2010
Para sa Isa at para sa Lahat
Agosto 2010


Para sa Isa at para sa Lahat

Alam ng mga kabataan sa Frankfurt Germany kung paano manindigan nang sama-sama at, kung kinakailangan, manindigan nang mag-isa.

Nang tumayo si Charlotte Baumann para magpatotoo sa katapusan ng youth conference ng Frankfurt Germany Stake, ikinuwento niya ang isang karanasan, at marami sa mga kabataan ang nakaugnay dito.

“Tinatalakay sa klase namin sa biology ang tungkol sa epekto ng alak sa katawan,” sabi niya. “Sinabi ko na lason ang alak, lason sa ugat, at iniinom lang ito ng mga tao dahil akala nila ay nakakapagpasaya ito. Hindi iyon maintindihan ng klase, pagkatapos nagbigay ako ng opinyon tungkol dito, at doon na sila nagsimulang magtanong. Tinanong ako ng isang lalaki kung kapareho ba ng sa mga Mormon ang ideya ko, at ang sabi ko, ‘Ang totoo, Mormon ako.’ Noong una ayaw niya akong paniwalaan, at naisip ko na nakakatawa naman iyon.”

Nagpatuloy ang mga pagtatanong, hanggang sa pasilyo matapos ang klase, at doon may pumasok sa isip ni Charlotte. “Bigla kong naalala na may maikling bersyon ako ng Para sa Lakas ng mga Kabataan at ipinasa-pasa ko ito at ipinabasa sa kanila. Palagay ko may mga nakaintindi sa akin, at siguro kahit paano may epekto iyon sa isa o ilan pa sa kanila.”

Tulad ni Charlotte, laging inaabangan ng ibang kabataan sa Frankfurt Germany Stake ang youth conference at iba pang mga aktibidad na nagbibigay sa kanila ng mga pagkakataong magbahagi ng mga karanasang tulad nito. Dito sila nagkakasama-sama, nagkakasayahan, at espirituwal na napalalakas ang isa’t isa, dahil sa ibang mga pagkakataon kinakailangang manindigang mag-isa ang karamihan sa kanila.

Magkakasamang Naninindigan

Sa youth conference, na ginanap malapit sa Frankfurt Germany Temple, umaayon ang lahat na ang pinakatampok na bahagi ng conference ay ang espirituwal na lakas na natatanggap nila sa pamamagitan ng pag-aaral ng ebanghelyo, pagpunta sa templo, at pagbabahagi ng patotoo.

Nadarama ni Benjamin Uhlig na kailangan ng mga kabataan na manindigan sa ganitong paraan. “Isa tayong komunidad, at magkakasama tayong nakikipaglaban sa panahong puno ng kasamaan. Pumapasok tayo sa eskwela, at maraming bagay na umaagaw ng ating atensyon. Nagkalat ang masasamang impluwensya. Pero ang kabataan ang ating suporta. Magkakasama tayong lalaban bilang kabataan para sa gawain ng Panginoon, at para sa akin napakaganda niyan.”

Kapag iniisip ni Ida Uhlig ang mga kaibigan niya sa Simbahan, iniisip din niya ang templo. Malapit lang ang ward niya sa templo, kaya regular silang nakapagsasagawa doon ng binyag para sa mga patay. “Palagay ko kapag pumipili ka ng mga kaibigan, kailangang piliin mo iyong mga tunay na kaibigan na puwede mo ring pamarisan. Kasama mo ang mga kaibigan mo sa templo, at magkakasama kayong nagkakaroon ng espirituwal na karanasan doon.”

“Lagi akong masaya kapag nagpapabinyag ako para sa mga patay,” sabi ni Michael Fiedler, “dahil, siyempre, nakakatulong ka sa mga taong iyon. Ang templo ang laging pinakatampok sa youth conference dahil lahat ng bagay na ginagawa natin ay doon patungo.”

Mag-isang Naninindigan

Ang lakas na natatanggap ng mga kabataang ito sa isa’t isa ay nagdaragdag sa kanilang patotoo sa ebanghelyo, na kung minsan ay araw-araw na nasusubukan sa eskuwelahan at sa iba pang pagkakataon. Karaniwan na sa kanila ang panindigan ang mga pamantayan ng Simbahan.

“Ako lang ang miyembro ng Simbahan sa grado ko,” sabi ni Jonatan Fingerle. “At ngayon kahit saan ako pumunta, lagi kong iniisip na ako ‘ang Mormon.’ Nagkukuwento ako tungkol dito at nagpapatotoo sa klase, sa harap ng klase ko sa ethics, kung saan wala talagang naniniwala sa kahit anong ebanghelyo. Ang maganda lang dito kapag tapos na ang klase, maski sa oras ng pahinga, lumalapit ang mga tao at tinatanong ako, at talagang naipapakita ko ang aking patotoo.”

Kung minsan nakakalungkot din na mag-isa ka lang na sumusunod sa mga pamantayan ng Simbahan. Si Vincent Newsome ay madalas mag-isang naninindigan sa pagsunod sa batas ng kalinisang-puri. “Nagtataka ang mga kaibigan ko sa eskuwelahan na malinis pa rin ang puri ko, dahil hindi iyon normal sa kanila, at bata pa lang sila iba na ang itinuturo sa kanila ng mga magulang nila. May mga nanay na isinasama ang kanilang mga anak na babae sa gynecologist kapag 14 na taon na sila at inihihingi sila ng reseta para sa birth control.”

Pero alam ni Vincent ang kapangyarihan na nagmumula sa pagsunod sa mga kautusan ng Panginoon. “Mas pinatatatag ako ng pagsunod sa batas ng kalinisang puri. Puwede namang gumaya ka na lang, pero wala kang mapapala roon, dahil kung bibigay ka at gagawin ang karaniwang ginagawa ng mga tao sa mundo, parang nagpapatangay ka na lang sa agos at hindi na pinag-iisipan ang ginagawa mo. Alam ko na mas makakabuting mamuhay nang malinis ang puri, dahil kung hindi, bababa ang espirituwalidad mo.”

Sa paninindigan sa mga pamantayan ng Simbahan, kung minsan posible ring maging kakampi ang mga kaaway. Noong bago pa lang siya sa kanyang eskuwelahan, ginugulo at nilalait si Carina Schultes ng ibang kamag-aral. “Hindi nila matanggap na may relihiyon ako, may mga pamantayan ako, na hindi ako naninigarilyo, hindi umiinom ng alak. Noong una hindi nila maintindihan iyon, pero mabuti na lang pagkaraan ng apat na taon natanggap na nila ito at ang saya talaga na sinusuportahan nila ako at pinagsabihan ang iba na tigilan na ako.”

Nakahanap ng Lakas

Maaari tayong mapalakas sa iba’t ibang paraan. Nakahanap si Benjamin Rumbach ng lakas sa kanyang paboritong banal na kasulatan, ang 1 Nephi 3:7. “Ipinapakita lang niyan ang determinasyon ni Nephi at ang tapang na handa niyang taglayin para sa ebanghelyo. Nakatutulong ito sa akin kapag kailangan ko ng lakas para masunod ang mga kautusan at mas mapaglabanan ang mga tukso. Alam kong kaya kong sundin ang bawat kautusan kung talagang gugustuhin ko.”

Para kay Charlotte Baumann, ang lakas ay nagmumula sa wallet-sized na card na Para sa Lakas ng mga Kabataan: “Kung minsan hindi mo alam kung paano ipaliwanag ang isang bagay, pero may sinasabi rito tungkol sa lahat ng paksang mahalaga sa mga kabataan. At ang laking tulong niyan. Talagang napansin ko na mahalagang lagi kong panindigan ang mga prinsipyo ko, kahit na iniisip ng mga tao na kakatwa ito o mahirap maintindihan, at mas nagpapalakas sa akin iyon.”

Ang lakas na nadarama ni Ida Uhlig sa youth conference at sa templo ay nagpapasigla sa kanya. “Madalas kong madama ang Espiritu Santo. Mismong sa youth conference na ito, napapasaiyo ang Espiritu, at madarama mo ito sa templo. Nagpapasalamat ako kay Jesus, at magiging napakasaya ko na makasama Siyang muli,” sabi niya.

At para kay Carina Schultes, katatagan at panalangin ang patuloy na nagpapalakas sa kanya: “Natutuhan ko na kahit maraming tukso sa paligid mo, hindi ka dapat magpadaig. Kailangang palagi kang matatag, mahigpit na nakakapit sa salita ng Diyos para hindi ka matukso. Sa Doktrina at mga Tipan 88:126, sinasabi rito na dapat lagi tayong nagdarasal. Kapag may mga problema tayo o kailangan natin ng tulong, makatatanggap tayo ng sagot.”

Magkakasama man o mag-isang naninindigan, ang mga kabataan sa Frankfurt Germany Stake ay nakatitipon ng lakas sa ebanghelyo ni Jesucristo. At ang lakas na ito ang magpapanatili sa kanila sa ligtas na kalagayan habambuhay.

Charlotte: “Bigla kong naalala na ako ay may … Para sa Lakas ng mga Kabataan at ipinasa-pasa ko ito at ipinabasa sa kanila.”

Benjamin U.: “Magkakasama tayong lalaban bilang kabataan para sa gawain ng Panginoon, at para sa akin napakaganda niyan.”

Ida: “Palagay ko kapag pumipili ka ng mga kaibigan, kailangang piliin mo iyong mga tunay na kaibigan na puwede mo ring pamarisan. Kasama mo sa templo ang mga kaibigan mo, at magkakasama kayong nagkakaroon ng espirituwal na karanasan doon.”

Michael: “Ang templo ang laging pinakatampok sa youth conference dahil lahat ng bagay na ginagawa ay doon patungo.”

Jonatan: “Ako lang ang miyembro ng Simbahan sa grado ko. At ngayon kahit saan ako pumunta, lagi kong iniisip na ako ‘ang Mormon.’ Nagkukuwento ako tungkol dito at nagbabahagi ng patotoo sa klase, sa harap ng klase ko sa ethics, kung saan walang naniniwala sa kahit anong ebanghelyo.”

Vincent: “Nagtataka ang mga kaibigan ko sa eskuwelahan na malinis pa rin ang aking puri, dahil hindi iyon normal sa kanila, at bata pa lang sila iba na ang itinuturo sa kanila ng mga magulang nila.”

Carina: “Natutuhan ko na kahit maraming tukso sa paligid mo, hindi ka dapat magpadaig.”

Isang tanawin mula sa Friedrichsdorf, Germany, malapit sa Frankfurt.

Pasquele

Benjamin R.

Ang pagbabasa tungkol sa Unang Pangitain sa Joseph Smith—Kasaysayan 1:15–24 ay nakatulong kay Benjamin na maipaliwanag sa isang tao ang Pagpapanumbalik.

Mga paglalarawan ni David A. Edwards

Nakakita Ako ng Liwanag, ni Jon McNaughton