Mensahe sa Visiting Teaching
Ang Ating Responsibilidad na Maging Karapat-dapat na Sumamba sa Templo
Pag-aralan ang materyal na ito, at kung angkop talakayin ito sa mga kapatid na binibisita ninyo. Gamitin ang mga tanong upang tulungan kayong patatagin ang mga kapatid at gawing aktibong bahagi ng inyong buhay ang Relief Society.
Mula sa mga Banal na Kasulatan
“Ang mga tipang ginagawa natin kaugnay ng mga ordenansang tinatanggap natin sa templo ay nagiging katibayan ng ating pagkamarapat na makapasok sa kinaroroonan ng Diyos. Iniaangat tayo ng mga tipang ito nang higit pa sa ating kakayahan at pananaw. Nakikipagtipan tayo para ipakita ang ating katapatan sa pagtatayo ng kaharian. Nagiging pinagtipanang mga tao tayo kapag nakipagtipan tayo sa Diyos. Sumasaatin ang lahat ng ipinangakong pagpapala kapag tapat tayo sa mga tipang ito. …
“Ano ang magagawa ng kababaihan ng Simbahan para makamit ang mga pagpapala ng templo?
“Sa pamamagitan ng Kanyang mga propeta, inaanyayahan ng Panginoon ang lahat ng hindi pa nakatanggap sa mga pagpapala ng templo na gawin ang anumang kailangan para maging marapat na tumanggap ng mga ito. Inaanyayahan Niya ang mga tumanggap na ng mga pagpapalang ito na bumalik nang madalas hangga’t maaari para madamang muli ang magandang karanasan, at lumawak ang kanilang pananaw at pag-unawa sa Kanyang walang hanggang plano.
“Maging marapat tayong magkaroon ng current temple recommend. Pumunta tayo sa templo para mabuklod ang ating pamilya nang walang hanggan. Bumalik tayo sa templo nang madalas hangga’t maaari. Bigyan natin ang mga pumanaw nating kamag-anak ng pagkakataong matanggap ang mga ordenansa ng kadakilaan. Tamasahin natin ang espirituwal na lakas at paghahayag na natatanggap natin kapag regular tayong pumapasok sa templo. Manalig tayo at gumawa at tuparin ang mga tipan sa templo para matanggap ang buong pagpapala ng Pagbabayad-sala.”1
Silvia H. Allred, unang tagapayo sa Relief Society general presidency.
Mula sa Ating Kasaysayan
Itinuro ni Pangulong Gordon B. Hinckley (1910–2008) na lumago ang Relief Society dahil sa hangarin ng kababaihan na sumamba sa mga templo:
“Noong itinatayo ang Kirtland Temple sinabihan ang kababaihan na durugin ang kanilang mga babasaging kasangkapan o porselana upang ihalo sa plaster na gagamitin sa mga pader ng templo, at pagtama dito ng liwanag ng araw at ng buwan, ito ay magkikislapan na siyang magpapaganda sa anyo ng gusali.
“Noong panahong iyon, na kakaunti lang ang salapi ngunit sagana sa pananampalataya, ibinigay ng mga manggagawa ang kanilang lakas at kabuhayan sa pagtatayo ng bahay ng Panginoon. Ang kababaihan ang nagtustos sa kanila ng pagkain, ng pinakamasarap na maihahanda nila. Iniulat ni Edward W. Tullidge na habang tinatahi ng kababaihan ang mga tabing ng templo, si Joseph Smith, na nakamasid sa kanila, ay nagsabing, ‘Mga kapatid, nariyan kayong lagi. Ang kababaihan ay laging nangunguna at pinakauna sa lahat ng mabubuting gawa. Si Maria ang una na nakakita sa pagkabuhay na mag-uli; at ang kababaihan naman ngayon ang unang nakapagtrabaho sa loob ng templo.’ …
“Muli sa Nauvoo, noong kasalukuyang itinatayo ang templo, nagsama-sama ang ilang kababaihan para gumawa ng mga polo para sa mga manggagawa. Sa ganitong mga kalagayan nagtipon ang dalawampu sa kanila noong Huwebes, ika-17 ng Marso 1842, sa silid sa itaas ng tindahan ng Propeta.”2
Ano ang Magagawa Ko?
-
Ano ang maibibigay kong suporta upang matulungan ang aking mga kapatid na maghanda para sa at pumunta sa templo?
-
Paano ko maipapakita ang pamana ng mga naunang kababaihan na nagsakripisyo upang matanggap ang mga pagpapala ng templo?
-
Paano ko makakamtan ang mga pagpapala ng templo?