2010
Ang French Horn ng Kuya Ko
Agosto 2010


Ang French Horn ng Kuya Ko

Sandy Lauderdale Cane, Missouri, USA

Lumaki akong naririnig ang pagsasanay ng kuya ko sa pagtugtog ng kanyang French horn. Sa paglipas ng mga araw, at ng mga taon, ang tunog ng kanyang torotot ay dinig na dinig mula sa aming bahay. Naririnig ko na ito kahit ilang kanto pa ang layo ko kapag naglalakad pauwi mula sa paaralan.

Kung may makikipagtalo, tiyak na igigiit ko na ang kuya ko ang pinakamahusay tumugtog ng French horn. Gayunpaman, kung minsan ikinahihiya ko ang palagian niyang pagtugtog, at minsan ay hiniling ko kay Inay na patigilin siya sa pagtugtog. Dala-dala pa niya ang kanyang French horn kapag nagbabakasyon!

Makaraan ang ilang taon napunta kaming magkapatid sa isang paligsahan sa musika sa hilagang California sa kampus ng isang malaking unibersidad na noon ko lang napuntahan. Habang naroon, ang grupo ng mga mang-aawit sa aming hayskul ay nakakuha ng mataas na puntos, na ibig sabihin ay muli kaming magtatanghal sa araw na iyon. Sinabi sa amin kung saan at anong oras kami magkikita-kita, at naghiwa-hiwalay na kami. Di nagtagal mag-isa na lang akong nakatayo sa gitna ng kampus na tinitingnan ang lahat ng matataas na gusali. Wala akong makitang kakilala, at natandaan ko ang sinabi ni Inay na gawin ko kung sakaling maligaw ako: “Huwag kang aalis sa iyong kinaroroonan.”

Hindi nga ako umalis pero hiyang-hiya akong magtanong ng direksiyon; at isa pa, hindi ko alam kung saan ako pupunta. Wala akong matandaan sa sinabi sa amin kung saan o anong oras kami magkikita-kita. Ngunit biglang pumasok sa isip ko na hingin ang tulong ng Ama sa Langit. Hindi pa ako miyembro ng Simbahan noon, pero palagi na akong nagsisimba kasama ng mga kaibigan kong mga Banal sa mga Huling Araw at naituro na sa akin na sinasagot ng Ama sa Langit ang mga panalangin.

Kaya tumayo ako roon at tahimik na nanalangin sa aking puso. Bago pa ako nakapagsabing amen, nagulat ako sa narinig ko. Doon sa malayo, sa katahimikan, narinig ko ang pamilyar na tunog—isang tunog na halos buong buhay kong naririnig. Habang naglalakad ako papunta sa pinagmumulan ng tugtog, lalo itong lumakas. French horn kaya ng kuya ko iyon? Siguradung-sigurado ako.

Pero biglang tumugtog ang iba pang mga French horn. Nag-atubili ako. Sa tingin ko ba talagang masasabi ko kung alin sa lahat ng mga torotot na iyon ang sa kuya ko? Gayunman, sa tuwing magdududa ako, naririnig ko ang kanyang torotot, na para bang tumatawag sa akin. Sa pagpasok ko sa gusali, pag-akyat sa hagdan, at mas napalapit sa tugtog, natakot ako. Ang kaisipan na baka maling pinto ang mabuksan ko at hindi ko kilala ang naroon ay nagpapula sa mukha ko. Nang makarating ako sa ikatlong palapag, minsan pa akong nakinig, nagdesisyon, huminga nang malalim, at binuksan ang pinto. Siya nga!

Isinusugo ng Ama sa Langit ang Kanyang Espiritu upang turuan tayo, magpatotoo sa atin, protektahan tayo, at gabayan tayo tungo sa kaligtasan kapag nadarama nating mag-isa tayo at napag-iwanan. Nakikilala natin ang Kanyang tinig kapag madalas nating marinig ito at nagiging pamilyar tayo rito kung kaya’t makikilala natin ito sa gitna ng maraming iba pang tinig na magliligaw sa atin.

Hindi natin dapat ikahiya ang Kanyang tinig o mag-atubili sa pagsunod dito. Kung hihingin natin ang tulong ng Ama sa Langit at pagkatapos ay makikinig, handang sumunod, alam kong maririnig natin Siya.