2010
Si Jesucristo ang Anak ng Diyos, at Siya ay Diyos ng mga Himala
Agosto 2010


Oras ng Pagbabahagi

Si Jesucristo ang Anak ng Diyos, at Siya ay Diyos ng mga Himala

Ginagamit ng maraming pintor ang kanilang kaalaman at pananampalataya kay Jesucristo at kanilang kasanayan para maiguhit ang Kanyang mga larawan. Ang kanilang mga iginuhit ay makakatulong sa paglago ng ating pananampalataya at pagkaunawa kay Jesus. Kapag nagbabasa tayo ng mga banal na kasulatan, puwede nating gamitin ang ating imahinasyon, tulad ng ginagawa ng mga pintor, para tulungan tayong maunawaan ang itinuturo ni Jesus.

Sa Bagong Tipan makikita ninyo ang mga kuwento tungkol sa mga himalang ginawa ni Jesus noong narito pa Siya sa mundo. Isa rito ang nasa Marcos 4:35–39. Basahin ang kuwento; pagkatapos ay isipin na kunwari nasa bangka kayo kasama si Jesus at Kanyang mga disipulo sa Dagat ng Galilea. Kunwari ay may malakas na unos. Gumegewang-gewang ang barko, umuugong ang hangin, at nagsasalpukan ang tubig sa paligid ninyo. Isipin kung ano kaya ang maiisip at madarama ninyo. Ngayon isiping nakikita ninyo ang mga disipulo habang ginigising nila si Jesus. Isipin kung ano kaya ang tono ng tinig ng Panginoon nang bumangon Siya at nagsabing, “Pumayapa, tumahimik ka.” Isipin ninyo ang hitsura ng dagat nang huminto sa pag-ihip ang hangin at ang pagkamangha ng mga disipulo nang sumunod kay Jesus ang hangin at dagat.

Paano nakatulong sa inyo ang pagbabasa at pag-iisip tungkol sa kuwentong ito na lalong sumampalataya kay Jesucristo?

Tayo man ay maaari ding maging mga pintor at ipakita ang pananampalataya at pagkaunawa natin tungkol kay Jesus sa pamamagitan ng pagguhit ng mga larawan ng mga himalang ginawa Niya at sa paggamit ng ating mga larawan sa pagtuturo sa iba ng tungkol sa ating natutuhan.

Agosto 2010 Journal Tungkol sa mga Banal na Kasulatan

Basahin ang 2 Nephi 27:23.

Manalangin sa Ama sa Langit para malaman na si Jesucisto ay “Diyos ng mga himala.”

Isaulo ang 2 Nephi 27:23.

Pumili ng isa sa mga aktibidad na ito, o lumikha ng sariling iyo:

  • Tulungan ang isang tao na isaulo ang 2 Nephi 27:23.

  • Mag-isip ng kuwento sa banal na kasulatan tungkol sa isa pang himala ni Cristo. Isipin kung ano kaya ang hitsura nito; pagkatapos ay idrowing ang mga nangyari. Ibahagi ang kuwento at ang iyong mga larawan sa family home evening.

  • Ibahagi ang iyong patotoo tungkol kay Jesucristo sa pamamagitan ng pagsasaulo ng banal na kasulatan para sa buwang ito at bigkasin itong muli sa isang tao.

  • Ang mga larawan sa pahina 63 ay nagpapakita kung paano inilarawan ng pintor sa kanyang isipan ang himala ng pagpapatigil ni Jesus sa unos. Gupitin ang mga larawan, at idikit ito sa mas makapal na papel. Gamitin ang mga larawan sa pagkukuwento mo sa oras ng family home evening o sa isang kaibigan.

Paano nakatutulong ang iyong nagawa para maunawaan mo ang 2 Nephi 27:23?

Isulat sa iyong journal ang ginawa mo.

Paglalarawan ni Craig Dimond; mga paglalarawan ni Paul Mann