2010
Mga Ideya para sa Family Home Evening
Agosto 2010


Mga Ideya para sa Family Home Evening

Ang isyung ito ay naglalaman ng mga artikulo at aktibidad na maaaring gamitin para sa family home evening. Narito ang ilang halimbawa.

“Pagiging Karapat-dapat na Pumasok sa Templo,” pahina 12: Bilang bahagi ng aralin, maaari ninyong talakayin ang mga paksa tungkol sa temple recommend na nakalista sa artikulo. Anyayahan ang mga kapamilya na pag-isipan ang mga paksang iyon habang binabasa ninyo ang mga ito. Hikayatin ang bawat isa na maging karapat-dapat sa pagsamba sa templo.

“Makita ang Ating mga Sarili sa Panaginip ni Lehi,” pahina 26. Repasuhin ang artikulo kasama ang inyong pamilya. Sa pagtatapos, hiniling ni Pangulong Boyd K. Packer, Pangulo ng Korum ng Labindalawang Apostol, na muli nating basahin ang 1 Nephi 8 at ang iba pang mga talata sa Aklat ni Mormon na nagtuturo ng plano ng kaligtasan. Isiping basahin ang mga banal na kasulatang ito at pag-isipan ang pangakong ibinigay ni Pangulong Packer.

“Inilagay Siya ng Panginoon sa Aming Daraanan,” pahina 48: Habang binabasa ninyo ang kuwentong ito, anyayahan ang inyong pamilya na pakinggan at pagkatapos ay talakayin kung bakit ipinasiya ng lalaki sa kotse na makinig sa mga aralin ng misyonero. Isiping magdula-dulaan o talakayin ang mga paraan na makakakilos na tulad ng Tagapagligtas sa iba’t ibang sitwasyon.

“Isang 10-Taong Gulang na Titser,” pahina 58: Matapos ibahagi ang kuwento, isiping anyayahan ang mga kapamilya na mag-isip ng mga pagkakataon na maaari silang maging titser at kung anong mga paksa ng ebanghelyo ang gugustuhin nilang ituro. Upang mabigyan sila ng pagkakataong makapagsanay sa pagtuturo, maaari kayong gumawa ng iskedyul na magtutulot sa mga kapamilya na magturo sa family home evening o iba pang mga pagkakataon.

Lumalagong mga Patotoo—at Pondo sa Misyon

Matapos marinig ang mga lider ng Simbahan na hinihikayat ang mga kabataan na mag-ipon para sa mga full-time mission, nagdaos kami ng espesyal na family home evening kasama ang dalawa naming anak, ang 10-taong-gulang na si Allana at ang 7-taong-gulang na si Ulric. Tinalakay namin ang kahalagahan ng pag-iipon para sa full-time mission, pagkatapos ay binigyan namin sila ng mga alkansiya para tulungan silang magsimulang mag-ipon ng pera.

Pagkaraan ng gabing iyon nakakagulat kung paano nakapag-ipon ng pera. Iniipon at itinatabi ni Ulric ang bawat baryang makita niya; iniipon ng dalawang bata ang lahat ng perang natatanggap nila mula sa mga kamag-anak. Sa unang tatlong buwan nakapag-ipon si Ulric ng sapat na perang panggastos sa unang buwan ng kanyang misyon, at halos ganoon din ang naipon ni Allana. Tiniyak din ng mga bata na binabayaran nila ang ikapu ng perang natatanggap nila, at maraming pagpapala ang natanggap ng aming pamilya habang lumalalim at lumalago ang kanilang mga patotoo sa paglilingkod at pagsasakripisyo.

Luiz at Andreia Pereira, São Paulo, Brazil

Ang Paborito Ninyong Family Home Evening

Magpadala ng paglalarawan ng inyong paboritong family home evening sa liahona@ldschurch.org.