila sa templo at nakapagmisyon. At naglingkod ako at naging pinuno sa organisasyon ng Young Women. Sa tuwing maglilingkod ako, ginagamit ko ang bawat pagkakataon na maibahagi ang mensahe ni Sister Evans sa mga kabataan. Ang kanyang pangangalaga at mensahe ay nagpabago sa aking buhay.
Hindi ko sana natatamasa ang maraming pagpapala ngayon kung hindi ko natutuhang ibuhol ang lubid at humawak nang mahigpit.