2010
Seminary o Laro?
Agosto 2010


Seminary o Laro?

Hindi ko na madamang balanse ang buhay ko. Hindi ko na mapagsabay ang simbahan, pag-aaral, at laro.

Nang tumuntong ako ng hayskul, sumali ako sa athletic team ng paaralan namin. Hilig ko ang pagtakbo—tumatakbo na ako mula noong siyam na taong gulang pa lang ako—at pinagbutihan ko ito. Dumadalo ako sa mga training sa gabi mga tatlong beses sa isang linggo. Nagkaroon pa ako ng mga pagkakataong katawanin ang aking lungsod sa pambansang palaro sa Costa Rica.

Madalas, gabing-gabi na ang mga praktis. Kaya talagang mahirap ang bumangon nang maaga para sa seminary, na nagsimula nang alas-5:00 n.u., ngunit patuloy kong ginawa ang sakripisyong iyan.

Gayunpaman sa kalagitnaan ng hayskul, noong ako ay 16 na taong gulang na, natanto ko na hindi dibdiban ang pagdalo ko sa seminary. Nagpupunta ako, pero hindi ako gaanong nakapagpahinga, handa, o atentibo tulad ng nararapat. Alam ko rin na ang pagod na dulot ng pagtulog nang gabing-gabi at paggising nang maagang-maaga ay nakakaapekto sa mga ginagawa ko, na hindi mabuti para sa team ko.

Bagama’t palagi kong sinisikap na makisali sa maraming aktibidad at napagsasabay naman ang gawain sa simbahan, pag-aaral, at paglalaro hanggang sa puntong iyon, hindi ko na madamang balanse ang buhay ko. Nagsimula akong mag-isip kung kailangan ko bang bitiwan ang isa. Ang pagtakbo ay isang aktibidad na maganda at mabuti sa kalusugan at mahusay ako rito. Pagkakataon ko ito para magamit ang aking mga talento at masimulan ang pagdidisiplina. At sa paaralan ko, sikat ka kapag atleta ka. May mabubuti akong kaibigan sa aking team o koponan, at kung iiwan ko iyon, hahanap-hanapin ko ang pagsasamahan namin.

Sa kabilang banda, hangad kong makatapos sa seminary, at alam ko na kung mananatili ako sa team o koponan, hindi ko ito magagawa.

Habang tinitimbang ko ang aking desisyon, pinag-isipan ko kung ano ang magbibigay ng higit na kapakinabangan sa lahat ng aspeto ng aking buhay, kapwa sa panahon ko sa hayskul at sa buong buhay ko. Pinag-isipan ko ang pangmatagalan kong mga mithiin. Natanto ko na ang saloobin ko tungkol sa seminary ay may epekto talaga sa buong buhay ko—hanggang sa kawalang-hanggan. Nalaman ko ang kailangan kong gawin.

Sa pagtatapos ng aking pangalawang taon sa hayskul, sinabi ko sa aking coach at mga kasamahan na hindi na ako sasali pa sa team. Nagulat sila. Walang nakaunawa kung bakit isasakripisyo ko ang hilig ko sa pagtakbo—isang bagay na matagal ko nang ginagawa, halos kalahati ng buhay ko—“para makapunta sa simbahan nang alas-5:00 n.u.” Ipinaliwanag ko sa kanila na ito ay responsibilidad at priyoridad ko at sa pagpili sa mga tamang bagay na ito, magiging mas maligaya ako. Mabuti na lang, kahit hindi nila naunawaan ang aking desisyon, iginalang ito ng marami sa aking grupo.

Nang sumunod na dalawang taon sa hayskul, nagkaroon ako ng maraming oras na magbasa ng mga banal na kasulatan at mapag-isipang mabuti ang mga ito. Dahil hindi ako palaging nagmamadali, mas madalas akong nakatatanggap ng inspirasyon. Ang mga bagay na iyon ay nagbigay ng balanse sa buhay ko, nagbigay ng kapayapaan, at kaligayahan na hindi ko naranasan noon.

Sa pagtatapos ng hayskul, nagtapos ako sa seminary. Malaking bagay sa akin ang tagumpay na iyan. Minahal ko ang mga banal na kasulatan at ang nilalaman nitong mga kuwento at aral, natutuhan ko ang disiplina sa paggising nang maaga, at nabiyayaan ako ng mabubuting kaibigan na napatibay dahil sa magkakasama kami tuwing umaga sa bawat araw. Ngunit ang pinakamahalaga, nalaman ko sa pamamagitan ng seminary na dapat kong tiyakin na palagi kong inuuna ang Panginoon.

Ang huwarang iyan ay patuloy na nakatulong sa aking buhay ngayong nag-aaral na ako sa unibersidad. Mas mahihirap ang mga klase ko kaysa noon sa hayskul. Mas marami akong responsibilidad sa simbahan. Ngunit dahil sa nakaugalian ko nang unahin ang Panginoon, mas madaling patuloy na magtakda ng tamang mga priyoridad, at umaasa akong maipagpapatuloy ko ang huwarang iyan habambuhay.

Paglalarawan ni Scott Greer