Iniligtas ni Reyna Esther ang mga Tao ni Jehova
Kinakabahang naglakad si Esther papasok sa malaking palasyo sa Susan. Nakasabit ang magagandang bandera sa matataas na haligi. Ang marmol na sahig ay kulay pula, asul, itim, at puti. Maging ang mga basong gamit sa pag-inom ay yari sa ginto. At nakita niyang nakaupo ang hari sa kanyang malaking trono.
Si Haring Assuero ang namumuno sa buong Persia. Ipinag-utos niya na dalhin sa palasyo ang pinakamagagandang dalaga sa kaharian para makapili siya ng bagong reyna. Isa si Esther sa magagandang dalagang iyon.
Si Esther ay pinalaki ng kanyang pinsan na si Mardocheo, nang mamatay ang kanyang mga magulang. Sinabi ni Mardocheo kay Esther na huwag sabihin kahit kanino sa palasyo na siya ay isang Judio. Ang mga Judio ay naniniwala kay Jehova, ngunit hindi naniniwala ang hari.
Nang makita ni Haring Assuero si Esther, pinili niya ito nang higit kaysa iba pang kadalagahan. Siya ang ginawa niyang bagong reyna. Ngayon si Esther ay magsusuot na ng mamahaling kasuotan at ng korona ng reyna. Ngunit hindi na siya makababalik sa kanyang tahanan o hayagang makasasamba sa Diyos.
Araw-araw na pumupunta si Mardocheo sa pintuan ng palasyo para alamin kung maayos ang kalagayan ni Esther. Isang araw nakita siya ni Aman, ang punong ministro ng hari. Inutusan ni Aman si Mardocheo na yumukod sa kanya. Ngunit tumanggi si Mardocheo. Sa Diyos lamang siya yumuyukod.
Nagalit si Aman. Sinabi niya sa hari na ayaw sundin ng mga Judio ang mga batas at dapat silang patayin. Nagpalabas ng utos ang hari na ipapapatay ang lahat ng Judio sa kaharian.
Nang marinig ni Reyna Esther ang tungkol sa masamang utos na ito, nagpadala siya ng mensahe kay Mardocheo. Ano ang dapat nilang gawin?
Sinabi ni Mardocheo na kailangang kausapin ni Esther ang hari upang iligtas ang buhay ng mga Judio. Sinabi niya na may gagampanang espesyal na misyon si Esther. Marahil napili siyang reyna para mailigtas niya ang mga taong naniniwala kay Jehova.
Natakot si Esther. Ang sinumang makipagkita sa hari nang hindi inaanyayahan ay maaaring ipapatay—kahit ang reyna. Nagtipon si Esther ng lakas-ng-loob at pananampalataya. Sinabi niya kay Mardocheo na hilingin sa lahat ng Judio na samahan siya sa pag-aayuno sa loob ng tatlong araw.
Pagkatapos ng tatlong araw isinuot ni Esther ang kanyang maharlikang kasuotan at nagpunta sa pinto ng silid ng trono. Nakita siya ni Haring Assuero at sinabihan siyang lumapit at makipag-usap sa kanya. Inanyayahan ni Esther ang hari at ang kanyang ministrong si Aman sa isang piging o salu-salo.
Sa piging sinabi ni Esther sa hari kung paanong binalak ni Aman na patayin ang mga Judio. Sinabi niyang siya ay isa ring Judio. Galit na galit si Haring Assuero. Hindi na niya mabawi ang utos, ngunit mabilis siyang nagpadala ng bagong utos sa mga sugong sakay ng mga kabayo at kamelyo. Nakasaad doon na maaaring ipagtanggol ng mga Judio ang kanilang sarili sa sinumang magtatangkang pumatay sa kanila. Naligtas ang buhay ng maraming Judio.
Ipinagdiwang ng mga Judio sa buong lupain ang katapangan ni Reyna Esther sa pamamagitan ng isang piging na tinawag na Purim.