Magkakaiba Ngunit Nagkakaisa
Ang pagsasama nang walang hanggan ay nagsisimula sa pagkakaisa ngayon.
Hindi nagkaroon ng pagkakataon si Diana Vasquez na magpaalam sa kanyang ama. Hindi niya alam na kailangan niyang magpaalam. Nang pumasok siya at ang dalawa niyang kapatid na lalaki sa paaralan noong Hunyo 9, 2007, parang ayos naman ang kalagayan ng ama. Pero bago siya nakauwi, nahiga ang kanyang ama para magpahinga at hindi na nagising.
“Hindi namin talaga sukat-akalain” sabi ni Diana, na 16 anyos nang panahong iyon. “Noong una hindi ko matanggap ito.”
Kahit ang mga taong nakaaalam na dapat magkasama-sama magpakailanman ang mga pamilya ay binabale-wala minsan ang kanilang pamilya. Siyempre, kung minsan ay nagkakainisan ang magkakapatid, nagkakaiba ng pananaw ang mga magulang at mga anak, at tila mas masaya pa kadalasan kapag kasama ang mga kaibigan.
Ngunit kapag dumating ang trahedya nang walang babala, tulad ng nangyari sa pamilya ni Diana, biglang ang mga bagay na talagang mahalaga—tulad ng pamilya—ay nagiging mas mahalaga.
Buti na lamang sa pamilya ni Diana, ang pagkakaisa rito at sa kabilang-buhay ay isang bagay na pinagsisikapan na nila. Ang pagsisikap na magkaisa kapag may panahong masisira na ang pagsasamahan ng pamilya dahil sa problema ay nagdulot ng kapayapaan at kaligayahan sa buhay na ito at pag-asa na maaari silang magkasama-sama sa kabilang buhay.
Ano ang Pagkakaisa?
Si Diana at ang kanyang pamilya ay nakatira sa Cusco, isang lungsod sa itaas ng Peruvian Andes, na nasa gitna ng sinaunang imperyo ng mga Inca.
Ilang taon bago namatay ang kanyang ama, naging paboritong lugar na piknikan ng pamilya ni Diana ang Sacsayhuamán, na mga labi ng isang moog ng mga Inca na di kalayuan sa kanilang tahanan. Ang mga pader na itinayo ng mga Inca ay napakatibay kaya’t nakatayo pa rin ang mga ito sa loob ng mahigit 500 taon at sa kabila ng napakaraming lindol na nangyari.
Para kay Diana, ang kanyang pamilya ay tulad ng isa sa mga pader na iyon. Nayanig sila ng mga hamon, ngunit hindi sila gumuho.
Ang mga batong bumubuo sa mga pader ng Sacsayhuamán ay magkakaiba ng hugis at sukat; ang ilan ay mahahaba, maiikli naman ang ilan, ang iba ay parisukat, ang iba naman ay talagang napakalalaki. Ngunit ang bawat bato bagama’t naiiba ay hindi nagpahina sa pader. Kapag nailagay sa tamang lugar, ang magkakaibang sukat ay tutulong upang mapanatiling buo ang istruktura. Ang pagkakaiba ng mga bato ay tunay na tumutulong na maisakatuparan ang iisang layunin nito.
Ganyan din ang ating mga pagkakaiba.
“Tayong lahat ay may magkakaibang kaloob at talento,” sabi ni Diana. “Dapat nating gamitin ang mga ito upang tulungan ang iba” (tingnan sa I Mga Taga Corinto 12).
Nang mamatay ang ama ni Diana, ginawa niya at ng kanyang ina at dalawang kapatid na lalaki ang magkakaibang tungkulin na angkop sa kanilang mga talento at kakayahan, ngunit bawat isa ay gumawa nang may iisang layunin: ang pangalagaan ang isa’t isa. Sa paggawa nito, ang “kanilang mga puso ay magkakasama sa pagkakaisa at sa pag-ibig sa isa’t isa” (Mosias 18:21).
Ipinaliwanag ni Pangulong Henry B. Eyring, Unang Tagapayo sa Unang Panguluhan, na: “Nais ng ating Ama sa Langit na magkaisa ang ating mga puso. Ang pagkakaisang iyon sa pag-ibig ay hindi lamang ideyal. Ito ay kailangan.”1
Paano Tayo Magkakaisa?
Sa kanilang pinakamainam na gawa, ang mga Inca ay hindi gumamit ng mortar. Inilapat nila ang mga bato nang buong ingat kaya’t walang siwang para maisuksok ang papel sa pagitan ng mga ito. Ang pambihirang pagkalapat na ito ay nagawa dahil ang mahuhusay na manggagawang ito ay nakakita ng paglalagyan para sa bawat bato at kung paano ito kokortehan upang lumapat sa buong plano.
Kapag hinayaan nating hubugin tayo ng Punong Tagagawa, magkakaisa tayo at magiging kaisa Niya.2 Sinabi ni Pangulong Eyring na nangyayari ang pagkakaisang ito kapag sumusunod tayo sa mga ordenansa at tipan ng ebanghelyo.3
Ang pagtanggap sa mga ordenansa ng ebanghelyo at pagtupad sa mga tipan ay may malaking impluwensya sa pamilya ni Diana. Si Diana at ang kanyang nakababatang kapatid na si Emmanuel, ang mga unang sumapi sa Simbahan. Bago iyon, sabi ni Diana, madalas magtalo ang kanyang pamilya. Alam niyang hangad ng kanyang mga magulang ang pinakamainam para sa kanilang magkakapatid, ngunit sila ay istrikto.
“Mas nadama namin ang takot kaysa pagmamahal kay Itay,” sabi niya.
Ilang buwan pagkatapos siyang mabinyagan, ang kanyang ama at kuyang si Richard, ay sumapi sa Simbahan, at pagkatapos ng mahigit isang taon ay sumunod ang kanyang ina.
“Nagbago ang tatay ko,” sabi ni Diana tungkol sa pagbabalik-loob ng kanyang ama. “Kapag nakagawa kami ng mali, kakausapin niya kami tungkol dito. Dumalang na ang aming pagtatalo. Mas may pagkakasundo na sa aming tahanan.”
Ang pakikipagtipan na susundin si Jesucristo ay nagpalapit sa kanila sa Kanya at sa bawat isa. Iisa ang kanilang layunin: ang maging isang walang hanggang pamilya. Isang taon pagkaraang mabinyagan ang ina ni Diana, nabuklod ang pamilya sa templo.
“Napakagandang karanasan niyon,” sabi ni Diana. “Hindi ko maipaliwanag ang nadama ko nang lumakad kami papasok sa sealing room at nakita roon ang aking mga magulang. Ayaw kong umalis.”
Pagkatapos, lalong lumakas ang hangarin ng pamilya na sundin ang mga kautusan upang sila ay maging walang hanggang pamilya. Wala pang isang linggo bago namatay ang tatay ni Diana, nagturo ang ama ng lesson sa family home evening tungkol sa pagkakaisa sa pagtupad sa kanilang mga tipan upang magkasama-sama sila magpasawalang-hanggan. “Walang sinumang nakatitiyak sa mangyayari bukas,” sabi ng ama. “Kailangang handa tayo para kung may mamatay sa atin, maaari pa tayong magkasama-sama.”
Ang Pagtupad sa mga Tipan ay Nagpapabago ng mga Puso
Natutuhan ni Diana kung paanong sa pagtutulungan na tupdin ang mga tipan ng ebanghelyo ay maaaring magkasama-sama ang pamilya, at nagpapasalamat siya na nalaman niya ito bago pa maging huli ang lahat.
Ang huling sinabi ng tatay ni Diana sa kanya nang papunta na siya sa paaralan noong araw na mamatay ito ay, “Te quiero mucho, Dianita.” (Mahal na mahal kita, munting Diana.)
May tiwala si Diana sa pangako ng Panginoon na ang kanyang pamilya ay maaaring magkasama-samang muli kung patuloy nilang tutuparin ang kanilang mga tipan.
“Nakita ko kung paano kami lalong pinaglapit ng Ama sa Langit dahil sa pagsunod sa Tagapagligtas,” sabi niya. “Kailangan kong maniwala na tutuparin din Niya ang Kanyang pangako na maaari tayong magkasama-sama magpakailanman kung susundin natin ang mga utos.”
“Alam kong maaaring maging walang hanggan ang ating mga pamilya; salamat sa banal na plano.
“Alam kong maaari nating makamtan ang walang hanggang kaluwalhatian na ipinapangako ng ating Ama sa Langit. Tanging sa pagtitiis hanggang wakas, pagtutuon ng ating mga puso sa mga bagay na ukol sa Diyos, at pagtutulungan natin makakamtan ang ating mithiin na maging walang hanggang pamilya.”