2010
Pangulong Marion G. Romney (1897–1988)
Agosto 2010


Paggunita sa mga Dakilang Tao

Pangulong Marion G. Romney (1897–1988)

Si Marion G. Romney ay isinilang sa isang komunidad ng mga Banal sa mga Huling Araw sa Colonia Juárez sa Mexico at nanirahan doon hanggang sa siya ay mga 15 taong-gulang. Isang rebolusyon sa pulitika na nagsimula noong 1910 ang nagtulak sa mga Romney at sa iba pa na iwan ang lahat at tumakas papuntang Estados Unidos. “Hirap kaming makahanap ng pagkakakitaan,” paggunita ni Pangulong Romney. “Kailangan naming magsariling-sikap kung ayaw naming mamatay sa gutom.”1

Noong mga taong iyon ng kahirapan, habang naninirahan sa Oakley, Idaho, pinagsama-sama ng ama ni Marion at ng kanyang tiyo ang kabuhayan ng kanilang mga pamilya. May buwan na 80 dolyar lang ang pera nila na pambayad para sa mga pangangailangan ng 17 katao sa dalawang pamilya. Mauunawaan ba ng Panginoon kung hindi sila magbayad ng ikapu ngayon? Sinagot nila ang tanong sa pamamagitan ng pagpapapunta sa batang si Marion sa bishop isang araw ng taglamig para ibigay ang ikapu. Pagkatapos niyon, sabi niya, hindi na kailanman ganoon kahirap muli ang magbayad ng ikapu.

Naranasan ni Marion G. Romney ang kahirapan at mahirap na trabaho. Nagtapos siya ng hayskul noong 1918, nag-aral sa Ricks College sa loob ng dalawang taon, at pagkatapos ay nagmisyon sa Australia. Pagkatapos ng kanyang misyon pinakasalan niya si Ida Jensen sa Salt Lake Temple noong 1924. Habang nagtatrabaho, nag-aral siya sa Brigham Young University at kalaunan ay nakapasa sa bar exam noong 1929 upang maging abogado.

Bilang bishop sa Salt Lake City noong katindihan ng Great Depression, naging lubhang abala siya sa pagbuo ng sistemang pangkapakanan ng Simbahan. Kalaunan, bilang Assistant sa Korum ng Labindalawang Apostol at pagkatapos bilang Apostol, patuloy siyang tumulong sa pagpapahusay at pangangasiwa sa programang iyon.

Mula 1972 hanggang 1985 naglingkod siya sa Unang Panguluhan bilang tagapayo kay Pangulong Harold B. Lee at pagkatapos kay Pangulong Spencer W. Kimball. Si Pangulong Romney ay Pangulo noon ng Korum ng Labindalawang Apostol nang pumanaw siya sa edad na 90.

Tala

  1. Marion G. Romney, mensaheng ibinigay sa Salt Lake Institute of Religion, Okt. 18, 1974.